Pagmamasid sa Daigdig
Kung Bakit Binibigyang-Daan ng mga Bata ang mga Droga
“Paano natin maiingatan ang ating mga anak sa pagkasangkot sa mga droga at alak, at bakit nasusumpungan ng ilang kabataan na mas madaling ‘tumanggi’ kaysa iba?” Ang mga tanong na ito ay ibinangon kamakailan sa magasing Parents, na nakasumpong ng ilang posibleng kasagutan sa isang pag-aaral na isinagawa ng mga mananaliksik sa University of Arizona, E.U.A. Sinuri ng pag-aaral ang halos 1,200 bata sa ikaanim at ikapitong grado at nakatutok ang pansin sa sampung iba’t ibang mapanganib na salik na pinaghihinalaang nakaiimpluwensiya sa mga bata sa pag-abuso sa droga at sa alak. Ang dalawang nangungunang salik ay ang “pagiging madaling padaig sa panggigipit ng mga kasama, at pagkakaroon ng mga kaibigang umiinom ng alak o gumagamit ng droga.” Sa kabilang dako, nasumpungan ng pag-aaral na ang tagumpay sa akademya ay maaaring gumanap ng pangontrang bahagi—marahil dahil sa pinabubuti nito ang pagpapahalaga-sa-sarili at bihira itong nagtataguyod ng pakikipagkaibigan sa mga nag-aabuso sa alak o droga.
Pagkahalina sa “Horror”
“Ang mga tin-edyer ay nagugumon sa horror,” ulat ng The Globe and Mail ng Canada. Binabanggit ng pahayagan na “may mga horror na trading card, komiks, gawang-sining, pelikula at musika pa nga, pawang popular sa mga pangkat ng tin-edyer.” Upang sapatan ang gayong nakasisindak na pagkahilig sa binabasang materyal, dinagdagan ng isang tagapaglathala ng aklat ang paggawa ng mga aklat tungkol sa horror para sa mga tin-edyer mula sa apat sa isang taon tungo sa isa sa isang buwan. Ang iba ay naglabas ng dalawang aklat tungkol sa horror sa isang buwan. Bakit ang pagkahalinang iyon sa horror? Ayon sa awtor na si Shawn Ryan, “mula sa makasaysayang pangmalas, ang horror ay laging popular kapag may karamdaman o kalungkutan.” Ayon sa The Globe, sinabi ni G. Ryan: “Sa mga dekada nobenta, tayo’y totoong di-nasisiyahan sa pamahalaan, malungkot at natatakot sa krimen. Ito ang mga panahon na napakapopular ng mga horror.”
Wastong Paghuhugas ng Kamay
Ang mga doktor ay nagsasabing ang payak at regular na paghuhugas ng iyong mga kamay “ay tumutulong upang maiwasan ang mga mikrobyo at mga virus na sanhi ng sipon, trangkaso, masakit na lalamunan, sakit sa tiyan at mas malubhang mga karamdaman,” ulat ng The Toronto Star. Sabi pa ng pahayagan: “Ipinakikita ng isang . . . pag-aaral ng epidemiologo na si Dr. Julio Soto ng Montreal na ang wastong paghuhugas ng kamay ay lubhang makababawas sa pagkalat ng nakahahawang sakit na dala ng virus at baktirya—ng mga 54 na porsiyento para sa mga sakit sa gawing itaas ng palahingahan at 72 porsiyento para sa mga kaso ng diarrhea.” Iminumungkahi ng Canadian Paediatric Society na ang wastong paghuhugas ng kamay ay dapat na nagsasangkot ng pagbabasa ng kamay sa tumutulong tubig, pagkukuskos dito ng sabon hanggang sa bilang na 30, pagbabanlaw dito sa tumutulong tubig hanggang sa bilang na 5, at, sa wakas, ang pagpapatuyo rito sa malinis na tuwalya na hindi ginamit ng iba o sa tuwalyang papel o sa aparatong nagpapatuyo ng kamay. Ang mga humahawak ng pagkain sa mga restauran, sa mga tindahan ng hot dog, at sa mga tindahan ng pagkain ay lalo nang nangangailangang magbigay ng maingat na pansin sa paghuhugas ng kamay.
