Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 11/22 p. 12-14
  • Makatutulong Kaya sa Akin ang Pagiging Kaibigan ng Diyos?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Makatutulong Kaya sa Akin ang Pagiging Kaibigan ng Diyos?
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pakikipagkaibigan sa Diyos
  • “Ikaw ay Aking Tiwala Mula sa Aking Kabataan”
  • Tumutulong sa Atin ang Diyos na Sundan ang Tamang Landas
  • “Ang Kalakasan ng Aking Puso”
  • Papaano Ako Magkakaroon ng Tunay na mga Kaibigan?
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas
  • Pagpapaunlad ng Pinakamainam na Pagkakaibigan sa Buong Sansinukob
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Puwede Kang Maging Kaibigan ni Jehova
    Masayang Buhay Magpakailanman—Isang Pag-aaral sa Bibliya
  • Bakit Ako Nawawalan ng mga Kaibigan?
    Gumising!—1996
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 11/22 p. 12-14

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Makatutulong Kaya sa Akin ang Pagiging Kaibigan ng Diyos?

MARAMING kabataan ang lumalaki ngayon na nakararanas ng mga kaigtingan na maaaring di-kapani-paniwala noong nakalipas na salinlahi. Ganito ang paliwanag ng mga awtor ng pambansang surbey sa 160,000 kabataan: “Sinasabi sa amin ng mga tin-edyer na ang karamihan ng kanilang kaligaligan ay nagmumula sa mga panggigipit na nadarama nila na hindi nila kayang pakitunguhan; mula sa pagkasira ng loob at kalungkutan na dumaraig sa kanilang pagtitiwala; at mula sa mga magulang na hindi sensitibo sa kanilang mga problema.” Baka nadarama mo rin na hindi nauunawaan ng iba kung gaano kasaklap kung minsan ang buhay para sa isang kabataan.

Mangyari pa, maaaring ikaw ay may matalik na kaibigan na mababalingan mo para sa emosyonal na tulong, at ito’y maaaring magdulot ng kaginhawahan sa iyo. Subalit hindi ba totoo na may masasaklap na pagdurusa na kailangang harapin mong mag-isa? Anong pagkatotoo nga kung minsan na tanging ang iyong ‘puso ang nakaaalam ng kapaitan ng [iyong] kaluluwa.’ (Kawikaan 14:10) Subalit may Isa na lubusang nakauunawa sa iyo, at siya’y nag-aalok ng kaniyang pakikipagkaibigan sa iyo. Maraming kabataan ang nakasumpong na ang kaniyang pakikipagkaibigan ay isang malaking tulong maging sa pinakamasaklap na panahon.

Pakikipagkaibigan sa Diyos

Isang kabataan ang nagsabi kung ano ang lubusan niyang pinasasalamatan sa Diyos na Jehova. Ganito ang sabi niya: “Ang bagay na maaari nating makilala siya at maging malapít na mga kaibigan niya.” Oo, posible na magkaroon ng pinakamabuting pakikipagkaibigan sa buong sansinukob! Ang salmista ay sumulat: “Ang pagiging malapít kay Jehova ay nasa mga natatakot sa kaniya.”​—Awit 25:14.

“Pagiging malapít kay Jehova”​—anong pagkahala-halagang pagkakataon! Ang orihinal na Hebreong salita ay nagbibigay-kahulugan sa idea ng bukás, mapagkakatiwalaang pag-uusap kasama ng isang mahal na kaibigan. Kaya, ito’y isang matalik na kaugnayan na nakasalig sa pag-ibig, isang pribilehiyo ng pagiging malapít na bunga ng pagtitiwala sa isa’t isa. Bilang isang kaibigan ng Diyos, nadarama mo na ang iyong totoong halaga bilang isang tao ay pinahahalagahan ng isang ito na tunay na nakauunawa sa iyo. Subalit ano ang mga pakinabang ng pakikipagkaibigang ito?

