Isang Tinig sa Gitna ng Katahimikan
LIMAMPUNG taon na ang nakalipas isang napakalaking halimaw ang napatay. Nang sa wakas ay hawiin ng daigdig ang kurtina upang masdan ang bumagsak na Third Reich, ang kalagim-lagim na tanawin ay isang masamang panaginip na mahirap matarok. Ang mga sundalo at mga sibilyan ay tahimik na napapatitig lamang sa pagkasindak sa nakapangingilabot na mga labí ng kalunus-lunos na walang-awang pagpatay.
Maaga-aga sa taóng ito libu-libo ang nagdiwang sa ika-50 anibersaryo ng pagpapalaya sa mga kampong piitan sa pamamagitan ng tahimik na paglakad sa kanilang iláng na dako. Sinikap nilang arukin ang kakilabutan ng krimen. Aba, mga 1,500,000 ang pinatay sa kampong kamatayan sa Auschwitz lamang! Ito’y panahon ng pagtahimik, isang panahon upang pagwariin ang kalupitan ng tao sa tao. Mga tanong na laging sumasagi sa isip ang umaalingawngaw sa ngayo’y malalamig na hurno, sa walang laman na mga kuwartel, sa kabila ng mga bunton ng mga sapatos.
Nariyan ang kakilabutan sa ngayon; nariyan ang kalupitan. Ang “Holocaust,” na doo’y ilang milyon ang sistematikong pinatay, ay nagsisiwalat kung gaano kabuktot ang Nazismo. Subalit kumusta ito noon? Sino ang nagsiwalat? Sino ang hindi?
Para sa marami, ang kanilang unang kabatiran tungkol sa lansakang mga pagpatay ay dumating lamang sa pagtatapos ng Digmaang Pandaigdig II. Ang aklat na Fifty Years Ago—Revolt Amid the Darkness ay nagpapaliwanag: “Ang mga larawan at mga pelikula tungkol sa mga sentro at mga kampong patayan na pinalaya ng mga Allies noong 1944 at 1945 ang unang naghatid ng nakasisindak na katotohanan sa publiko, lalo na sa kanluran.”
Subalit, kahit na bago pa itayo ang mga kampong kamatayan, isang tinig ang naghahayag sa mga panganib ng Nazismo, sa pamamagitan ng Gumising!, ang magasing hawak mo sa iyong mga kamay. Ito’y kilala noon bilang The Golden Age at muling pinanganlang Consolation noong 1937. Simula noong 1929, ang mga magasing ito, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova, ay buong tapang na nagbabala tungkol sa mga panganib ng Nazismo, kumikilos na kasuwato ng pahayag sa pabalat, “Isang Babasahin ng Katotohanan, Pag-asa at Tibay-Loob.”
“Paano maaaring manahimik ang isa,” tanong ng Consolation noong 1939, “tungkol sa mga kakilabutan ng isang bansa kung saan, gaya sa Alemanya, 40,000 inosenteng mga tao ay inaresto sa isang panahon; na doo’y 70 sa kanila ay pinatay sa isang gabi sa isang piitan; . . . kung saan lahat ng mga tahanan, mga institusyon at mga ospital para sa mga may edad na, sa mahihirap, at sa mga walang kaya, at lahat ng mga ampunan para sa mga bata, ay niwasak?”
Paano nga mananahimik ang isa? Samantalang ang daigdig sa pangkalahatan ay walang kaalam-alam o nag-aalinlangan sa kakila-kilabot na mga ulat na lumalabas sa Alemanya at sa nasakop na mga bansa, ang mga Saksi ni Jehova ay hindi maaaring manahimik. Naranasan nila mismo ang mga kalupitan ng rehimeng Nazi, at hindi sila takot na isiwalat ito.
[Picture Credit Line sa pahina 3]
U.S. National Archives photo