Kalagayan ng Mahihirap
Ang mahihirap sa lalawigan sa buong daigdig ay nasa mahigpit na pangangailangan, ayon sa World Summit for Social Development, isang kamakailang komperensiya ng UN na idinaos sa Copenhagen, Denmark. Iniulat sa summit na mahigit isang bilyong tao ang nakatira sa kahabag-habag na karukhaan at na mahigit na kalahati sa mga ito ang nagugutom araw-araw. Nakadaragdag pa sa problema ang kawalan ng trabaho. Ang mga tantiya sa kabuuang bilang ng mga taong walang trabaho o maliit ang kinikita ay kasindami ng 800 milyon. Lahat-lahat, mga 30 porsiyento ng maaaring magtrabahong tao sa daigdig ang hindi mabisang naeempleo. Mula sa 1.1 bilyon hanggang 1.3 bilyong tao ang nabubuhay sa kita na wala pang isang dolyar (U.S.) isang araw. Ang kamangmangan, na tiyak na nagpapalubha pa sa problema, ay nagpapahirap ngayon sa mga 905 milyong tao. Ang kanilang bilang ay hindi mabilis na umuunti; 130 milyong bata ang hindi pumapasok bagaman dapat mag-aral, at ang kanilang bilang ay inaasahang darami tungo sa 144 na milyon sa taóng 2000.
Kabayaran Para sa Paglalasing sa Kampus
Ang malakas na pag-iinuman sa bahagi ng mga estudyante sa kolehiyo ay pinagbabayaran nang malaki sa mga araw na ito—kahit na sa gitna ng mga hindi umiinom nang malakas, ayon sa U.S.News & World Report. Binubuod ang mga resulta ng isang pag-aaral tungkol sa 140 kampus ng kolehiyo, inilathala sa The Journal of the American Medical Association, ang magasin ay nag-ulat na 44 na porsiyento ng mga estudyante sa kolehiyo na sinurbey ay malalakas na manginginom—yaon ay, sa isang panahon noong nakalipas na dalawang linggo, ang mga lalaki ay kumunsumo ng limang inumin nang sunud-sunod, at ang mga babae ay kumunsumo ng apat. Labinsiyam na porsiyento ay madalas na mga manginginom; sila’y nag-iinuman ng di-kukulanging tatlong beses sa loob ng kaparehong yugto ng panahon. Matataas na porsiyento ng mga manginginom ang dumanas ng mga epekto na maaaring asahan ng isa—sila’y may matinding sakit ng ulo kinaumagahan dahil sa sobrang inom ng alak, nakipagtalik nang hindi binalak, hindi nakapasok sa klase, nagkaroon ng mga pinsala, nakasira ng pag-aari, at iba pa. Ngunit nagdusa rin ang ibang estudyante. Sa mga paaralang may malakas na inuman, kailangang harapin ng 9 sa 10 estudyante ang ilan sa mga problemang dulot ng pag-inom ng iba, gaya ng di-naiibigang seksuwal na pagsasamantala, pinsala sa ari-arian, nagambalang tulog, at humahamak na mga insulto.
Nalasong Lupa sa Britanya
Kamakailan, ang Ministri ng Pagtatanggol ng Britanya ay umamin na ito’y nagmamay-ari ng maraming malawak na sukat ng lupa na lubhang nadumhan ng polusyon na nauugnay-sa-sandata anupat ang mga ari-arian ay hindi maibenta, ulat ng magasing New Scientist. Ang Ministri ay nagmamay-ari ng 3,400 lupain sa Britanya, na sumasaklaw ng 242,000 ektarya. Dalawang-katlo ng mga lupa ay ginagamit para sa dakong sanayán at sanayán sa pagbaril. Dahil sa mga pagbawas sa badyet ng militar, ang Ministri ay napilitang ipagbili ang ilan sa mga lupaing ito ngunit maliwanag na hindi nito nalalaman kung ilan sa mga ari-arian ang grabe ang polusyon para panirahan ng tao. Di-kukulanging walo sa mga lupain ang inaakalang nadumhan ng radyaktibidad mula sa pinturang dating ginamit sa mga kompas militar at sa mga panel ng instrumento. Maraming sanayán sa pagbaril ang nakakalatan ng mga kagamitang-pandigma na hindi sumabog. At di-kukulanging isang malawak na sukat ng lupa ang inaakalang nadumhan ng mga kagamitang-pandigma noong Digmaang Pandaigdig I na naglalaman ng mustard gas na di-wastong itinapon noong 1918.
