Ang Digmaan ng Marathon—Paghiyâ sa Isang Kapangyarihang Pandaigdig
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA GRESYA
HABANG bumababa ang modernong bisita sa paanan ng mga burol sa palibot ng Kapatagan ng Marathon, 40 kilometro hilagang-silangan ng Atenas, Gresya, agad niyang nadarama ang kapayapaan at katahimikan ng lugar. Mahirap isipin na ang lugar na ito ay nagsilbi bilang tanghalan para sa isa sa pinakabantog na digmaan sa kasaysayan, isang digmaan na matagumpay na napigil ang pagsugod ng kapangyarihang pandaigdig ng Mesopotamia sa Europa mismo. Tinatawag ito ng The World Book Encyclopedia na “isa sa pinakamahalagang digmaan sa kasaysayan ng Kanluraning sibilisasyon.” At inilalarawan ito ng mananalaysay na si Will Durant bilang “isa sa lubhang hindi kapani-paniwalang tagumpay sa kasaysayan.”
Isang Kapangyarihang Pandaigdig na Hinamon
Napakalinaw na inilarawan ng mga hula ng Bibliya sa aklat ni Daniel ang pagdomina, paglawak, at ang pagkakasunud-sunod ng mga kapangyarihang pandaigdig. Nagsasalita sa makasagisag na paraan subalit angkop na angkop tungkol sa kapangyarihang pandaigdig ng Medo-Persia, si Daniel ay sumulat: “At narito! ang ibang hayop, na ikalawa, ay gaya ng isang oso. . . . Ganito ang sinabi nila rito, ‘Bumangon ka, kumain ka ng maraming laman.’”—Daniel 7:5.
Ito’y napatunayang totoo. Noong kalakasan ng kapangyarihan ng Medo-Persia, noong mga ikalawang hati ng ikaanim na siglo B.C.E., ang tila di-magagaping hukbo sa ilalim ng pangunguna ni Ciro at Dario I ay nanakop pakanluran tungo sa Lydia. Kapuwa ang Thrace at Macedonia, na nasa hilaga ng Gresya, ay sapilitang sinakop. Iyan ay nangangahulugan na halos kalahati ng daigdig na nagsasalita-ng-Griego ay bumagsak na sa mga kamay ng Persiano, sapagkat sa pagkabihag sa Lydia, kinuha rin ng mga Persiano ang mga Griegong lungsod sa Ionian Coast na nasa ilalim ng impluwensiya ng Lydia.
Sa mga paghingi ng saklolo ng nakubkob na Griegong mga lungsod sa Ionia, tanging ang mga estadong-lungsod ng Atenas at Eretria ang tumugon. Hindi ito humadlang sa disiplinadong mga hukbo ng Persia na sakupin at lupigin ang naghihimagsik na mga taga-Ionia. Higit pa riyan, si Dario ay nagpasiya na kaniyang paparusahan ang mga estadong-lungsod ng Gresya sa pagtulong sa mga rebeldeng taga-Ionia.
Nang ang Atenas, Sparta, at Eretria ay mapanghamak na tumangging tugunin ang mga kahilingan ng Persia, isang malakas na puwersa ng hukbong-kabayuhan at impanteriya ng Persia ang lumulan sa bapor patungong Gresya noong maagang tag-araw ng 490 B.C.E. Noong Agosto ang mga Persiano ay handa nang lumaban sa Atenas at sa teritoryo nito, ang Attica.
Mga Problema ng Estratehiya
Ang mga Persiano ay bumaba sa Marathon at saka tumawid sa malating kapatagan ng silangang baybayin ng Attica, na mga 42 kilometro lamang mula sa Atenas. Ang mga pagkakataon para sa mga taga-Atenas ay mapanglaw, na nakatipon lamang ng 9,000 impanteriya ng mga sundalo, at karagdagan pang 1,000 mula sa Plataea, nang walang anumang suporta buhat sa hukbong-kabayuhan o mga mamamana.a Bagaman humingi sila ng tulong sa Sparta, ang kanilang mga pagsamo ay hindi pinansin—ang mga taga-Sparta ay abala sa relihiyosong mga seremonya na nagpaparangal kay Apollo. Kaya, dahilan sa kanilang limitadong hukbong militar, kailangang labanan ng mga taga-Atenas ang mga Persiano na nag-iisa.
