Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 12/8 p. 24-27
  • Ang Daigdig sa Ilalim ng Lupa sa Paris

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Daigdig sa Ilalim ng Lupa sa Paris
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Nararating na “Bituka”
  • Pinasimulan Ito ng mga Romano
  • Pag-oorganisa ng Imburnal
  • Nilason ng mga Simbahan ang Hangin
  • Pagdalaw sa mga Katakumba ng Paris
  • Ang mga Katakumba—Ano ba Ito?
    Gumising!—1995
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1995
  • Laging Nakakakita ng Magagawa Para kay Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Ang mga Katakumba ng Odessa—Pasikut-sikot na mga Tunel
    Gumising!—2010
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 12/8 p. 24-27

Ang Daigdig sa Ilalim ng Lupa sa Paris

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA PRANSIYA

DINAYAL ko ang numero, lubos na umaasa na sana’y may sumagot. “Hello! Hello!” sabi ko. “Nahulog sa kanal ang susi ko sa kotse! Pakisuyong pumarito kayo agad!” Mabilis na dumating ang isang pantanging grupo ng mga trabahador sa imburnal. Ang trabaho nila ay ang alisan ng bara ang mga imburnal, tuyuin ang mga binahang silid sa silong, at kunin ang mga susi, salamin sa mata, pitaka, at maging mga alagang hayop na palaging nahuhulog sa 18,000 kanal sa Paris. Nakuha naman nila ang aking susi at kasabay ng buntung-hininga, lubos akong nagpasalamat sa kanila.

Kinabukasan, ipinasiya kong mamasyal sa Musée des Égouts (Museo ng mga Imburnal) na nasa Left Bank ng Seine River, sa tapat ng kinaroroonan ng aming bantog na mga bangkang pamasyal sa ilog at nasa paligid ng Eiffel Tower. Sa loob ng mga 130 taon, buong-pagmamalaking itinatanghal ng Paris ang daigdig nito sa ilalim ng lupa. Natuklasan ko ang dahilan nang tularan ko ang mahigit sa 90,000 mauusisang tao na bumibisita sa pambihirang museong ito taun-taon. Samahan mo ako habang sinusuri ko ang tinatawag ng kilalang manunulat na Pranses noong ika-19 na siglo na si Victor Hugo na “bituka ni Leviatan”​—ang mga imburnal sa Paris.

Nararating na “Bituka”

Pagbaba nang 5 metro sa ilalim ng lupa, nakita ko ang unang eksibit ng museo​—isang pinatigas na daga. Talagang nakapangingilabot! Sinasabi na bawat nakatira sa Paris ay may katapat na tatlong daga, na di-kapani-paniwalang kumakain maging ng pinakamatinding lason. Talagang napakarami nilang nakakain. Araw-araw ay nakauubos ang mga daga ng 100 tonelada, o sangkatlo, ng mga basurang nasa mga imburnal.

Ang mga bato, pako, susi, at iba pang mabibigat na bagay ay napapahalo sa maruming tubig at ulan, anupat nakakalat sa imburnal. Habang naririnig ang tunog ng tumutulong tubig, sinuri ko ang mga makinaryang naglilinis sa 2,100 kilometro ng pagkalaki-laking “bituka[ng]” ito. Taun-taon, mga isang libong trabahador sa imburnal ang nag-aalis ng 15,000 metro kubiko ng basura. Ang kadiliman, mga tulo ng maruming tubig, mapuputik na pader, at biglang pagtaas ng antas ng tubig ay medyo nakapagpapahirap sa trabaho ng mga trabahador sa imburnal.

Siyanga pala, malapit sa kisame ng mga imburnal ay ikinabit na parang paliku-likong ahas ang mga pinagpapasukan ng malaking sistema ng mga tubo ng tubig, kawad ng telepono, at mga kable ng ilaw pantrapiko.

Pinasimulan Ito ng mga Romano

Ang mga Romano ang unang gumawa ng mga imburnal sa Paris. Ang mga 18 metro ng imburnal ng mga Romano ay naroroon pa rin sa ilalim ng mga guho ng mainit na paliguan ng mga Romano sa Latin Quarter. Subalit nang bumagsak ang Imperyong Romano, nalimutan na ang hinggil sa kalinisan. Nanatiling marumi at nakapipinsala sa kalusugan ang Paris sa loob ng mga siglo, anupat simple lamang ang mga imburnal (mga kanal sa gitna ng lansangan) o mga bambang na pinag-aagusan ng maruming likido. Ang mga bambang ay mabaho at doon nagmumula ang mga impeksiyon. Noong 1131, ang panganay na anak ni Haring Louis VI ay namatay dahil sa impeksiyon matapos mahulog sa isang walang-takip na imburnal.