“Ikaw ay Aking Tiwala Mula sa Aking Kabataan”

Maraming kabataan, sa kabila ng panlabas na anyo ng kagitingan, ay walang lakas ng loob. “Sasabihin ko ang aking mga opinyon at may magsasabi ng kanilang mga opinyon at mababago nito nang lubusan ang sinabi ko,” daing ng 13-taóng-gulang na si Judy. “Hindi talaga ako sigurado sa aking sarili.” Gayunman, ang ating makalangit na Kaibigan ay naglalaan sa kaniyang nasusulat na Salita, ang Bibliya, ng espesipikong patnubay para sa matagumpay na pamumuhay. Sa katunayan, ang payo na ibinigay sa aklat ng Bibliya na Kawikaan ay nilayon upang magbigay “sa isang nasa kabataan ng kaalaman at kakayahang umisip,” magpapangyari sa kaniya na ituwid ang kaniyang daan. (Kawikaan 1:1-4; 3:1-6) Ito’y makapagbibigay sa iyo ng lakas ng loob! Maaari mong malaman ang pinakamabuting paraan ng pamumuhay.

Ang Bibliya, kalakip ng mga pantulong sa Bibliya gaya ng magasing ito, ay naglalaan ng payo sa halos lahat ng aspekto ng buhay​—mula sa kung paano pumili ng kaibigan hanggang sa wastong saloobin sa iyong mga magulang. (Kawikaan 1:8, 9; 13:20) Kaya ang sumusunod sa gayong patnubay ay ‘makahihiwalay sa mga silo ng kamatayan.’ (Kawikaan 14:27) Halimbawa, nakita ng kabataang babae na nagngangalang Mae ang kaniyang kapatid na babae sa laman na humamak sa mga simulain ng Bibliya. Ang kapatid na babae na iyan ay maagang namatay sa kalunus-lunos na paraan dahil sa kaniyang mahalay na istilo ng buhay. Sinabi ni Mae kung paano siya nakaiwas sa gayong imoralidad: “Talagang maliwanag na napaaaninag ko ang mga simulain ni Jehova tungkol sa moralidad, at ito ang nagpapatibay sa akin. Ang mga simulaing ito ay nakatulong sa akin na maunawaan kung gaano katunay si Jehova at na ang kaniyang daan ang pinakamagaling.”

Gayunman, ang pagiging kaibigan ni Jehova ay naglalakip ng higit pa sa basta pagkatuto ng kaniyang mga pamantayan. Maaaring maranasan mo ang kaniyang personal na interes sa iyong buhay. Ang Bibliya ay nagsasabi tungkol kay Haring David, na tinuruan ng Diyos mula sa kaniyang kabataan. Si David ay naging kaibigan ng Diyos, at bagaman naranasan niya ang “maraming kabalisahan,” talagang nakita niya na nakialam ang Diyos sa kaniyang buhay. Binigkas ni David ang tungkol sa “mga kamangha-manghang gawa” ng Diyos alang-alang sa kaniya at tungkol sa “bisig” ni Jehova, o lakas, na ginamit sa kaniyang buhay. Kung tungkol sa gayong personal na karanasan, si David ay sumulat: “Ikaw ay aking pag-asa, O Soberanong Panginoong Jehova, aking tiwala sa aking kabataan.” (Awit 71:5, 17, 18, 20) Ikaw ay maaaring magkaroon ng gayunding pagtitiwala habang nadarama mo ang pagpapala ni Jehova sa iyong buhay. Habang nagsisikap ka na sumunod sa kaniyang patnubay​—sa kabila ng mga hamon​—tiyak na ikaw ay lumalakad kasama ng Diyos sa isang pinahahalagahang kaugnayan.​—Ihambing ang Genesis 6:9.