Mga Ilaw Trapiko Para sa mga Hayop?
Ang mga hayop na tumatawid sa daan ay malaon nang isang potensiyal na panganib kapuwa sa mga motorista at sa mga hayop. Ang Pranses na magasin tungkol sa kalikasan na Terre Sauvage ay nag-uulat na dahil sa maraming aksidenteng dulot ng mga hayop na tumatawid sa mga daan sa kagubatan kung gabi, ang mga teknisyan mula sa Pambansang Tanggapan ng mga Kagubatan sa Pransiya ay nakagawa ng isang kamangha-manghang tuklas. Ang mga hayop ay humihinto sa pulang mga ilaw! Ipinakikita ng mga eksperimento na ang frequency ng pulang ilaw ay may epekto na pansamantalang pinaparalisa ang mga hayop. Sa kahabaan ng mga daan sa kagubatan sa Pransiya, ang pulang mga reflector na tinatamaan ng ilaw mula sa mga ilaw sa unahan ng dumarating na mga sasakyan ay inilagay na ngayon, subalit sa halip na ipabanaag ang liwanag pabalik sa mga motorista, ipinababanaag ito sa kagubatan. Bago lumukso sa daan, ang mga hayop ngayon ay naghihintay hanggang maglaho ang liwanag.
Mga Ulilang May AIDS sa Romania
Sa Romania, 93 porsiyento ng lahat ng kaso ng impeksiyon ng HIV na humahantong sa AIDS ay sa gitna ng mga batang wala pang 12 taóng gulang, sulat ng reporter na si Roxana Dascalu para sa paglilingkod balita ng Reuters. Binanggit niya na ang lugar na may pinakamaraming batang positibo sa HIV sa Europa ay sa daungang lungsod ng Constantsa, na doo’y may 1,200 gayong mga bata, 420 sa mga ito ay namatay na. Kalahati sa mga batang ito ay iniulat na nahawa sa pamamagitan ng mga pagsasalin ng dugo at hindi napakuluang mga hiringgilya bago bumagsak ang dating rehimen noong 1989. Karamihan ng mga dugo na nahawahan ng AIDS ay ipinagbili ng mahihirap na marino at agad na napunta sa mga ospital at mga ampunan. Sa mga hospisyo kung saan inaalagaan ang mga batang nahawahan ng HIV, binabanggit ng ulat na ang tagumpay “ay hindi sinusukat sa bilang ng mga nakaligtas kundi sa kung paano ginugol ng mga bata ang kanilang huling mga araw at kung paano nila hinarap ang kamatayan.” Ganito ang sabi ng isang manggagawa sa hospisyo: “Hindi namin hinahayaan ang mga bata na mamatay na mag-isa sa kanilang kama. Sila’y kinakarga ng isang nars sa kaniyang mga bisig, nauupo sa silyang tumba-tumba na ito at sila’y inuugoy.”
Bagong Pag-asa Para sa mga Mag-asawang Baóg?
Isang bagong pamamaraan sa medisina ay tumutulong sa mga mag-asawang baóg na mapanagumpayan ang kanilang pagkabaóg, ulat ng Pranses na ahensiya ng balita na France-Presse. Ang pamamaraan, na sinimulan sa Denmark, ay nagsasangkot ng paggamit ng isang lubhang napakapinong karayom na salamin upang ilagay ang isang semilya sa isang itlog sa loob ng babae. Bagaman metikuloso ang pamamaraan at nangangailangan ng malaking kasanayan (ang isang semilya ay sumusukat lamang ng dalawang ikasanlibong bahagi ng isang milimetro; ang isang itlog, isang ikasampung bahagi ng isang milimetro), ang pamamaraan ay napatunayang matagumpay. May karagdagang bentaha ito sa bagay na ito’y nagaganap sa loob ng katawan ng babae at ginagamit ang semilya buhat sa kaniyang asawa kaysa yaong sa isang di-kilalang nagkaloob—sa gayo’y iniiwasan ang sensitibong moral at relihiyosong mga problema. Sapagkat ang mahinang-klaseng semilya ay siyang sanhi ng pagkabaog para sa ikatlo ng lahat ng mga mag-asawang baog, inaakala ng isang doktor na gumagamit sa pamamaraang ito na maraming mag-asawa ngayon ang may panibagong pag-asa na magsimula ng isang pamilya.