Mangingitian Mo ba ang Isang Buwaya?
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA INDIA
NAISIP mo na bang ngitian ang isang buwaya? Sa isang bersiyong pangmusika ng kuwentong pambata na Peter Pan, ibinigay ng tauhang si Captain Hook ang kaniyang dahilan kung bakit ipinayo niya na, “Huwag kailanman ngitian ang isang buwaya.” Sinabi niya na ang buwaya ay “nagbabalak lamang na lamunin ka”!
Bagaman totoo na sa maraming uri ng buwaya sa buong daigdig, may ilan na kumakain ng tao, “bihira lamang itong mangyari . . . anupat hindi karaniwang maituturing na kumakain ng tao ang mga buwaya.” (Encyclopædia Britannica) Bagaman para sa ilang tao ay pangit at nakatatakot na mga nilalang ang mga buwaya, kawili-wili naman ang mga ito sa iba. Suriin natin ang tatlong uri na katutubo sa India—ang mga buwayang saltwater, mugger, at gavial.
Ang Malaking Buwayang “Salty”
Ang mga buwayang saltwater, o buwayang-wawa—ang pinakamalaki sa mga reptilya sa lupa—ay maaaring humaba nang 7 metro o higit pa at maaaring tumimbang nang hanggang 1,000 kilo. Palibhasa’y namumuhay lamang sa tubig-alat, matatagpuan ang mga ito sa wawa ng ilog, karagatan, at mga latian na maraming bakawan sa kahabaan ng mga baybayin mula sa India pasilangan hanggang sa Fiji. Yamang kumakain sila ng karne, naninila sila ng mga daga, palaka, isda, ahas, alimango, pagong, at usa—ngunit kaunti lamang; ang katamtamang pagkain na kailangan ng malalaking lalaking buwaya ay 500 hanggang 700 gramo lamang sa isang araw. Dahil sa simpleng istilo ng pamumuhay na pagbibilad sa araw o paglutang lamang sa tubig at dahil din sa mahusay na sistema ng panunaw nito, kaunti lamang ang kailangan nilang lakas. Kung minsan, maaaring salakayin ng malaking buwayang “salty” ang isang walang kamalay-malay na tao. Lumalangoy ang mga buwayang salty sa pamamagitan ng pagwasiwas sa kanilang buntot, habang nakalubog sa tubig ang kanilang katawan at ang nakalutang lamang ay ang kanilang mga butas ng ilong at mga mata, at lumalakad din sila sa pamamagitan ng kanilang maiiksing paa. Makalulundag sila upang humuli ng makakain at kilala rin silang mabilis tumakbo kung minsan kapag naninila. Tulad ng lahat ng buwaya, mayroon silang mahusay na pang-amoy, paningin, at pandinig. Mabagsik magbantay ng teritoryo ang lalaking buwayang salty kapag panahon ng pagpaparami, at gayundin kabagsik ang babaing buwayang salty kapag binabantayan nito ang kaniyang mga itlog.
Debotong mga Ina
Gumagawa ng pugad ang babaing buwaya malapit sa katubigan, na karaniwan nang isang bunton ng nabubulok na pananim at putik. Nangingitlog siya ng mahigit sa 100 biluhabang itlog na may matitigas na balat, tinatabunan ang mga ito, at binabantayan laban sa mga maninila. Pagkatapos, sinasabuyan niya ng tubig ang pugad upang mabilis na mabulok ang nakatakip na pananim, anupat pinatitindi ang init upang madaling mapisa ang mga itlog.
Nagaganap ngayon ang kawili-wiling bagay. Nakasalalay ang kasarian ng mga inakay sa temperatura ng kinaroroonan ng mga itlog. Isipin ito! Kapag ang temperatura ay nasa pagitan ng 28 at 31 digri Celsius, mga babaing inakay ang mapipisa sa loob ng mga 100 araw; subalit kapag ang temperatura ay 32.5 digri Celsius, mga lalaki ang mapipisa sa loob ng 64 na araw. Ang mga itlog naman na nakabaon sa temperaturang nasa pagitan ng 32.5 digri Celsius at 33 digri Celsius ay maaaring maging alinman sa lalaki o babae. Ang isang pugad na mas malamig ang kalahating bahagi dahil nasa tabi ng katubigan ay magluluwal ng mga babaing inakay, samantalang ang kalahati naman na mas mainit dahil nakahantad sa sikat ng araw ay magluluwal ng mga lalaking inakay.
