Pagmamasid sa Daigdig
Salaping Mula sa Dugo
Noong 1994 ang taong-bayan sa Alemanya ay natakot nang kanilang mapag-alaman na halos 2,500 katao ang nahawahan na ng HIV sa pamamagitan ng mga pagsasalin ng dugo at mga produkto ng dugo. (Tingnan ang Gumising! ng Abril 22, 1994, pahina 28.) Sa isang parlamentong debate noong Enero 1995, iniulat ng Süddeutsche Zeitung, ang pederal na minister ng kalusugan ay humingi “ng kapatawaran sa ngalan ng pamahalaang pederal” sa mga biktima dahil sa mga pagkakamali na nagpalala sa kanilang kahirapan. Sa debate sinabi na ang industriya ng parmaseutika at mga doktor ang pangunahing may pananagutan at na sinira ng German Red Cross ang pagkakilala rito dahil sa labis na pagsisikap na maging “isang tagagawa ng mga gamot mula sa dugo.” Isang babae na nahawahan ng HIV ng kaniyang yumaong asawa ang naghihinanakit na nagsabi: “Sa paano man 700 hemophiliac ang maaaring buháy pa sana kung ang [industriya ng parmaseutika] ay nag-isip ng higit kaysa pagkita lamang ng salapi.”
Kakulangan ng mga Pari
Dati-rating kilala sa pagpapadala sa ibang bansa ng mga misyonerong Katoliko, ang Espanya ngayon ay nagpupunyagi na makapaglaan ng sapat na mga pari para sa lokal na mga pangangailangan. Iniuulat ng pahayagang El País sa Madrid na ang kabuuang bilang ng mga pari sa Espanya ay umuunti ng 150 bawat taon. Nangangamba ang mga awtoridad ng simbahan na ang 2,000 estudyante sa seminaryo na kasalukuyang nakatala ay hindi makapaglaan ng sapat na mga pari upang mapunan ang pastoral na mga pangangailangan sa hinaharap. Noong nakaraang taon 216 na pari lamang ang naordina—mas kaunti ng 73 kaysa 1993—at 70 porsiyento ng klerong Kastila ang mahigit na 50 taóng gulang na. Sa kabilang dako naman, kamakailan ang mga Saksi ni Jehova sa Espanya ay nakitaan sa ranggo ng kanilang mga payunir na dumarami ng 300 bawat taon. Ang mga payunir ay hindi bayarang mga ministro na gumugugol ng 90 oras sa isang buwan sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian.
Higit na mga Panganib sa Pagsasalin ng Dugo
Ayon sa The Canberra Times ng Australia, binabalaan ng Red Cross ang mga doktor na ang dugong nahawahan ng sakit ay maaaring makapaglipat ng nakamamatay na impeksiyon dahil sa baktirya at na hanggang sa kasalukuyan ay walang tiyak na paraan upang masuri ang organismo. Tinutukoy ang isang ulat sa The Medical Journal of Australia, sinabi ng Times na apat na tao sa estado ng New South Wales ang namatay mula sa pagkahawa sa dugo dahil sa baktirya sa pagitan ng 1980 at 1989. Ganito pa ang sabi ng artikulo sa pahayagan: “Ang problema ay na ang baktirya, Yersinia enterocolitica, ay maaaring mabilis na dumami sa mga bag ng purong dugo kahit na ang dugo ay halos nasa magyeyelong kalagayan na. Ang mga tao na may impeksiyon sa tiyan mga ilang linggo bago nagkaloob ng dugo kung minsan ay maaaring makapaglipat ng organismo, na maaaring dumami nang husto habang ang dugo ay nakaimbak at naghihintay na isalin. Ang mga pasyenteng nasalinan ay maaaring makaranas ng mabilis na toxic shock at kamatayan.”
