Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 8/22 p. 18-22
  • Ang Aking Buhay Bilang Isang Pintor

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Aking Buhay Bilang Isang Pintor
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Bakit Ako Nagpasimulang Magpinta
  • Mga Pangarap at Katotohanan
  • Nakilala Bilang Isang Pintor
  • Pagkatagpo sa mga Saksi
  • Ang Aking Paglalakbay sa Paris
  • Pagpapasiya
  • Ang Epekto sa Aking Pagpipinta
  • Pagbibigay-Halaga sa Bibliya
  • Mga Pagpapala Bilang Isang Lingkod ng Diyos
  • Ano ba ang Sining?
    Gumising!—1995
  • Paglilingkod sa Pinakadakilang Pintor sa Lahat
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Pinili Ko ang Mas Makabuluhang Karera
    Gumising!—2010
  • “Punung-puno ng Kahulugan”
    Gumising!—2004
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 8/22 p. 18-22

Ang Aking Buhay Bilang Isang Pintor

AYON SA SALAYSAY NI SHIZUKO KAWABATA

“Mga Saksi ni Jehova, ang Magagandang Tao na Naghahayag ng Mabuting Balita sa Buong Mundo” ang titulo ng isa sa aking ipinintang mga larawan na itinanghal sa isang eksibit sa sining sa Versailles, Pransiya, noong 1999.

WALA pang isang linggo bago ang eksibit, ang mga Saksi ni Jehova sa Pransiya ay nakapamahagi na sa buong bansa ng 12 milyong tract na nagtuon ng pansin sa di-makatarungang pagtrato ng pamahalaan sa kanila. Dahil sa aking larawan na pumupuri sa mga Saksi, ako’y ginawaran ng pantanging gantimpala. Nang maglaon, ang taong nagkaloob ng gantimpala ay nagsabi: “Malakas ang loob mo, pero malakas din ang loob ko. Iyan ang dahilan kung bakit ipinagkakaloob ko sa iyo ang pantanging gantimpala.”

Sinisikap ng maraming pintor na ihatid ang mga damdamin at emosyon sa kanilang mga larawan. Ito ang sinisikap kong gawin. Iginuguhit ko kung ano ang aking nadarama, at masaya ang ipinipinta kong mga larawan, na nagpapabanaag sa aking kagalakan at kaligayahan. Noong aking pagkabata, natuklasan ko ang kagalakan sa pagsasama ng pagiging malikhain at pagpipinta.

Kung Bakit Ako Nagpasimulang Magpinta

Ako’y isinilang noong 1920 sa aking nakaririwasang mga magulang sa Morioka, Hapon. Kami ng ate ko ay may mga guro na nagturo sa amin ng Hapones na sayaw, pag-aayos ng bulaklak, seremonya ng tsa, pagtugtog ng koto (sitara ng Hapon), piyano, pag-awit, at marami pang iba. Ayaw ko ang lahat ng iyon. Kapag dumarating ang mga guro, madalas akong tumakas at magtago. Kailangan akong hanapin ng mga utusan at kaladkarin pabalik.

Ang pagiging mahigpit sa pag-aaral ng mga aralin ang talagang kinayayamutan ko. Ang mga taong hindi ko man lamang kilala noon ang nagpapasiya kung paano ako magsasayaw, mag-aayos ng mga bulaklak, at magsisilbi ng tsa. Pakiramdam ko’y nasasakal ako, na para bang wala nang paraan upang ako mismo ang mag-isip para sa sarili ko at magtakda ng personal na mga tunguhin. Subalit kapag ako’y nagpipinta ng mga larawan, walang sinuman ang nagbabantay sa akin. Walang nagsasabi kung ano ang dapat kong gawin. Ito ang kalayaang pinakamimithi ko.

Yamang wala akong guro sa pagpipinta, maaari akong maging malikhain at kumatha, at walang sinuman ang pumupuna sa akin. Unti-unting lumakas ang loob ko. Sa mga edad na 12, kinukuha ko ang mga sedang kurbata ng aking tatay at doon ako mismo nagpipinta. Hindi nagtagal pagkatapos niyan, nanahi kami ng mga damit sa paaralan. Gulat na gulat ang guro nang makita niyang ginupit ko ang kalahati ng harapan ng damit at pinalitan ito ng puting tela. Subalit tulad ng aking ama, wala siyang sinabi.

