Ang Digmaan ng Plataea—Isang “Oso” ang Pinaluhod
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA GRESYA
ILANG tahimik na mga gumuhong templo. Napabayaang inukit na mga bato at daanang yari sa graba. Isang palanas na kapatagan sa pagitan ng alun-along paanan ng mga burol sa pampang ng Ilog Asopós, 50 kilometro sa hilagang-kanluran ng Atenas, Gresya.
Walang alinlangang nakatayo kami sa mismong dakong pinangyarihan ng huling Persiano-Griegong armadong labanan mga 2,500 taon na ang nakalipas. Ito ang pinangyarihan ng pinakamalaking labanang panlupa sa mga Digmaang Persiano—ang Digmaan ng Plataea.
Mga Pahiwatig ng Sagupaan
Tulad ng isang iskrip na mahusay ang pagkakasulat, daan-daang taon patiunang inihula ng hula sa Bibliya ang pagbangon at pagbagsak ng mga kapangyarihang pandaigdig. Tama sa hula, sinakop ng kapangyarihang pandaigdig ng Persia, na isinasagisag ng isang oso at ng isang lalaking tupa, ang bagong mga teritoryo sa isang kampanya upang pangunahin nang palawakin ang gawing kanluran ng sakop nito. (Daniel 7:5; 8:4) Subalit, sa kanilang kampanya laban sa Gresya, dumanas ng ganap na pagkatalo ang hukbong Persiano sa ilalim ni Haring Dario I sa Marathon noong 490 B.C.E. Pagkalipas ng apat na taon, namatay si Dario.
Binanggit pa ng hula ni Daniel ang hinggil sa “tatlong hari na tatayo para sa Persia” at ang tungkol sa ikaapat na hari ng Persia, na kaniyang “pupukawin ang lahat ng bagay laban sa kaharian ng Gresya.” Ang haring ito ay maliwanag na ang anak ni Dario na si Jerjes. (Daniel 11:2) Sa pagsisikap na gumanti sa pagkatalo ng Persia sa Marathon, nagbunsod si Jerjes ng malaking hukbo laban sa lupain ng Gresya noong 480 B.C.E. Subalit kasunod ng isang magastos na tagumpay sa Thermopylae, ang kaniyang hukbo ay dumanas sa wakas ng matinding pagkatalo sa Salamis.a
Mardonio—Isang Bantulot na Mandirigma?
Tumakas patungong Lydia ang napahiyang si Jerjes, anupat iniwan ang 300,000 kawal niya sa ilalim ng pangangasiwa ng sanay na tagakampanya na si Mardonio, na pinaratangang nangangasiwa sa nasakop na mga rehiyon ng Gresya. Mula sa kaniyang kampong pantaglamig sa Thessaly, nagpadala si Mardonio ng isang sugo sa Atenas taglay ang isang mungkahi na nag-aalok sa Atenas ng isang ganap na kapatawaran, ng pagtatayong muli ng nasunog na mga templo, ng pagsasauli ng teritoryo, at isang pantay na pagsasanib bilang isang nagsasariling malayang lunsod. Subalit, tinanggihan ng mga taga-Atenas ang mungkahi at bumaling ito sa Sparta para sa tulong militar.
Pinayuhan si Mardonio ng disidenteng mga Griego na may simpatiya sa kaniya na maaari niyang mawagi ang lumalaban na mga Griego sa pamamagitan ng pagsuhol sa kanilang mga lider. Subalit tinanggihan ni Mardonio ang gayong paraan. Sinikap pa rin niya na iwasan ang tuwirang pakikipagsagupa sa mga Griego, at muli niyang inalok na payagang sumuko ang mga taga-Atenas batay sa kasiya-siyang mga kondisyon. Gayunman, nanatili silang matigas sa kanilang pagtanggi.
Ang Huling Pagkilos
Kaya, ang huling kabanata ng sagupaan sa pagitan ng Persia at ng Gresya ay naganap sa Plataea, noong Agosto 479 B.C.E. Doon, sinagupa ng halos 40,000 impanteriyang Griego—na kalakip ang mga taga-Atenas, taga-Sparta, at mga hukbo mula sa ibang mga lunsod sa Gresya—sa ilalim ni Heneral Pausanias ng Sparta ang 100,000 kawal ni Mardonio.
