Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 5/8 p. 15-19
  • Ligtas na Paggagalugad sa Daigdig sa Ilalim ng mga Alon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ligtas na Paggagalugad sa Daigdig sa Ilalim ng mga Alon
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Dalawang Paraan ng Paggalugad
  • Subalit Ito ba’y Talagang Ligtas?
  • Kagamitan na Kakailanganin Mo
  • Nakatutulong na mga Paalaala sa Paggamit ng Snorkel
  • Masiyahan sa Iyong Pag-i-snorkel
  • Kumusta Naman ang Scuba Diving?
  • Paggalang sa Karagatan at mga Nilikha Nito
  • Maraming Nakasisiyang Tanawin
  • Ang Kahulugan sa Likuran ng Maskara
    Gumising!—1995
  • Kamangha-manghang mga Bagay sa Ilalim ng Dagat na Pula
    Gumising!—1994
  • Ang Kaligtasan sa Tubig ay Hindi Nagkataon Lamang
    Gumising!—1988
  • Korales—Nanganganib at Namamatay
    Gumising!—1996
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 5/8 p. 15-19

Ligtas na Paggagalugad sa Daigdig sa Ilalim ng mga Alon

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Australia

MAY kahali-halinang daigdig na halos kakaunting tao ang nakakita pa lamang. Ito’y masusumpungan sa ilalim lamang ng dagat. Ito ang daigdig sa ilalim ng mga alon, nakahanda para galugarin mo. ‘Gaano kaligtas ang gayong paggalugad?’ maitatanong mo. ‘Kailangan ko bang maging bihasang manlalangoy bago ko mapasyalan ang kahali-halinang daigdig sa ilalim ng tubig? At ako ba’y mapupuwera kung hindi ako marunong lumangoy man lamang?’

Dalawang Paraan ng Paggalugad

Dalawang paraan ng paggalugad sa daigdig sa ilalim ng tubig ang kilala​—pag-i-snorkel at pag-i-scuba dive.a

Ang snorkel ay isang kagamitan na binubuo ng baluktot na tubo na kasiya sa bibig ng lumalangoy at nakalitaw sa ibabaw ng tubig kapag siya’y lumangoy nang nakadapa sa ibabaw ng tubig na nakalubog ang kaniyang mukha. Nagpapangyari ito sa lumalangoy na makahinga, nang hindi na kailangang itaas pa ang ulo sa tubig upang kumuha ng hangin. Isang maskara ang nag-iingat sa kaniyang mga mata.

Sa kabilang dako, ang scuba ay tumutukoy sa kagamitan na binubuo ng isang cylinder o mga cylinder na naglalaman ng compressed air na nakakabit sa kagamitan para sa paghinga. Kaya ang scuba diving ay totoong para lamang sa mga interesado sa mas malalim na tubig, mas mahirap, at mas magastos.

Ang mas simple at di-gaanong magastos na libangan ng pag-i-snorkel ay magpapangyari sa iyo na makita ang napakagandang mga bagay sa daigdig sa ilalim ng dagat kahit na sa ibabaw lamang. Ganito inilalarawan ng tuwang-tuwang nag-snorkel ang una niyang karanasan: “Tandang-tanda ko pa nang unang-una akong mag-snorkel sa gitna ng libu-libong maliliit na isda, nang kabataan ko sa edad na 14 lamang. Ang mga isda ay waring nag-anyong buháy na tunél para sa akin habang ako’y dahan-dahang lumalangoy. Ang makikintab na katawan ng mga ito ay tinamaan ng sinag ng araw, anupat lumikha ng napakagandang tanawin. Tuwang-tuwa ako. At doon nagpasimula ang habang-buhay na pagkabighani ko sa pag-i-snorkel.”

Subalit Ito ba’y Talagang Ligtas?

