Pagmamasid sa Daigdig
Higit Pa sa Salapi ang Isinusugal
Ayon sa pahayagan sa Australia na The Sydney Morning Herald, sa pagbubukas ng bagong mga pasugalan, napapaharap ang mga awtoridad sa di-inaasahang problema: “mga magulang na nagpapabaya sa kanilang mga anak upang makapagsugal.” Ilang bata ang natuklasang kinulong sa mga kotse habang ang kanilang mga magulang ay gumugol ng maraming oras sa mga sugalan. Isang malupit na kaso ay ang pagkakulong ng limang-taóng-gulang na batang lalaki at ng kaniyang 18-buwang-gulang na kapatid na babae sa kotse sa loob ng limang oras hanggang sa sila’y pakawalan ng pulis nang ikapito ng umaga. Ang kitang-kitang mga karatula na nakasulat sa ilang wika ay nakalagay ngayon sa labas ng isang pasugalan na nagbababala sa mga magulang na sila’y magmumulta ng $5,000 at malamang na mabilanggo dahil sa pagpapabaya sa kanilang mga anak sa ganitong paraan. Ayon sa The Herald, sinabi ng isang social worker na ang pagkasugapa sa pagsusugal ay humantong na rin sa “pagkawasak ng mga pag-aasawa, krimen, pagkawala ng trabaho at pagpapatiwakal.”
Pagbabago sa Bibliya
Ang Oxford University Press ay naghanda ng isang bagong bersiyon ng Bibliya na may walang-kaparis na mga pagbabago. Sa isang pagtatangka na “huwag makasagasa,” iniwasan ng bersiyon ang mga salita na di-umano’y maaaring unawaing may kinikilingan sa kasarian, may pagtatangi ng lahi, o may bahid ng laban sa Judio. Halimbawa, ang bagong bersiyon ay tumutukoy sa Diyos bilang “Ama-Ina.” Si Jesus ay hindi na magiging “Anak ng tao” kundi, sa halip, ang “Isang Tao.” Hindi bumanggit ang bersiyon tungkol sa pagpatay ng mga Judio kay Jesu-Kristo. Maging ang sinasabing pagtatangi sa mga kaliwete ay aalisin na kapag ang “kanang kamay” ng Diyos ang naging “makapangyarihang kamay” niya, sabi ng The Sunday Times.
Nanganganib na Pangingisda
Habang pinag-aawayan ng mga sasakyan sa pangingisda ng iba’t ibang bansa ang teritoryo sa pangingisda at mga karapatan sa pangingisda, isang ulat ng Worldwatch Institute ang nagbabala na ang nahuling isda sa daigdig ay umabot na sa sukdulan nito at ngayon ay bumaba na ang bilang sa kalakhang bahagi ng lupa. Bagaman kinikilala na ang polusyon sa kapaligiran ay isang salik sa pagkaubos ng mga isda sa buong mundo, sinasabi ng ulat na ang labis na pangingisda ng mga industriya ng komersiyal na pangingisda ang pangunahing sanhi ng pag-unti ng bilang ng isda na hinuhuli sa mga karagatan ng Atlantiko at Pasipiko at sa mga dagat na Itim at Mediteraneo. Sinabi ng paglilingkod sa balita na Agence France-Presse na ayon sa ulat ng Worldwatch, ang huli ay bumaba nang hanggang sa 30 porsiyento sa ilang rehiyon at na kung ang kasalukuyang maling pamamanihala ng mga yaman sa karagatan ay magpapatuloy, talagang milyun-milyong mangingisda ang mawawalan ng hanapbuhay.
Ang Tumataas na Presyo ng Bird’s-Nest Soup
Sa mga restauran sa Hong Kong at iba pang mga siyudad sa Asia, ang paboritong pagkain ay ang masarap na bird’s nest, na karaniwang niluluto na sopas. Ayon sa International Herald Tribune, itinuturing ng maraming Intsik ang nilutong mga pugad na hindi lamang isang masarap na pagkain kundi mabuti para sa kalusugan. Tinataya ng mga grupong nag-iingat sa kalikasan na ang Hong Kong lamang ay gumamit ng halos 17 milyong pugad ng swiftlet noong 1992. Gayunman, ang sobrang pangunguha ang nagpataas ng pakyaw na halaga ng mga pugad sa mataas na halagang $500 bawat kilo, at ang magandang klase ng mga pugad ay walong ulit pa ang kahigitan. Ang halaga sa mga swiftlet na gumagawa ng mga pugad ay mas mataas. Ang kapinsalaan sa mga itlog at mga sisiw kapag kinukuha ang mga pugad ang nagdulot ng pag-unti sa dami ng mga swiftlet at ang pagkalipol ng iba pa.