Sa loob ng tatlong linggo ang pangunahing pangkat ng dalawang hukbo, kapuwa nangangamba sa sagupaan, ay pana-panandaliang nagsagupaan nang urong-sulong sa Ilog Asopós. Ayon sa alamat, ang dalawang hukbo ay pinangakuan ng tagumpay ng kani-kanilang manghuhula kung sila’y mananatiling nagtatanggol. Gayunman, walang-lubay na niligalig ng hukbong-kabayuhan ng Persia ang mga Griego, anupat nabihag ang kinakailangang mga sasakyan, tauhan, at mga hayop at nilason ang mga balon na pinagkukunan ng tubig ng mga Griego.
Para kay Mardonio, waring nalalapit na ang wakas ng digmaan. Subalit minaliit ng kumandanteng Persianong ito ang kakayahan sa pakikipagbaka ng kalaban. Ang heneral ay nasilo sa pag-asa ng kagyat at kahanga-hangang tagumpay. Kaya naman, karaka-rakang inilipat niya ang kaniyang hukbo sa kabila ng ilog at saka sumalakay.
Itinayo ng mga Persiano ang kanilang pananggalang na pader na yari sa uway at mula sa likuran nito ay nagpaulan ng mga palaso sa kanilang kalaban. Ang 8,000 taga-Atenas ay sinalakay ng disidenteng mga Griego na kaalyado ng mga Persiano, samantalang sinalakay naman ng malaking hukbo ni Mardonio ang 11,500 taga-Sparta. Upang ipagtanggol ang kanilang mga sarili sa pag-ulan ng mga palaso, ang mga taga-Sparta ay yumukyok sa ilalim ng kanilang mga pananggalang. Subalit, pagkatapos, bilang isang malaking hukbo ay naglunsad sila ng isang disiplinadong kontra-salakay. Taglay ang kanilang mas mahahabang sibat at mas mabibigat na mga sandata sa katawan, mabilis nilang sinalakay ang mga Persiano.
Palibhasa’y nabigla, umurong ang mga Persiano. Samantala, nilupig ng mga taga-Atenas ang mga traidor na Griego. Ang hukbo ni Mardonio—sa ilalim ng proteksiyon ng kanilang hukbong-kabayuhan—ay dali-daling nagbalik sa kabila ng ilog. Nahulog si Mardonio sa kaniyang kabayo at napatay. Palibhasa’y wala nang lider, nangalat at tumakas ang hukbong Persiano.
Kasabay nito, sa baybayin ng Ionia na Mycale sa ibayo ng dagat, malaking tagumpay naman ang natamo ng plota ng Gresya laban sa hukbong pandagat ng Persia, na bahagyang nakaligtas sa pagkatalo sa Salamis isang taon ang nakaraan. Malaking pagkatalo ang dinanas ng pinagsamang mga hukbo ng makapangyarihang hukbong sandatahan ng Persia.
Isang Nalumpong “Oso”
Hindi na kailanman muling makikipagdigma ang mga hukbong militar ng Persia sa Europa. Lubusang nawasak ang hukbong Persiano bilang isang puwersang pandigma. Pagkatapos noon, ayon sa aklat na A Soaring Spirit, “nagretiro si Jerjes sa kaniyang mga kabisera at sa mga kaluguran ng kaniyang harem. Sa pana-panahon ay kumikilos siya upang isulong ang mga proyekto sa pagtatayo ng kaniyang ama, anupa’t nagdaragdag ng mga palasyo at napakalaking mga bulwagan sa seremonyal na kabisera ng Persia, ang Persepolis. Gayunman’y wala na siyang gaanong nagawa na mahalaga.”
Dahil sa nakukubli sa ligtas na buhay sa palasyo, hinayaan ng ambisyosong mananakop na lumiit ang sakop ng kaniyang mga interes sa maliliit na pangkat ng pulitikal na pagmamaneobra at mga tsismis sa palasyo. Ngunit kahit na nga rito, bigo siya. Noong 475 B.C.E., pinaslang siya sa kaniya mismong kama ng isang pangkat ng mga lihim na nagsabuwatan.