Ang mga bukas na kanal ay nagsilbing basurahan, at gayundin ang ilang bagong gawang kanal na may takip, na madaling magbara. Mas masama pa nito, kapag tumaas ang tubig ng Seine River, nagluluwa ang mga imburnal ng mabahong putik at basura. Noon, ang sistema ng imburnal ng Paris ay napakaliit. Noong 1636, ang haba ng imburnal ay 23 kilometro lamang at ginagamit ito ng 415,000 mamamayan. Pagkalipas ng isa at kalahating siglo, tatlong kilometro lamang ang inihaba nito. Noong panahon ni Napoléon, baradung-barado na ito.

Noong ika-19 na siglo, sinuri at tinalunton ang pagkakaplano ng umiiral na mga imburnal. Natuklasan na ang mga ito’y binubuo ng halos dalawang daang tunel, na karamihan ay hindi batid noon. Paano kaya naalis ang tone-toneladang putik na natambak doon mga ilang siglo na ang nakalilipas? Kumalat ang balita na may mahahalagang bagay na makukuha sa ilalim ng lansangan ng Paris. Kaya naman, pinasok ito ng maraming sakim na mga tagahanap ng kayamanan. Sila’y lumusong sa pusali, habang pumupulot ng mga barya, alahas, at mga sandata.

Pag-oorganisa ng Imburnal

Sa wakas ay inorganisa ang mga imburnal, ginawang moderno, dinugtungan, at inihugpong sa bawat bahay. Gumamit ng malalaking tubo na kayang daluyan ng di-inaasahang pagbaha. Noong 1878, 650 kilometro ng daluyan ang bumabagtas sa ilalim ng malalaking lagusan. “Ang imburnal ay malinis, . . . bihis na bihis,” isinulat ni Victor Hugo.

Nitong ika-20 siglo, nadoble ang sistema. At ang mga imburnal ay naging isang larawan ng lunsod. Sa anong paraan? Bawat imburnal ay may pangalan ng kalye na binabaybay nito at numero ng gusali sa itaas nito. Patuloy ang pagpapaayos sa pamamagitan ng $330-milyong proyekto ng pagkukumpuni na pinasimulan noong 1991. Kabilang sa sampung-taóng pagkukumpuni sa mahalagang pasilidad na ito, na dinadaluyan ng 1.2 milyong metro kubiko ng tubig araw-araw, ang pag-iinstila ng awtomatikong mga panlinis at de-computer na mga kontrol.

Habang inaasam-asam na makalanghap ng regular na hangin ng Paris, narating ko ang katapusan ng pamamasyal. Gayunman, ang aking paglibot sa ilalim ng lupa ay hindi pa tapos. “Para makita mo ang pinakailalim ng Paris, pumunta ka sa mga katakumba,” mungkahi ng isang tindero ng mga souvenir. “Dalawampung metro [66 na talampakan] sa ilalim ng lupa ay nakasalansan ang mga kalansay ng anim na milyong tao.” Saan galing ang mga ito?

Nilason ng mga Simbahan ang Hangin

Ang mga katakumba sa Paris​—isang sementeryo sa ilalim ng lupa​—ay pinaglagyan ng mga kalansay noon lamang ika-18 siglo. Mula noong Edad Medya, ang mga tao ay inililibing sa mga simbahan o sa karatig nito. Humakot ito ng salapi para sa simbahan subalit ito’y totoong nakapagpaparumi, yamang ang mga sementeryo ay nasa gitna mismo ng kabayanan. Ito’y naging isang nakatatakot na karanasan para sa mga nasa karatig ng pinakamalaking sementeryo sa Paris, ang Saints-Innocents, na sa 7,000 metro kuwadradong sukat nito ay inilibing ang mga bangkay mula sa humigit-kumulang 20 simbahan, bukod pa sa mga di-kilalang bangkay at yaong mga biktima ng salot.

Noong 1418, inilibing doon ang mga 50,000 bangkay dahil sa Black Death. Noong 1572, ang libu-libong biktima ng lansakang pagpatay noong Saint Bartholomew’s Day ay isiniksik sa Saints-Innocents.a Isinigaw ng taong-bayan na ipasara ang sementeryong ito. Mga dalawang milyong bangkay, na kung minsan ay nakatalaksan nang 10 metro ang lalim, ang nagpataas sa kapantayan ng lupa nang mahigit sa 2 metro. Ang sementeryo ay pinagmulan ng mga impeksiyon, at naglalabas ito ng napakabahong amoy, anupat sinasabing pinapanis nito ang gatas o alak. Gayunman, tinutulan ng mga klero ang pagsasara ng mga sementeryo sa lunsod.

Noong 1780, nabiyak ang isang pampublikong sementeryo at sumambulat ang mga bangkay sa karatig na mga silid sa silong. Umabot na sa sukdulan ang lahat! Isinara ang sementeryo; at ipinagbawal ang paglilibing sa Paris. Inalis ang laman ng mga libingan at inilipat sa di na ginagamit na Tombe-Issoire na mga tibagan ng bato. Gabi-gabi sa loob ng 15 buwan, nakatatakot na mga komboy ng sasakyan ang naglipat ng mga kalansay. Pinalugitan pa ito upang maisama ang 17 pang sementeryo at 300 dako ng pagsamba. Ang mga kalansay ay inihahagis sa isang 17.5 metrong hukay, na sa ngayo’y may hagdan nang pababa mula sa kalye patungo sa mga katakumba.

