Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 12/8 p. 5-7
  • Isang Pagmamasid sa Kathang-isip ng Siyensiya Ngayon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isang Pagmamasid sa Kathang-isip ng Siyensiya Ngayon
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kathang-Isip ng Siyensiya​—Malaking Negosyo
  • Ang Kathang-Isip ng Siyensiya ay Napapanood sa “Malaking Telon”
  • Ang Pangangailangan Para sa Pagiging Timbang
  • Kathang-isip ng Siyensiya—Ang Pagsikat Nito sa Popularidad
    Gumising!—1995
  • Kung ano Talaga ang Maaasahan sa Kinabukasan
    Gumising!—1995
  • Paano Ako Makakapili ng Mabuting Libangan?
    Gumising!—2011
  • Natatandaan Mo Ba?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2010
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 12/8 p. 5-7

Isang Pagmamasid sa Kathang-isip ng Siyensiya Ngayon

MGA kotse, telepono, computer​—mahigit na 130 taon ang nakalipas, nakini-kinita ba ng sinuman ang pag-imbento ng mga ito? Nakini-kinita ito ng manunulat ng kathang-isip ng siyensiya (SF) na si Jules Verne! Ang nakagugulat na siyentipikong mga kabatirang ito ay nasumpungan sa isang katutuklas na manuskrito ng isang nobela ni Jules Verne na pinamagatang Paris in the Twentieth Century. Sa dating hindi nailathalang nobelang ito, inilarawan pa nga ni Verne ang isang aparato na nakapagtatakang kahawig ng isang makabagong makinang fax!a

Subalit, kahit na ang pinakamatalino sa mga manunulat ng kathang-isip ng siyensiya ay malayung-malayong makaabot sa pagiging tunay na mga propeta. Halimbawa, ang Journey to the Center of the Earth ni Jules Verne ay kawili-wiling basahin, ngunit batid ng mga siyentipiko sa ngayon na hindi posibleng gawin ang gayong paglalakbay. Ni malamang na mangyari ang paglalakbay ng tao sa taóng 2001 sa Jupiter o sa ibang planeta, gaya ng naunang ipinahiwatig ng ilan.

Hindi rin nahulaan ng mga manunulat ng kathang-isip ng siyensiya ang marami sa nakagugulat na siyentipikong mga pagsulong na nangyari na. Sa isang artikulong lumilitaw sa The Atlantic Monthly, ganito ang sabi ng manunulat ng kathang-isip ng siyensiya na si Thomas M. Disch: “Isaalang-alang ang lahat ng mga kabiguan ng SF na ilarawan ang panahon ng cybernetic [computer] . . . , ang pag-init ng ibabaw at atmospera ng lupa o ang pagkasira ng ozone layer o ang AIDS. Isaalang-alang ang bagong geopulitikal na di-pagkakatimbang sa kapangyarihan. Isaalang-alang ang lahat ng bagay na ito, at saka tanungin kung ano ang masasabi ng SF sa mga ito. Halos wala itong masabi.”

Kathang-Isip ng Siyensiya​—Malaking Negosyo

Mangyari pa, para sa mga tagahanga ang kathang-isip ng siyensiya ay hindi nauukol sa teoriya ng siyensiya kundi libangan. Gayunpaman, may mga humahamon din sa kahalagahan nito hinggil sa bagay na iyan. Ang reputasyon ng kathang-isip ng siyensiya sa pagiging walang-kuwentang literatura ay nagsimula maaga sa siglong ito sa paglalathala ng mumurahing magasin na pantanging nagtatampok ng mga kathang-isip ng siyensiya. Ang una sa mga ito, ang magasing Amazing Stories, ay nagsimulang magbenta noong 1926. Ang tagapagtatag nito, si Hugo Gernsback, ang kinikilalang nag-imbento ng salita na naging katagang “science fiction.” Inaakala ng marami na ang kahindik-hindik na mga kuwentong abentura ay may kaunti, kung mayroon man, meritong pampanitikan.

Ang kathang-isip ng siyensiya ay higit na binigyang-pansin pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II. Ang madulang bahagi na ginampanan ng siyensiya sa digmaang iyon ay nagbigay sa siyensiya ng bagong prestihiyo. Ang mga hula ng mga manunulat ng kathang-isip ng siyensiya ay wari bang naging higit na kapani-paniwala. Kaya mabilis na dumami ang mga komiks, magasin, at mga aklat na manipis ang pabalat tungkol sa kathang-isip ng siyensiya. Ang mga aklat na kathang-isip ng siyensiya na may matigas na pabalat ay napasama sa listahan ng pinakamabiling mga aklat. Subalit habang nagpupunyagi ang kathang-isip ng siyensiya na matugunan ang mga pangangailangan ng pamilihan ng masa, ang pampanitikang kalidad​—at siyentipikong katumpakan—​ay kadalasang isinakripisyo. Ang manunulat ng kathang-isip ng siyensiya na si Robert A. Heinlein ay naghihinagpis na “ang anumang mababasa at kahit na ang bahagyang nakalilibang” ay inilalathala na ngayon, pati na “ang maraming mahinang klaseng di-praktikal na mga nobela.” Ang manunulat na si Ursula K. Le Guin ay nagsabi pa na kahit na ang “segunda-klaseng mga akda” ay nailalathala.

