Pagmamasid sa Daigdig
Sumasang-ayon ang Unitarian sa Homoseksuwal na Pag-aasawa
Ang Unitarian Church ang kauna-unahang denominasyon sa Estados Unidos na opisyal na sumasang-ayon sa pag-aasawa ng magkapareho ang sekso, ang ulat ng Christian Century. Lubos na sumang-ayon ang mga delegadong dumalo sa taunang kombensiyon ng relihiyosong grupo na “ipahayag ang kahalagahan ng pag-aasawa sa pagitan ng sinumang dalawang taong nagsumpaan sa isa’t isa.” Sinasabi ng relihiyosong magasin na “sa ilalim ng alituntunin ng simbahan, ang bawat isa sa 1,040 kongregasyon ng relihiyon ay makapagpapasiya sa ganang sarili nito kung pahihintulutan ang pagpapakasal ng mga binabae at tomboy at kung ito’y magdaraos ng gayong kasalan.”
Patiunang Pagtiyak sa Sekso ng Sanggol
Ayon sa magasing Popular Science, “posible na ngayong matiyak nang patiuna ang sekso ng sanggol sa pamamagitan ng pag-uuri ng similya ng ama, yamang ang uri ng similya ang tumitiyak ng kasarian.” Una, ang similya ay nilalagyan ng matingkad na pangkulay. Pagkatapos, ginagamitan ito ng laser beam upang makilala ang similyang X (babae) sa similyang Y (lalaki). Kikilalanin ng computer ang pagkakaiba, at isang kagamitan sa laboratoryo na karaniwang ‘ginagamit para sa pagsusuri sa dugo ang nagbibigay ng positibong karga ng kuryente sa similyang X at negatibong karga sa similyang Y. Pagkatapos ay uuriin ang similya na ginagamit ang terminal ng magkaibang karga ng kuryente upang mahigop ang mga ito.’ Ayon sa siyentipiko na unang nakatuklas ng pamamaraan para sa industriya ng pag-aalaga ng hayop, ang pag-uuri ay halos 90 porsiyentong maasahan. Kaya, ang napiling similya ay ginagamit upang pertilisahin ang itlugan, at ang mga “binhi ng napiling sekso ay ilalagay naman sa bahay-bata.” Gayunman, sa kasalukuyan ay iisang tao pa lamang ang naisilang sa ganitong proseso.
Nakasasamang Salitang-Bata na Pakikipag-usap
Ang unang pagsisikap ng mga bata na magsalita ay kalimitang itinuturing na nakatutuwa, at maraming magulang ang magiliw na tumutugon sa sarili nilang pananalita na gaya ng sanggol. Gayunman, naisasapanganib nito ang pagsulong sa pagsasalita ng mga bata, ang sulat ng espesyalista sa pagsasalita na si Eliane Regina Carrasco na taga-Brazil sa magasing Veja. Kapag inuulit ng mga magulang ang maling pagbigkas ng isang bata, “pinatitimo nito ang isang paraan na hindi tama,” ang sabi ni Carrasco. Sinabi niya na ito’y maaaring maging sanhi ng mga problema sa pagsasalita. Ito’y maaari ring makaapekto sa pakikipag-ugnayan ng bata sa iba, ang sabi pa niya. “Malimit, ang gayong mga bata ay nagiging mapag-isa, mahiyain, at walang kumpiyansa, anupat umiiwas sa mga kalagayan na kailangan nilang ihantad ang kanilang mga sarili [sa pagtuya].” Likas lamang sa maliliit na bata na magkamali sa pagbigkas ng mga salita, at hindi kailangang sila’y palaging ituwid, ang pagdiriin ni Carrasco. Subalit mahalaga na makipag-usap sa kanila sa tamang paraan at tandaan na “sila’y matatalino at may kakayahang matuto.”
Babawasan ng Tsina ang Polusyon sa Tubig
“Ang polusyon sa tubig ay isang malaking problema sa Tsina, at ang pagbabawas ng polusyon sa tubig ay isang apurahang gawain,” ang sabi ng tagapagsalita para sa National Environmental Protection Agency ng Tsina. Kaya gumawa ng mga hakbang ang gobyerno ng Tsina upang bawasan ang polusyon sa tubig sa pinakamaruruming ilog at lawa ng Tsina, ang ulat ng magasing China Today. Halimbawa, upang masupil ang pagdaloy ng dumi sa isa sa pinakamaruming ilog ng bansa, ang Huaihe, “ipinasara [ng gobyerno] ang 999 na maliliit na pabrikang gumagawa ng papel sa libis ng Huaihe.” Tinatayang 154 milyon katao ang naninirahan sa libis ng Huaihe, na isa sa malalaking rehiyon ng Tsina na napagkukunan ng butil at kuryente.
