Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 4/8 p. 25-27
  • Isang Masaklap na Pagkatalo ni Jerjes

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isang Masaklap na Pagkatalo ni Jerjes
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Jerjes​—Isang Determinadong Mananakop
  • Thermopylae​—Isang Magastos at Makipot na Lupain
  • Si Ephialtes, Isang Bangungot
  • Salamis​—Ginamit ang “Kahoy ng mga Pader”
  • Masaklap na Pagkatalo
  • Ang Digmaan ng Plataea—Isang “Oso” ang Pinaluhod
    Gumising!—1999
  • Persia, Mga Persiano
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Ang Digmaan ng Marathon—Paghiyâ sa Isang Kapangyarihang Pandaigdig
    Gumising!—1995
  • Ahasuero
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 4/8 p. 25-27

Isang Masaklap na Pagkatalo ni Jerjes

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA GRESYA

ANG walang-kabatirang manlalakbay ay naiintriga sa maiinit na bukal at sa mga geyser na bumubuga ng mga gas na asupre. Magtataka siyang malaman na ang baybaying kapatagan​—ang lugar na ito na tinatawag na Thermopylae, nangangahulugang “Maiinit na Pintuang-daan”​—ay dating makitid na lupain na halos imposibleng madaanan. Ngunit baka lalo siyang maintriga kapag nalaman niya na dito, at lalo na sa bandang timog sa isla ng Salamis, ay makasusumpong siya ng matibay na ebidensiya ng pambihirang katuparan ng hula sa Bibliya.

Sa katunayan, kung isasaalang-alang ang pangyayari at ayon sa naging katuparan, talagang kamangha-mangha ang mga detalye ng ilang hula sa aklat ng Bibliya na Daniel na nauugnay sa mga lugar na ito. Naglalaan ang mga ito ng kapani-paniwalang patotoo na ang Bibliya ay Salita ng Diyos. Sa Daniel kabanata 11, makikita natin ang isang kapansin-pansing halimbawa. Ang makahulang impormasyon ay ibinigay kay Daniel “nang unang taon ni Dario na Medo,” mga 538 B.C.E. (Daniel 11:1) Ngunit ang katuparan ng isiniwalat noon ay sumasaklaw sa yugto na binubuo ng maraming siglo.

Ganito ang inihula ng Daniel 11:2 hinggil sa isang haring Persiano: “Narito! Magkakaroon pa ng tatlong hari na tatayo para sa Persia, at ang ikaapat ay magkakamal ng higit na kayamanan kaysa sa lahat ng iba pa. At kapag lumakas na siya sa kaniyang kayamanan, pupukawin niya ang lahat ng bagay laban sa kaharian ng Gresya.”

Bilang kahalili ni Ciro II, si Cambyses II, at Dario I, ‘ang ikaapat na hari’ sa aktuwal ay si Jerjes I, maliwanag na si Ahasuero na binanggit sa aklat ng Bibliya na Esther. Talaga bang ‘pinukaw niya ang lahat ng bagay laban sa kaharian ng Gresya,’ at ano ang naging resulta nito?

Jerjes​—Isang Determinadong Mananakop

Kinailangang harapin ni Jerjes ang ibinunga ng pagkatalo ng mga puwersa ng kaniyang amang si Dario, sa Marathon.a Kaya naman, ginugol ni Jerjes ang mga unang taon ng kaniyang paghahari sa pagsugpo sa mga paghihimagsik sa imperyo at gayundin sa pagiging ‘malakas sa kaniyang kayamanan.’