Mga Pangarap at Katotohanan

Noon pa mang ako’y nasa elementarya, nasabi ko na magiging pintor ako paglaki ko. Hindi nagbago ang tunguhin ko, at gusto kong pumasok sa pamantasan upang mag-aral ng pagpipinta; subalit hindi ito gusto ng aking mga magulang. Sinabi nila na sa Hapon ang mga nagtapos sa sining ng pagpipinta ay hindi tinatanggap bilang isang nobya. Kaya kumuha ako ng pambahay na mga kasanayan.

Gusto ko ang banyagang mga tula at banyagang mga aklat at binabasa ko ang marami sa mga ito. Gayunman, binatikos at itinuring na literatura ng kaaway ang mga ito noong panahong iyon. Napakamapanganib pa ngang magkaroon ng gayong literatura. Sa paaralan ay nag-aral ako ng wikang Pranses sa loob ng limang taon na naturuan ng isang Pranses na guro, subalit nagbago ang kalagayan sa Hapon kaya maging ang pagiging interesado sa mga wikang banyaga ay pinaghihinalaan. Ipinagkait sa amin ang kalayaan sa pagsasalita.

Noong 1943, habang nagngangalit ang Digmaang Pandaigdig II, tuwang-tuwa akong malaman na pagkatapos tingnan ang 40 litrato ng mga dalaga na nasa edad na para mag-asawa, pinili ako ng isang lalaki para mapangasawa. Nang bandang huli, nalaman ko na bumisita ang kaniyang ina at kaibigan nito sa aming lugar upang palihim akong tingnan. Pagkatapos, nagpadala ang kanilang pamilya ng pormal na alok para sa kasal sa aming pamilya, at hinimok akong tanggapin iyon. Minsan ko lamang nakita ang lalaki bago ang aming kasal.

Pagkatapos naming makasal, matinding pambobomba ang nagsapanganib sa aming araw-araw na pamumuhay, at sa dakong huli ay nasunog ang aming tahanan gaya ng iba pa sa lunsod. Nanganlong ang mga nakaligtas sa kabundukan, subalit maging hanggang doon ay naririnig namin ang sirena at nakikita namin ang mga eroplanong pandigma. Nakatatakot iyon. Ang lahat ay nagdusa. Totoong napakahirap din nang sumunod na sampung taon pagkatapos ng digmaan.

Bukod pa sa aming tatlong anak, nakapisan sa amin ang aking biyenang babae at anim sa mga kapatid ng aking asawa. Bagaman may sinusuwelduhan kaming mga utusan, kailangan naming lahat na magtrabaho sa bukid upang may makain. Noong panahong iyon ay napakalungkot ko at nalimutan ko nang tumawa. Subalit natatakot naman ako na baka magkaroon ng di-pagkakaunawaan kung sasabihin ko ang damdamin ko. Kaya unti-unti, nasumpungan ko na maaari kong ipahayag ang aking damdamin sa pamamagitan ng aking pagpipinta.

Nakilala Bilang Isang Pintor

Kahit na may likas na talino ang isang tao sa sining, kailangan pa rin ang puspusang pagsisikap bago matamo ang kapaki-pakinabang na mga bunga. Bumili ako ng mga aklat sa sining, at nag-aral ako sa tulong ng maraming bantog na pintor sa Hapon. Walang isa man sa kanila ang nagsabi na baguhin ko ang aking istilo na napaunlad ko na mula pa sa aking pagkabata.

Unti-unting napansin ng mga kritiko sa sining ang aking mga gawa, pero nagpipinta ako para sa aking sariling kasiyahan lamang, hindi para ipakita sa iba ang aking mga larawan. Ngunit nang maglaon ay napag-isip-isip ko kung ano kaya ang masasabi ng mga tao sa aking mga larawan. Kaya noong 1955, idinaos ko ang aking unang eksibit sa Ginza ng Tokyo. Pinamagatan iyong “Tahimik na Pakikipagpunyagi, Tahimik na Kapahayagan, Ang Aking Talaarawan,” at ipinahayag nito ang pang-araw-araw na buhay sa anyong larawan. Nagtagumpay ang eksibit.

Pagkatagpo sa mga Saksi

Noong 1958 ay lumipat ang aming pamilya sa Tokyo dahil sa ibig naming mag-asawa na makapag-aral sa mahuhusay na paaralan ang aming mga anak at magkaroon ng pinakamabuting edukasyon hangga’t maaari. Umiinog lamang sa pagpipinta ang aking buhay. Naging kaugalian ko nang gumugol ng halos limang oras sa isang araw sa pagpipinta. Sa gabi, ako’y lumalabas kasama ng aking mga kaibigang pintor, at ang asawa ko nama’y lumalabas kasama ng iba. Hindi namin alam kung paano magpalaki ng aming mga anak.

