Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 8/8 p. 16-20
  • Ang mga Katakumba—Ano ba Ito?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang mga Katakumba—Ano ba Ito?
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Kasaysayan ng mga Katakumba
  • Isang Pagdalaw sa Isang Katakumba
  • Pinaghalong mga Idea
  • Ang mga Katakumba ng Odessa—Pasikut-sikot na mga Tunel
    Gumising!—2010
  • Ang Daigdig sa Ilalim ng Lupa sa Paris
    Gumising!—1999
  • Ang Maraming Anyo ng Roma
    Gumising!—2001
  • Mga Imahen
    Gumising!—2014
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 8/8 p. 16-20

Ang mga Katakumba​—Ano ba Ito?

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA ITALYA

Sa madidilim na daanan, natatago sa mga kaloob-loobang dako ng sinaunang Roma, ay masusumpungan ang mga katakumba. Ano ba talaga ang mga ito? Bakit ginawa ang mga ito?

PANGUNAHIN na, ang mga katakumba ay mga tunél na hinukay sa bato na ginagawang mga sementeryo. Inaakala na ang salitang “katakumba,” na di-tiyak ang kahulugan (marahil, “sa mga hukay”), ay pangalan ng lugar na inilalarawan ang partikular na sementeryo sa Appian Way malapit sa Roma. Di-nagtagal, ito’y ikinapit sa lahat ng sementeryo sa ilalim ng lupa. Bagaman may mga katakumba sa maraming bahagi ng lunas ng Mediteraneo, ang nasa Roma ang pinakakilala at pinakamalaki rin​—ang kanilang kabuuang haba ay tinatayang ilang daang milya. Kasindami ng 60 ang nakilala, ang lahat ng ito ay ilang milya ang layo sa labas ng makasaysayang kabisera ng lungsod sa kahabaan ng mga haywey na ipinagawa ng mga konsul na nag-uugnay sa Roma sa mga lalawigan nito.

Waring noong unang siglo, ang mga Kristiyanong Romano ay walang sarili nilang mga sementeryo kundi inililibing ang kanilang patay sa tabi ng mga pagano. Sa kalahatian ng ikalawang siglo, nang ang nag-aangking mga Kristiyano ay nagpasimula nang maimpluwensiyahan ng paganong kaisipan, ang mayayamang kumberte ay naghanda ng ari-arian para sa mga sementeryong “Kristiyano.” Upang lutasin ang problema tungkol sa lugar nang hindi na kailangan pang lumayo sa lungsod, nagpasimula ang paghuhukay.

Ang Kasaysayan ng mga Katakumba

Ang unang mga paghuhukay ay malamang na ginawa sa kahabaan ng mga libis ng mga burol o pinabayaang mga tibagan. “Pagkatapos,” paliwanag ni Ludwig Hertling at Engelbert Kirschbaum sa kanilang aklat tungkol sa mga katakumba, “nagpasimula ang gawain sa mga daanan sa ilalim ng lupa na hindi gaanong kataasan kaysa taas ng tao. Ang mga tunel sa gilid ay hinukay sa kanan at kaliwa, na nang maglaon ay pinagdugtong sa magkabilang dulo ng mga ito sa pamamagitan ng isa pang daanan na kahilera ng una. Sa gayon ang simple pagkatapos ay palaki nang palaki at higit na masalimuot na kawing ang nabuo.”

Ang pinakamalaking pagsulong ay naganap sa panahon ng ikatlo at ikaapat na siglo; sa panahong ito, ang di-umano’y Kristiyanong relihiyon ay lubusang nabahiran ng mga paganong turo at mga gawain. Sa tinatawag na pagkakumberte ni Constantino noong 313 C.E., ang mga katakumba ay naging pag-aari ng Iglesya ng Roma, at ang ilan ay lubusang umangkin ng pagkalaki-laking mga bahagi. Kung sama-sama, ang Romanong mga katakumba ay makapaglalaman ng daan-daan libong mga libingan, kung hindi man milyun-milyon.