Sa kabila ng gayong pagpuna, narating ng kathang-isip ng siyensiya ang bagong tugatog nito sa popularidad, palibhasa’y tumanggap ng isang mahalagang pagbunsod, hindi sa mga siyentipiko, kundi sa industriya ng pelikula.

Ang Kathang-Isip ng Siyensiya ay Napapanood sa “Malaking Telon”

Ang mga pelikulang kathang-isip ng siyensiya ay umiral na mula noong 1902 nang isinapelikula ni Georges Méliès ang A Trip to the Moon. Isang salinlahi ng mga kabataang manonood ng sine nang maglaon ang nahalina sa Flash Gordon. Subalit noong 1968, isang taon bago lumunsad sa buwan ang tao, ang pelikulang 2001: A Space Odyssey ay tumanggap ng artistikong pagkilala at isa ring komersiyal na tagumpay. Ang Hollywood ngayon ay nagsimulang maglaan ng pagkalalaking badyet para sa mga pelikulang kathang-isip ng siyensiya.

Noong dakong huli ng dekada ng 1970 at maaga noong mga taon ng 1980, ang mga pelikulang gaya ng Alien, Star Wars, Blade Runner, at ET: The Extraterrestrial ang pinagmulan ng kalahati ng kita sa E. U. mula sa lahat ng gayong pelikula na patok sa takilya. Tunay, ang kathang-isip ng siyensiya ay nagbigay ng isa sa pinakamatagumpay na pelikula sa lahat ng panahon, ang Jurassic Park. Kasama ng pelikula ay dumating ang daluyong ng humigit-kumulang 1,000 produktong nauugnay sa Jurassic Park. Hindi kataka-taka, ang TV ay sumunod din sa uso sa paggawa ng mga pelikulang kathang-isip ng siyensiya. Ang popular na palabas na Star Trek ay humantong sa paggawa ng maraming programa tungkol sa malayong kalawakan.

Gayunman, inaakala ng marami na sa pagsunod sa pangangailangan ng nakararami, ikinompromiso ng ilang manunulat ng kathang-isip ng siyensiya ang mga kalidad na nagbigay sa kathang-isip ng siyensiya ng halaga. Ang Alemang awtor na si Karl Michael Armer ay nagsasabi na ‘ang kathang-isip ng siyensiya ngayon ay isa lamang popular na tatak na hindi na kinikilala sa nilalaman nito kundi sa mga paraan ng pagbebenta nito.’ Ang iba ay naghihinagpis na ang tunay na “mga bituin” sa mga pelikula ng kathang-isip ng siyensiya ngayon ay, hindi mga tao, kundi mga special effect. Sinasabi pa nga ng isang kritiko na ang kathang-isip ng siyensiya ay “kasuklam-suklam at abang-aba sa maraming katunayan nito.”

Halimbawa, marami sa tinatawag na mga pelikulang kathang-isip ng siyensiya ay hindi talaga tungkol sa siyensiya o sa hinaharap kaya. Ang mga tagpo sa hinaharap ay ginagamit lamang kung minsan bilang isang kapaligiran para sa detalyadong karahasan. Napapansin ng manunulat na si Norman Spinrad na sa maraming kuwentong kathang-isip ng siyensiya ngayon, may “nababaril, nasasaksak, naglalaho, nasasaktan o napapatay sa pamamagitan ng sandatang laser, nakakalmot, nasisila, o napasasabog.” Sa maraming pelikula ang karahasang ito ay inilalarawan sa kakila-kilabot na detalye!

Ang isa pang dako ng pagkabahala ay ang sobrenatural na elemento na itinatampok sa maraming aklat at pelikula ng guniguning-siyensiya. Bagaman maaaring ituring ng ilang tao ang mga kuwentong iyon na alegorikang mga labanan sa pagitan ng mabuti at masama, ang ilan sa mga akdang ito ay tila higit pa sa alegoriya at nagtataguyod ng espiritistikong mga gawain.

Ang Pangangailangan Para sa Pagiging Timbang

Mangyari pa, hindi hinahatulan ng Bibliya ang imbento at guniguning libangan sa ganang sarili. Sa talinghaga ni Jotham tungkol sa mga punungkahoy, ang walang buhay na mga halaman ay inilarawan na nag-uusap-usap​—gumagawa pa nga ng mga plano at mga panukala. (Hukom 9:7-15) Ang propetang si Isaias ay gumamit din ng isang guniguning paraan nang ilarawan niya ang malaon nang patay na mga pinuno ng bayan na nag-uusap-usap sa libingan. (Isaias 14:9-11) Kahit na ang ilan sa mga talinghaga ni Jesus ay naglalaman ng mga bagay na hindi maaaring mangyari nang literal. (Lucas 16:23-31) Ang gayong guniguning mga paraan ay nagsilbi, hindi lamang upang maglibang kundi upang magbigay ng tagubilin at magturo.

