Ipinagtanggol ng Korte Suprema ng Norway ang mga Karapatan sa Relihiyon
ANU-ANONG kalagayan ang magpapangyari sa isang magulang na hindi karapat-dapat na magpalaki ng isang anak? Ang katanungan ay mainit na pinagtatalunan sa mga kaso ng pangangalaga sa buong daigdig. Maraming salik ang isinasaalang-alang, pati na ang kalusugan ng bawat magulang, mga kalagayan ng tirahan, at kaugnayan sa bata.
Subalit kumusta naman ang tungkol sa relihiyon? Maaari bang ipahayag ang isang magulang na hindi karapat-dapat dahil lamang sa kaniyang relihiyon? Ang tanong na ito ang naging tudlaan ng pansin ng isang labanan sa pangangalaga sa bata sa Norway na kinasangkutan ng isa sa mga Saksi ni Jehova. Mahigit na dalawang taon na ang lumipas at tatlong paglilitis ang naganap bago nalutas ang kaso sa Korte Suprema ng Norway.
Ito’y nagsimula noong 1988. Ang mga magulang ay lubusang naghiwalay noong Marso ng 1989, at sa ina napunta ang pangangalaga ng kanilang anak na babae. Dinala ng ama ang bagay na ito sa korte, sinasabing sa kaniya dapat ibigay ang ganap na pananagutan ng magulang para sa batang babae. Iginiit niya na ang ina ay walang kakayahang maglaan ng isang normal, mabuting pagpapalaki sa bata at sa gayo’y dapat na bigyan lamang ng mga karapatan sa pagdalaw. Ang dahilan para sa kaniyang pag-aangkin? Ang ina ay nauugnay sa mga Saksi ni Jehova.
Palibhasa’y kinuha ang “ekspertong” patotoo ng mga salansang sa mga Saksi ni Jehova, ang ama ay nagtungo upang kumbinsihin ang hukuman na ang mga turo at ang istilo ng buhay ng mga Saksi ni Jehova ay salungat sa mga saloobin at mga pamantayan na mahalaga para sa responsableng pagiging magulang. Ang hukumang bayan ay nagpasiya nang 2 sa 1 na ang bata ay dapat na manatili sa kaniyang ina para sa araw-araw na pangangalaga, pinagkakalooban ang ama ng mga karapatan sa pagdalaw. Inapela ng ama ang kaso sa mataas na hukuman. Minsan pa, ipinagtanggol ng 2-sa-1 na pasiya ang araw-araw na pangangalaga ng ina sa bata. Subalit, sa pagkakataong ito ang ama ay pinagkalooban ng karagdagang mga karapatan sa pagdalaw. Bukod pa rito, kahit na ang mga hukom na nagpasiyang pabor sa ina ay waring nagkaroon ng mga alinlangan tungkol sa kinabukasan ng bata. Taglay ang napatibay na posisyong ito na magagamit niya, inapela ng ama ang kaso sa Korte Suprema ng Norway.
Minsan pa, sinikap ng ama na siraan ang mga paniniwala ng mga Saksi ni Jehova. Sabi niya, makapipinsala para sa kaniyang anak na babae na lumaki sa ilalim ng gayong impluwensiya.
Gayunman, iba naman ang naging pangmalas ng Korte Suprema tungkol sa bagay na ito. Bilang suporta sa isang desisyon na iginawad noong Agosto 26, 1994, ang unang hukom ng korte ay nagpahayag: “Ang pagiging miyembro ng ina sa mga Saksi ni Jehova ay hindi hadlang upang ipagkaloob sa kaniya ang araw-araw na pangangalaga sa bata.” Sinabi rin niya: “Nasumpungan ko na ang bata ay mahusay at isang maligayang batang babae. Waring nahaharap naman niyang mabuti ang mga problemang bumabangon dahil sa ang kaniyang ama at ang kaniyang ina ay may totoong magkaibang mga pangmalas sa buhay.” Ang kaniyang hinuha ay buong pagkakaisang sinuportahan ng apat na iba pang hukom.
Lubhang pinahahalagahan ng mga umiibig sa katotohanan sa Norway na napag-unawa ng mga hukom sa Korte Suprema ang maling mga paratang laban sa mga Saksi ni Jehova. Sa pamamagitan ng desisyong ito ay pinagtitibay ng hukuman ang kalayaan ng bawat indibiduwal na sumamba sa Diyos at maibiging palakihin ang kaniyang mga anak na pinagyayaman ng mga simulain ng Bibliya.a
[Talababa]
a Ang katulad na mga kaso ay iniulat sa mga labas ng Gumising! ng Abril 8, 1990, pahina 31, at Oktubre 8, 1993, pahina 15.