“Banal” na mga Terorista
Sa pagsisikap na “muling maitatag ang sarili nito bilang pambansang simbahan,” ang Simbahang Ortodokso sa Romania ay “naglunsad ng isang mapanlinlang na kampanyang hahamak sa ibang sekta,” ang ulat ng babasahing Compass Direct sa isang artikulo ni Willy Fautré. Ang sabi pa ni Fautré: “Ang nangungunang mga lider at lokal na mga pari ng simbahang Ortodokso sa Romania” ay bumuo ng maraming grupo upang “takutin ang relihiyosong mga grupong minorya at pagkaitan ang mga ito ng pangunahing relihiyosong mga karapatan.” Palibhasa’y tinatawag ang mga nag-eebanghelyong nagsasahimpapawid sa radyo na “tagapagdungis ng pananampalataya ng ating mga ninuno,” ang arsobispo ng Suceava at Rădăuţi ay sumulat sa presidente ng lupon na nangangasiwa sa pagbobrodkast sa radyo at telebisyon sa Romania, na ganito ang sabi: “Ipinamamanhik namin sa inyo na patigilin sila o bigyan sila ng limitasyon, sapagkat sila’y talagang hindi nahihiya at lantaran silang nagsagawa ng pagpoproselita sa atin mismong inang-bayan.”
Mas Nanganganib ang mga Mamal Kaysa mga Ibon
“Ang mga mamal ay higit na nanganganib na malipol kaysa mga ibon,” ang ulat ng magasing New Scientist. Isiniwalat ng mga natuklasang ito, ayon sa bilang na inilabas ng World Conservation Union’s Red List, na samantalang 11 porsiyento ng mga uri ng ibon ang nanganganib na malipol sa daigdig, 25 porsiyento ng lahat ng uri ng mamal ang nanganganib sa ngayon. Ang uring primate ang pinakananganganib na grupo, anupat 46 na porsiyentong uri nito ang nanganganib na malipol. Sumunod naman ang mga insectivore (mga mamal na kumakain ng insekto) na may 36 na porsiyento, sinundan ito ng mga baboy at mga antelope na may 33 porsiyento. Ang pinakananganganib na uri ng ibon ay ang tagak, na nakaharap sa pagkalipol ang 26 na porsiyento ng uri nito. Ang isa sa dahilan ng malaking pag-unti ng bilang ng mamal ay na, hindi tulad ng mga ibon, hindi madali sa mga ito na lumipat ng ibang lugar kapag ang kanilang tirahan ay naglaho.
Nakatutulong ang Programa sa Pagbabasa Upang Mabawasan ang Krimen
Sa Bradford, Inglatera, ang programa na sinuportahan ng gobyerno na nilayon upang mapasulong ang kakayahan sa pagbabasa ng mga bata ay nagkaroon ng napakalaking resulta, ang ulat ng pahayagang The Independent sa Britanya. Hindi lamang nakatulong ang programa sa pagbabasa upang mapasulong ang kakayahang magbasa kundi kinilala rin naman ito na nakatulong sa pagbawas ng krimen! “Iniugnay namin nang tuwiran ang bilang ng mga kabataang nanloloob sa mga bahay sa bilang ng mga nagbubulakbol,” ang sabi ni John Watson, ang pinuno ng Better Reading Partnership. “Kung ang mga bata ay nakapagbabasa mas malamang na maging interesado sila sa mga nagaganap sa paaralan at hindi sila gaanong magbubulakbol. Dahil sa wala sila sa mga lansangan, mas malamang na hindi sila manloob sa mga bahay.”
