Pagmamasid sa Daigdig
Hula Tungkol sa AIDS
Sa pagtatapos ng siglong ito, ang Estados Unidos ay magkakaroon ng mahigit na isang milyong biktima ng karaniwang nakamamatay na sakit na AIDS, sabi ng mga siyentipikong kinapanayam ni Louis Harris at mga kasama. Ang surbey ay isinagawa sa gitna ng mga siyentipiko na nagdadalubhasa sa bioteknolohiya, kanser, at nakakahawang mga sakit. Tanging 28 porsiyento lamang sa kanila ang naniniwala na magkakaroon ng “isang mabisang lunas para sa AIDS” bago ang taóng 2000. Sa gayon, halos 32,000 mga tao sa Estados Unidos ang mayroon nang AIDS, mahigit na kalahati sa kanila ang namatay na.
Nakatatakot na Malamang Mangyari
Nakalkula na ng Kagawaran ng Katarungan ng E.U. sa kauna-unahang pagkakataon ang tsansa ng indibiduwal na maging biktima ng marahas na krimen sa buong buhay niya. Ipinakikita ng sampung-taóng surbey ng mahigit na isang daang libo katao na 12 anyos at mas matanda pa, sang-ayon sa The New York Times, na 83 porsiyento “ang magiging biktima ng marahas na krimen na di-kukulanging minsan sa kanilang buong buhay” at na 52 porsiyento ang magiging biktima nang mahigit sa minsan.
Imitasyong Pananakot
Isang lalaki sa Melbourne, Australia, ang nakaimbento at nakagawa ng isang asong robot, kompleto na may panakot na tahol ng isang Alsatian (isang uri ng malaking aso). Sang-ayon sa pahayagang West Australian, ang imbentor ay naniniwala na ang kaniyang aparato ay makakaakit sa mga taong namumuhay na mag-isa. Ang elektronikong bantay-aso ay may sistema ng radar na nakakarinig sa layong 16 piye (5 m) at may nakarekord na mga tahol na dumadalas at nagiging mabagsik samantalang lumalapit ang nanloloob. Ang taunang halaga ng pagpapanatili sa 12-boltaheng pinaaandar ng batiryang mekanikal na “poodle”? Halos $84 (Australian)—humigit-kumulang ang halaga ng isang taóng suplay ng pagkain ng aso.
Nanganganib na Sopas
Sa loob ng mga dantaon isang piling pagkain sa mga Intsik, ang sopas na nido (pugad ng ibon) ay nanganganib ngayon, sabi ng mga mahilig dito. Ang pinahahalagahang mga pugad ay umuunti nang umuunti, at ang halaga ng mataas-na-uring pugad ay tumaas hanggang $1,000 isang libra, sabi ng The New York Times. Bakit ang pag-unti? Ang tirahan ng ibon ay ginawang mga bayan o mga bukirin, na nagbawas sa dami ng mga ibon, sabi ng isang awtoridad. Inaagnas din ng polusyon ang kanilang tirahan sa matatarik na dalisdis, at ang agresibong mga tagaani ng pugad ay “kinukuha ang mga pugad karakaraka pagkatapos na ang mga ito ay magawa, o sinusunggaban ang mga pugad na may mga itlog sa loob nito.” Ang mga kabataan at gayundin ang mga unggoy ay sinanay upang akyatin ang mabatong mga dalisdis upang isauli ang mga pugad. Ang mga pugad ay karaniwang nanggagaling sa Indonesia, Thailand, Vietnam, Tsina, o sa Malaysia. Ang mga ito ay mula sa laway ng ibon na tumitigas na parang sementong mga sinulid. Ang halaga ng sopas ay mula $14 hanggang $38 isang mangkok.
“Bukal ng Kabataan”
Binabaligtad ng katamtamang ehersisyo—kahit na sa mga nasa edad 80’s—ang maraming epekto ng pagtanda, sabi ng kilalang mga mananaliksik sa University of Toronto. “Marami ka pang pagdaraanan upang makasumpong ng isang bagay na kasinghusay ng ehersisyo bilang isang bukal ng kabataan,” sabi ni Dr. Roy J. Shephard, isang membro ng pangkat ng mga mananaliksik, ulat ng The New York Times. “At hindi mo kailangang tumakbo ng mga maraton upang umani ng mga pakinabang. Para sa karaniwang nakatatandang tao na naglalakad nang mabilis sa loob ng 30 minuto sa isang panahon tatlo o apat na beses sa isang linggo, maaari itong magbigay ng 10 taon na pagpapabata.” Kabilang sa mga pakinabang ang bumuting pagkilos ng puso at ng sistema sa paghinga, mas mababang presyon ng dugo, mas malakas na mga kalamnan, siksik na mga buto, at mas malinaw na pag-iisip.