Kapag may narinig nang huni ang ina, tinatanggal niya ang takip ng pugad, anupat kung minsan ay binabasag pa nga ang mga itlog kung hindi pa ito nabasag ng mga inakay sa pamamagitan ng kanilang pantanging ngipin na pambasag ng itlog. Marahan niyang binubuhat ang mga ito sa kaniyang malalaking panga at dinadala ang mga ito sa supot sa ilalim ng kaniyang dila patungo sa tabi ng katubigan. Nakapamumuhay nang mag-isa ang mga inakay at agad naghahanap ng mga insekto, palaka, at maliliit na isda. Gayunman, kung minsan ay nananatiling nagbabantay sa loob ng ilang buwan ang mapagkalingang mga ina, anupat gumagawa ng dakong alagaan sa mga latian, kung saan maaaring tumulong ang ama sa pag-aalaga at pagsasanggalang sa mga inakay.
Ang Buwayang Mugger at ang Buwayang Gavial na Mahaba ang Nguso
Ang buwayang mugger, o buwayang-latian, at ang gavial ay matatagpuan lamang sa subkontinente ng India. Ang mugger—na matatagpuan sa tubig-tabang ng mga latian, lawa, at mga ilog sa buong India—ay apat na metro ang haba at mas maikli kaysa sa buwayang saltwater. Hinuhuli nito ang maliliit na hayop sa pamamagitan ng malalakas na panga nito, nilulunod ang mga ito, at iwinawasiwas upang magkahiwa-hiwalay ang mga laman na maaaring kainin.
Paano nagtatagpo ang mga mugger para magparami? Kapag naghahanap ng kapareha, inihahampas ng lalaki ang mga panga nito sa tubig at umuungol. Pagkatapos ay tutulong siya sa babaing buwaya sa pagbabantay sa pugad, sa pagpapalabas sa mga inakay mula sa kanilang mga itlog, at mananatiling kasama nila sa loob ng ilang panahon.
Ang pambihirang gavial, na hindi tunay na buwaya, ay kakaiba sa ilang paraan. Madali itong makikilala dahil sa napakahahaba at makikitid na panga nito, na tamang-tamang panghuli ng isda—ang pangunahing pagkain nito. Bagaman kasinghaba ng buwayang saltwater, kilalang hindi kumakain ng tao ang gavial. Dahil sa madulas at halos deretsong katawan nito, mabilis itong nakalalangoy sa malalalim at malalakas ang agos na ilog sa hilagang India. May tumutubong bilog na umbok sa dulo ng nguso ng lalaking gavial kapag panahon ng pagpaparami. Dahil dito, nagiging malakas na hugong ang karaniwang hingasing nito anupat nakaaakit sa mga babaing gavial.
Ang Papel Nila sa Ekosistema
Gaano ba kahalaga ang mga buwaya sa ating kapaligiran? Kumakain sila ng bangkay ng mga isda at hayop anupat nililinis ang mga ilog at lawa, gayundin ang kalapit na mga lupain. Nakatutulong ito upang mapanatiling malinis ang sistema ng tubig. Bilang mga maninila, binibiktima nila ang mahihina, may pinsala, at masasakting kinapal. Kinakain nila ang mga isdang tulad ng mapaminsalang hito na kumakain ng mga karpa at tilapya, mga uri ng isda na pangunahin nang kinakalakal bilang pagkain ng tao.
Ang Pakikipagpunyagi Para Mabuhay
Dating pinaniniwalaan na ang mga buwaya ay umuungol na parang umiiyak upang makaakit ng biktima, at tila lumuluha kapag may nabibiktima. Ang totoo, inaalis ng mga luha ng buwaya ang labis na alat sa katawan nito. Gayunman, noong unang mga taon ng dekada ng 1970, marahil taimtim kang mapapaluha sa nangyari sa mga buwaya. Iilang libong buwaya na lamang ang nabubuhay sa India, mga 10 porsiyento ng dating dami ng mga ito. Bakit? Habang kinukuha ng mga tao ang kanilang mga tahanan, pinapatay ang mga buwaya dahil itinuturing silang banta sa mga bisiro at mahihinang alagang hayop. Nasasarapan din ang maraming tao sa karne at mga itlog ng mga buwaya. Ginagamit sa paggawa ng pabango ang sangkap sa mga glandula ng mga buwaya. Bukod dito, umuunti ang bilang ng mga buwaya dahil sa paggawa ng mga dam at dahil sa polusyon sa tubig. Ngunit marahil ang pinakadahilan ng muntik na pagkalipol ng mga ito ay ang paggamit sa kanilang mga balat. Magaganda, matitibay, at lubhang kanais-nais ang mga sapatos, bag, maleta, sinturon, at ibang mga bagay na yari sa balat ng buwaya. Nananatili pa rin ang mga bantang ito, ngunit ang mga hakbang na ginawa para mapangalagaan ang mga buwaya ay lubhang matagumpay!—Tingnan ang kahon sa ibaba.