Matatabang Bata sa Canada
“Maraming dalubhasa sa pagkain, mga doktor sa bata at mananaliksik” ang nagsasabi na “pinakakain ng pagod na pagod nang mga magulang ang kanilang mga anak ng di-timbang, labis ang pagkaproseso at mayaman sa taba na mga pagkain,” ulat ng The Globe and Mail. Kalimitan kapag ang kapuwa magulang ay nagtatrabaho, ang buhay ay abalang-abala, halos kakaunting panahon ang natitira, kung mayroon man, para makakain ang pamilya ng masustansiyang pagkain nang sama-sama. Ang resulta? Ayon sa pagtaya ng mga dalubhasa, “di-kukulangin sa 20 porsiyento ng mga bata sa Canada ang napakataba dahil sa kombinasyon ng mayaman sa taba na pagkain at kakulangan ng ehersisyo,” sabi ng The Globe. Si Dr. Stan Kubow, kasamang propesor sa paaralan ng dietetics at nutrisyon sa McGill University sa Montreal, ay nagsabi na ang pagiging timbang ay kailangan. Sinabi niya na kailangan ng mga magulang na “tiyakin na may mga produktong galing sa gatas, protina, prutas, gulay at hibla sa pagkain ng kanilang [mga anak].” Isang nababahalang mananaliksik ang nagtanong: “Kung hindi kayo nababahala sa inyong kalusugan, saan kayo nababahala?”
Patuloy ang Babala sa Asbestos
Libu-libong manggagawa sa konstruksiyon sa Britanya ang mamamatay sa mga kanser na may kaugnayan sa asbestos dahil sa maling pagkalkula ng mga awtoridad sa kaligtasan, ulat ng magasing New Scientist. Mga taon na ang nakalipas, noong dekada ng 1960, nang sabihin ng mga dalubhasa sa paggamot na ang mga hibla ng asbestos ay masama sa kalusugan, nagpalabas ang pamahalaan ng Britaniya ng mga alituntunin sa pabrika na limitahan ang pagiging puro ng mga hiblang ito sa hangin. Gayunman, natuklasan ngayon ng mga mananaliksik na ang mga manggagawa na pinakananganganib ay ang mga karpintero, elektrisyan, tubero, at nagkakabit ng mga tubo ng gas, na nagtatrabaho nang di-naiingatan mula sa mga produktong may kaugnayan sa asbestos. Yamang ang isang uri ng kanser sa baga ay gumugugol ng 30 taon bago lumabas, ngayon lamang natuklasan ang problema. Sa kasalukuyan hindi alam kung aling paraan ng pagtatayo o mga produkto ng asbestos ang pinakamapanganib. Kaya, hinimok ng Health and Safety Executive ng Britanya ang mga trabahador sa konstruksiyon na mag-ingat nang lubusan kung kanilang matuklasan ang isang bagay na nagtataglay ng asbestos, at iulat ang bagay na ikinababahala nila sa pinaglilingkuran nila, na siyang magsusuri sa mga materyal at maglalaan ng sapat na proteksiyon.
Sino ang Nagwagi?
“Sa negosyo ng pagsusugal, walang krisis,” ulat ng Veja. Sinasabi ng magasin na ang mga taga-Brazil ay gumugugol ng $4 na bilyon (U.S.) taun-taon sa loterya at ibang anyo ng pagsusugal. Iyan ay higit pa sa taunang kita ng pagkalalaking pambansang mga industriya ng sasakyan! Diumano ang isang pang-akit ng bingo ay ang panlipunang aspekto nito. “Sa bingo posible na makipag-usap sa mga di-kakilala o mga kakilala, kumain, uminom, at magsaya habang ang isa ay nagsusugal,” ulat ng magasin. Subalit sino ang nagwagi? “Walang iba pang uri ng sugal ang may napakalaking kita kundi ito,” sabi ng dalubhasa sa matematika na si Oswald de Souza. “Ang nagwagi sa isang laro [ng bingo] ay tumatanggap ng 45 porsiyento ng lahat ng salapi na ipinusta.”
