Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 8/8 p. 21-24
  • Ang Kahulugan sa Likuran ng Maskara

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Kahulugan sa Likuran ng Maskara
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Kahulugan ng Maskara sa Aprika
  • Ang Gamit ng Maskara
  • Ang Kahulugan ng Maskara sa Kolektor
  • Ang Kahulugan ng Maskara sa mga Kristiyano
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1996
  • Totoo Bang May Diyablo?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2005
  • Ligtas na Paggagalugad sa Daigdig sa Ilalim ng mga Alon
    Gumising!—1995
  • Ang Sumasayaw na mga Diyablo sa Yare
    Gumising!—1998
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 8/8 p. 21-24

Ang Kahulugan sa Likuran ng Maskara

ANG MANGANGAHOY AY PATUNGO SA ISANG PUNO SA GUBAT SA GITNANG APRIKA, DALA-DALA ANG PALAKOL. ANG KANIYANG MISYON AY RELIHIYOSO, ISA NA ISINAGAWA NA NG MARAMING BESES SA APRIKA SA NAKALIPAS NA MGA MILENYO.

ANG mangangahoy ay naniniwala na may namamahay na espiritu sa loob ng isang puno na karapat-dapat sa taimtim na paggalang. Upang maipagsanggalang ang kaniyang sarili mula sa poot ng espiritung iyon, sinasangguni muna ng mangangahoy ang isang manghuhula bago magtungo sa gubat. Saka siya nagsasagawa ng seremonya ng paglilinis at naghahandog ng isang hain sa espiritu ng puno.

Tinataga niya ang puno sa pamamagitan ng kaniyang palakol. Inilalagay niya ang kaniyang mga labi sa pinagtagaan, pagkatapos ay sinisipsip niya ang mga dagta upang magkaroon ng kaugnayan sa puno. Pagkaputol sa puno, iniiwan niya ito sa lupa ng ilang araw upang bigyan ng sapat na panahon ang espiritu na humanap ng isang tahanan sa ibang dako. Naniniwala siya na ang puno ay may kapangyarihan sa ganang sarili nito, kahit na lumisan na ang espiritu. Napakalakas ng kapangyarihan ng puno anupat yaong mga humahawak sa mga kahoy nito ay dapat, alang-alang sa kanila mismong proteksiyon, ay maingat na sumunod sa ipinag-utos na tradisyonal na mga ritwal.

Sa may kasanayang mga kamay ng manlililok, ang kahoy ay nagiging isang maskara. Habang nagkakaanyo ang maskara, ang kahoy ay pinaniniwalaang nagkakaroon ng higit na kapangyarihan. Ang manlililok ay hindi malayang gumawa ng anumang anyo na maibigan niya; dapat siyang sumunod sa tradisyonal na larawan ng kaniyang etnikong grupo. Kung hindi siya susunod, siya’y nanganganib sa paninisi ng kaniyang pamayanan at sa galit ng kapangyarihan ng espiritu ng maskara.

Kapag natapos na ang maskara, isasagawa ng mangkukulam ang seremonya ng pagtatalaga na doo’y ipinapahid niya ang makasalamangkang mga sangkap sa maskara. Ang maskara ngayon ay inaakalang nagtataglay ng matinding sobrenatural na kapangyarihan at nagiging tirahan ng espiritu na pinag-alayan nito. Ang maskara ngayon ay handa nang gamitin sa relihiyosong mga seremonya.

Ang Kahulugan ng Maskara sa Aprika

Ang mga maskara ay ginagamit sa pagsamba sa halos buong kontinente ng Aprika. Ang aklat na Masks​—Their Meaning and Function ay nagsasabi: “Ang maskara ay may dalawang gamit: ito’y maaaring gamitin bilang isang anting-anting, gaya sa maliit na maskara; o maaari rin itong isuot, kung saan ang papel nito ay upang magsumamo sa mga ninuno, mga espiritu o sa iba pang sobrenatural.”