Ganito ang komento ng A Soaring Spirit: “Sa sunud-sunod na paghalili ng mga haring Persiano—sa paano man sa pangmalas ng mga manunulat na Griego na pangunahing pagmumulan ng impormasyon tungkol sa imperyo noong panahong ito—walang nagpamalas ng lakas o ningning ni Ciro o ni Dario. Sa ilalim ng anak ni Jerjes, si Artajerjes I, ang salapi, hindi ang mga kawal, ang naging mahalagang instrumento sa patakaran ng imperyo ng Persia. Ginamit niya ang barya sa kaharian upang makialam sa mga gawain ng Gresya, suhulan muna ang isang [estadong-lunsod] at pagkatapos ay ang isa pa upang lumikha ng gulo. . . . Ang mga barya, gintong darik, ay may larawan ni Dario na may hawak na isang busog at talanga ng mga palaso; may panunuyang tinatawag ito ng mga Griego na ‘mga mamamanang Persiano.’”
Patuloy na nabahiran ng dugo ng sabuwatan at pagpaslang ang maharlikang sambahayan ng Imperyo ng Persia hanggang sa pagkalipol nito noong dakong huli. Patuloy na bumagsak ang imperyo, at naiwala ng dinastiyang Persiano ang mahigpit na hawak nito sa kapangyarihan at ang kakayahan nitong mamahala.
Sa kabila ng huling mga pagsisikap nito na palakasin ang rehimen, ang maharlikang sambahayan na pabagsak na noong panahon ni Alejandrong Dakila—isang lalaking ang imperyalistikong pangitain at mga ambisyon ay katulad ni Ciro—ay nagmartsa sa lawak ng imperyo noong ikaapat na siglo B.C.E. Minsan pa, matutupad ang hula ng Bibliya sa bawat detalye nito.
[Talababa]
a Para sa higit pang detalye, tingnan “Ang Digmaan ng Marathon—Paghiyâ sa Isang Kapangyarihang Pandaigdig,” sa labas ng Mayo 8, 1995, ng Gumising!, at “Ang Masaklap na Pagkatalo ni Jerjes,” sa labas ng Abril 8, 1999, ng Gumising!
[Kahon/Mga larawan sa pahina 26]
Medo-Persia at Gresya—Dalawang Siglo ng Sagupaan
539 B.C.E. Naging ikaapat na kapangyarihang pandaigdig ang Medo-Persia. Sinunggaban nito ang teritoryo sa tatlong pangunahing direksiyon: sa hilaga (Asirya), sa kanluran (Ionia), at sa timog (Ehipto) (Daniel 7:5; 8:1-4, 20)
500 B.C.E. Naghimagsik ang mga Griego sa Ionia (Asia Minor) laban sa mga tagapamahalang Persiano
490 B.C.E. Itinaboy ng mga taga-Atenas ang mga Persiano sa Marathon
482 B.C.E. ‘Pinukaw [ni Jerjes] ang lahat ng bagay laban sa Gresya’ (Daniel 11:2)
480 B.C.E. Magastos na tagumpay ng mga Persiano sa Thermopylae; natalo ang mga Persiano sa Salamis
479 B.C.E. Nagwagi ang mga taga-Atenas at mga taga-Sparta laban sa mga Persiano sa Plataea
336 B.C.E. Naging hari ng Macedonia si Alejandro
331 B.C.E. Nilupig ni Alejandrong Dakila ang hukbong Persiano sa Gaugamela; ang Gresya ay naging ang ikalimang kapangyarihang pandaigdig (Daniel 8:3-8, 20-22)
[Mga larawan]
Mamamanang Persiano
Prusisyon ng hukbong kabayuhan ng Gresya
[Credit Lines]
Musée du Louvre, Paris
Photograph taken by courtesy of the British Museum
[Kahon sa pahina 26]
Ang Pangwakas na Resulta ng Lahat ng Pagpupunyagi ng Tao sa Kapangyarihan
“Sa mga araw ng mga haring iyon ay magtatatag ang Diyos sa langit ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. At ang kaharian ay hindi isasalin sa iba pang bayan. Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng mga kahariang ito, at iyon nga ay mananatili hanggang sa mga panahong walang takda.”—Daniel 2:44
[Larawan sa pahina 25]
Ang larangan ng digmaan sa Plataea, kung saan nawasak ang Persianong puwersang pandigma