Sampung iba’t ibang heneral ang kumilos bilang isang komite upang tiyakin, sa pamamagitan ng boto ng karamihan, ang mga bagay may kaugnayan sa estratehiya. Ngayon ay kailangan nilang magpasiya tungkol sa dalawang bagay. Una, dapat ba nilang panatilihin ang kanilang mga puwersa sa Atenas upang ipagtanggol ang lungsod, o dapat ba nilang harapin ang mga Persiano sa larangan? Isinasaalang-alang na ang lungsod ng Atenas ay walang matibay na mga pader na pananggalang upang ipagtanggol ito, ang karamihan sa asamblea ay bumoto na labanan ang mga Persiano sa Marathon.
Ikalawa, dapat ba silang sumalakay sa kabila ng kahigitan—ang kanilang pangunahing disbentaha ay ang nakahihigit na bilang ng mga Persiano—o dapat ba silang tumayo at maghintay, samantalang umaasang sa paano man ay darating ang mga taga-Sparta sa lalong madaling panahon upang tulungan silang matagumpay na labanan ang mahirap taluning mahigpit na pagsalakay ng mga Persiano?
Heneral Miltiades—Isang Dalubhasa sa Estratehiya
Isang kilalang tauhan na lumitaw upang gumanap bilang lider ay ang Griegong heneral na si Miltiades. Siya ay may karanasan at progresibong lider ng hukbo, isang beteranong nakipaglaban sa panig ng hukbo ng mga Persiano noong mas naunang mga kampaniya sa hilaga. Kaya, alam niya ang tungkol sa kalaban. Mayroon siyang mabuting kabatiran hindi lamang sa kayarian ng hukbong Persiano kundi rin naman tungkol sa kanilang mga sandata at, higit na mahalaga, tungkol sa kanilang estratehiya sa digmaan. Isa pa, noong mga panahon bago ang digmaan, maingat niyang pinag-aralan ang mga kapaligiran ng larangan ng digmaan.
Batid din ni Miltiades na ang mabilis na pagkilos ay mahalaga, yamang sa loob ng bagong katatatag na demokrasya ng Atenas, may mga pangkat na pabor sa mga Persiano na matutuwa sa pagkatalo ng Atenas. Noong gabi bago ang digmaan, isang Persianong umalis sa hukbo ang nakapasok sa kampo ng mga Griego taglay ang balitang ang hukbong-kabayuhan ng Persia ay pansamantalang umurong. Ayon sa isang teoriya ang hukbong-kabayuhan ng Persia ay umalis sakay ng kanilang mga barko para sa isang posibleng pagsalakay sa Atenas mula sa silangang baybayin ng Attica upang mabihag nito ang lungsod karaka-raka pagkatapos ng halos tiyak na tagumpay sa Marathon. Anuman ang dahilan, inalis nito ang pinakamalaking panganib na nakakaharap ng mga sundalong taga-Atenas.
Sa pagbubukang-liwayway, sumalakay ang mga hukbong Griego. (Tingnan ang kahon, pahina 24.) Ang nagulat na mga Persiano ay umatras ngunit di-nagtagal ay kumontra-salakay at nakapasok sa gitna ng Griegong larangan ng digmaan. Sa gayon, ang mga Persiano ay walang kamalay-malay na nahulog sa mainam-ang-pagkakaplanong bitag ni Miltiades! Talagang iniwan niyang mahina ang gitnang hukbo ng Gresya upang palakasin ang kaniyang magkabilang panig sa pamamagitan ng karagdagang mga hanay ng mga lalaki. Ngayon, ang malakas na magkabilang panig ay biglang nagsalikop, marahas na sinalakay ang mga Persiano at pinatay ang napakarami sa kanila hanggang sa ang mga natira na nakaligtas sa pagsalakay ay tumakas pabalik sa kanilang mga barko. Ang resulta ay isang kahindik-hindik na walang-awang pagpatay. Ang mga nasawing Persiano ay umabot ng 6,400 lalaki, samantalang ang mga taga-Atenas ay nawalan lamang ng 192 sa kanilang mga lalaki.
Ayon sa alamat, ang balita ng tagumpay ng Gresya ay mabilis na ibinalita sa Atenas ng isang mensahero. Isang maling tradisyon ang nagsasabing ang kaniyang pangalan ay Pheidippides, ngunit, sa katunayan, si Pheidippides ay tumakbo mula sa Atenas hanggang sa Sparta bago ang digmaan upang humingi ng tulong. Isa pang kabataang Griego, sabi ng alamat, ay tumakbo ng 42 kilometro mula sa Marathon hanggang sa Atenas at pagdating ay sumigaw, “Magalak kayo, nagtagumpay tayo!” at saka bumagsak na patay. Ito ang sinasabing kauna-unahang marathon—dito galing ang salita—na naging pamarisan para sa modernong-panahong mahabang-distansiyang takbuhan gaya ng nalalaman natin.