Ang trabaho ng aking asawa ang lubusang naglayo sa kaniya sa aming pamilya, kaya naging pananagutan ko ang pagpapalaki sa mga bata, at nawalan ako ng kakayahan sa pagpapalaki ng mga anak. Noong ako’y bata pa, nag-aral ako sa paaralang pinatatakbo ng Katoliko, at naisip ko kung may maitutulong kaya ang turo ng Bibliya. Nasa kabila ng lansangan mula sa aming tahanan sa Omori, Tokyo, ang simbahang Lutherano, at sinabi ko sa aking mga anak na pupunta kami roon. Subalit hindi kami kailanman pumunta sa simbahan.

Sa halip, kinabukasan mismo​—sa pagpapasimula ng 1959​—dumalaw ang isa sa mga Saksi ni Jehova sa aming tahanan. Agad kong tinipon ang mga bata, at kaming lahat ay naupo upang makinig. Ipinaliwanag ng Saksi mula sa Bibliya na tayo’y nabubuhay sa isang mahalagang panahon na malapit nang alisin ng Diyos ang kabalakyutan. Humiling ako ng apat na Bibliya kasama ng literatura sa Bibliya at agad akong pumayag sa alok niya na dumalaw linggu-linggo upang kami’y turuan. Itinanong ko kung magkano ang buwanang bayad sa pag-aaral at nagulat ako na malamang hindi tumatanggap ng bayad ang mga Saksi ni Jehova sa kanilang pagtuturo. Anong laki ng pagkakaiba sa lahat ng guro na nakilala ko!

Agad na tinanggap ng aking mga anak na babae ang katotohanan sa Bibliya, at nagkaroon pa nga kami ng regular na grupong pag-aaral sa aming tahanan linggu-linggo. Subalit pagkatapos ng ilang pag-aaral, nakadama ako ng pagkabalisa. Para sa akin ay nakapapagod ang pag-aaral, kaya kung minsan ako’y nagtatago o umaalis kapag oras na ng aking pag-aaral sa Bibliya.

Ang problema ko ay nauunawaan kong tama ang lahat ng sinasabi ng Bibliya at dapat na ako’y sumunod sa payo nito. Ngunit determinado rin naman ako na maging isang mahusay na pintor, at sa palagay ko’y kailangan kong panatilihin ang malayang pag-iisip upang maging malikhain. Dahil sa kaligaligan na nadama ko noon, nasira ang aking pagpipinta. Ang aking mga larawan ay itinabi na lamang sa mga sulok sa mga eksibit.

Ang Aking Paglalakbay sa Paris

Inakala ko na makatutulong sa akin ang pamamasyal sa Paris upang mapasulong ang aking pagpipinta. Kaya noong 1960, nagpunta ako roon, yamang isang malaking eksibit ang ginaganap noon upang ipakilala ang sining ng Hapon sa Pransiya. Ako lamang ang pintor na babae na dumalo mula sa Hapon. Sa Paris, tuwang-tuwa ako sa pagkakaiba ng pamumuhay, mga damit, ideya, kulay​—lahat. Tumagal nang apat na araw ang eksibit, at laking gulat ko nang dumalo ang mga pinuno ng bansa sa eksibit. Ngunit ang isa pang nakagugulat ay na tuwang-tuwa ang kababaihan sa suot kong mga kimono. Ipinasiya kong magtagal pa.

Dahil sa hindi ko maunawaan kung paano ako padadalhan ng pera mula sa Hapon, ipinagbili ko ang aking mga kimono. Kaya naman, nagawa kong gugulin ang sumunod na tatlong buwan sa pag-aaral ng mga gawang sining na nakadispley sa mga galeryang pansining. Madalas kong maalaala ang mga sinabi ng isang pintor na may iginuhit na larawan na nakasabit sa tabi ng ipininta kong larawan sa eksibit. Ang sabi niya: “Ipinipinta ko ang kaningningan ng araw. Ang ipinipinta mo ay karaniwang madilim at itim dahil sa naimpluwensiyahan ka ng mga pilosopo sa Silangan.”

