Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Bakit Nag-aasawa ang Lahat Maliban sa Akin?
“Sana’y makapag-asawa rin ako. Pagkatapos ay magiging masaya na ako.”—Cheryl.a
LIKAS lamang na magnais na mag-asawa. Pinagkalooban ng Diyos ang lalaki at babae ng likas na pagkahalina sa isa’t isa. At itinatag niya ang pag-aasawa bilang permanenteng pagsasama sa pagitan ng isang lalaki at isang babae.—Genesis 1:27, 28; 2:21-24.
Kaya, mauunawaan naman na para bang nakadarama ka ng pagkasiphayo o napag-iiwanan ka na kung hindi ka pa nakapag-aasawa—lalo na kung marami sa mga kaedad mo ang nagsipag-asawa na. Ang mga kaibigan na may mabuting hangarin ay maaaring makaragdag din sa panggigipit. “Ako’y 24 na taóng gulang at walang-asawa, at hindi ako nakikipag-date kaninuman,” sabi ni Tina. “Wari bang ang lahat ay nababahala na wala pa akong asawa anupat nagiging sensitibo tuloy ako tungkol dito. Para bang ipinadarama nila sa akin na ako’y matandang dalaga na o para bang may diperensiya ako.”
Para sa ilang tao ang pagiging walang-asawa ay nagmimistulang isang pader, isang di-magupong hadlang, na naghihiwalay sa kanila sa kaligayahan. Sa paglipas ng bawat taon, wari bang isa pang salansan ng ladrilyo ng hadlang ang ipinapatong sa pader na iyan. Ang isang kabataan ay maaaring magsimulang makadama na siya’y hindi kaakit-akit o hindi kahali-halina. Ganito ang sabi ng isang dalaga sa Italya na nagngangalang Rosanna: “Kalimitang nadarama ko na ako’y nag-iisa at walang-kabuluhan; wari bang wala na akong pag-asa na makapag-asawa pa.” Ang mga binata ay may gayunding nadarama. Halimbawa, si Frank ay nagsimulang makadama na lahat ng kaniyang mga kaibigan ay naging mas kaayaaya at matalino pagkatapos nilang mag-asawa. Nag-isip-isip siya kung gayundin ang mangyayari sa kaniya kapag nag-asawa siya.
Nasusumpungan mo rin ba ang iyong sarili na nag-iisip nang gayon? Kung ikaw ay walang-asawa, kung minsan ba’y napag-iisip-isip mo kung may diperensiya ka o habang-buhay kang nakatakda sa pagkawalang-asawa?
Pag-aasawa—Alamat Laban sa Katotohanan
Una sa lahat, suriin natin ang popular na paniniwala na ang pag-aasawa ay kusang umaakay sa kaligayahan. Totoo na ang pag-aasawa ay maaari at kalimitang nakadaragdag sa kaligayahan ng isa. Gayunman, ang basta pag-aasawa ay hindi nagpapaligaya sa isa. Maging ang pinakamahusay na mga pag-aasawa ay nagdudulot ng ‘kapighatian sa laman.’ (1 Corinto 7:28) Ang kaligayahan sa pag-aasawa ay sumasapit lamang sa pamamagitan ng patuloy na pagsasakripisyo sa sarili at masidhing pagsisikap. Kapansin-pansin, ang pinakadakilang tao na nabuhay kailanman, si Jesu-Kristo, ay walang-asawa. Tatawagin ba siya ng sinuman na di-maligaya? Hinding-hindi! Ang kaniyang kagalakan ay nagmula sa paggawa ng kalooban ni Jehova.—Juan 4:34.
Ang isa pang alamat ay na ang pag-aasawa ay tiyak na lunas para sa kalungkutan. Hindi! Ganito ang pagdaramdam ng isang may-asawang Kristiyanong lalaki: “Hindi kailanman nagtapat ng kaniyang niloloob ang aking maybahay sa akin o nagkaroon man siya ng makabuluhang pakikipag-usap sa akin, hindi kailanman!” Gayundin ang reklamo ng ilang Kristiyanong asawang babae na ang kanilang mga asawang lalaki ay hindi nakikipag-usap o wari bang mas interesado pa sila sa kanilang mga trabaho o mga kaibigan kaysa kanila. Nakalulungkot naman, ang pagiging may-asawa subalit malumbay naman ay totoong karaniwan.
