Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 6/8 p. 26-27
  • May Panlaban ba sa Lindol ang Inyong Bahay?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • May Panlaban ba sa Lindol ang Inyong Bahay?
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mahalagang mga Bahagi ng Panlaban sa Lindol
  • Pagtatayo ng Gusaling May Panlaban sa Lindol
  • Pagsusuri sa Isang Lindol
    Gumising!—2002
  • Mga Lindol—Kung Paano Ka Makapaghahanda Para sa Kaligtasan!
    Gumising!—1987
  • Pagharap sa Naging Resulta ng Lindol
    Gumising!—2002
  • Lindol
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 6/8 p. 26-27

May Panlaban ba sa Lindol ang Inyong Bahay?

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Hapón

“TULUNGAN ninyo ako! Tulungan ninyo ako!” Isang madilim na umaga ng Enero 17, 1994, isang lalaki ang sumigaw mula sa unang palapag ng isang apartment kung saan ang dalawang palapag sa itaas ay bumagsak gaya ng salansan ng mga pancake. Isang lindol na sumukat ng 6.6 sa Richter scale ang yumanig sa Los Angeles, California, E.U.A., kumitil ng buhay ng 16 katao sa gusaling iyon. Ang bilang ng namatay sa lugar na iyon ay mahigit na 50.

Noong Setyembre 30, 1993, isang lindol na di-gaano ang lakas ang yumanig sa estado ng Maharashtra sa kanlurang bahagi ng India. Pumatay ito ng kasindami ng 30,000 katao. “Kung naganap ito sa ibang lugar kung saan . . . mahusay ang pagkakagawa ng mga bahay, hindi sana nagkaroon ng gayong kalubhang trahedya,” sabi ni Sri Krishna Singh, isang dalubhasa sa lindol. Ang karamihan ng bahay sa nasalantang lugar ay yari sa mga ladrilyong putik.

Sa kabilang panig, isang lindol na kasinlakas din niyaong sa India ang yumanig sa Tokyo, Hapón, noong 1985. Iyon ang pinakamalakas na yumanig sa lugar sa loob ng 56 na taon. Subalit, walang mga namatay, walang sunog, walang malaking kapinsalaan sa ari-arian. Ano ang pagkakaiba?

Ang isang sagot ay nakasalig sa mga paraan ng pagtatayo na ginamit sa mga gusali. Maraming bansa sa mga lugar na laging nililindol ay hinihilingan ang structural na mga inhinyero na sumunod sa mahigpit na mga alituntunin sa pagtatayo upang gawing may panlaban sa lindol ang mga gusali. Bilang isang halimbawa, suriin natin kung paano ang mga gusaling may panlaban sa lindol ay itinatayo sa Hapón.

Mahalagang mga Bahagi ng Panlaban sa Lindol

Ang sinaunang mga gusali sa Hapón ay may mahahalagang bahagi na may panlaban sa lindol na di-sinasadyang nailagay sa mga ito. Yamang ang karamihan ng bahay ay itinayo na yari sa kahoy, sari-saring sugpong ang ginamit. Nagpapangyari ito sa bahay na umugoy kapag yumanig nang malakas subalit hindi babagsak. Naligtas ang mga pagoda at mga kastilyo na ginagamit ang prinsipyong ito mula noong Edad Medya. Isinisiwalat ng mga pagsusuri sa mga gusaling ito na ang lihim ay nakasalalay sa pagsunod nito sa pagyanig kaysa pagiging matatag nito. Ang idea na ito ay ginagamit ngayon sa makabagong mga gusali.

Sa nagtataasang mga gusali, ang mabisang paggamit ng bakal ang tumitiyak kung ang gusali ay makaliligtas sa lindol o hindi. Hindi lamang ang bakal na mga tahilan at mga biga ang ginamit kundi mga bakal na baras na pangsuporta ang ibinaon sa kongkretong mga poste, sahig, at dingding upang makagawa ng gusali na matibay subalit madaling sumunod sa pagyanig. Ang bakal ang nagpapangyari sa madaling pagsunod sa pagyanig na tumutulong sa gusali na hindi gumuho kapag lumindol.