Sa panahong ito ang mga sementeryo ay pinalamutian at pinalawak, at ang bagong mga hagdan ay itinayo upang madaling mapuntahan ng dumaraming pagdagsa ng mga bisita. Ang kabantugan ng inaakalang mga libingan ng mga papa at mga martir ay kumalat nang gayon na lamang (lalo na sa hilagang Europa) anupat pinag-ukulan ng peregrinasyon ng mga tao ang mga katakumba. Sa pagbagsak ng Roma at ng unang barbarikong pananakop sa pasimula ng ikalimang siglo, ang buong lugar ay lubusang naging mapanganib, at ang paggamit ng mga katakumba bilang mga sementeryo ay naglaho.

Noong ikawalong siglo, ang mga libingan ay lubusang nawasak yamang ang mga ito ay pinagnakawan at dinambong hindi lamang ng nananakop na mga hukbo kundi rin naman, ayon kina Hertling at Kirschbaum, ng “pinunong mga Romanong tagapamagitan” na nagbigay ng napakaraming sagradong mga alaala sa “mga paring Aleman at Frankish na totoong napakahilig sa mga relikya” upang dagdagan ang katanyagan ng kanilang mga katedral at monasteryo. Dahil sa hindi kayang isauli o ipagsanggalang ang mga katakumba, iniligtas ni Papa Paul I ang karamihan ng natitirang mga buto sa loob ng mga pader ng lungsod, kung saan itinayo nang maglaon ang naglalakihang mga basilika sa ibabaw ng ipinalalagay na mga labí ng “mga banal na martir.” Ang mga katakumba mismo ay pinabayaan at kinalimutan.

Ang sinaunang mga itineraryo noong ikalima hanggang ikasiyam na siglo, na siyang inihanda upang igiya ang mga bisita sa kilalang mga libingan, ay naglaan ng mahahalagang himaton sa mga iskolar na, noong ika-17 siglo at saka noong ika-19 na siglo, siyang pinasimulan nilang saliksikin, kilalanin, at galugarin ang mga sementeryo na ikinubli ng mga pagguhò at pananim. Simula noon, higit na pananaliksik at pagsasauli ang isinagawa, at ngayon posible na bumisita sa ilang makabagbag-damdaming lugar na ito.

Isang Pagdalaw sa Isang Katakumba

Kami’y nagtungo sa Appian Way, ang daan na nilakbayan ni apostol Pablo nang siya’y dalhin sa Roma bilang isang bilanggo. (Gawa 28:13-16) Bagaman tatlong kilometro lamang sa labas ng sinaunang mga pader ng lungsod, kami ay nasa labas agad ng lalawigan, pinalilibutan ng naglalakihang mga puno ng pino at cypress na tumutubong kasama ng mga monumento at guho ng dating abalang haywey na ito.

Pagkatapos bumili ng aming tiket para makapasok, bumaba kami sa matarik na hagdan na ang lalim ay halos 12 metro. Ipinaliliwanag ng aming giya na ang katakumbang ito ay inayos sa limang iba’t ibang antas, na umaabot sa lalim na tatlumpung metro, na may tubig na masusumpungan sa ilalim. Sa katunayan, ang Roma ay pinaliligiran ng pagkarami-raming deposito ng tuff, isang malambot at nadudurog na batong galing sa bulkan, madaling hukayin subalit matibay at buo naman.

Naglakad-lakad kami sa kahabaan ng makitid na pasilyo, isang metro ang lapad at halos 2.5 metro ang taas. Ang maitim na kayumangging mga pader ay magaspang at mamasa-masa at maliwanag na nagtataglay pa rin ng mga tanda na iniwan ng mga piko ng mga fossor, ang mga trabahador na naghukay sa siksikang mga tunel na ito. Ang mga libingan sa magkabilang panig ay matagal nang nabuksan at pinagnakawan, subalit ang ilan ay nagtataglay pa rin ng maliliit na piraso ng buto. Habang kami’y papasok sa dilim, nabatid namin na kami’y napalilibutan ng libu-libong libingan.

Ang pinakamura at praktikal na paraan upang ilibing ang patay ay maghukay ng parisukat na mga nitso sa mga pader, na magkakapatong. Ang mga nitsong ito ay karaniwang naglalaman ng isang bangkay subalit kung minsan ay dalawa o tatlo. Ang mga ito’y tinatakpan ng mga ladrilyo, makakapal na tipak ng marmol, o baldosang terra-cotta, na pinasakan ng apog. Marami ang walang inskripsiyon. Ang mga ito ay makikilala sa pamamagitan ng maliliit na bagay na nakalagay sa labas nito​—isang barya o isang kabibi na ibinaon sa basang apog o, gaya sa Katakumba ni Priscilla, isang maliit na manika na yari sa buto, malamang na iniwan ng hapis na mga magulang na nagdadalamhati sa maagang pagkamatay ng kanilang anak na babae. Maraming libingan ang maliit, sapat lamang ang laki para sa bagong silang na mga sanggol.