Pagkatapos may mga taong itinuturing ang pag-aasawa bilang isang pagtakas mula sa mga problema sa pamilya. Ganito ang sabi ng isang babaing may-asawa: “Sa palagay ko’y dapat na binigyan ako ng aking mga magulang ng pagkakataon na lumaki. Pero ayaw nila akong payagan na magkaroon ng boyfriend o lumabas na kasama ng mga kaibigan ko . . . Kung binigyan lang ako ng pagkakataon ng mga magulang ko, sa palagay ko’y hindi ako nakapag-asawa nang ako’y 16. Pero gusto kong ipakita sa kanila na malaki na ako.”
Baka nadarama mo na ang buhay sa tahanan ninyo ay napakahigpit. Subalit ang pag-aasawa ay nagdudulot ng mga pananagutan na totoong nagtatakda sa personal na kalayaan ng isa. Isipin ang nasasangkot sa pagtatrabaho, pagbabayad ng mga bayarin, pagkukumpuni ng bahay at ng sasakyan, pagluluto, paglilinis, paglalaba, at marahil pagpapalaki ng mga anak! (Kawikaan 31:10-31; Efeso 6:4; 1 Timoteo 5:8) Maraming kabataan ang talagang nagigitla kapag napapaharap sa mga pananagutang ito ng mga maygulang na.
Ipinalalagay rin ng iba na ang pag-aasawa ang susi sa pagtatamo ng popularidad. Subalit walang katiyakan na ang iba ay lubhang maghahangad sa iyong pakikisama—o sa iyong kabiyak—dahil lamang sa ikaw ay may-asawa. Maiibigan ka ng mga tao kung ikaw ay mabait, mapagbigay, at di-mapag-imbot, ikaw man ay may-asawa o wala. (Kawikaan 11:25) At kahit na ang pagiging may-asawa ay bahagyang makapagpapadali sa iyo sa pakikisama sa mga kaibigang may-asawa, dapat tandaan ng asawang lalaki at babae na sila’y “isang laman.” (Genesis 2:24) Ang kanilang pangunahing pagkabahala ay dapat na kung paano sila magkakasundo sa isa’t isa—hindi sa kanilang mga kaibigan.
Handa Na sa Pag-aasawa?
Mangyari pa, kahit na maunawaan mo pa ang pagkamakatuwiran ng mga bagay na ito, maaaring makadama ka pa rin ng pagkasiphayo kung minsan. Ganito ang sabi ng isang matandang kasabihan: “Ang pag-asa na nagluluwat ay nagpapasakit ng puso.” (Kawikaan 13:12) Halimbawa, nasumpungan ng kabataang si Tony ang kaniyang sarili na nasa kalagayang malapit na sa kawalang-pag-asa dahil siya ay walang-asawa. Nakadama siya na siya’y handa nang mag-asawa kaninuman. Isang kabataang babae na nagngangalang Sandra ang nasiraan din ng loob sa tuwing may nalalaman siya tungkol sa isang nabubuong pag-iibigan; siya’y nag-iisip kung kailan darating ang pagkakataon sa kaniya.
Bago mo pahintulutang mahulog ang iyong sarili sa labis na pamamanglaw, tanungin mo ang iyong sarili, ‘Handa na ba talaga akong mag-asawa?’ Sa tuwirang pananalita, kung ikaw ay isang tin-edyer, ang sagot ay maaaring isang mariing hindi pa! Sa Estados Unidos, ang karamihan ng mga pag-aasawa ng mga tin-edyer ay nauuwi sa paghihiwalay sa loob ng limang taon.b Mangyari pa, ang ilang kabataan ay totoong maygulang na para sa kanilang edad at maaaring maging matagumpay sa pag-aasawa. Subalit hindi naman nangangahulugan iyan na dapat kang mag-asawa na. Talaga bang naisaalang-alang mo na kung handa ka na nga bang bumalikat ng mga pananagutan sa pag-aasawa?
Ang isang tapat na pagsusuri-sa-sarili ay talagang magsisiwalat ng mga bagay-bagay. Halimbawa, gaano ka na kamaygulang at karesponsable? Ikaw ba ay nakapag-iipon ng salapi, o ginagastos mo ito pagkatanggap mo nito? Nasa panahon ka ba magbayad ng mga bayarin? Ikaw ba’y may kakayahang magtrabaho o mangasiwa ng isang sambahayan? Mahusay ka bang makisama sa iba, gaya sa iyong mga katrabaho at mga magulang, o palagi kang nakikipag-away sa kanila? Kung gayon nga, masusumpungan mo na ang pakikisama sa kabiyak ay magiging napakahirap.