Hinuhuli ng Pulis ang May Mabibigat na Bag sa Eskuwela
“Ang bigat ng mga bag na pang-eskuwela ay hindi dapat lumampas sa 15 porsiyento ng bigat ng [mag-aaral],” sabi ng alkalde ng Cantù, isang bayan sa lalawigan ng Como, sa hilagang Italya. Ang alkalde ay nag-aalala sa panganib ng pagkakaroon ng scoliosis. Ang mga magulang ng mga bata na lumalabag sa alituntunin ay magmumulta ng 400,000 lira [$250, U.S.] at hanggang anim na buwang pagkabilanggo. Upang ipakita na siya’y seryoso, nagpadala ang alkalde ng panlungsod na pulis, may dalang timbangan para sumubaybay sa mga checkpoint sa labas ng mga paaralan, ulat ng Corriere della Sera. Dalawang estudyante lamang na pinatigil sa unang pagsusuri ang hindi lumampas sa takdang bigat. Sa katunayan, ang isang batang lalaki na tumitimbang ng 34 na kilo ay may bitbit na bag na tumitimbang ng 12 kilo. Ang kaniyang mga kaeskuwela ang nagtanggol sa kaniya, nagrereklamo na ang mga aklat sa anthology at matematika lamang ay tumitimbang nang 5 kilo, at kailangan nilang dalhin ang mga aklat para sa hindi bababa sa apat na asignatura bawat araw. Sinisi ng alkalde ang mga naglalathala ng aklat, na interesado lamang “sa pagbebenta ng mas mabibigat at mas mahal na mga aklat.” Iminungkahi niya na kanilang ilathala ang mga aklat-aralin nang hiwa-hiwalay.
Hinahadlangan ng Komendasyon ang Kaigtingan
Bawat taon ang atake sa puso ay kumikitil ng buhay ng 200,000 katao sa Alemanya. Ano ang pangunahing sanhi? “Kaigtingan,” ulat ng pahayagang Süddeutsche Zeitung, yamang ang pagtatrabaho sa Alemanya ay humihiling ng “dibdibang paggawa, patuloy na kaigtingan.” Ang kaigtingan sa trabaho ay nagbubunga ng napakaraming pagliban dahil sa sakit at humahantong sa burnout. Halos kalahating porsiyento ng mga nars ang nakararanas ng mga sintoma ng kaigtingan, at 1 guro sa 3 ang nagreretiro nang maaga, marami ang dahil sa “kaigtingan sa isip.” Pinag-aaralan ngayon ng mga kompanya sa seguro sa kalusugan kung paano babawasan ang kaigtingan sa trabaho. Itinampok ng isang pagsusuri, na isinagawa sa ilang daang kompanya na may katamtamang laki, ang waring sanhing salik: Sa mga manggagawa na sinurbey, 44 na porsiyento ang hindi kailanman tumanggap ng anumang komendasyon sa trabaho.
Naglayas na mga Bata
Sa bawat taon 98,000 bata sa Britanya ang naglalayas, sabi ng pahayagang The Independent. Marami ang naglalayas upang matakasan ang karahasan sa pamilya. Mahigit sa 10,000 ang tumakas ng di-kukulangin sa sampung ulit bago sila umabot sa edad na 16 na taon. Dahil sa napakabata pa para tumanggap ng mga benepisyo, marami sa naglalayas na ito ang bumabaling sa krimen at prostitusyon. Kung ipagwawalang-bahala natin ang problema, babala ni Ian Sparks, ang punong ehekutibo ng Children’s Society, at ang mga kabataang ito ay lálakíng “walang tahanang mga adulto na hiwalay sa lipunan.” Kung “ang lipunan sa kabuuan” ay higit na magbibigay pansin sa pagsuporta at pagtulong sa mga magulang, sabi niya, kung gayon “marami sa problema ang hindi na sana nangyari pa.”