Bagaman ang ilang barkong Persiano ay sinunog, ang karamihan ng plota ng 600 barko ay nakapaglayag sa palibot ng Cape Colonna, nasa dulong timog ng Attica, at nakarating sa Atenas. Gayunman, ang matagumpay na hukbo ng Atenas ang unang nakarating doon at sinalubong silang muli. Ang mga Persiano ay napilitang umatras. Nakamit ng mga taga-Atenas ang tagumpay laban sa lahat ng maaaring mangyari!
Ang Atenas ay tuwang-tuwa, lalo na sapagkat ang tagumpay ay napanalunan nang walang anumang tulong buhat sa mga taga-Sparta.
Ang Halaga ng Digmaan
Pinapanatiling-buhay ng mga alaalang marmol at tanso sa Marathon at sa Delphi ang tagumpay ng mga taga-Atenas. Ayon sa mananalaysay na si Pausanias, 650 taon pagkalipas nito naniniwala pa rin ang mga manlalakbay na naririnig nila ang ingay ng mga multo ng nagdidigmaang mga lalaki kapag kanilang tinatawid ang larangan ng digmaan.
Bakit mahalaga ang digmaan ng Marathon mula sa pangmalas ng Bibliya? Ito ay isang pahiwatig, matagal nang panahon bago ang makasaysayang pangingibabaw ng Griegong “lalaking-kambing” sa hula ni Daniel sa ‘dalawang-sungay na lalaking tupa’ ng Medo-Persia.b—Daniel 8:5-8.
Habang ang isa’y sumusulyap sa Tomb of Marathon, na nakatayo pa rin sa dako na pinaglabanan, ang isa ay napaaalalahanan tungkol sa maraming nasawi at paghihirap na ibinuwis ng sangkatauhan sa walang lubay na paghahangad ng kapangyarihan at pangingibabaw. Ang mga pahina ng kasaysayan na nabahiran ng dugo, ang tahimik na mga larangan ng digmaan, at ang malungkot na mga libingan ay punô ng “dakilang mga lalaki,” “mga bayani,” at “mga talunan,” pawang mga biktima ng pulitika ng daigdig at ng labanan sa kapangyarihan. Gayunman, napakalapit na ng panahon kapag ang lahat ng pulitikal na mga labanan para sa kapangyarihan ay matatapos na, sapagkat inihula ng Diyos: “Sa mga kaarawan ng mga haring yaon ang Diyos ng langit ay magtatayo ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. At ang kahariang iyon ay hindi ibibigay sa ibang bayan. Dudurugin at wawasakin niyaon ang lahat ng mga kahariang ito, at iyon sa ganang sarili ay lalagi magpakailanman.”—Daniel 2:44.
[Mga talababa]
a Ang mga bilang para sa digmaan ng Marathon ay waring pinagtatalunan. Sinasabi ni Will Durant na ang mga Griego “ay may dalawampung libong lalaki, ang mga Persiano ay malamang na may sandaang libo.”
b Para sa higit pang impormasyon tungkol sa katuparan ng mga hula ni Daniel, tingnan ang “Gawin Nawa ang Iyong Kalooban sa Lupa,” pahina 212-224, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Kahon/Larawan sa pahina 24]
Ang “Hoplite” at ang “Phalanx”—Resipe Para sa Tagumpay
Nagkokomento tungkol sa dalawang pangunahing salik sa tagumpay ng mga taga-Atenas, ang aklat na A Soaring Spirit ay nagsasabi: “Ang mga hoplite, gaya ng tawag sa Griegong impanteriya, ay mayroong mas matibay na baluti sa katawan kaysa kanilang mga kalabang Persiano, mas matigas na mga kalasag at mas mahabang mga sibat. Subalit mas mahalaga, sila’y nakipaglaban taglay ang tulad-makinang kahusayan sa mga phalanx (pangkat) na kasindami ng 12 hanay, ang mga sundalo sa bawat hanay ay nagdidikit-dikit anupat ang kanilang mga kalasag ay halos nagiging isang tuluy-tuloy na pader. Nakakaharap ang gayong tanawin, natutuhan ng mga Persiano kung bakit ang phalanx ang pinakanakatatakot na makina ng digmaang nakilala ng sinaunang daigdig.”
[Credit Line]
The Complete Encyclopedia of Illustration/J. G. Heck
[Mga larawan sa pahina 23]
Ang Kapatagan ng Marathon. Nakasingit: Monumento sa 192 taga-Atenas na namatay sa digmaan