Kung ikaw ay isang tin-edyer pa, matutuklasan mo na kailangan mo pa ng ilang taón ng mga karanasan upang matamo ang pagkamaygulang at katatagan na kailangan upang maging isang mabuting asawang lalaki o mabuting asawang babae. Ang pagkabatid sa bagay na ito ang makatutulong sa iyo na maayos muli ang iyong mga inaasahan at pangmalas sa pag-aasawa bilang isang posibilidad sa hinaharap. Ito’y makatutulong sa iyo na maging higit na ‘panatag sa puso’ hinggil sa pagiging walang asawa, sa paano man sa kasalukuyan.—1 Corinto 7:37.
Tamang Paghahanda
Subalit, kumusta naman kung ipinalalagay mong ikaw ay lampas na sa “kasibulan ng kabataan” at nadarama mo na handa ka nang mag-asawa? Nakasisira ng loob kung ang maaaring mapangasawa ay kakaunti o ikaw ay tinatanggihan sa tuwing magpapahayag ka ng interes sa isang tao. Subalit ibig bang sabihin nito na hindi ka kaayaaya? Hindi naman. Si Haring Solomon ay totoong hindi naging matagumpay sa panunuyo sa isang dalaga na kaniyang inibig—at isa siya sa pinakamayaman, pinakamatalinong lalaki na nabuhay kailanman! Ang suliranin? Ang puso ng dalaga ay walang romantikong damdamin para sa kaniya. (Awit ni Solomon 2:7) Gayundin naman, baka hindi mo pa natatagpuan ang isang tao na talagang kasundo mo.
Nadarama mo ba na hindi ka gaanong kagandahan para makaakit sa sinuman? Totoo, ang magandang hitsura ay may mga bentaha, subalit hindi ito ang pinakamahalaga. Kung iisipin mo ang mga mag-asawa na kilala mo, hindi ba totoo na kabilang sa kanila ang mga tao na may iba’t ibang taas, hugis, at antas ng pagiging kaakit-akit? Maliban pa rito, ang isang tao na talagang may-takot sa Diyos ay pangunahin nang mababahala sa kung ano ka sa “lihim na pagkatao ng puso.”—1 Pedro 3:4.
Mangyari pa, huwag mo rin namang pabayaan ang iyong hitsura; makatuwiran lamang na sikapin mong maging maayos ang iyong hitsura. Ang salaulang pananamit at pag-aayos ay makapagbibigay sa iba ng maling impresyon tungkol sa iyo.c Gayundin, ang mahinang kakayahan sa pakikipag-usap o mga kapintasan sa iyong personalidad ay maaaring makasira ng loob ng iba bago ka nila makilala. Isang maygulang na kaibigan o magulang ang maaaring makapagsabi sa iyo kung kailangan ang ilang pagbabago sa mga bagay na ito. Ang katotohanan ay maaaring maging masakit, subalit ang pagtanggap nito marahil ang makatutulong sa iyo na makagawa ng mga pagbabago at sa gayon ay maging kaakit-akit sa iba.—Kawikaan 27:6.
Gayunman, sa kahuli-hulihan, ang iyong kabuluhan, o kahalagahan, bilang isang tao ay hindi nakasalalay kung ikaw ay may-asawa man o wala. Ang talagang mahalaga ay kung paano ka minamalas ng Diyos, at “nakikita niya ang nasa puso.” (1 Samuel 16:7) Ang dapat na pagtuunan ng iyong pansin ay ang pagtatamo ng pagsang-ayon ni Jehova at hindi ang pag-aasawa. Sikapin na huwag mong hayaang madaig ng huling nabanggit ang iyong pag-iisip at pakikipag-usap. Maingat na bantayan ang iyong pakikisama, pinipiling musika, at paglilibang.
Totoo, ang pagnanais na mag-asawa ay maaaring hindi mawala, subalit huwag kang mataranta. Maging matiisin. (Eclesiastes 7:8) Sa halip na malasing parang isang sumpa ang iyong pagiging walang-asawa, samantalahing lubusan ang kalayaang ipinagkakaloob ng pagiging walang-asawa at ng mga pagkakataon na inihaharap nito upang makapaglingkod sa Diyos nang walang pang-abala. (1 Corinto 7:33-35, 38) Ang pag-aasawa ay maaaring dumating sa iyo sa takdang panahon—marahil mas malapit pa nga kaysa inaasahan mo.
[Mga talababa]
a Ang ilang pangalan ay pinalitan.
b Tingnan ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Maagang Pag-aasawa—Magtagumpay Kaya Kami?” sa aming labas ng Abril 22, 1995.
c Para sa espesipikong mungkahi hinggil sa mga bagay na ito, tingnan ang mga kabanata 10 at 11 ng aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Larawan sa pahina 26]
Napakadaling makadama na napag-iwanan na kapag ang mga kaedad ng isa ay nagsisipag-asawa na