Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 11/8 p. 3-4
  • Ano ba ang Sining?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ano ba ang Sining?
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagpapakahulugan sa Sining
  • Ang Dalubsining sa Likod ng Kasiningan
  • Ang Lubhang Di-napapansing Dalubsining sa Ating Panahon
    Gumising!—1995
  • Ang Aking Buhay Bilang Isang Pintor
    Gumising!—2001
  • Paglilingkod sa Pinakadakilang Pintor sa Lahat
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Sining
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 11/8 p. 3-4

Ano ba ang Sining?

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA ESPANYA

ANO ang pinakamagandang tanawing iyong nakita? Ito ba’y ang paglubog ng araw sa tropiko, ang hanay ng kabundukan na nababalutan ng niyebe ang tuktok, ang saganang bulaklak sa disyerto, ang marilag na mga kulay ng isang kagubatan sa taglagas?

Pinahahalagahan ng karamihan sa atin ang ilang natatanging mga sandali nang tayo’y mabighani ng kagandahan ng lupa. Kung magagawa natin, nais nating magbakasyon sa malaparaisong mga kapaligiran, at sinisikap nating bihagin ang lubhang di-malilimot na mga tanawin sa litrato.

Sa susunod na pagkakataong mapagmasdan mo ang karilagang ito na hindi pa nagbabago, may mga katanungan na maaaring itanong mo. Hindi mo ba madarama na may kulang kung ang lahat ng ipinintang larawan sa isang galeriya ng sining ay minarkahang “Di-kilala”? Kung ikaw ay lubhang naantig sa kalidad at kagandahan ng mga ipinintang larawan sa isang eksibisyon, hindi ba nanaisin mong makilala kung sino ang pintor? Dapat ba tayong masiyahan na lamang sa pagmumuni-muni sa kahanga-hangang kagandahan ng lupa at pagkatapos ay waling-bahala ang Dalubsining (Artist) na lumikha ng mga ito?

Totoo, may mga nagsasabing wala namang sining sa kalikasan​—na ang sining ay nangangailangan ng malikhaing kasanayan at interpretasyon ng tao. Subalit, ang gayong pagpapakahulugan sa sining ay marahil lubhang lmitado. Ano nga ba ang sining?

Pagpapakahulugan sa Sining

Ang kahulugan ng sining na magbibigay kasiyahan sa lahat ay malamang na imposible. Subalit ang mahusay na paliwanag ay masusumpungan sa Webster’s Ninth New Collegiate Dictionary, na nagsasabing ang sining ay “ang may-kabatirang paggamit sa kasanayan at mapanlikhang imahinasyon lalo na sa paggawa ng magagandang bagay.” Salig dito masasabi natin na kailangan ng isang dalubsining kapuwa ang kasanayan at mapanlikhang imahinasyon. Kapag pinakilos niya ang dalawang kakayahang ito, makagagawa siya ng isang bagay na masusumpungan ng iba na kalugud-lugod o kaakit-akit.

Ang mga kapahayagan ba ng kasanayan at imahinasyon ay limitado lamang sa mga bagay na gawa ng tao? O makikita rin ba ito sa likas na daigdig sa palibot natin?

Ang pagkatataas na redwood ng California, ang malawak na batuhan ng korales sa Pasipiko, ang malalakas na talón ng tubig sa masukal na kagubatan, at ang maringal na mga kawan sa kaparangan ng Aprika ay, sa iba’t ibang paraan, mas mahalaga sa sangkatauhan kaysa sa “Mona Lisa.” Sa kadahilanang iyan, itinalaga ng UNESCO (United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization) ang Redwood National Park, E.U.A.; Iguaçú Falls, Argentina/Brazil; ang Great Barrier Reef, Australia; at Serengeti National Park, Tanzania, bilang bahagi ng “Pandaigdig na Pamana” ng sangkatauhan.

Ang likas na mga yamang ito ay kabilang sa gawang-taong mga monumento. Bakit? Ang layon ay upang ingatan ang anumang bagay na may “katangi-tanging pansansinukob na halaga.” Ang UNESCO ay nangangatuwiran na maging ito man ay ang kagandahan ng Taj Mahal, India, o ang Grand Canyon, E.U.A., ito’y karapat-dapat pangalagaan alang-alang sa hinaharap na mga salinlahi.