Sinabi ng isang interesadong tao na ligtas na nasisiyahan sa pag-i-snorkel sa mahigit na 20 taon na mas mapanganib pa ngang magmaneho ng kotse patungo sa dalampasigan kaysa pag-i-snorkel mismo! Kapag nasa tubig na, ang pagiging ligtas ay depende sa tao mismo kaysa gawain mismo. Kung hindi ka bihasang manlalangoy, huwag kang magbakasakali sa lampas sa kalmado, mababaw na tubig, at huwag ka kailanman magtungo sa lampas pa sa iyo ang tubig. Sa katunayan, marami nang makikita kahit na isang metro lamang ang lalim ng tubig. Habang ikaw ay nagiging bihasa at kompiyansa, makapupunta ka na nang ligtas sa mas malalim na tubig, subalit magkagayon man dapat ay laging may kasama kang marunong lumangoy. Ang karamihan sa bihasang mga maninisid ay nagsabi na huwag kailanman magbakasakali nang malayo sa dalampasigan o sa malalim na tubig nang mag-isa. At maliban pa sa pangkaligtasang salik, mas nakalilibang at nakasisiya na maranasan ang pag-i-snorkel nang may kasama.

Tiyak na ang paghinga sa pamamagitan ng snorkel na nakasubsob ang iyong mukha sa tubig ay nangangailangan ng kaunting pagsasanay, subalit kung magtitiyaga ka, matutuklasan mo na hindi naman gayong kahirap ito. Ang ilang nagpapasimula pa lamang ay nagsasanay sa swimming pool o sa mabababaw na lugar sa dalampasigan kung saan walang mga alon. Ang ilan ay nagsasanay pa nga sa banyera.

Kagamitan na Kakailanganin Mo

Ang kagamitan na kailangan sa pag-i-snorkel ay halos simple lamang at hindi mahal: isang maskara, dalawang diving fin (flipper), at ang snorkel mismo. Mangyari pa, kung balak mong mag-snorkel sa taglamig o sa tubig na napakalamig para sa normal na paglangoy, marahil ay kailangan mo ng wet suit (hapit sa katawan na kasuutan na yari sa goma), at palalakihin nito nang husto ang gastos. Ating isaalang-alang ang tatlo lamang sa karaniwang gamit na kailangan upang magpasimula.

Ang maskara ay dapat hustung-husto sa iyo, mahirap pasukin ng tubig, at komportable. Dapat din itong magkaroon ng equalizer, yaon ay, sunud-sunod na guwang na magpapahintulot sa iyo na pisilin ang iyong ilong mula sa labas ng maskara. Ang dahilan nito ay ipaliliwanag maya-maya. Ang maskara ay dapat na may mabuting espasyo para makakita, at dapat na low volume, nangangahulugang ang salamin ay dapat na malapit sa iyong mukha, na bumabawas sa dami ng hangin sa loob. Ang pinakamaginhawang mga maskara ay yari sa silicone. Posible pa nga sa panahong ito na magkaroon ng mga maskara na maitutuwid ang iyong paningin kung malabo ang iyong paningin sa malayo.

Susunod ay ang mga fin, para sa magkabilang paa. Ang mga ito ay karaniwang yari sa goma at mga gamit na parang sagwan na isinusuot sa mga paa para mapabilis ang paglangoy. May dalawang uri na mapagpipilian: ang uri na balot ang buong paa at ang disenyo na bukas sa sakong. Kung kailangan mo ng sapin sa paa dahil sa paglakad sa punô ng taliptip na batuhan o mababaw na lugar ng bahura ng korales bago umabot sa mas malalim na tubig, kung gayon ay kailangan mo ng uri na bukas sa sakong. Gagawin nitong madali na maisuot mo ang iyong mga flipper na may sapin sa paa at makapagsimula ka nang mag-snorkel. Ang fin na balot ang buong paa ay talagang husto sa iyong paa at magagamit kung walang ibang sapin sa paa ang kakailanganin karagdagan pa sa flipper.

Sa kahuli-hulihan, ang snorkel mismo. Ang simpleng hugis-J na snorkel ang pinakamabuti, lalo na para sa nagsisimula, yamang ang pinakamahalagang salik ay kaalwanan sa paghinga. Isang manwal sa pagsisid ang nagsabi na ang pinakamabuting uri ay may butas na di-kukulangin sa 2 centimetro ang diyametro at 30 hanggang 35 centimetro ang haba.