Tumutulong sa Atin ang Diyos na Sundan ang Tamang Landas

Sa lahat ng tukso at mga panggigipit sa buhay, ang pagsunod sa patnubay ng Diyos ay hindi madali. Lalo na itong totoo para kay Peggy, isang kabataan na naging sugapa sa droga at isang masamang babae. Napagtagumpayan niya ang kaniyang pagkasugapa at nagbago sa kaniyang paggawi sa pamamagitan ng pag-aaral sa Bibliya, at sa gayon siya’y nagkaroon ng pakikipagkaibigan sa Diyos. Ngunit si Peggy ay patuloy na napaharap sa iyon at iyon ding panggigipit na nagtulak sa kaniya na maghanap ng paraan upang makatakas sa pamamagitan ng mga droga. Nang tanungin kung paano siya patuloy na tumanggi, ganito ang sabi niya: “Ang masasabi ko lang ay na ito ay sa pamamagitan ng espiritu ni Jehova.”

Batid ni Peggy na nagbibigay ang Diyos ng kaniyang banal na espiritu, o aktibong puwersa, sa kaniyang mga kaibigan at maaari nitong mapalakas sila upang makapamuhay sa kaniyang mga pamantayan. (Gawa 5:32; 1 Corinto 6:9-11) “May mga pagkakataon ngayon na nagbabalik ang dating mga damdamin kong iyon, lalo na kapag nag-iisa ako,” ang pag-amin ni Peggy, “subalit agad akong nananalangin. Ang kakayahan na daigin ang mga problemang ito ay mas nakasisiya sa akin na higit sa anupamang bagay na nagawa ko sa aking buhay.” Anong pampatibay loob na malaman na bilang isang kaibigan, ang Diyos ay makatutulong sa atin “ayon sa kaniyang kapangyarihan na kumikilos sa atin [at] makagagawa ng ibayong higit pa kaysa napakasagana sa lahat ng mga bagay na ating hingin o mailarawan.”​—Efeso 3:20.

Ang espiritu ng Diyos ay tumutulong upang magkaroon tayo ng mga katangiang gaya ng mahabang-pagtitiis, kahinahunan, at pagpipigil-sa-sarili. (Galacia 5:22, 23) Gayundin, sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova, ang mga elder, o mga pastol, na hinirang ng banal na espiritu, ay inilaan ng Diyos upang magbigay ng praktikal na tulong. Ganito pa ang sabi ni Peggy: “Nagkaroon ako ng napakaraming tulong mula sa kongregasyon, lalo na sa mga elder. Napakalaking tulong niyaon.”

“Ang Kalakasan ng Aking Puso”

“Ang kaibigan ay mapagmahal sa lahat ng panahon, at nagiging isang kapatid sa panahon ng kagipitan.” Gayon ang sabi ng Kawikaan 17:17 sa The Basic Bible. Lalo nang kailangan ang isang kaibigan sa “panahon ng kagipitan.” Ang salmistang si Asap ay nakaranas ng matinding kaligaligan sa emosyon, ngunit siya’y naging malapit sa Diyos bilang isang kaibigan. Kaya, bagaman ang kaniyang “puso ay namanglaw” dahil sa kirot ng damdamin, siya’y nagsabi: “Ang Diyos ang kalakasan ng aking puso.” (Awit 73:21, 26, 28) Si Jehova, na tunay na nakaunawa sa damdamin ni Asap, ay nagbigay sa kaniya ng emosyonal na tulong. Si Jehova ay isang nagpapatatag na impluwensiya kay Asap upang huwag niyang maiwala ang pag-asa at tibay ng loob.