Ang ilang manunulat ngayon ay maaaring lehitimong gumamit ng tagpo sa hinaharap upang magturo o maglibang. Gayunman, isinasaisip ng mga mambabasa na matapat na mga Kristiyano na ang Bibliya ay nagpapayo sa atin na bigyang-pansin ang mga bagay na dalisay at kaayaaya. (Filipos 4:8) Ipinagugunita rin nito sa atin: “Ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” (1 Juan 5:19) Ang ilang pelikula at aklat na kathang-isip ng siyensiya ay nagsisilbing tagapagpalaganap ng mga idea at mga pilosopya na hindi kasuwato ng Bibliya, gaya ng ebolusyon, imortalidad ng tao, at reinkarnasyon. Tayo ay binabalaan ng Bibliya na huwag maging biktima ng “pilosopya at walang-lamang panlilinlang.” (Colosas 2:8) Kaya kailangan ang pag-iingat pagdating sa kathang-isip ng siyensiya, gaya sa lahat ng uri ng libangan. Dapat tayong maging mapamili tungkol sa kung ano ang ating binabasa o pinanonood.​—Efeso 5:10.

Gaya ng nabanggit kanina, maraming popular na pelikula ang marahas. Ang pagkain kaya natin ng walang-taros na pagbububo ng dugo ay makalugod kay Jehova, na tungkol sa kaniya ay sinasabi: “Sinumang umiibig ng karahasan ay kinapopootan ng Kaniyang kaluluwa”? (Awit 11:5) At yamang ang espiritismo ay hinahatulan sa Kasulatan, nanaisin ng mga Kristiyano na maging maingat pagdating sa mga aklat o mga pelikula na nagtatampok ng mga bagay na gaya ng madyik o pangkukulam. (Deuteronomio 18:10) Tantuin din na bagaman maaaring naihihiwalay ng isang adulto ang guniguni sa katotohanan nang walang kahirap-hirap, hindi iyon nagagawa ng lahat ng bata. Minsan pa, nanaisin kung gayon ng mga magulang na maging mapagmasid sa kung paano naaapektuhan ang kanilang mga anak ng kung ano ang kanilang nababasa at napapanood.b

Ang ilan ay maaaring magpasiyang pipiliin nila ang ibang anyo ng babasahin at libangan. Subalit hindi naman kailangang hatulan ang iba tungkol sa bagay na ito o gumawa ng mga isyu tungkol sa personal na mga kagustuhan.​—Roma 14:4.

Sa kabilang dako naman, makabubuting tandaan ng mga Kristiyanong pumipiling masiyahan sa iba’t ibang anyo ng kathang-isip bilang isang paminsan-minsang libangan ang babala ni Solomon: “Tungkol sa paggawa ng maraming aklat ay walang wakas, at ang pagtatalaga sa mga ito ay kapaguran ng katawan.” (Eclesiastes 12:12) Marami sa daigdig ngayon ang maliwanag na nagpakalabis sa kanilang debosyon sa mga aklat at mga pelikulang kathang-isip ng siyensiya. Dumami ang mga samahan at mga kombensiyon may kinalaman sa kathang-isip ng siyensiya. Ayon sa magasing Time, ang mga tagahanga ng Star Trek sa limang kontinente ay nagtalaga ng kanilang mga sarili na matutuhan ang di-totoong wika ng Klingon, na itinampok sa mga palabas sa TV at mga pelikula ng Star Trek. Ang gayong labis na paggawi ay hindi kasuwato ng payo ng Bibliya sa 1 Pedro 1:13: “Panatilihing lubos ang inyong katinuan [“manatiling timbang,” talababa].”

Kahit na sa mainam na kalagayan, ang kathang-isip ng siyensiya ay hindi makapagbibigay ng kasiyahan sa pagkamausisa ng tao tungkol sa kung ano ang maaasahan sa kinabukasan. Yaong mga talagang nagnanais na malaman ang kinabukasan ay dapat na bumaling sa isang tiyak na pinagmumulan. Tatalakayin namin ito sa aming susunod na artikulo.

[Mga talababa]

a Sa pananalita ni Verne isang “potograpikong telegrama [na] nagpapahintulot sa pagpapadala ng kopya ng anumang sulat, lagda o disenyo sa malalayong lugar.”​—Newsweek, Oktubre 10, 1994.

b Tingnan ang artikulong “Ano ang Dapat Basahin ng Inyong Anak?” sa Marso 22, 1978, na labas ng Gumising!

[Larawan sa pahina 7]

Dapat pangasiwaan ng mga magulang ang libangan ng kanilang mga anak

[Larawan sa pahina 7]

Ang mga Kristiyano ay dapat na maging mapamili pagdating sa kathang-isip ng siyensiya

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share