Nakatutulong na mga Paalaala sa Paggamit ng Snorkel

Gaya ng naipaliwanag na, pinahihintulutan ka ng snorkel na makahinga habang lumalangoy sa ibabaw ng tubig nang hindi itinataas ang iyong ulo. Kumusta naman ang pagsisid sa ilalim? Posible rin ito, subalit una muna’y kailangan mong huminga nang malalim. Mangyari pa, papasok ang tubig sa snorkel minsang ito’y pumailalim. Marahil nakakita ka na nito kapag ang maninisid ay umahon, ang buga ng tubig ay kalimitang pumupulandit mula sa kaniyang snorkel. Ito ang tinatawag na blast method na pag-aalis ng tubig. Madali lamang itong matutuhan subalit nangangailangan ng ubod-lakas na pagsagap ng hangin, kaya kailangan kang umahon na may sapat na hangin pa rin sa iyong mga baga kung ibig mo na may kahusayang maalisan ng tubig ang snorkel.

Ipinalalagay ng iba na mas mabuti ang displacement method, subalit nangangailangan ito ng higit na pagsasanay. Paano gumagana ang pamamaraan na ito? Habang ikaw ay malapit nang pumaibabaw pagkatapos sumisid, tumingalang mabuti. Ang dulo ng iyong snorkel ay dapat na bahagyang nakaturo nang paibaba. Habang ang iyong ulo ay nasa ganitong kalagayan, kaunting buga lamang ang kakailanganin upang maalis ang tubig na pumuno sa iyong snorkel. Panatilihin ang iyong ulo sa ganitong kalagayan hanggang ang iyong mukha ay lumitaw nang husto. Sa pagkakataong iyon, iwasiwas ang iyong mukha at huminga. Mananatiling walang laman ang snorkel na naalisan ng tubig, at masusumpungan mo na makahihinga ka nang walang kahirap-hirap.

Huwag kang mabahala kung paminsan-minsan ay pumapasok ang tubig sa snorkel mula sa humahampas na alon habang ikaw ay nasa ibabaw pa. Kung mangyari ito, basta bumuga nang malakas, at maaalis ang lahat ng tubig sa snorkel.

Masiyahan sa Iyong Pag-i-snorkel

Habang nasa ibabaw, sikaping matutuhan na huminga nang patuluyan​—huminga nang malalim, pagkatapos ay huminga nang husto palabas. Mabuti ang magagawa nito sa iyong mga baga. Tandaan na ang lihim ng nakasisiyang pag-i-snorkel ay, hindi kung gaano kalayo o kabilis kang lumangoy, kundi kung gaano karami ang iyong nakikita at nagagalugad habang ikaw ay nagpapatuloy. Kung nais mong sumisid pa, sikaping maging relaks at ipunin hangga’t maaari ang maraming oksiheno na maiipon mo, para sa gayon ay makapanatili kang mas matagal sa ilalim. Subalit huwag sikaping magtakda ng rekord kung gaano ka makatatagal!

Habang ikaw ay dahan-dahan sa paglangoy, hayaan mo lamang na umanod ang iyong mga bisig sa iyong tabi. Gamitin mo lamang ang iyong mga flipper, na may mahaba, diretsong padyak, pinananatiling bahagyang nakabaluktot ang mga tuhod. Sa una, kailangan mong pagtuunan ng isip ito upang magawa mo nang walang kahirap-hirap at nang maayos, subalit hindi magtatagal, magiging kusa na lamang ito. Subalit ano ang kailangan mong gawin kung ang iyong maskara ay patuloy na lumalabo? Ang simpleng paraan upang maiwasan ito ay pahiran ng kaunting laway ang salamin bago ito isuot. Saka banlawan ng tubig ang laway pagkalipas ng ilang sandali, at masusumpungan mo na ang salamin ay mananatiling malinaw nang matagal-tagal.

Kung minsan ay mararamdaman mong masakit ang pinakagitna ng iyong tainga pagkatapos mong sumisid. Ito ang tinatawag na middle-ear squeeze. Ito’y dulot ng magkaibang presyon sa gitna ng salamin ng iyong tainga. Karaniwan na, ito’y nagsisimula pagkatapos na pumailalim ka ng isa hanggang dalawang metro. Huwag ipagwalang-bahala ang kirot na ito at magpatuloy na sumisid pa, umaasang ito’y bubuti naman. Lalo lamang itong lalala habang lumalalim ang pagsisid mo, at maaari pa ngang sumabog ang salamin ng iyong tainga. Ang babasahing Padi Diver Manual para sa mga maninisid ay nagmumungkahi na ang presyon ay mapapantay sa bawat ilang metro bago madama ang anumang kirot. Ito’y ginagawa sa pamamagitan ng pagpisil sa iyong ilong at dahan-dahang bumuga. Ito ang dahilan kung bakit ang equalizer ay kailangan sa maskara, upang iyong mapisil ang iyong ilong samantalang nakasuot ang maskara. Kapag nasanay ka na, ang paraang ito ay magiging napakadali, halos makakagawian na. Gayunman, minsang madama ang kirot, pinakamabuting umahon muna, sapagkat matapos na madama ang kirot, ang patuloy na pagsisikap na pantayin ang presyon ay hindi na magiging mabisa.

