Masiyahan sa Jogging—Ngunit Mag-ingat sa mga Panganib!
ANG 18-taóng-gulang na lalaki ay nangailangan ng “higit pang mahahabang distansiya upang mabigyang-kasiyahan ang kaniyang paghahangad sa pagtakbo,” ulat ng pahayagan sa Alemanya na Süddeutsche Zeitung. Sa oras na 2:00 n.u. at muli sa 6:00 n.u., siya’y tatakbo ng “dalawampu’t apat na kilometro bago matulog muli, magpahinga at makontento.” Ito’y hindi na kakaibang kaso, yamang ang mga siyentipikong mananaliksik sa iba’t ibang bansa sa kasalukuyan ay nakikitungo sa mga nagjo-jogging na naging sugapa sa endorphin. Paano nagkakaroon ng gayong pagkasugapa?
Natuklasan ng mga mananaliksik na sa patuloy at mahabang pag-eehersisyo nang mabigat, ang endorphin ay nabubuo sa mga nerbiyo sa kalamnan. Ang mga endorphin ay mga endogenous (nagmumula sa loob) opiate na nagdudulot ng pagkadama ng labis-labis na kasiglahan—nagbibigay sa dibdibang mga nagjo-jogging kung minsan ng masiglang-masiglang pakiramdam. Si Wildor Hollmann, pangulo ng isang internasyonal na samahan na nagsusuri sa mga gamot para sa isport, ay nagsabi: “Kung ang mga pinagmumulan ng morpinang ito ay humahantong sa pagkasugapa o hindi ay matagal nang pinagtatalunan. Ngayon ito’y napatunayang totoo.” Kaya naman, waring may likas na panganib sa pagtakbo o pagjo-jogging nang napakahabang distansiya at, mangyari pa, sa paggawa ng anumang iba pang anyo ng labis na pag-eehersisyo.
Mayroon bang anumang iba pang panganib sa kalusugan na kaugnay ng mabibigat na gawain sa isports? Oo. Maaalaala mo pa ang salaysay tungkol sa isang mensaherong Griego na tumakbo mula sa Marathon hanggang sa Atenas mga 2,500 taon na ang nakalilipas. Ayon sa alamat, siya’y nawalan ng malay at biglang namatay pagkatapos na ihatid ang balita sa Atenas tungkol sa pananagumpay ng Griego sa mga Persiano. Naunawaan ng mga mananaliksik sa salaysay na ito ang halimbawa ng mga endorphin sa mga kalamnan. Sinasabi nila na ang mahabang yugto ng mabigat na gawain ay maaaring humantong sa kamatayan sa pamamagitan ng biglang atake sa puso dahil sa pinahihina ng mga endorphin ang pagkadama ng kirot. Halimbawa, sa ilalim ng normal na mga kalagayan ang matinding kirot sa dibdib ay magpapangyari sa isang mananakbo na huminto sa pagtakbo, na, ayon sa mga dalubhasa, sa karamihan ng mga kaso ay nagpapahintulot sa puso na pasimulan muli ang dati nitong ritmo. Subalit sa panahon ng labis na mabigat na pag-eehersisyo, pinahihina ng mga endorphin ang pagkadama ng kirot, ginagawang hindi na maintindihan ng mananakbo ang mga hudyat na dinadala ng katawan. Ito’y maaaring magdulot ng mapanganib na mga kahihinatnan.
Sa kabilang dako, ang timbang na pag-eehersisyo ay kapaki-pakinabang at ang mga endorphin na inilalabas kung minsan ay waring may mabuting epekto. Isang babae na regular na nagjo-jogging ang nagsabi: “Dati-rati’y umiinom ako ng gamot para kontrolin ang sumpong ko, pero ngayon kapag wala ako sa kondisyon, nagjo-jogging ako.” Ang mabilis na paglalakad o pagtakbo ay totoong makatutulong sa isang tao upang alisin o sa paano man mapagtiisan ang panlulumo. Ang mga endorphin ay waring may bahaging ginagampanan sa bagay na iyan. Ang pag-eehersisyo ay nagiging mapanganib lamang kapag ito’y labis-labis.—Ihambing ang 1 Timoteo 4:8.