Isang Bala na Nagpabago sa Aking Buhay
ANG pinakamagaling na bagay na magagawa ng mga magulang para sa kanilang mga anak ay ang itimo sa kanila ang kaalaman tungkol sa kanilang Maylikha at ang pagnanais na maglingkod sa kaniya. Isang trahedya na nangyari sa akin nang ako’y isang tin-edyer lang ay nakatulong sa akin upang pahalagahan ang katotohanang ito.
Bago ko ilarawan ang nangyari noon—mahigit na 20 taon ang nakalipas—hayaan mong ikuwento ko ang ilan tungkol sa aking buhay habang ako ay lumalaki sa gawing timog ng Estados Unidos. Tuwiran itong nakaapekto sa kung paano ko nakayanan ang matitinding paghihirap.
Kung Ano ang Humubog sa Aking Buhay
Ako’y isinilang sa Birmingham, Alabama—bahagi ng mga estado sa Deep South na nababahagi dahil sa lahi—noong Enero 1955. Nang ako’y walong taóng gulang lamang, isang bombang sumabog hindi kalayuan sa aming bahay ang nagwasak sa isang simbahan noong panahon ng mga klase sa Sunday school. Ang takot na takot na mga batang itim, ang karamihan ay kasinggulang ko, ay nagtatakbuhang palabas na sumisigaw; ang iba pa ay nagdurugo at dumaraing. Apat ang patay—pinatay ng mga puti.
Ang gayong mga trahedya ay hindi pambihirang mga insidente sa Timog. Nang sumunod na tag-araw tatlong manggagawa para sa sibil na mga karapatan ay pinatay sa Mississippi. Yaon ang nakatatakot na mga panahon ng kaguluhan dahil sa lahi na nakaapekto sa aming lahat.
Ang aking ina ay isa sa mga Saksi ni Jehova, at si Tatay ay naging Saksi noong 1966. Di-nagtagal ibinabahagi ng aming buong pamilya sa aming mga kapitbahay ang aming salig-Bibliyang pag-asa tungkol sa isang bagong sanlibutan ng kapayapaan. (Awit 37:29; Kawikaan 2:21, 22; Apocalipsis 21:3, 4) Tuwing Sabado noong mga tag-araw ng huling mga taon ng 1960, kami’y naglalakbay sa teritoryong hindi pa napangangaralan sa labas ng Birmingham upang mangaral. Doon, hindi pa narinig ng mga tao ang tungkol sa mga Saksi ni Jehova o ang mensahe ng Kaharian na aming ipinangangaral. Hindi pa nga nila alam ang pangalan ng Diyos, na Jehova. (Awit 83:18) Noong maligalig na mga panahong iyon, talagang nasisiyahan akong makipag-usap sa mga tao tungkol sa layunin ni Jehova na halinhan ang bulok na matandang sanlibutang ito ng isang makalupang paraiso.—Lucas 23:43.
Paglalagay ng Tunguhin sa Buhay
Noong Disyembre 1969, sinagisagan ko ang aking pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig. Ako’y nanalangin kay Jehova at ipinahayag ko ang aking taimtim na pagnanais na itaguyod ang buong-panahong ministeryo bilang isang karera. Pagkaraan ng ilang linggo, si Tatay ay naatasang tumulong sa maliit na kongregasyon na nasa Adamsville, ilang milya mula sa Birmingham. Ang pagbabagong ito ng teritoryo ay lalong nagpasidhi ng aking pagnanais na maging isang payunir, o buong-panahong ministro. Sa bawat pagkakataon noong mga taon ko sa haiskul, ako’y naglilingkod bilang pansamantalang payunir, na nangangahulugan ng paggugol ng di-kukulanging 75 oras sa ministeryo sa bawat buwan.