Bilang isang anyo ng libangan, ang pag-i-snorkel ay kapaki-pakinabang, nakapagtuturo, at nakatutuwa. Para sa lahat ng grupo ng edad, ito’y isang mahusay na paraan para pagsamahin ang ehersisyo, sariwang hangin, at sikat ng araw. Ang matutunan lamang na makilala at matukoy ang mga pangalan kahit ng kakaunting mga nilikha sa dagat ay magpapangyari sa pag-i-snorkel na kawili-wili at kasiya-siya para sa mahilig dito. Gayunman, para sa karamihan, gaya ni Tony, kagagaling lamang sa pag-i-snorkel sa Fiji, ang lubos na kasiyahan ng “pagiging nasa ibang daigdig ng makapigil-hiningang mga kulay” ang nagpapangyaring ito’y nakalulugod. Ang kaniyang kaibigang si Lena ay sumasang-ayon: “Talagang tuwang-tuwa ako sa kagandahan na nakapalibot sa akin anupat nalimutan ko kung nasaan ako!”

Kumusta Naman ang Scuba Diving?

Para sa magagaling na lumangoy at nahahalina sa kamangha-manghang mga bagay sa ilalim ng dagat o marahil ay ibig na sumubok ng potograpiya sa ilalim ng tubig, ang scuba diving ang susunod na hakbang. Kung pananatilihin mong mabuti ang kalagayan ng iyong kalusugan, ingatan mo ang iyong mga gamit, at sumunod sa pangunahing mga alituntunin, makaparoroon ka sa tubig nang may kompiyansa. Gayunman, hindi ka kailanman dapat mag-scuba diving nang hindi muna nag-aral nito at, kung hinihilingan, ang pagkuha ng lisensiya sa kilalang instruktor. Magkagayon man, hindi ka dapat lumampas sa hangganan ng lalim na ipinahihintulot ng iyong lisensiya. At laging sumisid nang may kasama. Sa ilang bansa, gaya ng Australia, hinihiling ng batas na ikaw ay pumasa sa pagsusuri sa medikal na may kabatiran sa pagsisid bago pasimulan ang gayong kurso.

Ang gamit sa scuba ay medyo magastos. Karagdagan pa sa pangunahing kagamitan na gamit sa pag-i-snorkel​—maskara, mga fin, at snorkel​—talagang kakailanganin mo ang wet suit, maliban marahil sa mainit, tropikal na tubig. Kakailanganin mo rin ng buoyancy-control na kagamitan, isang pabigat na sinturon, isang sundang, isang kagamitan sa paghinga (na may reserba para sa iyong kasama kung sakaling magkaproblema siya sa kaniyang tustos ng hangin), at isang scuba tank. Kailangan mo rin ng mahalagang mga gamit, gaya ng relos na pansisid, isang panukat ng lalim, at lumulubog sa tubig na panukat ng presyon para sa inyong tangke upang malaman ninyo kung gaano karaming hangin pa ang taglay ninyo. Sa maraming lugar para sa pagsisid, ang kagamitang ito ay madaling maupahan, na kalimitang napatutunayang mas mura kaysa bumili ka ng sarili mo kung hindi ka naman malimit na sumisid.