Nagbibigay ng mas detalyadong paliwanag, ang iskolar na si Geoffrey Parrinder ay nagsasabi sa kaniyang aklat na Religion in Africa: “[Ang mga maskarang kahoy sa Aprika] ay relihiyoso, ito man ay naturalistiko, pormal o abstract. Kinakatawan nito ang patay o tagapaglingkod na mga espiritu sa kanilang mga ritwal, o ‘lihim na mga samahan’ na nauugnay sa mga patay o upang sugpuin ang pangkukulam. Walang kabuhay-buhay o nakatatakot, pangit o di-mailarawan, malakas na ipinakikita ng mga maskara ang pagiging kasindak-sindak ng patay gayundin ang paniniwala na ang kamatayan ay hindi siyang wakas. Ang mga ito’y ginagawa upang isuot ng mga tao na kumakatawan sa patay, ang kanilang mga katawan ay karaniwang natatakpan ng mahahabang bata sa likuran ng mga maskara, at hindi sila dapat na kausapin na parang mga tao kundi bilang mga espiritu.”

Bukod pa sa kanilang gamit sa mga ritwal sa libing at bilang proteksiyon laban sa pangkukulam, ito’y gumaganap ng mahalagang bahagi sa panimulang mga seremonya, mga kapistahan, panghukumang mga bagay, mga ritwal sa pag-aanak, at sa “pakikipagtalastasan sa mga patay.” Kung minsan ang mga maskara ay itinatampok pa nga sa mga pagdiriwang at mga seremonya ng Sangkakristiyanuhan. Sa Sierra Leone, halimbawa, ang nakamaskarang “mga demonyo” ay sumasayaw sa looban ng isang simbahan upang magpugay sa mga kasalan. Sa lahat ng mga gamit na ito, ang mga maskara ay may iisang mahalagang kahulugan. Ang mga ito ay, sabi ng aklat na African Masks, “mga relikaryo ng banal na kapangyarihan, ang kanila mang gamit ay nilalayon na maging matindi, o nakatatawa at nakalilibang.”

Kabilang sa mahigit na 1,000 etnikong grupo sa Aprika, halos 100 ang gumagawa ng mga maskara. Lubhang magkakaiba ang mga anyo ng mga maskara mula sa isang grupo tungo sa ibang grupo, at ang mga ito’y nagkakaiba ayon sa layon ng gamit nito. Gayunman, sa kabila ng pagkakaibang ito, may tatag na mga huwaran na nauunawaan ng mga tao sa maraming dako sa Aprika. Halimbawa, ang mga maskara na naglalarawan sa mga espiritu ng mga ninuno ay karaniwang may maaliwalas na hitsura, samantalang ang mga maskara na kumakatawan sa di-taong mga espiritu ay kadalasang may kakatwang hitsura. Ang isang malapad ang noo ay lumalarawan sa karunungan at matinding espirituwalidad. Ang matang luwâ o matigas na bukás ng mukha ay nagpapahiwatig ng kalagayan na pagtataglay ng espiritu. Ang puting kulay ay nagpapahiwatig ng mga espiritu ng patay at ng isang ‘espirituwal’ na katangian. Ang mga maskarang naglalarawan ng mga hayop na may sungay, lalo na ang baka at usa ng Aprika, ay nauugnay sa mga seremonya ng exorsismo, paglalakbay ng espiritu, at pangkukulam.

Ang Gamit ng Maskara

Sa Aprika ang mga maskara ay hindi lamang isinasabit sa dingding; ito’y ginagamit sa ritwal at sayaw. Ang mga ito ay maaaring tumakip sa mukha o sa buong ulo ng isa na nagsusuot nito. Ang nalalabing bahagi ng katawan ng tao ay nagagayakan ng mahahabang bata o mahahabang dahon ng palmang raffia o hibla ng makahoy na halaman.

Ang nakamaskara ay itinuturing na tuwirang may kaugnayan sa espiritung puwersa ng maskara. Inilalarawan ng The New Encyclopædia Britannica kung ano ang nangyayari: “Pagkasuot ng maskara, ang nakamaskara kung minsan ay dumaranas ng pagbabago ng isipan at gaya ng isa na nawawalan ng ulirat ay kinukuha ang katangian ng espiritu na inilalarawan ng maskara. Subalit, karaniwan nang ang nakamaskara ay may kasanayang nagiging ‘kapareha’ ng tauhan na ginagampanan . . . Ngunit para bang ang nakamaskara ay kadalasang sikolohikal na lubusang napapamahal sa tauhan na tinutulungan niyang likhain. Naiwawala niya ang kaniya mismong pagkakakilanlan at nagiging parang isang robot, walang sariling kalooban, na nagiging sunud-sunuran sa tauhan ng maskara.”