Ako’y nagpasiyang mag-aral ng isang kasanayan upang ihanda ako para sa buong-panahong ministeryo pagkatapos ko sa haiskul. Subalit sa huling taon ko sa haiskul, nakaharap ko ang isang hamon. Kabilang ako sa isang grupo ng mga estudyanteng may matataas na marka, kaya’t isang araw ako ay dinala sa isang kalapit na kolehiyo para sa ilang akademikong pagsusulit. Pagkatapos ako’y ipinatawag sa tanggapan ng tagapayo. Tuwang-tuwa siya at naliligayahan para sa akin. “Ikaw ang nanguna!” bulalas niya. “Maaari kang pumasok sa alinmang kolehiyong piliin mo!” Gusto niyang sagutan ko na agad ang mga aplikasyon para sa isang iskolarsip.
Naguguluhan ako sapagkat hindi ako handa para dito. Agad kong ipinaliwanag ang aking mga plano na maging isang buong-panahong ministro at humanap ng part-time na sekular na trabaho upang tustusan ang aking sarili sa ministeryo. Sinabi ko pa nga sa kaniya nang dakong huli, na gaya ng ginawa ng ibang Saksi, ako’y maaaring maglingkod bilang isang misyonero sa isang banyagang bansa. Ngunit para bang hindi niya ako narinig. Iminungkahi niyang ako’y mag-major sa siyensiya at na kung ako’y papasok sa isang lokal na kolehiyo, titiyakin niya na ako’y makapagtatrabaho sa isang science center.
“Takdaan mo ang iyong relihiyon sa mga dulo ng sanlinggo, Gloria,” sabi niya, “ipagmamalaki ka pa rin ng iyong mga magulang.” Para ba akong nainsulto sa pag-aakala niyang ang aking tunguhin ng buong-panahong ministeryo ay bunga ng panunulsol ng aking mga magulang. Para niya akong ginigipit, para bang tinatalikuran ko ang lahat ng lahing itim sa pagtanggi sa dakilang pagkakataong ito. Subalit, ako’y naging matatag. Pagkatapos ng gradwasyon, sa halip na itaguyod ang isang edukasyon sa kolehiyo, ako’y nagsimulang magtrabaho nang part-time bilang isang sekretarya.
Naghanap ako ng isang makakasamang payunir ngunit wala akong nasumpungan. Nang dumalaw ang isang naglalakbay na tagapangasiwa sa aming kongregasyon, sinabi ko sa kaniya ang tungkol sa aking problema. “Hindi mo kailangan ang isang kasama,” aniya. Pagkatapos ay isinulat niya ang isang iskedyul na doo’y maaari kong gampanan ang mga tungkulin ng aking sekular na trabaho at magkaroon pa rin ng sapat na panahon upang magpayunir. Inaakala kong ang iskedyul ay tamang-tama. Tuwang-tuwa ako anupat itinakda ko ang Pebrero 1, 1975, bilang ang petsa ng pagpapasimula kong magpayunir.
Subalit, pagkaraan ng ilang araw, noong Disyembre 20, 1974, samantalang naglalakad pauwi ng bahay mula sa isang tindahan, ako’y tinamaan ng isang ligáw na bala.
Sa Pinto ng Kamatayan
Habang ako’y nakahiga sa lupa, literal na nakikita ko ang aking dugo na dumadaloy. Nagugunita ko pa na naiisip kong ako’y mamamatay. Hiniling ko kay Jehova na hayaan akong mabuhay nang mahaba-haba upang matulungan ko si Inay na maunawaan na ang gayong mapangwasak na aksidente ay maaaring mangyari kahit sa isang pamilyang lubusang nakatuon sa paglilingkod kay Jehova. Bagaman kami’y pamilyar sa teksto sa Bibliya na “ang panahon at di-inaasahang pangyayari ay nangyayari sa kanilang lahat,” sa palagay ko’y hindi kami handa na harapin ang gayong matinding trahedya.—Eclesiastes 9:11.