Gayunman, ang pagsakop sa Gresya, na isinusulsol ng kaniyang ambisyosong mga tagapaglingkod, ay namalagi sa isip ni Jerjes. Kaya pasimula noong 484 B.C.E., gumugol siya ng tatlong taon sa pagtitipon, mula sa lahat ng gobernador at mga estado sa ilalim ng pamamahala ng Persia, ng iniulat na isa sa pinakamalalaking hukbo na nagmartsa kailanman sa balat ng lupa. Ayon sa Griegong mananalaysay na si Herodotus, ang pinagsamang lakas ng mga puwersang panlupa at pandagat ni Jerjes ay umabot sa di-kapani-paniwalang 2,641,610 mandirigma.b

Samantala, nagsimulang maghanda ang mga Griego sa sarili nilang paraan. Bagaman mga taong maglalayag, kulang sila ng puwersa sa dagat. Ngunit ngayon, bilang tugon sa banta ng pagsalakay ng Persia at isang orakulo mula sa Delphi na nag-utos sa kanila na ipagtanggol ang kanilang sarili sa pamamagitan ng “kahoy na mga pader,” ang Atenas ay nagsimulang bumuo ng isang panlaban na hukbong-dagat.

Ang mga minahan sa Laurium na pag-aari ng estado ay natuklasang isang dako na mayaman sa pilak, at hinimok ni Themistocles, isang prominenteng pulitiko sa Atenas, ang Kapulungan na gamitin ang lahat ng tubo mula sa minahan para gumawa ng isang plota na binubuo ng 200 barkong trireme. Bagaman atubili sa simula, nanguna ang Sparta sa pagtatatag ng Helenikong Liga, na binubuo ng mga 30 Griegong estadong-lunsod.

Samantala, pinakikilos na ni Jerjes ang kaniyang agresibo at mapangwasak na puwersa patungo sa Europa​—tiyak na hindi naging madali ito. Ang pagkain ay ilalaan ng mga lunsod na madaraanan, sa halagang 400 talento ng ginto sa isang araw para sa isang kainan ng buong hukbo. Mga buwan pa bago nito, nagpadala na ng mga mensahero para maghanda ng mga butil, baka, at manok para sa mesa ng hari. Si Jerjes lamang ang may tolda; ang buong hukbo ay natutulog sa labas.

Kinailangan munang tawirin ng malaking hukbo ang Hellespont (ngayo’y tinatawag na Dardanelles), isang makipot na daanan na naghihiwalay sa Asia mula sa Europa. Matapos gumuho ang dalawang tulay ng barko dahil sa isang bagyo, iniutos ni Jerjes​—na galit na galit​—na latiguhin nang 300 beses, herohan ng bakal, at patawan ang mismong katubigan ng Hellespont. Pinapugutan din niya ng ulo ang mga inhinyero. Nang maitayo sa ibabaw ng Hellespont ang dalawa pang tulay, gumugol ng dalawang buong sanlinggo para makatawid ang hukbo.

Thermopylae​—Isang Magastos at Makipot na Lupain

Noong mga kalagitnaan ng 480 B.C.E., ang hukbo ng imperyo ng Persia, kasama ang plota, ay nakarating sa baybayin ng Thessaly. Sa wakas ay nagpasiya ang Griegong alyadong mga puwersa na huminto bilang depensa sa Thermopylae, isang makipot na lupain kung saan ang mga bundok sa kontinente noong panahong iyon ay matarik na pababa hanggang 15 metro ng dalampasigan.c

Iilang Persiano lamang ang makadaraan sa lupaing ito nang sabay-sabay anupat maaari silang pigilin ng isang pangkat ng matitipunong sundalo. Isang paunang puwersa ng 7,000 Griego sa ilalim ni Haring Leonidas ng Sparta ang pumuwesto sa makikipot na daanan malapit sa Thermopylae. Samantala, ang Griegong hukbong-dagat, 270 barkong pandigma, ay naroon malapit sa baybayin ng Artemisium, anupat nakikipagtaguan sa plota ng Persia.

Nakarating si Jerjes sa Thermopylae sa pagsisimula ng Agosto, anupat nagtitiwala na madaraig ng kaniyang malaking hukbo ang mga Griego. Nang hindi sumuko ang mga Griego, ipinadala niya ang mga Medo at Cissiano upang itaboy sila; ngunit matindi ang pagkatalo ng mga puwersang ito, at natalo rin ang mga Imortal (isang tropa ng magagaling na mandirigma), na ipinadala ni Jerjes sa ilalim ng pangunguna ng gobernador na si Hydarnes.