Paggalang sa Karagatan at mga Nilikha Nito

“Nag-i-snorkel ako noon sa bahura malapit sa Caloundra sa Queensland Sunshine Coast, pinagmamasdan ang makulay na butterfly fish mga dalawang metro ang layo,” ang gunita ng mahilig sa snorkel na si Peter. “Walang anu-ano, isang makintab na bakal na sibat ang biglang lumitaw at huminto na may malakas na kalabog. Nagpupumiglas nang walang kalaban-laban ang munting isda​—ito’y natarakan sa hasang na bumaon sa bato. Ang batang lalaki na gumawa nito ay umamin na pinatay niya ang magandang isda para lamang magsanay sa pagtudla! Napakaliit nito para kainin.” Nakalulungkot naman, ang gayong walang pakundangang mga gawa ay dumarami sa buong mundo.

Ang polusyon ay nakasira rin dito. Ang kilalang mga lugar ay kalimitang nagiging katulad ng tapunan ng basura, kinalatan ng mga plastik bag at gamít nang mga lata ng inumin. Maging ang nakapipinsalang kemikal na basura ay nagiging lumalalang problema sa ilang bansa. Habang ang kalat at basura ay dumarami, pumupunta ng ibang lugar ang isda, at ang korales ay namamatay.

Isang mabuting kaugalian na laging magsuot ng mga guwantes kapag nag-i-scuba diving. Magkagayon man, mahalaga na maging maingat sa kung ano ang iyong hinahawakan. Halimbawa, ang nagkalat na sea urchin ay nanunudla ng tulad-karayom na mga tinik na bumabaon sa walang balot na mga kamay. At ang kaakit-akit na butterfly cod, bagaman maliit, ay waring nagbababala, ‘Huwag kang masyadong malapit. Teritoryo ko ito!’ habang may pagyayabang na ipinagpaparangalan ang matingkad na pula at puting guhit nito. Mapandayang masusumpungan sa mga palikpik nito ang mahahabang tinik na nababalutan ng nakalalasong tila uhog na bagay. Ang basta pagpalis nito ay napakasakit.

Ang ibang nilikha ay mahirap mataan. Halimbawa, ang weedy sea dragon, ay napakahusay na magbalatkayo. Para itong isang piraso ng halaman, hahamunin ang matalas na mata ng sinumang maninisid. Sa kabaligtaran, ang marikit, matingkad na mga kulay ng nudibranch, isang sea slug, ay aagaw ng iyong pansin. Subalit ito ba’y isang katakam-takam na pagkain? Hindi ganiyan ang akala ng maninila sana, yamang ito’y nasasandatahan ng may napakasamang lasa na kemikal.

Maraming Nakasisiyang Tanawin

Para sa mahilig mag-snorkel at mag-scuba dive, tunay na ang karagatan ay sagana sa buhay. Ang mga bahura ng korales ay isang tanawin ng di-mabilang na mga nilikha at mga kulay sa halos ilang kampay lamang sa paglangoy. “Ang kasiyahan na mapalibutan ng makulay na mga isda na may iba’t ibang hugis at laki, ang ilan ay nanginginain sa iyong mga palad, ay hindi matutumbasan. Ito’y isa talagang nakaaantig-pusong karanasan,” sabi ng isang maninisid. Pagkatapos ay sinabi pa niya: “Ang makasama ang mga ito, samantalang parang lulutang-lutang ka lamang, ay talagang kahanga-hanga.”

Kaya naman, kung magkakaroon ka ng pagkakataon na mag-snorkel o mag-scuba diving, tandaan na ito’y magagawa nang ligtas kung susundin mo ang ilang simpleng hakbang ng pag-iingat na iminungkahi ng ilang may karanasang maninisid. Marahil balang araw ikaw man ay masisiyahan sa nakalulugod na karanasan ng paggalugad sa kariktan ng daigdig sa ilalim ng mga alon.

[Mga talababa]

a Ang “scuba” ay isang acronym na mula sa unang mga titik ng “self-contained underwater breathing apparatus.” Ang kasalukuyang internasyonal na bandilang palatandaan ng pagkanaroroon ng mga scuba diver ay ang puti-asul na bandilang Alpha. Ginagamit pa rin ng ilang bansa ang pulang bandila na may puting guhit, gaya ng makikita sa itaas.

[Larawan sa pahina 16]

Butterfly cod

[Larawan sa pahina 17]

Flamingo tongue

[Larawan sa pahina 17]

Blue tang

[Larawan sa pahina 17]

Nudibranch na nasa korales

[Picture Credit Line sa pahina 15]

Sa kagandahang-loob ng Australian International Public Affairs

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share