“Misteryosong” mga Bilug-Bola
Nakadispley sa Museo ng Klerksdorp sa Timog Aprika ang isang kulay-tsokolateng bilug-bolang (sphere) metal na gumagawa ng isa o dalawang pag-ikot sa isang taon—nang walang tulong! Ito’y kasinlaki ng itlog ng manok at may tatlong magkakahilerang ukit na nakapaikot sa gitna nito. “Ang bilug-bola ay nakalilito sa lahat,” sabi ng kurador ng museo sa Sunday Times Magazine ng Johannesburg. “Ito’y para bang gawang-tao, parang molde.” Ang bilug-bola, pati na ang daan-daang katulad nito, ay nasumpungan sa Minahan ng Wonderstone sa Timog Aprika. Ang isang palagay ng tagasuri ay na ito’y nagbibigay ng katibayan tungkol sa isang mas mataas na sibilisasyon, “na umiral bago ang baha.” Gayunman, sang-ayon sa kurador, kung paano nahubog ang mga bilug-bolang ito ay nananatiling “isang ganap na misteryo.”
Walang Kirot na mga Iniksiyon
Kinatatakutan mo ba ang kirot ng isang iniksiyon? Ang neuropisyologong si Harold Hillman ng Surrey University, Inglatera, ay nagbibigay ng isang pratikal na tip upang alisin ang ilan sa pagkabalisa. Idiin ang isang pirasong yelo sa balat sa loob ng 15 segundo bago ang turok ng iniksiyon. Pamamanhirin nito ang dako sa loob ng mga dalawang minuto, sapat na panahon upang ipahintulot ang walang kirot na iniksiyon sa ilalim-ng-balat o sa ilalim-ng-kalamnan. (Huwag subukin ito sa isang iniksiyon sa ugat, sapagkat maaaring pagmulan ng pulikat ang lamig na hahadlang sa madaling pagpasok ng karayom.) Sang-ayon sa The Independent ng London, unang natuklasan ni Dr. Hillman ang pamatay-kirot na yelo nang tinutulungan niya ang isang walong-taong-gulang na batang babae na may diabetes na harapin ang hirap ng paulit-ulit na mga iniksiyon.
Matatabang Sanggol—Matatabang Adulto?
Tinitiyak ng mga magulang na labis-labis na pinakakain ang kanilang mga sanggol na sila ay magiging matatabang adulto, sabi ni Douglas S. Lewis, isang siyentipiko ng Southwest Foundation for Biomedical Research, sa San Antonio, Texas. Sa kaniyang report sa American Heart Association, ipinakita niya na ang gayong pagtaba, gayunman, ay hindi kaagad mahahalata. Ibinatay niya ang kaniyang mga sinabi sa mga resulta ng isang limang-taóng eksperimento sa mga baboon na labis-labis na pinakain sa unang apat na buwan ng kanilang buhay—ang katumbas na unang taon sa mga tao. Kung ihahambing sa mga pinakain nang normal, gayundin doon sa mga hindi gaanong pinakain, ang mga baboon na ito ay nagsimulang tumaba sa kanilang ikatlo at ikaapat na taon. Nang marating nila ang ganap na paglaki, yaon ay limang taong gulang, ang mga baboon ay 39 porsiyentong labis sa timbang!
Nagtatrabahong mga Ina na Nagpapasuso
Ang nagtatrabahong mga ina na minsan o makalawa sa isang araw na nagpapasuso ng kanilang mga sanggol ay hindi kinakailangang mag-alala tungkol sa panganib na mawalan ng kanilang panustos na gatas, ulat ng Journal of Obstetric, Gynecologic, and Neonatal Nursing. Ang madalas na pagpapasuso ay hindi kinakailangan upang panatilihin ang produksiyon ng gatas. Sa katunayan, yamang ang nagtatrabahong mga ina ay waring inaawat nang maaga ang kanilang mga sanggol, ang kaunting pagpapasuso ay may positibong epekto sa kaugnayan ng ina at ng sanggol. Gayunman, inamin ng ulat na hindi alam kung ang timpla ng gatas ng ina ay nagbabago dahilan sa madalas na pagpapasuso o kung ang sanggol ay nakakakuha ng katulad na dami ng proteksiyon sa sakit na gaya niyaong pinasususo nang madalas.