Isang mag-asawa mula sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Paris ang dumalaw sa aking apartment. Pagkatapos ng ilang pagdalaw, sa wakas ay pumayag akong sumama sa kanila sa Kristiyanong pagpupulong. Nang dumating ako, nagulat ako sa aking nakita. Isang babae ang nakasuot ng magandang sumbrerong pula na malapad ang pardiyas. Ang isa naman ay nakadamit ng matingkad na berde. Ipinabanaag ng mga suot na damit ang isang anyo ng istilo at mahusay na kalidad, anupat lubusang nabago ang aking pangmalas sa mga Saksi.

Humanga rin ako sa programa. Dahil sa nakita ko ang iisang pamamaraan na sinusunod sa magkabilang panig ng daigdig, na may iisang turo, natanto ko na ang grupong ito at ang gawain nito ay ibang-iba. Labis na naantig ang aking puso, yamang natanto ko na ako’y nakikisama sa mga taong inakay ng Diyos.

Pagpapasiya

Pagbalik ko sa Hapon, sinimulan kong dibdibin ang pag-aaral ng Bibliya. Natuklasan ko na pinahihintulutan ng mga tuntunin ng ating Maylalang ang higit na kalayaan kaysa inakala ko noon. May pagmamahal na pinagkalooban niya tayo ng indibiduwal na personalidad gayundin ng indibiduwal na mga talino at kalayaan na pasulungin ang mga ito. Kaya natanto ko na ang pagiging isang Saksi ni Jehova ay hindi naman nangangahulugan ng pagtalikod ng isa sa pag-ibig sa sining.

Kami ng aking mga anak na babae ay sumulong sa aming pag-aaral ng Bibliya. Sinagisagan ng isang anak kong babae ang kaniyang pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng pagpapabautismo sa tubig noong 1961, at ang isa naman ay noong 1962. Hanggang sa ngayon, pareho silang nanatiling tapat na mga lingkod ng Diyos. Subalit, ako’y nag-aatubili pa rin. Noong 1965, hinimok ako ni Lloyd Barry, ang dating nangangasiwa sa gawaing pangangaral ng mga Saksi ni Jehova sa Hapon, sa pagsasabing: “Isip-isipin mo kung gaano kagagandang larawan ang maipipinta ng sakdal na mga tao sa Paraiso!” Nabautismuhan ako nang sumunod na taon.

Ang Epekto sa Aking Pagpipinta

Sa paggunita ko, nakita ko kung paano naapektuhan ng pagbabago sa aking buhay at personalidad ang aking pagpipinta. Ang unang mga larawang iginuhit ko ay madidilim at malulungkot, anupat nagpapabanaag ng kirot, pagdurusa, at kawalang-pag-asa na nadama ko. Subalit natutuhan ko mula sa Bibliya ang tungkol sa ating Maylalang, ang kaniyang kahanga-hangang mga katangian, ang kaligayahang nagmumula sa pagpuri sa kaniya, at ang tamang mga pamantayan sa pamumuhay. Habang nagbabago ang aking damdamin, nagbabago rin ang mga larawan ko.

Ngayon ay ginugugol ko ang maraming oras sa pagbabahagi ng mensahe ng Bibliya sa iba, anupat regular na ginagawa ito. Ang pakikipag-usap sa mga tao tungkol sa mga katangian ng Diyos, gayundin sa kaniyang kamangha-manghang layunin na gawing paraiso ang lupang ito sa ilalim ng pamamahala ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ay nagdudulot sa akin ng malaking kagalakan at pagkakontento. Pinagsisigla ako ng gawaing nakasalig sa Bibliya, at kailangan ko lamang kunin ang aking pinsil at basta ipinta kung ano ang aking nadarama. At habang patuloy na sumisidhi ang aking kaligayahan sa paglipas ng mga taon, lalong nagiging maningning ang mga larawan ko.

Pagbibigay-Halaga sa Bibliya

May mga humiling sa akin na itanghal ko ang aking mga larawan sa buong daigdig​—mula sa Sydney, Vienna, London, New York. Subalit ang mga taga-Europa ang labis na humahanga sa aking mga larawan. Nagtanong ang mga dalubhasa sa Louvre Royal Academy of Arts sa Paris: “Paanong gayon na lamang napakilos ng Bibliya at Kristiyanismo ang isang Haponesa anupat ang mga larawan niya ay nagpapahayag ng kagalakan na hindi kailanman nakita sa relihiyosong sining sa loob ng dantaon?”