Nakagugulat na Kakapusan sa Tubig
“Ang Timog Aprika ay napapaharap ngayon sa napakalawak na kakapusan sa tubig,” ulat ng pahayagang The Star. Malibang gumamit ng panghaliling mga mapagkukunan, ang kasalukuyang pinagkukunan ng tubig ay mauubos “sa loob ng susunod na 15 taon.” Ang isang salik ay ang mabilis na pagdami ng populasyon. Ang kakaunting ulan, halos kalahati lamang sa katamtamang dami ng ulan sa daigdig, ang isa pang salik. Isang di-pangkaraniwang mataas na antas ng pagsingaw ng tubig (evaporation) ang nagpapalala sa problema. Ang pinakamalaking imbakan ng tubig na dam sa bansa ay nawawalan ng 500,000 litro taun-taon dahil sa pagsingaw ng tubig. Ang kalidad ng tubig sa ngayon ay bumababa rin bunga ng polusyon. Ganito ang sabi ng The Star: “May 12 milyon katao ngayon ang walang makuhang malinis na maiinom na tubig at mahigit na 20 milyon ang walang sapat na kalinisan (na kailangang gamitan ng tubig).”
Polusyon sa Ingay
Halos 10 porsiyento ng populasyon sa daigdig ang nakararanas sa isang antas ng sakit sa pandinig. Ipinaliliwanag ng magasin sa Brazil na Globo Ciência na “ang tainga ng tao ay hindi nilayon upang tiisin ang mga ingay na dulot ng makabagong lipunan.” Ang araw-araw na pagkahantad sa nakapipinsalang antas ng ingay ay maaari ring maging sanhi ng mahinang pagtutuon ng isip, mahinang paggawa, pagiging mabalasik, at mga aksidente sa trabaho.
Dumaraming Bilang ng Nabibilanggo
Habang ang krimen ay dumarami sa daigdig, gayundin naman ang bilang ng nabibilanggo. Ang Russia ngayon ay may dami ng nabibilanggo na 558 sa bawat 100,000 katao, sinundan ng Estados Unidos na may 519 sa bawat 100,000. Ang sumunod ay ang Timog Aprika na may 368, ang Singapore na may 229, at ang Canada na may 116. Sapol ng pagkakawatak-watak ng dating Unyong Sobyet, ang pagpatay at iba pang krimen ay napakalaki ng itinaas sa Russia, at ang bilang ng nabibilanggo roon ay tumaas nang higit kaysa Estados Unidos, ang dating nangunguna. Bakit napakaraming mga bansa sa Europa ang may nabibilanggong tao na ang dami ay halos sangkanim ng sa Estados Unidos? “Ang isang paliwanag ay na bagaman ang pangkalahatang dami ng krimen ay nagkakaiba-iba sa mga bansa, ang karahasan ang pinakapalasak sa Estados Unidos, Russia at Timog Aprika,” sabi ng U.S.News & World Report. “Anuman ang dahilan, ang agwat sa bilang ng nabibilanggo ay malamang na lumaki.”
Mga Bata na Mas Mahusay Bumasa at Sumulat
“Ang pagbabasa sa mga bata ay nagpapahusay sa kakayahang sumulat,” ulat ng pahayagang Globe and Mail sa Canada. Ayon sa mga resulta ng kamakailang mga pagsubok na isinagawa ng Ministri ng Edukasyon ng Ontario, Canada, ang mga estudyante na nagsabi na sila’y madalas basahan ng mga kuwento habang sila’y lumalaki ay mas mahuhusay sa pagsusulit kaysa sa mga bibihira o hindi sila kailanman nabasahan ng mga aklat. Sinabi pa ng Globe na “ang mga estudyante na mahusay sa pagsusulat ay mahusay rin sa pagbasa” at na “ang mga estudyante na nagbabasa pa maliban sa binabasa sa paaralan ay mas mahusay kapuwa sa pagbasa at pagsulat.” Ayon sa pangulo ng Ontario Teachers Federation, isiniwalat ng mga resulta ng pagsusulit na “ang mga estudyante na hindi nagbabasa o hindi binabasahan sa edad na 14 ay hindi na magbabasa pa paglagpas ng edad na iyan.”