Ang bala ay tumama sa akin sa kaliwang panig ng leeg, pinuputol ang mga nerbiyo sa aking spinal cord. Ang aking pagsasalita at paghinga ay apektado. Hindi nila inaasahan na ako’y mabubuhay nang mahigit sa dalawang araw. Pagkatapos ay sinabi nilang “dalawang linggo.” Ngunit patuloy akong nabubuhay. Nang magkaroon ng pulmunya, ako’y inilipat sa isang mas masalimuot na aparato sa paghinga. Sa wakas, bumuti ang aking kalagayan, at gumawa ng mga plano para sa rehabilitasyon.
Mga Pagsubok ng Rehabilitasyon
Hindi ako nawalan ng pag-asa noong unang ilang linggo. Wala lamang akong pakiramdam. Ang lahat sa Spain Rehabilitation Center sa Birmingham ay mabait at nagpagal alang-alang sa akin. Napag-alaman ko buhat sa kawani ng ospital na inaasahan ng mga doktor na ako’y ganap na malulumpo, mahihiga na lang, sa nalalabing bahagi ng buhay ko. Ako’y inuri sa antas C2 quadriplegic, na nangangahulugang inaakala nilang ako’y hindi na maaalis sa isang aparato sa paghinga sa natitirang bahagi ng buhay ko, hindi makapagsasalita kundi bulong lamang.
Ang mga doktor ay nagpasok ng isang tubo sa aking lalagukan na sa pamamagitan nito ako ay humihinga. Nang maglaon ang espesyalista sa pulmon ay naglagay ng isang mas maliit na tubo upang alamin kung magagawa nitong ako’y magsalita. Subalit, ang laki ay walang epekto. Kaya sila’y naghinuha na ang aking hindi pagsasalita ay dahilan sa pinsala sa nerbiyo. Noong panahong iyon ako’y halos nagsimulang manlumo, at walang masabi ang sinuman upang bumuti ang aking pakiramdam. Ang bawat mababait na salitang sinasabi sa akin ay parang insulto. Kaya iyak ako nang iyak.
Natanto ko na kung may pumipigil sa iyong espirituwalidad, dalawang bagay ang makatutulong—ang walang-lubay na pananalangin kay Jehova at ang pagiging aktibo sa ministeryo, sinasabi sa iba ang tungkol sa mga katotohanan ng Bibliya. (Kawikaan 3:5) Buweno, ang pananalangin ay madali. Magagawa ko iyan. Ngunit sa aking kalagayan, paano ko magagawang maging higit na aktibo sa ministeryo?
Hiniling ko sa aking pamilya na magdala ng mga kopya ng mga magasing Bantayan at Gumising! at iba pang mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya na ginagamit namin sa ministeryo, gaya ng Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan, Tunay na Kapayapaan at Katiwasayan—Saan Magmumula?, at Ganito na Lamang ba ang Buhay? Ito’y inilagay sa iba’t ibang bahagi ng aking silid. Ang mga kawani sa ospital ay madalas na mahabaging nag-aalaga sa akin at nagtatanong: “Mahal, may magagawa ba kami para sa iyo?”
Ibabaling ko ang aking tingin sa isang piraso ng literatura, at sa pamamagitan ng pagsasalita nang walang tunog, hinihiling ko sa tao na basahan ako. Bibilangin ko ang oras na ginugol ng tao sa pagbabasa bilang oras ko sa ministeryo. Upang ipakita ang aking pagpapahalaga sa taong iyon sa pagbabasa sa akin, madalas na nireregaluhan ko siya ng aklat o magasin. Ibinibilang ko ang mga ito bilang aking mga naipasakamay. Kapag may bumabasa sa akin sa ikalawang pagkakataon, ibinibilang ko ito bilang isang pagdalaw na muli. Ang pakikibahagi sa ministeryo sa ganitong paraan ay nagpatibay-loob sa akin, gaya ng nakapagpapasigla sa pusong mga kard, bulaklak, at mga pagdalaw ng aking maraming Kristiyanong mga kapatid na lalaki at babae.