Sa sumasang-ayong mga tagamasid​—halos sa tuwina’y mga lalaki lamang—​ang maskara ay hindi lamang kumakatawan sa isang sobrenatural na persona. Naniniwala sila na ang isang nabubuhay na sobrenatural na persona ay naisasama sa maskara. Sa gayon, ang maskara mismo ay sagrado, at sinumang lumalabag sa mga tuntunin ay mahigpit na parurusahan ng pamayanan, kung minsan ay sa pamamagitan ng kamatayan. Para sa kaniyang proteksiyon, ang nakamaskara, tulad ng mangangahoy at ng manlililok, ay dapat na sumunod sa sinang-ayunang mga pamamaraan.

Ang Kahulugan ng Maskara sa Kolektor

Partikular na noong nakalipas na 100 taon, ang mga maskara ng Aprika ay masiglang kinolekta sa buong daigdig. Sa kolektor ang maskara ay nangangahulugan ng isang bagay na lubhang kakaiba sa kung ano ang kahulugan nito sa mga nagsasagawa ng tradisyonal na relihiyon sa Aprika.

Sa halip na malasin ito na sagrado, relihiyosong bagay, itinuturing ng mga kolektor ang maskara bilang isang gawa ng sining na nagpapabanaag ng kulturang Aprikano. Sa halip na tasahin ang maskara ayon sa gamit nito sa lipunan, hinahatulan nila ang maskara sa pagiging payak nito, tibay, at emosyonal na lalim. Ang mga kolektor ay nagtatanong: Hanggang saan ang damdaming nadarama ng manlililok sa kahoy mismo, sa haspé nito, sa huwaran ng balangkas nito? Gaano kahusay ginagamit ng manlililok ang pagkamapanlikha at talino at gayunma’y nananatili sa istilo na iniuutos ng kultural na tradisyon?

Mangyari pa, hindi kinaliligtaan ng kolektor ang bahagi ng relihiyon sa kalidad ng gawa. Karaniwan na, dahil sa mga pagkakaiba ng pangganyak ng manlililok, may malaking pagkakaiba sa pagitan ng mga maskarang ginagamit sa pagsamba at mga kopya na inukit para sa industriyang panturista. Ang aklat na Masks of Black Africa ay nagsasabi: “Ang manlililok . . . ay kumukuha ng inspirasyon mula sa kaniyang matinding paniniwala, ng pagpipitagan niya sa kaniyang misyon na bigyang-hugis ang isang makapangyarihan sa lahat, espirituwal na persona, at, sa kakayahang ito, upang tuparin ang kaniyang pantanging pananagutang panlipunan. Kapag ang relihiyosong pananampalatayang ito . . . ay humina na, ang kaniyang gawa, sa kabila ng maliwanag na teknikal na mga nagawa, ang nagiging walang-buhay at nakabababa ang makasining na katangian.”

Yaong mga nangongolekta ng mga maskara para sa mga museo ay karaniwang nagbibigay ng higit na pansin sa bahagi na ginampanan ng isang maskara sa lipunan na pinagmulan nito kaysa mga kolektor ng sining. Gayunman, ang gayong espesipikong impormasyon ay kadalasang kulang dahil sa ang karamihan ng mga maskara ay nakuha sa nakalipas na mga taon. Ang ilan ay tinitipon bilang mga subenir, ang iba pa ay bahagi ng samsam mula sa mga ekspedisyong militar, at ang iba naman ay maramihang kinolekta para sa komersiyal na pamilihan. Bunga nito, ang orihinal na kahulugan at gamit ng isang maskara ay kadalasang hindi na alam.

Ang Kahulugan ng Maskara sa mga Kristiyano

Kaya nga, ang mga maskara ay nangangahulugan ng isang bagay para sa mga nagsasagawa ng tradisyonal na relihiyon at ibang bagay naman sa mga tinitipon ito bilang mga gawa ng sining at kultura. Sa mga Kristiyano, ito ay maaaring mangahulugan ng iba pa.

Nililinaw ng Bibliya na walang sobrenatural na kapangyarihan sa maskara o sa puno na pinanggalingan nito. Inilalarawan ni propeta Isaias ang kahangalan ng isang tao na ginagamit ang bahagi ng kahoy mula sa isang puno upang magluto ng kaniyang pagkain at upang painitin ang kaniyang sarili at pagkatapos ang natitira ay nilililok upang gawing isang diyos na hinihingan niya ng tulong. (Isaias 44:9-20) Ang simulain ding iyon ay kumakapit sa relihiyosong mga maskara.