Si Ephialtes, Isang Bangungot

Nang waring bigo na ang mga Persiano, nagprisinta si Ephialtes (Griego para sa “bangungot”), isang mukhang-salaping magsasaka na taga-Thessaly, para manguna sa kanila sa pagdaan sa mga burol, sa likuran ng puwersang Griego. Kinabukasan, naabutan na ng mga Persiano ang mga Griego para salakayin sa likuran. Ang mga taga-Sparta naman, palibhasa’y natanto na sila’y mapapahamak na, ay buong-bangis na ipinagtanggol ang kanilang sarili; marami sa mga sumalakay sa kanila, na pinilit umatake ng kanilang mga pinuno, ay niyurakan hanggang sa mamatay o itinaboy sa dagat. Nang bandang huli, si Haring Leonidas at ang lahat na kasama niya, mga 1,000 kalalakihan, ay napatay. Nakuha ni Hydarnes ang dulo ng hukbo ng Sparta.

Ang hukbong Persiano, kasama ng mga natira sa plota ng Persia, ay nanakot sa tahanan ng mga taga-Atenas. Nagmartsa si Jerjes patungo sa Attica, anupat nandambong at nanunog habang daan. Ang mga taga-Atenas ay lumikas sa kalapit na isla ng Salamis. Nanatili naman ang plota ng mga Griego sa pagitan ng Atenas at Salamis. Umabot ng dalawang linggo bago bumagsak ang nakukutaang bahagi ng Atenas. Napatay ang lahat ng mga nagtanggol, at ang mga santuwaryo ay giniba, sinunog, at dinambong.

Salamis​—Ginamit ang “Kahoy ng mga Pader”

Nakasagupa na ng mga barkong pandigma ng Gresya ang plota ng Persia sa ilang matitindi ngunit di-tiyakang labanan malapit sa Thermopylae. Pagkatapos, dahil sa naganap na pag-atras sa lupa, ang plota ng Gresya ay umurong patimog. Muli itong nagtipon sa dagat ng Salamis, kung saan nagsimulang gumawa ng plano si Themistocles para sa pakikipaglaban.

Alam niya na ang 300 barkong pandigma ng Fenicia na siyang bumubuo ng pundasyon ng hukbong-dagat ng Persia ay mas malalaki gayunma’y mas madaling maneobrahin kaysa sa mas maliliit at matitibay na trireme ng mga Griego. Ang plotang Persiano ay binubuo ng mga 1,200 barko, kung ihahambing sa 380 ng puwersang Griego. At ang mga Griegong marino ay hindi gaanong makaranasan na gaya niyaong mga marino sa barkong pandigma ng Persia. Ngunit ang lagusan sa pagitan ng Salamis at baybayin ng Attica ay makipot, sapat lamang na makaraan nang sabay ang 50 barko. Kung mararahuyo ng mga Griego ang mga Persiano sa likas na imbudong ito, madaraig ang kahigitan ng mga Persiano sa bilang at sa pagiging madaling maneobrahin. Sinasabi na inilunsad ni Themistocles ang paligsahan sa pamamagitan ng pagpapadala ng isang nakalilinlang na mensahe kay Jerjes na nagsabi sa kaniya na sumalakay na ito bago magkaroon ng pagkakataong makatakas ang plota ng mga Griego.

At nangyari nga iyon. Ang plota ng Persia, na ang bawat barkong pandigma ay lubhang nasasandatahan sa pamamagitan ng mga hanay ng mga tagagaod nito at hukbo ng mga maninibat at mamamana, ay lumibot sa dulo ng Attica at lumayag patungo sa lagusan. Palibhasa’y nakatitiyak ng tagumpay, ipinuwesto ni Jerjes ang kaniyang trono sa isang bundok kung saan maalwan niyang mapagmamasdan ang labanan.