Ang ating makalangit na Kaibigan ay maaari ring maging tulad-batong pundasyon sa iyo sa panahon ng kagipitan. Nasumpungan ng isang tin-edyer ito sa pamamagitan ng personal na karanasan. Nang si Bonnie ay 13 taóng gulang, ang ilan sa batang babae sa maliit na paaralan nila sa lalawigan ay nagsimulang magkalat ng mahalay, mapanirang tsismis tungkol sa kaniya. Para kay Bonnie ang lahat ay tila naniwala sa kasinungalingang ito. Marami sa kaniyang mga kaklase ang naging malamig ang pakikitungo sa kaniya, binabansagan pa nga siya ng mga pangalang nagpapababa ng dangal. “Maraming gabi na umuuwi ako ng bahay at umiiyak,” paliwanag ni Bonnie. “Nadama ko pa nga na para bang gusto ko nang patayin ang sarili ko dahil napakasakit ng nadarama ko.” Humingi siya ng tulong sa ilang kaibigan niya. “Sinikap kong makipag-usap sa mga tao, subalit parang hindi nila ako nauunawaan. Itinuring nila ang problema ko na para bang walang kabuluhan. Kung minsa’y nadama ko na talagang nag-iisa ako.” Ano ang nag-ingat sa kaniya upang huwag niyang maiwala ang kaniyang pag-asa sa gitna ng gayong kaligaligan? Ganito ang sabi pa niya: “Kung hindi dahil kay Jehova, napatay ko na siguro ang sarili ko. Mahal na mahal ko siya. Siya ang pinakamatalik kong kaibigan.” Ngayon ay batid niya na ang kaniyang pakikipagkaibigan sa Diyos ang tumulong sa kaniya na mapagtiisan ang nakadudurog ng damdamin na karanasang iyan.

Ang pagkabatid na nauunawaan ni Jehova ang ating kalagayan at nakababatid kung ano talaga ang nangyari ay malaking kaaliwan kapag ang iba ay hindi nagpapakita sa atin ng pagkasensitibo na inaasahan natin. Gayundin, ang pagkaalam na ang ating Kaibigan ay “isang Ama ng magiliw na mga awa” ay malaking tulong kapag pinakikitunguhan tayo nang walang kabaitan o mapang-abuso pa nga. Kung minsan ang mismong mga puso natin ay humahatol sa atin, subalit “ang Diyos ay mas dakila kaysa sa ating mga puso at nakaaalam ng lahat ng mga bagay.” (2 Corinto 1:3, 4; 1 Juan 3:20) Ang pagtataglay ng pangmalas ni Jehova sa isang bagay ay tunay na nakagiginhawa. Halimbawa, isang 13-taóng-gulang na batang lalaki ang may kalupitang pinagsamantalahan ng tatlong lalaki. “Pagkatapos, hiyang-hiya ako at sinisi ko ang sarili ko dahil sa nangyari sa akin,” ang pag-amin niya. “Talagang nanlumo ako.” Pagkatapos ay nagsimula siyang magsaliksik sa mga publikasyon ng Samahang Watch Tower na salig sa Bibliya tungkol sa paksang panghahalay. “Nang mabasa ko ang impormasyong iyon, hindi ko napigilan ang aking damdamin at ako’y napaiyak. Nadama ko na para bang isang mabigat na pasan sa balikat ko ang naalis. Ako’y isang biktima. Sa pamamagitan ng pagtitiwala kay Jehova, sa pamilya, at mga kaibigan, nagawa kong mapanagumpayan ang nakababalisang panahong ito.” Anong laking tulong ang nailaan ng salig-Bibliyang mga salitang yaon!

Ang pakikipagkaibigan sa Diyos ay makatutulong sa maraming paraan! Tayo’y makapagtatamo ng tunay na tibay ng loob sa buhay, magkakaroon ng lakas ng loob na sundin ang daan ng Diyos, at magkakaroon ng tulad-batong tulong sa panahon ng kagipitan. Subalit paano tayo makapagtatatag ng gayong pakikipagkaibigan? Ang susunod na artikulo sa seryeng ito ang magpapaliwanag.

[Larawan sa pahina 13]

Ang Diyos ay maaaring maging ‘kalakasan sa iyong puso’

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share