Subalit hindi mo na kailangang maglakbay sa isang pambansang parke upang masdan ang mapanlikhang kasanayan. Isang pinakamahusay na halimbawa ang iyo mismong katawan. Minalas ng mga eskultor ng sinaunang Gresya ang hugis ng tao bilang ang huwaran ng artistikong kahusayan, at sinikap nilang ilarawan ito nang may kasakdalan hangga’t maaari. Taglay ang ating kasalukuyang kaalaman tungkol sa mga gawain ng katawan, lalo nating mapahahalagahan ang lubos na kakayahan na kinakailangan para sa paglikha at disenyo nito.

Kumusta naman ang tungkol sa mapanlikhang imahinasyon? Tingnan mo ang marikit na disenyo sa nanginginig at nakaladlad na buntot ng paboreal, ang magandang bulaklak ng rosa, o ang napakabilis na animo’y pagba-ballet ng kumikinang na hummingbird. Tiyak, ang gayong kasiningan ay sining, kahit na bago pa ito naipinta sa canvas o nalitratuhan. Palibhasa’y lubhang natawag ang pansin ng kulay lilang mga filament ng tacca lily, tinanong ng isang manunulat sa National Geographic ang isang batang siyentipiko kung ano ang layunin nito. Ang kaniyang payak na sagot ay: “Isinisiwalat nito ang imahinasyon ng Diyos.”

Ang likas na daigdig ay hindi lamang sagana sa kasanayan at mapanlikhang imahinasyon kundi ito rin ay palaging pinagmumulan ng inspirasyon ng mga taong dalubsining. Si Auguste Rodin, kilalang eskultor na Pranses, ay nagsabi: “Ang dalubsining ay ang katapatang-loob ng kalikasan. Ang mga bulaklak ay nakikipag-usap sa kaniya sa pamamagitan ng magandang kilos ng pagyuko ng kanilang mga tangkay at ang magkakasuwatong kulay ng kanilang mga bulaklak.”

Hayagang kinikilala ng ilang dalubsining ang kanilang mga limitasyon kapag sinisikap tularan ang kagandahan ng kalikasan. “Ang tunay na gawa ng sining ay anino lamang ng kasakdalan ng Diyos,” sabi ni Michelangelo, itinuturing na isa sa pinakamagaling na pintor sa lahat ng panahon.

Ang mga siyentipiko, gayundin ang mga dalubsining, ay maaaring malipos sa kagandahan ng likas na daigdig. Isang propesor ng mathematical physics, si Paul Davies, ay nagpapaliwanag sa kaniyang aklat na The Mind of God, na “kahit na ang hindi sentimental na mga ateista ay madalas na may matatawag na pagpipitagan para sa kalikasan, isang pagkabighani at paggalang sa karunungan at kagandahan at kahiwagaan, na kahawig ng relihiyosong pagpipitagan.” Ano ang dapat na ituro nito sa atin?

Ang Dalubsining sa Likod ng Kasiningan

Inaalam ng estudyante sa sining ang tungkol sa dalubsining upang maunawaan at mapahalagahan ang kaniyang sining. Talos niya na ang gawa ng dalubsining ay isang salamin ng indibiduwal na iyon. Sinasalamin din ng sining ng kalikasan ang personalidad ng pinagmulan ng kalikasan, ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. “Ang kaniyang di-nakikitang mga katangian ay malinaw na nakikita . . . sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa,” sabi ni apostol Pablo. (Roma 1:20) Isa pa, ang Maygawa ng lupa ay kilala. Gaya ng sinabi ni Pablo sa mga pilosopo sa Atenas noong kaniyang kaarawan, “[ang Diyos] ay hindi malayo sa bawat isa sa atin.”​—Gawa 17:27.

Ang gawang-sining sa paglalang ng Diyos ay hindi walang layunin o nagkataon lamang. Bukod sa pinagyayaman ang ating buhay, isinisiwalat nito ang mga kasanayan, imahinasyon, at kadakilaan ng pinakamagaling na Dalubsining, ang Pansansinukob na Disenyador, ang Diyos na Jehova. Isasaalang-alang ng susunod na artikulo kung paanong ang sining na ito ay makatutulong sa atin upang higit pang makilala ang Kataas-taasang Dalubsining.

[Picture Credit Line sa pahina 3]

Musei Capitolini, Roma

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share