“Paano namin malalaman ang edad ng mga katakumba?” tanong namin. “Hindi na kailangang hulaan pa iyan,” sagot ng aming giya. “Nakikita mo ba ang markang ito?” Tumungo kami upang suriin ang isang tanda na nakamarka sa malaking baldosang terra-cotta na ginamit upang sarhan ang isang nitso. “Ang ladrilyong markang ito ay itinatak nang gawin ang baldosa. Iminamarka ng mga pabrika, marami sa mga ito ay pag-aari ng imperyo, ang impormasyon sa mga ladrilyo at mga baldosa na ginagawa nila na nagpapahiwatig sa tibagan na pinagkunan ng luwad, ang pangalan ng pinagpagawaan, ang kapatas, ang mga konsul (pinunong mahistrado) na nasa panunungkulan nang taóng iyon, at iba pa. Ito’y lubusang kapaki-pakinabang na bagay sa pagtatatag ng tiyak na petsa sa mga libingan. Ang pinakamatandang petsa ay mula noong kalagitnaan ng ikalawang siglo C.E., at ang pinakahuli ay halos 400 C.E.”

Pinaghalong mga Idea

Ilan sa mga gumamit ng mga lugar na ito ay maliwanag na may kaalaman sa Banal na Kasulatan, yamang ang maraming libingan ay pinalamutian ng mga tagpo sa Bibliya. Gayunman, walang pahiwatig ng pagsamba kay Maria o iba pang tema na napakakaraniwan sa dakong huli ng “sagradong” sining, gaya ng tinatawag na pagpapako sa krus.

Nakakita rin kami ng mga anyo na walang kaugnayan sa Bibliya. “Totoo iyan,” ang pag-amin ng giya. “Maraming tagpo sa mga katakumbang ito at iba pa ay hinango mula sa paganong sining. Masusumpungan mo ang Greco-Romanong kalahating-diyos at kalahating-tao at bayani na si Orpheus; si Kupido at Psyche, na kumakatawan sa kalagayan ng kaluluwa sa buhay na ito at sa susunod; ang ubasan at ang pag-aani ng ubas, ang kilalang simbolo ng kaligayahan sa kabilang buhay ng Dionysia. Lubusang hinango mula sa idolatrosong sining, ayon sa isang Jesuitang iskolar, si Antonio Ferrua, ang mga pagsasatao ng mahirap unawaing mga nilalang: ang apat na panahon na kinatawanan ng mga kupido; higit na masalimuot na mga tagpo na naglalarawan sa apat na panahon ng taon, ang Tag-araw na nilagyan ng korona ng mga busal ng mais at mga liryo; at iba pa.”

Ang paulit-ulit na mga tema ay: ang paboreal, simbolo ng imortalidad, yamang ang laman nito’y itinuturing na walang pagkabulok; ang mitolohikal na phoenix, na kumakatawan din sa imortalidad, yamang sinasabi na ito’y namamatay sa apoy at muling bumabangon mula sa mga abo nito; mga kaluluwa ng patay na pinalilibutan ng mga ibon, bulaklak, at prutas, nagkakasiyahan sa kabilang-buhay. Totoong pinaghalong mga kaisipan na mula sa pagano at sa Bibliya!

Ang ilang inskripsiyon ay nakaaantig-damdaming mga kapahayagan ng pananampalataya, waring nagpapaaninaw ng paninindigan na ang patay ay natutulog lamang, naghihintay ng pagkabuhay-muli: “Si Aquilina ay namamayapa sa pagkakatulog.” (Juan 11:11, 14) Kabaligtaran ng mga turo sa Kasulatan, ang ibang inskripsiyon ay nagpapahiwatig ng idea na ang patay ay maaaring makatulong o makausap ng buhay: “Alalahanin ang iyong asawang lalaki at mga anak”; “Ipanalangin mo kami”; “Ipagdarasal kita”; “Nasa mapayapang kalagayan ako.”