Pagkatapos ng mga buwan ng rehabilitasyon, bahagya ko nang naitataas ang aking ulo. Ngunit ako’y determinadong makagawa ng higit pang pagkilos. Kaya ako’y humiling ng higit na panahon sa physical at occupational therapy. Nang hilingin kong ako’y ilagay sa isang silyang de gulong, ako’y sinabihan na ito’y imposible, na hindi ko maitataas nang sapat ang aking ulo upang umupo. Hiniling ko na subukan nila sa paano man.
Pagkatapos akong bigyan ng pahintulot ng mga doktor, tinulungan ako ng therapist na nangangasiwa na maupo sa isang silyang de gulong. Binalot nila ako ng mga benda mula sa dibdib hanggang baywang, mula sa hita hanggang sa tuhod, at mula sa tuhod hanggang sa paa. Para akong momiya. Ito’y isang pag-iingat upang matiyak na ang presyon ng dugo ko ay manatiling matatag at maiwasan ang pagkasindak. Mabisa ito! Gayunman, ako’y pinapayagan lamang maupo sa loob ng isang oras sa bawat panahon. Subalit ako’y nauupo—pagkatapos mahiga sa loob ng 57 araw!
Umuwi sa Wakas!
Sa wakas, pagkatapos ng limang mahabang buwan, ang aking tubo sa lalagukan ay inalis, at ako’y pinahintulutang umuwi ng bahay. Ito’y noong Mayo 1975. Pagkatapos, ako’y pabalik-balik sa sentro ng rehabilitasyon para sa paggamot. Maaga noong tag-araw ng 1975, sinimulan ko ang aking Kristiyanong ministeryo sa aking silyang de gulong. Hindi gaano ang nagagawa ko, subalit kahit paano ay lumalabas ako kasama ng mga kaibigan.
Maaga noong 1976, ako’y hiniling na magtungo para sa muling-pagtatasa ng VRS (Vocational Rehabilitation Services), ang ahensiya na siyang nagbabayad sa aking rehabilitasyon. Inaakala kong ako’y sumusulong. Ako’y natututong magpinta sa pamamagitan ng isang pinsél na tangan ko sa aking mga ngipin. Ginagamit ang isang patpat sa katulad na paraan, ako’y nagsimulang magmakinilya at magsulat pa nga sa pamamagitan ng lapis. Yamang ang VRS ang nagbabayad ng karamihan sa aking paggagamot, nais nilang tulungan ako na humanap ng trabaho at maging isang mabungang miyembro ng lipunan.
Ang tagapayo ay tila makonsiderasyon sa simula, ngunit hiniling niya na ako’y magsalita nang mas malakas. Nang panahong iyon nakapagsasalita lamang ako nang pabulong. Pagkatapos ay nagtanong siya: “Hindi ka ba makaupo nang tuwid?”
Hindi ko magawa.
“Ikilos mo nga ang isa lamang daliri,” sabi niya.
Nang kahit na iyon ay hindi ko magawa, ibinagsak niya ang kaniyang pluma sa mesa at nagsabi sa isang bigong tinig: “Wala kang silbi!”
Ako’y sinabihang umuwi ng bahay at maghintay sa tawag niya. Naunawaan ko ang kaniyang problema. Walang pasyente noon sa Spain Rehabilitation Center ang may mga limitasyon na kasinggrabe nang sa akin. Ang halaga ng kagamitang ginagamit doon ay napakamahal, at ang taong may pananagutan sa paggawa ng mga desisyon ay walang mga tuntunin tungkol sa kung ano ang gagawin sa isang pasyente na natatakdaan ang kilos na gaya ko. Gayunman, masakit na ika’y tawaging walang silbi, yamang gayon na nga ang nadarama ko.
Pagkaraan ng ilang araw, ako’y tumanggap ng isang tawag at ako’y sinabihan na hindi na ako bahagi ng programa. Para ba akong pinabayaan. At iyan ay nagbunga ng isa pang pakikipagbaka sa panlulumo.