Huwag Kalimutang Ngumiti!
Ngayong mas nakilala mo na ang ilang miyembro ng pamilya ng mga buwaya, ano na ang palagay mo sa kanila? Umaasa kami na anumang negatibong pangmalas ay nahalinhan ng interes sa kanila. Sa buong daigdig, maraming nagmamahal sa mga hayop ang umaasa na balang-araw ay hindi na katatakutan maging ang napakalaking buwayang salty. Kapag ang lupa ay binago na ng Maylalang ng mga reptilya, mangingitian na natin ang lahat ng buwaya.—Isaias 11:8, 9.
[Kahon/Larawan sa pahina 13]
Ang Madras Crocodile Bank
Sinimulang alagaan ang mga buwaya sa Madras Snake Park noong 1972 nang makita sa surbey na kakaunti na lamang ang mga buwayang natitira sa iláng sa ibang mga lugar sa Asia. Ang Madras Crocodile Bank ang pinakamatagal na at pinakamalaki sa mahigit na 30 sentro ng mga reptilya sa India. Itinatag ito noong 1976 ng herpetologist (tagasuri ng mga reptilya at ampibyan) na si Romulus Whitaker. Saklaw nito sa Coromandel Coast ang tatlo at kalahating ektarya, at mayroon itong 150 uri ng punungkahoy, na umaakit ng magagandang ibon at insekto.
Pinararami ang mga buwaya at mga gavial sa kulungan at pagkatapos ay pinakakawalan ang mga ito sa mga latian at mga ilog, o inililipat sa iba pang mga sentro ng pagpaparami at pananaliksik. Ang bank ay may dako na doo’y inaalagaan sa maliliit na lawa ang inakay na mga buwaya, na umaabot nang 2,500 kung minsan, at pinakakain ng pinira-pirasong isda na inilalaan ng mga mangingisda roon araw-araw. Dahil sa mga lambat sa ibabaw ng maliliit na lawang ito, hindi nadadagit ng mga ibon ang mga isda o ang mahihina pang inakay na reptilya. Habang lumalaki ang mga inakay na buwaya, inililipat ang mga ito sa mas malalaking lawa, kung saan pinakakain na sila ng buo-buong isda hanggang sa umabot sila nang tatlong taon at humaba nang 1.25 hanggang 1.5 metro. Pagkatapos ay pinakakain na sila ng tira-tirang karne ng baka mula sa malalaking kompanya na nagpapakete ng mga karne. Dati, 3 uri lamang ng buwaya na katutubo sa India ang pinararami ng bank, ngunit ngayon ay mayroon na itong 7 pang karagdagang uri at nagbabalak pang mag-alaga ng lahat ng kilaláng uri sa buong daigdig. Pinagtatalunan pa kung dapat bang gawing komersiyal ang pag-aalaga sa mga reptilya para maikalakal ang kanilang balat at karne. Sinabi ni Whitaker sa Gumising! na masarap at may mababang kolesterol ang karne ng reptilya. Dahil sa matagumpay na pangangalaga, ang dating malapit nang malipol na malalaking kinapal na ito ay dumami na ngayon anupat malapit nang sumobra sa bilang. Layunin din ng Madras Crocodile Bank, isang popular na pasyalan ng mga turista, na pawiin ang maling mga akala tungkol sa mga buwaya at pagandahin ang reputasyon ng mga ito sa publiko.
[Credit Line]
Romulus Whitaker, Madras Crocodile Bank
[Larawan sa pahina 11]
Malaking buwayang “salty”
[Larawan sa pahina 12]
Binubuhat ng babaing buwaya na “saltwater” sa kaniyang mga panga ang mga inakay niya
[Credit Line]
© Adam Britton, http://crocodilian.com
[Larawan sa pahina 12]
Buwayang “mugger”
[Credit Line]
© E. Hanumantha Rao/Photo Researchers, Inc.
[Larawan sa pahina 12]
Buwayang “gavial” na mahaba ang nguso