Kathang-isip ng Siyensiya—Ang Pagsikat Nito sa Popularidad
ANG taóng 1982 ang nakakita ng kauna-unahang bagay na ito para sa industriya ng pelikulang Amerikano. Noong panahon ng 1982/83, ang pinakapopular na “tagapagtanghal” sa pelikula ay hindi isang tao. Ayon sa The Illustrated History of the Cinema, ito’y si ET, ang kakatwa ngunit sa paano man ay nakatutuwang tauhan mula sa malayong kalawakan na gumanap ng pangunahing papel sa pelikulang ET: The Extraterrestrial!
Ang kahanga-hangang pangyayaring ito ay isa lamang katibayan ng labis na popularidad na tinatamasa ng science fiction (SF) o kathang-isip ng siyensiya nitong nakalipas na mga taon. Dating ipinagkakatiwala sa mumurahing mga magasin at itinuturing na para sa kasiyahan ng mga mapag-isa at mga mapangarapin, ang kathang-isip ng siyensiya ay naging isang matatag na bahagi ng karaniwang libangan. Subalit ano ang nasa likuran ng pagsikat nito sa popularidad?
Upang masagot ang tanong na ito, dapat muna nating isaalang-alang ang kasaysayan ng kathang-isip ng siyensiya. Mula pa noong unang panahon ang mga tao ay nagkuwento ng hindi kapani-paniwalang mga kuwento upang makasindak, hangaan, o basta makalibang. Subalit, noong ika-17 at ika-18 siglo, ang Europa ay pumasok sa isang panahon ng siyentipiko at materyal na pag-unlad. Hinamon ng marami ang tradisyonal na mga idea at mga awtoridad. Sa kapaligirang ito ang ilan ay nag-isip-isip sa kung paano kaya maaapektuhan ng siyentipikong pagsulong ang sangkatauhan sa hinaharap.
Kung sino bang talaga ang nag-imbento ng kathang-isip ng siyensiya ay di-tiyak. Ang mga awtor noong ikalabimpitong-siglo na sina Francis Godwin at Cyrano de Bergerac ay sumulat ng kathang-isip na mga akda na nagsasangkot ng mga paglalakbay sa kalawakan. Noong 1818, inilarawan ng aklat ni Mary Shelley na Frankenstein, or The Modern Prometheus ang isang siyentipiko na may kakayahang lumikha ng buhay at inilarawan ang kakila-kilabot na mga kinalabasan nito.
Ginamit ng ilang manunulat ang uring ito ng kathang-isip upang itampok ang mga pagkukulang ng lipunan ng tao. Kaya nang libakin ni Jonathan Swift ang ika-18 siglong lipunan ng mga Ingles, ipinakilala niya ang kaniyang satira sa isang serye ng kathang-isip na mga paglalayag. Ang resulta ay ang Gulliver’s Travels, isang mapanuyang alegoriya na tinawag na “unang obramaestrang pampanitikan” ng kathang-isip ng siyensiya.
Ngunit ang mga manunulat na sina Jules Verne at H. G. Wells ay karaniwang pinapurihan sa paglalagay ng mga nobelang kathang-isip ng siyensiya sa modernong anyo nito. Noong 1865, sinulat ni Verne ang From the Earth to the Moon—isa sa sunud-sunod na matagumpay na mga nobela. Noong 1895, lumitaw ang popular na aklat ni H. G. Wells na The Time Machine.
Ang Kathang-Isip ay Nagkatotoo
Maaga noong mga taon ng 1900, sinimulan ng mga siyentipiko na gawin ang ilan sa mga panaginip ng mga mapangaraping ito na magkatotoo. Ayon sa aklat na Die Großen (Ang mga Dakila), ang Alemang pisikó na si Hermann Oberth ay gumugol ng mga taon sa pagsisikap na gawing totoo ang pangarap ni Jules Verne na pagpapalipad ng sasakyang pangkalawakan na pinangangasiwaan ng tao. Ang mga kalkulasyon ni Oberth ay nakatulong upang magkaroon ng siyentipikong saligan para sa paglalakbay sa kalawakan. Gayunpaman, hindi lamang siya ang siyentipikong naimpluwensiyahan ng kathang-isip ng siyensiya. Ganito ang sabi ng popular na manunulat ng kathang-isip ng siyensiya na si Ray Bradbury: “Binasa ni Wernher von Braun at ng kaniyang mga kasama sa Alemanya at ng lahat sa Houston at Cape Kennedy ang mga akda nina H. G. Wells at Jules Verne nang sila’y mga bata pa. Sila’y nagpasiya na paglaki nila, pangyayarihin nilang lahat ito.”
Sa katunayan, ang kathang-isip ng siyensiya ang siyang pasimuno para sa pagbabago sa maraming lugar. Ang awtor na si René Oth ay nagsasabing may ilang “imbensiyon o mga tuklas na hindi patiunang inihula ng kathang-isip ng siyensiya.” Ang mga submarino, robot, at mga raket na pinaaandar ng mga tao ay pawang mga karaniwang bagay sa kathang-isip ng siyensiya bago pa man nagkatotoo ang mga ito. Kaya naman ang manunulat ng kathang-isip ng siyensiya na si Frederik Pohl ay nagsasabi na “ang magbasa ng kathang-isip ng siyensiya ay ang pagbanat ng isip.”
Mangyari pa, hindi lahat ng kathang-isip ng siyensiya ay talagang tungkol sa siyensiya. Ang ilan sa pinakapopular na mga aklat at mga pelikula na kathang-isip ng siyensiya ay sa katunayan mga anyo ng kung ano ang tinatawag ng ilan na science fantasy. Ang makasiyentipikong posibilidad ay kadalasang tanda ng kathang-isip ng siyensiya, samantalang ang mga kuwentong guniguni o pantasya ay natatakdaan lamang ng imahinasyon ng kanilang may-akda. Ang madyik at pangkukulam ay maaari pa ngang gumanap ng bahagi.
Kaya nga, gaano katumpak ang mga pangmalas ng kathang-isip ng siyensiya tungkol sa kinabukasan? Sulit bang basahin o panoorin ang lahat ng kathang-isip ng siyensiya? Isasaalang-alang ng sumusunod na artikulo ang mga katanungang ito.
[Larawan sa pahina 3]
Malaki ang nagawa ng nobela ni Jules Verne na “From the Earth to the Moon” upang pagmulan ng interes sa paglalakbay sa kalawakan
[Picture Credit Line sa pahina 3]
Rocket Ship: General Research Division/The New York Public Library/Astor, Lenox and Tilden Foundations