Gayunpaman, kinikilala ng mga Kristiyano na may “balakyot na mga puwersang espiritu sa makalangit na mga dako.” (Efeso 6:12) Sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, inililigaw nila ang mga tao sa pamamagitan ng huwad na relihiyon.​—Apocalipsis 12:9.

Kinikilala rin ng mga Kristiyano na ang mga demonyo ay gumagamit ng materyal na mga bagay upang makipagtalastasan sa mga tao. Kaya naman, ang mga lingkod ng Diyos ay hindi nag-iingat ng anumang bagay na may kaugnayan sa espiritistikong relihiyon, ito man ay isang anting-anting, agimat, isang singsing sa pagsasalamangka, o isang maskara. Sinusunod nila ang huwaran ng sinaunang mga Kristiyano sa Efeso. Tungkol sa kanila ay ganito ang sinasabi ng Bibliya: “Tinipon ng marami sa mga nagsasagawa ng sining ng pagsasalamangka ang kanilang mga aklat at sinunog ang mga iyon sa harap ng lahat. At kinalkula nilang sama-sama ang halaga ng mga iyon at nasumpungang nagkakahalaga ng limampung libong pirasong pilak.”​—Gawa 19:19.

Yaong mga nagnanais maglingkod kay Jehova ay hindi gumagamit o nag-iingat ng mga maskara o anumang bagay na nauugnay sa huwad na pagsamba. Karaniwan ang komento ni Pius, isang Kristiyanong matanda sa Nigeria: “Ang mga maskara ay nagpapabanaag ng relihiyosong kaisipan niyaong gumagamit nito. Ang mga maskara ay may mga pangalan at sinasamba at kinatatakutan depende sa diyos na kinakatawan nito. Hinding-hindi ako kailanman magdidispley ng isang maskara sa aking bahay dahil ito’y hindi makalulugod kay Jehova at maaari ring isipin ng mga bisita na sinasang-ayunan ko ang relihiyosong mga paniniwala na kinakatawan nito.”

Batid ng tunay na mga Kristiyano na maliwanag na isinasaad ng batas ng Diyos na ibinigay sa Israel ang: “Huwag kang gagawa para sa iyo ng larawang inanyuan o ng kawangis man ng ano mang anyong nasa langit sa itaas o nasa lupa sa ibaba o nasa tubig sa ilalim ng lupa. Huwag mong yuyukuran sila o mahihikayat ka mang maglingkod sa kanila, sapagkat akong si Jehova na iyong Diyos ay isang Diyos na humihingi ng bukud-tanging debosyon.”​—Exodo 20:4, 5.

[Kahon sa pahina 23]

Mga Maskara sa Maraming Kultura

Ano ang kahulugan sa iyo ng salitang “maskara”? Sa ilang kultura ang kataga ay isang talinghaga na nangangahulugang pagkukubli ng isang bagay. Kung ikaw ay interesado sa isports, maaaring isipin mo ang isang maskara bilang isang bagay na magsasanggalang sa iyong mukha mula sa pinsala, gaya sa baseball at eskrima. Marahil naiisip mo ang maskara laban sa gas, ang maskarang ginagamit sa operasyon, o ang maskarang ginagamit sa parti.

Subalit, sa maraming tao sa ngayon, ang mga maskara ay nangangahulugan ng relihiyon. Ganito ang sabi ng The New Encyclopædia Britannica: “Ang mga maskara na kumakatawan sa mabait at masamang sagrado o banal na mga puwersa sa relihiyosong mga sayaw​—lalo na sa Budistang mga monasteryo sa Nepal, Tibet, at Hapón at sa karamihan ng sinaunang mga lipunan​—ay bumubuo ng [isang] kategorya ng sagradong kinakatawang mga bagay. Ang mga ito ay karaniwang sinasamba kung paanong ang mga istatuwa ay sinasamba.”

Ang relihiyosong mga maskara ay masusumpungan sa lahat ng kultura at mula pa noong unang panahon. Sa ating mga ninuno ang mga ito ay malamang na gumanap ng isang mahalagang bahagi sa relihiyoso at sosyal na buhay. Ang aklat na Masks​—Their Meaning and Function ay nagsasabi: “Sa orihinal, ang bawat maskara ay punô ng kahulugan, at ang maskara mismo o ang taong nagsusuot nito ay mahiwagang kumakatawan sa ilang kapangyarihan o espiritu.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share