Subalit bakit nagkaroon ng paghahalo ng maka-Kasulatan at paganong kaisipan? Ganito ang sabi ng istoryador na si J. Stevenson: “Ang Kristiyanismo ng ilang Kristiyano ay nababahiran ng mga idea na nanggaling sa kanilang nakalipas na paganong pinagmulan.” Maliwanag, ang naturingang mga “tapat” sa Roma ay hindi na kumikilos nang kaayon sa kaalaman na inihatid ng tunay na mga alagad ni Jesus.​—Roma 15:14.

Habang kami’y nagpapatuloy sa aming pagdalaw, ang impluwensiya na iginiit ng wala sa Kasulatang debosyon sa mga patay ay higit na naging maliwanag. Marami ang nagnanais na mailibing na malapit sa libingan ng isa na itinuturing na martir, taglay ang idea na mula sa kaniyang kalagayan ng walang kahulilip na kaligayahan sa langit, ang martir ay maaaring mamagitan, tumutulong sa kapos-palad upang matamo ang gayon ding gantimpala.

Marami ang nag-iisip na ang mga katakumba ay nasa ilalim mismo ng lungsod, subalit hindi naman ganiyan. Ang mga ito’y pawang ilang kilometro lamang sa labas ng pinakasentro ng lungsod. Sa katunayan, ang Romanong batas ay nagbabawal sa paglilibing sa loob mismo ng mga pader ng lungsod. Ang Law of the Twelve Tables, na ipinakilala noong ikalimang siglo B.C.E., ay nagsasabi nang ganito: Hominem mortuum in urbe ne sepelito neve urito (Ang patay ay hindi maaaring ilibing o sunugin sa loob ng lungsod).

Ganito ang sabi ng giya: “Ang mga sementeryong ito ay kilala ng mga awtoridad, lubhang kilala anupat sa panahon ng pag-uusig ni Emperador Valerian, nang hadlangan ang mga Kristiyano mula sa pagpasok sa mga katakumba, pinatay si Papa Sixtus II nang siya’y masumpungan dito (258 C.E.).”

Sa pagliko sa isa pang kanto ng pasikut-sikot na daan, nakakita kami ng malabong liwanag ng araw na sumisinag sa kabilang dulo ng pasilyo, at natanto namin na tapos na ang aming pagdalaw. Nagpaalam na kami sa aming giya, nagpapasalamat sa kaniyang kawili-wiling impormasyon, at habang kami’y papanhik sa isa pang matarik na hagdan upang magbalik sa itaas, wala kaming nagawa kundi gunitain ang aming nakita.

Ang mga ito ba’y labí ng tunay na Kristiyanismo? Hindi naman. Inihula ng Kasulatan na sandali lamang pagkamatay ng mga apostol, babangon ang pagbahid sa mga doktrinang itinuro ni Jesus at ng kaniyang mga alagad. (2 Tesalonica 2:3, 7) Tunay, ang katibayan na aming nakita, ang kulto ng mga patay at ng mga martir at ang idea ng kawalang-kamatayan ng kaluluwa, ay maliwanag na patotoo, hindi ng pananampalataya na salig sa mga turo ni Jesus, kundi ng malakas na paganong impluwensiya na naroroon na sa gitna ng apostatang Romanong mga Kristiyano noong ikalawa hanggang ikaapat na siglo ng ating Karaniwang Panahon.

[Blurb sa pahina 18]

Ang ipinalalagay na mga libingan ng mga papa na pinag-ukulan ng peregrinasyon ng mga tao

[Blurb sa pahina 19]

Isang katakumba na may limang iba’t ibang antas, na umaabot sa lalim na sandaang piye

[Blurb sa pahina 20]

Ipinakikita ng mga katakumba ang impluwensiya ng inihulang apostasya mula sa katotohanan ng Bibliya

[Mga larawan sa pahina 17]

Kanan: Ang ilang uri ng ibon ay ginamit bilang simbolo ng imortalidad

[Credit Line]

Archivio PCAS

Dulong kanan: Plano ng pasikut-sikot na daan sa ilang katakumba sa Roma

Ibabang kanan: Laryong pantatak, kapaki-pakinabang sa pagpepetsa ng mga katakumba

[Credit Line]

Soprintendenza Archeologica di Roma

Ibaba: Musoleo ng mga papa

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share