Ipinahayag ng salmista sa Bibliya na si David ang kaniyang damdamin sa pamamagitan ng musika, at ginamit niya ang kaniyang talino sa musika upang ituro sa iba ang kamangha-manghang mga katangian ng Diyos. Gayundin ang aking layunin. Ibig kong purihin si Jehova. Talagang hangad ko na madama ng mga tao sa mga larawan ko ang kagalakan na maaaring matamo mula sa pagkaalam tungkol kay Jehova at sa kaniyang kahanga-hangang mga katangian. Isang kritiko sa sining ang nagsabi tungkol sa titulo ng mga gawa ko: “May katalinuhang iniwasan ng pintor ang kaniyang sariling pananalita, at tunay na pinagsalita niya ang Bibliya.” Natutuwa ako dahil sa nababatid ng mga tao ang kapangyarihan ng Bibliya sa mga larawan ko.

Noong 1995, iginawad sa akin ng World Council of Arts, na isang internasyonal na organisasyon sa sining na ang punong tanggapan ay nasa Tokyo, ang unang gantimpala para sa nangungunang mga pintor sa daigdig. Ganito ang iniulat ng konseho tungkol sa aking mga ipininta: “Sinisipi ng pintor ang mga salita mula sa Bibliya bilang mga titulo . . . Naisalarawan ang Bibliya sa lahat ng ipininta niya, ngunit ito mismo ang kahulugan ng buhay kung para sa isang pintor na lumalakad na kasama ng Diyos.”

Tinukoy ng nabanggit sa itaas ang bagay na madalas kong ilakip ang larawan ng isang bukás na Bibliya sa mga ipinipinta ko. Kamakailan, isinama ko ang inilimbag na mga pahina ng Bibliya sa aking mga larawan. Kaya natatawag ang pansin ng tumitingin sa pinili kong titulo gayundin sa mga salita ng Bibliya at pagkatapos ay sa paraan ng paglalarawan ko ng mga ito sa mga ipinipinta ko.

Noong 1999 ang ilan sa mga ipininta ko ay itinanghal sa Bangkok, Thailand. Ang isa ay pinamagatang “Kamangha-mangha ang Pagkagawa ni Jehova sa Lupa, Ibinibigay Ito sa Tao Bilang Tahanang Dako,” at ang isa pa, “Panalangin ni Haring David: ‘Jehova, Mangyari Nawang ang Puso ng Bayang Ito ay Maging Kaisa ng sa Iyo.’” Ako’y inanyayahan sa palasyo ng hari ng Thailand kasama ng iilang piling mga pintor. Ibig ng hari na ipakipag-usap sa akin ang mga larawan ko, at marami siyang itinanong sa akin. Nakausap ko siya nang matagal at kalakip na rito ang mga komento tungkol sa mga paniniwala ko na nakasalig sa Bibliya. Pagkatapos, niregaluhan ko siya ng isang larawan.

Sa loob ng nakalipas na 35 taon, ako’y nakapaglingkod din sa isang komite upang humatol sa gawa ng iba pang pintor. Ang nagugustuhan kong mga larawan ay nagpapahayag ng damdamin. Kung para sa akin ang isang larawan ay maganda kapag nag-iiwan ito sa akin ng mabuting impresyon, anupat nagpapadama sa akin ng panloob na kapayapaan. Labis kong hinahangaan ang mga larawang lumilitaw sa mga publikasyon ng mga Saksi ni Jehova, na nakatutupad sa layunin nito na may-katapatang iharap ang mensahe ng Bibliya.

Mga Pagpapala Bilang Isang Lingkod ng Diyos

Dahil sa aking pagpipinta, ako’y nakapagtamasa ng natatanging mga pagkakataon upang makapagpatotoo tungkol sa Diyos na Jehova at sa kaniyang dakilang mga layunin para sa lupa. Totoo ito sa panahon ng mga panayam para sa mga artikulo ng magasin at sa mga programa sa telebisyon. Sa katunayan, saanman ako magpunta o sinuman ang aking makausap, sinisikap kong ipaalam sa mga tao na ang pananampalataya, kagalakan, at kaligayahan na nagmumula sa paglilingkod sa Diyos na Jehova ang nagpangyari sa akin na maiguhit ang aking mga larawan.

Naniniwala ako na kung tatalikdan ko ang aking pananampalataya, hindi ako makapagpipinta na gaya ng nagagawa ko. Subalit dahil sa ako’y isang Saksi ni Jehova at dahil sa nalilipos ako ng kagalakan at kaligayahan dulot ng katotohanan ng Salita ng Diyos, ito ang mga dahilan kung bakit ako nakapagpipinta.

[Larawan sa pahina 21]

Nang ako’y nasa Paris

[Larawan sa pahina 22]

Kasama ng aking dalawang anak na babae sa ngayon

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share