Pagdaig sa Panlulumo
Saka ko naisip ang kasulatan sa Awit 55:22, na nagsasabing: “Ihagis mo ang iyong pasan kay Jehova mismo, at kaniyang aalalayan ka.” Ang isang bagay na ikinababahala ko ay ang tungkol sa pinansiyal na pabigat sa aking mga magulang, at ipinanalangin ko ang tungkol dito.
Ang aking nanlulumong kalagayan ay lubhang nakaapekto sa akin sa pisikal na paraan, anupat noong panahon ng pandistritong kombensiyon nang tag-araw na iyon ay hindi ako makaupo. Ako’y nakinig sa programa na nakahiga. Ang tinatawag na gawaing auxiliary payunir ay ipinakilala sa kombensiyong iyon noong 1976, at ito’y nakatawag ng aking pansin. Ang pag-aauxiliary payunir ay humihiling lamang ng paggugol ng 60 oras sa isang buwan sa ministeryo, isang katamtamang 2 oras lamang sa isang araw. Inaakala kong magagawa ko iyon. Nang maglaon, hiniling ko sa aking kapatid na si Elizabeth na tulungan akong mag-auxiliary payunir. Inaakala niyang ako’y nagbibiro, subalit nang ibigay ko ang aking aplikasyon na magpayunir noong Agosto, nagbigay rin siya ng aplikasyon.
Si Elizabeth ay gumigising nang maaga at aasikasuhin ang aking personal na mga pangangailangan. Pagkatapos ay pasisimulan namin ang pagpapatotoo sa pamamagitan ng telepono. Ito’y nagsasangkot ng pagtawag sa mga tao sa telepono at pakikipag-usap sa kanila tungkol sa mga pagpapalang inilalaan ng Diyos para sa mga tao sa ilalim ng pamamahala ng kaniyang Kaharian. Sumulat din kami ng mga liham, lalo na sa mga taong nangangailangan ng kaaliwan. Kung mga dulo ng sanlinggo ako’y isinasama ng pamilya o mga kaibigan sa bahay-bahay na ministeryo sa aking silyang de gulong. Mangyari pa, yamang hindi ko maikilos ang aking mga bisig, wala akong magawa kundi ang salitain ang mensahe ng Kaharian, sipiin ang mga kasulatan, o hilingin sa iba na bumasa mula sa Bibliya.
Noong huling araw ng buwan, kailangan ko pa ng 6 na oras upang matugunan ang aking kahilingan na 60. Si Elizabeth ay hindi puwedeng tumulong sa akin, kaya hiniling ko sa nanay ko na ayusin ang aking silyang de gulong upang ako’y makaupo nang tuwid. Pagkatapos, ginagamit ang isang patpat sa bibig, ako’y nagmakinilya ng mga sulat sa loob ng anim na oras. Wala namang masamang mga resulta ang nangyari! Ang nalalaman ko lamang ay na talagang napagod ako!
Sinagot ang Aking Panalangin
Nang sumunod na linggo, nakaupo nang tuwid sa aking silyang de gulong, nagtungo ako sa Spain Rehabilitation Center para sa isang checkup. Ang aking doktor, na hindi ako nakita mula noong ako’y mapaalis sa programa sa simula ng taon, ay nagulat. Hindi siya makapaniwala sa aking pagsulong. “Ano ba ang ginagawa mo?” tanong niya. Kahit na bago ko pa matapos sabihin ang tungkol sa aking ministeryo, inalok niya ako ng trabaho.
Ako’y kinapanayam ng kaniyang kasama at humanga sa kung ano ang ginagawa ko sa ministeryo. Hiniling niya ako na makibahagi sa tinatawag na programa para sa huwarang pasyente. Ipapares ako nito sa isa pang pasyente na tutulungan ko. Binabanggit ang ating ministeryo, sabi niya: “Ito naman ang ginagawa ninyo, di ba?” Ako’y inatasang tumulong sa isang pasyente na halos natatakdaan din ang kilos na gaya ko.