Pagdalaw sa mga Katakumba ng Paris

Mula sa Denfert-Rochereau Square, sa timugan lamang ng Latin Quarter ng Paris, nanaog ako sa 91 baytang pababa sa mga katakumba. Noong 1787, ang mga dama sa palasyo ay kabilang sa mga unang nakasaksi sa libingang ito sa ilalim ng lupa sa pamamagitan ng liwanag ng mga sulô. Sa ngayon, 160,000 panauhin ang dumadalaw rito taun-taon.

Makikita pagbaba sa hagdan ang wari’y walang-katapusang pagkakasunud-sunod ng mga pasilyo na kinalalagyan ng mga bangkay. Ingat na ingat ako sa paglakad, palibhasa’y alam kong ang inookupahan ng mga katakumba ay mahigit sa 11,000 metro kuwadrado. Isang lalaking nagngangalang Philibert Aspairt ang di-sinasadyang napabantog nang sikapin niyang magpasikut-sikot upang magalugad ang daan-daang kilometrong ito ng mga pasilyo. Noong 1793, siya’y naligaw sa nakalilitong lugar na ito. Natagpuan ang kaniyang kalansay makalipas ang 11 taon, na nakilala dahil sa kaniyang mga susi at damit.

Mga 30 porsiyento ng lugar sa Paris ang tinibag. Sa loob ng mahabang panahon, hindi nakontrol ang pagtitibag ng bato. Gayunman, noong 1774, 300 metro ng rue d’Enfer (Hell Street, ngayo’y Denfert-Rochereau) ang gumuho sa lalim na 30 metro. Nanganganib na gumuho ang Paris. Ang mga batong “nakikita natin sa ibabaw ng lupa,” sabi ng isang manunulat, ay “nawawalan na ng pundasyon.” Upang tukuran ang mga pasilyo sa ilalim ng lupa, naglalakihang mga arko ang ginawa.

“Sayang at hindi nila sinemento ang daan habang ginagawa nila iyon,” ang reklamo ko, habang pinagmamasdan ang mga sapatos kong puro putik. Nang madulas ako sa isang lusak, napakapit ako sa isang mabigat na pintong yari sa bronse. Naroroon sa likod ng pinto ang isang pasilyo na ang pinakapader ay mga kalansay ng tao. Ang mga nakangising bungo at malulutong na buto ng hita at binti na nakahilera at nakakorteng krus at mga korona ay nagtatambad ng isang nakapangingilabot na tanawin. Ang malalapad na tipak ng bato ay inukitan ng mga talata sa Bibliya at mga tula na nagpapaaninag ng pagbubulay-bulay ng tao sa kahulugan ng buhay at kamatayan.

Nang makaalis ako sa mga katakumba, inalis ko ang putik ng aking sapatos sa bambang, habang tinitiyak na huwag mahulog muli ang aking mga susi sa imburnal sa Paris! Ang aking pamamasyal sa kahanga-hangang daigdig sa ilalim ng lupa sa Paris ay isang pambihirang karanasan na hindi ko madaling malilimot. Walang alinlangan, higit pa sa basta nakikita lamang ng mga mata ang taglay ng Paris.

[Talababa]

a Tingnan ang Gumising! ng Abril 22, 1997, pahina 7-8.

[Larawan sa pahina 25]

Ang lagusan ng isang bahagi ng mga imburnal sa Paris

[Credit Line]

Valentin, Musée Carnavalet, © Photothèque des Musées de la Ville de Paris/Cliché: Giet

[Larawan sa pahina 25]

Pagbisita sa mga imburnal

[Credit Line]

J. Pelcoq, The Boat, Musée Carnavalet, © Photothèque des Musées de la Ville de Paris/Cliché: Giet

[Larawan sa pahina 25]

Cross section ng mga imburnal sa Paris

[Credit Line]

Ferat, Musée Carnavalet, © Photothèque des Musées de la Ville de Paris/Cliché: Briant

[Larawan sa pahina 26]

Nakangising mga bungo at malulutong na buto ng binti na nakahilera at nakakorteng krus at mga korona

[Larawan sa pahina 26]

Isang inskripsiyon bago lumabas: “Ang tibo ng kamatayan ay kasalanan.”​—1 Corinto 15:56, “King James Version”

[Larawan sa pahina 26]

Mga makinang panlinis ng mga imburnal

[Picture Credit Line sa pahina 24]

Mapa sa likuran sa pahina 24-7: Encyclopædia Britannica/9th Edition (1899)

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share