Masaklap na Pagkatalo

Nagkaroon ng malaking kalituhan habang nagsisiksikan ang mga Persiano sa makipot na lagusan. Biglang-bigla, humugong ang isang trumpeta mula sa mga taluktok ng isla ng Salamis, at sumugod ang mga barkong Griego sa maayos na mga hanay. Binangga ng mga trireme ang mga barko ng Persia, anupat dinurog ang mga katawan nito at ibinangga sa isa’t isa. Ang mga Griegong mandirigma ay tumalon sa napinsalang mga barko ng kaaway, nakaumang ang mga tabak.

Nagkalat sa buhangin sa mga dalampasigan ng Attica ang nagkapira-pirasong mga kahoy at putul-putol na mga bangkay. Pagkatapos ng kapahamakang ito, tinipon ni Jerjes ang kaniyang natitirang mga barko at nagsimulang maglakbay pauwi. Tapos na ang kaniyang kampanya para sa taóng iyon. Ngunit nag-iwan siya roon ng isang malaking hukbo para magpalipas ng taglamig sa ilalim ng pamumuno ng kaniyang bayaw na si Mardonius.

Para sa masusugid na estudyante ng Bibliya, ang pagkatalo sa Salamis ay isang pahiwatig, matagal bago pa mangyari, ng kahigitan sa dakong huli ng inihula ni Daniel na Griegong “kambing-na-lalaki” sa ‘dalawang-sungay na barakong tupa’ ng Medo-Persia. (Daniel 8:5-8) Higit na mahalaga, tinitiyak ng hula ng Bibliya sa mga lingkod ng Diyos na ang walang-saysay na pakikipagpunyagi ng tao para mangibabaw ay tatapusin sa wakas ng pamamahala ng haring si Jesu-Kristo.​—Isaias 9:6; Daniel 2:44.

[Mga talababa]

a Para sa karagdagang detalye, tingnan “Ang Digmaan ng Marathon​—Paghiyâ sa Isang Kapangyarihang Pandaigdig,” sa Mayo 8, 1995, isyu ng Gumising!

b Gaya ng totoo sa napakaraming sinaunang mga labanan, pinagtatalunan ang bilang ng hukbong Persiano. Binanggit ng istoryador na si Will Durant ang pagtantiya ni Herodotus, samantalang pinili ng ibang reperensiya ang bilang na mula sa 250,000 hanggang sa 400,000 kalalakihan.

c Binago ng mga deposito ng alluvium ang tabing-dagat, kaya ngayon ay isa itong malapad at matubig na kapatagan na may lapad na mula sa dos punto kuwatro hanggang sa kuwatro punto otso kilometro.

[Kahon/Larawan sa pahina 25]

Ang Trireme​—Isang Mapangwasak na Barko

Ang lakas sa likod ng pananaig sa dagat ng mga taga-Atenas sa Aegean noong ikalimang siglo B.C.E. ay ang trireme, isang pahabang sasakyang-dagat na naglalakbay nang may layag patungo sa destinasyon nito ngunit pinaaandar ng mga panggaod sa panahon ng mga labanan sa dagat. Bawat galera ay naglululan ng isang pangkat ng mga sundalo. Ngunit ang tunguhin nila ay hindi upang sumakay sa mga barko ng kaaway kundi sa halip ay wasakin ang mga ito sa pamamagitan ng matulis na metal sa nguso ng trireme na iniuumang sa pinupuntirya nito sa pamamagitan ng 170 tagagaod.

[Credit Line]

Hellenic Maritime Museum/ Litrato: P. Stolis

[Mapa sa pahina 26]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

MGA PUWERSANG PANDIGMA NI JERJES

HELLESPONT

THESSALY

ARTEMISIUM

THERMOPYLAE

ATTICA

ATENAS

MARATHON

LAURIUM

SALAMIS

SPARTA

[Credit Line]

Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share