Sa paano man ang balita tungkol sa nagagawa ko sa ministeryo sa tulong ng aking pamilya ay nakarating sa VRS. Gayon na lamang ang paghanga nila anupat inirekomenda na ako’y muling tanggapin sa programa. Ito’y nangangahulugan na ang aming pamilya ay tatanggap ng pera upang bayaran ang pantanging kagamitan at pangangalaga na kakailanganin ko upang ipagpatuloy ang aking gawain. Nadama kong sinagot ng Diyos ang aking mga panalangin.
Namalagi ang Aking Kalagayan
Gayon na lamang ang lawak ng aking pisikal na paggaling anupat naitataas ko na ang aking ulo, naipipihit ito, at nakauupo. Salamat naman, halos naibalik na ang aking kakayahan sa pagsasalita. Ginagamit ang isang patpat sa bibig, nagagawa kong sumulat, magmakinilya, magpaandar ng isang speakerphone, at magpinta. Ang ilan sa mga pinta ko ay inilahok sa mga eksibisyon ng mga ipininta ng bibig. Ako’y nakapapasyal sakay ng isang de motor na silyang de gulong na napatatakbo ko sa pamamagitan ng kontrol na nasa aking baba. Isang de koryenteng pang-angat ang bumubuhat ng aking silyang de gulong sa aming sasakyan, at sa pamamagitan nito ay maaari akong ihatid saan ko man ibiging magtungo.
Nagkaroon ako ng maraming problema sa palahingahan—pulmunya ang madalas na banta. Kung minsan ako’y nangangailangan ng oksiheno sa gabi. Noong 1984, ako ay halos mamatay bilang resulta ng mga komplikasyon dahil sa isang impeksiyon. Labas-masok ako sa ospital nang ilang ulit. Subalit mula noon ang aking kalusugan ay bumuti. Simula noong 1976, nagawa kong makapag-auxiliary payunir minsan o dalawang beses sa isang taon. Subalit hindi pa rin ako nasisiyahan. Lagi kong iniisip ang mga plano ko noong ako’y tin-edyer pa na nahadlangan ng bala.
Natupad ang Aking Tunguhin
Noong Setyembre 1, 1990, sa wakas ay napasama ako sa mga ranggo ng buong-panahong mga payunir, sa gayo’y tinutupad ang aking pagnanais buhat sa pagkabata. Kung mga panahon ng taglamig kapag malamig, ako’y nagpapatotoo sa pamamagitan ng pagsulat ng mga liham at paggamit ng speakerphone. Ngunit kapag umiinit ang panahon, nakikibahagi rin ako sa bahay-bahay na ministeryo. Sa buong taon, ako’y nagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya mula sa bahay sa paggamit ng speakerphone.
Ako’y nananabik na umaasa sa kahanga-hangang hinaharap sa lupang Paraiso kapag inahon na ako ni Kristo Jesus at ng Diyos na Jehova mula sa silyang de gulong na ito. Araw-araw ay nagpapasalamat ako kay Jehova dahil sa kaniyang mga pangako ng mabuting kalusugan at kakayahang “lumukso na parang usa.” (Isaias 35:6) Ako’y tatakbo hanggang sa makakaya ko upang makabawi sa lahat ng panahong hindi ako nakatakbo, at saka ako mag-aaral sumakay sa kabayo.
Hanggang sa panahong iyon, taglay ko ang di-mailarawang kagalakan kahit na ngayon dahil sa pagiging isa sa maligayang bayan ni Jehova at sa pagkakaroon ng ganap na bahagi sa ministeryo.—Gaya ng inilahad ni Gloria Williams.
[Mga larawan sa pahina 15]
Ang aking ministeryong Kristiyano—patungo sa bahay-bahay, pagpapatotoo sa telepono, pagsulat ng mga liham
[Larawan sa pahina 16]
Ang aking mga pinta ay inilahok sa mga eksibisyon ng mga ipininta ng bibig