Ginawa ring posible ng bagong pananaliksik na matutuhan kung paano niyayanig ng lindol ang gusali. Ito ang umakay sa napakahalagang pagsasaalang-alang sa pagdisenyo ng gusali na may panlaban sa lindol: ang lakas ng pag-uga nito. Ang maliit na gusali o isang gusali na di-umuugoy ay may malakas, kaya mas mapanganib, na pag-uga kaysa mas mataas o higit na sumusunod sa pagyanig na gusali. Karagdagan pa, mahalaga na ang gusali ay idisenyo na mas mahina ang pag-uga kaysa pagyanig ng lupa kung saan ito’y nakatayo. Babawasan nito ang epekto ng resonance (lakas ng yanig), na nagpapalakas sa puwersa ng yanig.

Ang isa pang bagay na isasaalang-alang ay ang pundasyon. Matagumpay na nasubukan ng isang kompaniya ang isang gusali na itinayo sa mga rubber pad na gumagamit ng madikit na pinakasapin. Nagsisilbi itong mga shock absorber at siyang bumabawas sa mga epekto ng pagyanig ng humigit-kumulang 60 porsiyento sa itaas na bahagi ng gusali. Sa ilang kaso, ang mga pilote ay kailangang ibaon sa mas matigas na lupa. Maging ang basement (pinakasilong) ay makapaglalaan din ng katatagan upang maiwasang humilig ng gusali.

Pagtatayo ng Gusaling May Panlaban sa Lindol

Ang sangay ng Samahang Watch Tower sa Hapón ay nagtayo ng bagong karagdagang gusali sa palimbagan nito noong 1989. Ang gusali ay 67 metro ang haba, 45 metro ang luwang, at anim na palapag ang taas, na may basement sa ilalim ng buong gusali. Upang may panlaban ang gusali sa lindol, 465 kongkretong pilote ang ibinaon sa lupa.

Sa lugar ng konstruksiyon, isang walang-ingay, walang-yanig na paraan ang ginamit upang ibaon ang mga pilote sa lupa. Ang mga pilote, na may sukat na 80 centimetro ang diyametro at 12 metro ang haba, ay mga tubo. Pagkatapos na ipasok ang kagamitang pambutas na may pambarenang talim sa dulo ang pilote, ito’y itinataas nang patayo sa mismong lugar kung saan ito’y ibabaon. Habang iniikot ang pambutas, inaalis nito ang lupa sa gitna ng pagtatayuan ng pilote, at ang pilote ay unti-unting iaagpang sa hustung-hustong sukat na butas. Upang higit pang lumalim, isa pang pilote ang maaaring ihinang sa piraso na naibaon na.

Minsang naibaon sa tamang lalim, ang pambarenang mga talim sa dulo ng kagamitang pambutas ay ibinubuka, at ang mas malaking butas na hugis bombilya ay hinuhukay sa ilalim ng pilote. Pagkatapos alisin ang kagamitang pambutas, ibinubuhos ang semento sa pilote at sa butas nito, at ang pilote ay napatitibay sa lugar nito kapag tumigas na ang semento.

Pagkatapos na maitatag ang lahat ng pilote sa pundasyon, ang mga ito ay inuugnay-ugnay ng mga biga kung saan ang sahig at mga dingding ng basement ay nakapatong. Taglay ang gayong pundasyon, matatagalan ng gusali ang katamtamang lakas ng pagyanig.

Ang inyo bang bahay ay may panlaban sa lindol? Walang mga paraan ng pagdidisenyo o iba pang hakbang ng pag-iingat ang makatitiyak na ang gusali ay mananatiling di-matitinag ng pagyanig. Ang lindol ay maaaring maging malakas anupat kahit ang pinakamahusay ang pagkadisenyo na mga gusali ay hindi makatatagal sa pagwasak nito, gaya ng nakita sa malakas na lindol sa Kobe, Hapón, noong Enero. Gayunman, sa pagpili na tumira sa gusali na maingat na itinayo, madarama mong mas ligtas kapag lumindol sa inyong lugar.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share