Ang mga Olimpiyada at ang Karukhaan
“Ang dami ng medalyang napapanalunan ng mga bansa sa Olimpiyada at ang halaga ng salaping ginugugol sa mga pasilidad at mga samahang nag-iisponsor sa mga laro ay nagbabangon ng mga katanungan tungkol sa pananagutan ng daigdig na wakasan ang karukhaan,” ang ulat ng ENI Bulletin, sa Switzerland. “Hindi naman ito nangangahulugan na hindi na natin dapat parangalan ang kahusayan o papurihan ang di-pangkaraniwang kagalingan ng kakayahan at pagbabata ng tao,” ang sabi ni Greg Foot, mula sa ahensiya ng World Vision ng Australia. “Subalit,” ang sabi pa niya, “kailangan nating itanong kung tayo nga’y nagiging timbang kapag napakalaki ng ating ginugugol sa pagpapahusay sa diyeta ng ating piling mga manlalaro samantalang milyun-milyon sa ating mga kababayan ang halos walang makain para makalakad man lamang.” Tinataya na sa loob ng dalawang linggo ng Olimpiyada na ginanap sa Atlanta, 490,000 bata sa buong daigdig ang namatay sa gutom at sa mga sakit na maiiwasan.
Mahabang Oras ng Pagkakape
Ang ilang mga empleado ay talagang lumalabas para magkape sa kalagitnaan ng umaga. Sa katunayan, marami ang lubusang umaalis sa kanilang trabaho. Dahil sa mga kapihan na may iba’t ibang masasarap na kape, ang mga nagtatrabaho ay nagmamadaling lumabas ng opisina upang matikman ang kanilang paboritong kape. Bunga nito, “ang oras ng pagkakape ay nagiging oras ng pagpunta sa kapihan,” ang sabi ng The Wall Street Journal. Subalit, ikinababahala ng mga amo ang haba ng pagliliwaliw patungo sa mga kapihan. Sa pagsisikap na mapigilan ang napakaraming umaalis na mahihilig sa kape, ang sabi ng Journal, hinadlangan ito ng ilang opisina sa pamamagitan ng paglalagay ng sarili nilang mga makina para sa kapeng cappuccino.
Mga Halaman na Naglalabas ng Init
Natuklasan ng dalawang mananaliksik na Australiano ang kahangahangang kakayahan ng bulaklak na lotus na kontrolin ang sariling temperatura nito. Noon, ang warm-blooded na mga hayop lamang ang inaakalang may ganitong kakayahan. Nilagyan nina Dr. Roger Seymour at Dr. Paul Schultze-Motel, na nagtatrabaho sa Adelaide Botanic Gardens, ng mga sensor ang namumukadkad na mga bulaklak ng lotus upang itala ang temperatura ng mga ito at ang iba pang pisikal na mga katangian nito. Ano ang kanilang natuklasan? Bagaman bumaba ang temperatura ng hangin tungo sa 50 digris, ang temperatura ng bulaklak ng lotus ay nanatili sa pagitan ng 86 at 95 digri Fahrenheit. Hindi pa natutuklasan ng mga mananaliksik ang paliwanag hinggil sa likas na kababalaghang ito. Gayunman, ayon sa The New York Times, sinabi ni Dr. Hanna Skubatz, isang biyokemika sa halaman sa University of Washington, E.U.A., na “ang paglalabas ng init [ng mga halaman] ay maaaring, sa katunayan, napakalawak, anupat mahirap itong matunton.”
Umaamin ng Pagkakamali ang mga Ebangheliko
“Naiwawala ng mga ebangheliko sa daigdig sa ngayon ang kanilang katapatan sa Bibliya, patnubay sa moralidad at misyonerong kasigasigan,” ang sabi ng “Cambridge Declaration of the Alliance of Confessing Evangelicals.” Saan nagmula ang masakit na pagbatikos na ito? Sa isang kalabang grupo kaya ng simbahan? Hindi, ito’y nagmula sa mga ebanghelisador mismo. Ang dokumento ay inilabas ng mahigit na 100 lider na mga ebangheliko na nagtipon kamakailan sa Cambridge, Massachusetts. Inamin ng mga sumulat ng dokumento na sila at ang mga relihiyosong lider ay kailangang “magsisi sa kanilang pagnanais na mapangibabawan ng mga pamantayan ng popular na kultura.” Inamin din sa dokumento na “ang pamamaraang terapeutiko, estratehiya sa pamilihan, at ang panghikayat ng daigdig ng libangan ay malimit na mas malakas ang impluwensiya sa mga bagay na ibig ng simbahan, kung paano ito kumikilos at kung ano ang iniaalok nito, kaysa impluwensiya ng Salita ng Diyos.”