Dinaraig ng mga Problema ang mga Lunas
Sa kabila ng katotohanan na ang pamahalaan ng India ang nagtutustos sa pinakamalaking programa ng nutrisyon sa daigdig, mayroon pa ring 250 milyon katao sa bansa ang nakararanas ng iba’t ibang antas ng malnutrisyon. Ipinakikita ng ulat ng United Nations Children’s Fund na sa kabila ng ginawang mga pagsisikap, 43.8 porsiyento ng mga bata sa India ang nakararanas ng bahagyang malnutrisyon sa protina. Karagdagan pa, 6.6 na milyon ang medyo may diperensiya sa isip at may ilang kapansanan, 2.2 milyon ang may diperensiya sa pisikal at mental, at taun-taon 60,000 ang nabubulag dahil sa kakulangan ng bitamina. Kabilang sa mga batang hindi pa nag-aaral 56 na porsiyento ang kulang sa iron, at ang mga bata ay kabilang sa 40 milyon katao na may bosyo.
Pagbili ng Pagkain sa Yuping mga Lata
“Ang mga naggogroseri, na nagtitipid, ay maaaring bumibili o nagtatago ng mga de lata na dapat sanang itapon na dahil sa ito’y maaaring maging mapanganib,” babala ng Winnipeg Free Press. “Ang maraming yupi sa de lata ay tinatanggap, subalit ang ilan ay hindi,” sabi ni Peter Parys ng kagawaran sa kalusugan ng lungsod. “Karaniwan na ang de lata ay ligtas sa panahon ng pag-iimpake; ang yupi ay nagaganap pagkatapos nito.” Ang maikling listahan ng mga itatapon, ayon sa kagawaran sa kalusugan ng lungsod, ay naglalakip sa mga de lata na may kalawang sa pinakabibig ng lata, kalawang sa pinakatakip ng lata o sa pinakakatawan nito na hindi madaling maalis ng pagpunas, o parang may bula na tunog kapag inalog, gayundin ang mga de lata na umuumbok o bumubukol sa anumang paraan, mga lata na may tagas, at mga lata na may nawawala o pasó na etiketa. Ang pahayagan ay nag-ulat ng mga babala: “Minsang ang takip ay nasira, ang mga de lata ay nagiging mahusay na tirahan ng baktiryang salmonella at staphylococcus. Ang bawat baktirya ay maaaring maging sanhi ng diarrhea, pagsusuka, at pamimitig.”
Mababang Bilang ng Pagsisilang
Maraming mag-asawa sa Silangang Europa ang ipinagpapaliban ang pag-aanak dahil sa inaakala nilang di-kasiguruhan sa salapi at trabaho. Sinabi ng The New York Times na ang “di-kasiguruhang ito ay hindi lamang umakay sa mabilis na pagbaba sa bilang ng pagsilang kundi pagbaba rin sa bilang ng pag-aasawa at higit pa sa sampung ulit na pagtaas sa pagpapatali.” Sinabi pa ng Times na ayon sa mga demographer ang “gayong biglang pagbaba ay hindi kailanman nangyari maliban sa panahon ng digmaan, salot o taggutom.” Upang mapahinto ang kausuhang ito, ang mga pamahalaan ng Belgium, Luxembourg, Hungary, Poland, at Portugal sa ilang panahon ay nagbigay ng kabayaran bilang pangganyak upang magkaroon ng mga sanggol. Kamakailan lamang, ang pamahalaan ng estado ng Alemanya na Brandenburg ay nagsimulang mag-alok ng $650 sa bawat bagong silang na sanggol.
Nagtatagal na mga Epekto ng Digmaan
Ang mga nasawi sa digmaan sa dating Yugoslavia ay nagsangkot ng mas maraming tao kaysa napatay o nabalda ng mga bala o bomba. Isinisiwalat ng kamakailang pagsusuri na “ang daan-daang tonelada ng nakalalasong mga bagay na nailabas sa kapaligiran sa pamamagitan ng mga sunog, pagsabog at mga tagas ng kemikal ay magdudulot ng malubhang epekto sa kalusugan,” sabi ng The Medical Post. Ang mga kemikal na ito at nakalalasong metal ay nagpaparumi sa mga ilog at maaari pa ngang lumason sa ibang bahagi ng bukal ng tubig. Ayon sa Post, ang mga dalubhasa ay nagbababala na magkakaroon ng “isang kapansin-pansing pagdami sa bilang ng mga bata na may kapinsalaan sa pagsilang bunga ng pag-inom ng kanilang mga magulang ng tubig na narumihan ng nakalalasong bagay.”