Kung Ano Talaga ang Maaasahan sa Kinabukasan
MARAMING taong interesado sa kathang-isip ng siyensiya ang may nagtatanong na isip, isang pagnanais para sa pagbabago sa lipunan ng tao, at isang malaking interes sa kinabukasan. Ang Bibliya ay maraming sinasabi tungkol sa kinabukasan, ngunit ang pangmalas ng Bibliya tungkol sa kahihinatnan ng tao ay may kaunti, kung mayroon man, na pagkakahawig sa mga pag-aakala ng mga manunulat ng kathang-isip ng siyensiya.
Ang kathang-isip ng siyensiya ay nag-aalok ng maraming iba’t ibang bersiyon ng kung anong uri ng kinabukasan ang maaasahan. Subalit itataya mo ba ang iyong buhay sa alin man dito? Saan mo isasalig ang iyong pagpili? Ang mga balangkas na ito, o inaasahang mga pangyayari, ay hindi maaaring magkatotoong lahat. Sa katunayan, yamang ang mga ito’y pawang nagsasangkot ng haka-haka—kathang-isip—may pagtitiwalang masasabi mo bang kahit na ang isa dito ay totoo? Malamang na wala isa man dito ang totoo.
Hindi Mangyayari
Ngayon pa lang, maraming balangkas ng mga pangyayari na kathang-isip ng siyensiya ang hindi mangyayari. Sa anong dahilan? Sapagkat yaong mga may kinalaman sa kung paano pangungunahan ng siyensiya ang daan patungo sa isang mas mainam na sibilisasyon dito sa lupa ay hindi natupad. Malayung-malayo sa isang maunlad na sibilisasyon, ang katotohanan sa ngayon ay ang kabaligtaran. Ganito ang sabi ng Alemang manunulat na si Karl Michael Armer: “Tayo’y dinaig ng kinabukasan.” Binabanggit niya ang “pangglobong mga banta ng kamatayan dahil sa atomika, mga kapahamakang pangkapaligiran, gutom, karukhaan, krisis sa enerhiya, [at] terorismong itinataguyod-ng-estado.”
Sa ibang pananalita, ang kinabukasan na inilalarawan ng maraming kuwentong kathang-isip ng siyensiya para sa lupa at para sa sambahayan ng tao ay hindi sumusulong tungo sa katuparan nito. Sa kabaligtaran, habang sumásamâ ang mga kalagayan sa lupa, ang kalagayan ng tao ay patungo sa kabilang direksiyon. Sa kabila ng anumang pagsulong sa siyensiya o teknolohiya, sa buong daigdig ay nararanasan ng lipunan ng tao ang parami nang paraming krimen, karahasan, karukhaan, pagkakapootan ng lahi, at pagkawasak ng pamilya.
Ang ilang pagsisikap ng siyensiya ay lubhang nakaragdag sa mga problema ng tao. Isaalang-alang ang ilan lamang halimbawa: ang kemikal na polusyon ng ating hangin, tubig, at pagkain; ang malaking sakuna sa Bhopal sa India, kung saan isang aksidente sa isang planta ng industriya ang naglabas ng lasong gas, na naging sanhi ng kamatayan ng 2,000 katao at puminsala ng mga 200,000; ang pagkatunaw ng nuklear na planta ng kuryente sa Chernobyl sa Ukraine, na nagbunga ng maraming kamatayan at pagdami ng kanser at iba pang problema sa kalusugan sa isang malawak na dako.
Pagsakop sa Malayong Kalawakan?
Maraming kuwentong kathang-isip ng siyensiya tungkol sa hinaharap ay nag-aalok ng pagtakas mula sa mga kahirapan ng buhay at mga kabiguan ng mga plano ng tao sa lupa sa iba pang paraan. Inililipat nila ang mga taong interesado rito sa guniguning mga balangkas ng pangyayari sa malayong kalawakan. Ang mga taong gumagamit ng intergalactic na mga sasakyang pangkalawakan upang sakupin ang ibang mga planeta at ang iba pang bahagi ng sansinukob ay karaniwang mga paksa. Inuudyukan nito ang marami na mag-akala na gaya ng isang tao na sumulat sa editor ng isang pahayagan sa New York: “Ang kinabukasan ng tao ay depende sa paggagalugad sa kalawakan.”
Totoo, ang paggagalugad sa kalawakan ay nagpapatuloy sa pamamagitan ng patuloy na paglipad ng mga sasakyang pangkalawakan (space shuttle) malapit sa lupa at sa paglulunsad ng mga kagamitan upang siyasating mabuti ang kalawakan. Subalit kumusta naman ang pamumuhay sa malayong kalawakan? Bagaman may mga usap-usapan tungkol sa pinalawig pang paglalakbay ng tao sa kalawakan, wala pang tiyak na mga plano sa kasalukuyan na sakupin ang buwan o ang alinman sa kalapit na mga planeta—ano pa kaya ang ibang galaksi. Tunay, ang pagsakop sa malayong kalawakan sa pamamagitan ng mga pagsisikap ng tao ay hindi makatotohanang mapagpipilian sa malapit na hinaharap. At ang kasalukuyang mga programang pangkalawakan ng iba’t ibang bansa ay nagkakahalaga nang napakalaki anupat ang mga ito’y binabawasan o tinatalikdan.
Ang totoo ay na ang kinabukasan ng tao, ang iyong kinabukasan, ay hindi sa anumang abentura sa kalawakan na itinataguyod ng mga tao. Ang iyong kinabukasan ay dito mismo sa lupa. At ang kinabukasang iyan ay hindi titiyakin sa pamamagitan ng mga siyentipiko, mga pamahalaan ng tao, o mga manunulat ng iskrip. Bakit tayo nakatitiyak?
Sapagkat ang kinabukasan ay titiyakin ng Maylikha ng lupa, ang Diyos na Jehova. At walang balangkas ng mga pangyayari na kathang-isip ng siyensiya ang makakatulad ng mga pangako na isinasaad sa Bibliya. Sa aklat na iyon—ang kinasihang Salita ng Diyos, na ipinakipagtalastasan niya sa sangkatauhan—sinasabi niya sa atin kung magiging ano ang kinabukasan para sa mga tao. (2 Timoteo 3:16, 17; 2 Pedro 1:20, 21) Ano ang sinasabi nito?
Ang Kinabukasan Para sa Sambahayan ng Tao
Malinaw na ipinaliliwanag ng Salita ng Diyos ang layunin ng Maylikha na magsagawa ng isang lubusang pagbabago sa lipunan ng tao sa pamamagitan ng isang bagong pamahalaan sa mga kamay ni Jesu-Kristo. Sa Bibliya ang makalangit na pamahalaang iyon ay tinatawag na ang Kaharian ng Diyos.—Mateo 6:9, 10.
Tungkol sa Kahariang iyon ang kinasihang hula ng Daniel 2:44 ay nagsasabi: “At sa mga kaarawan ng mga haring yaon [na umiiral sa ngayon] ang Diyos ng langit ay magtatayo ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. At ang kahariang iyon ay hindi ibibigay sa ibang bayan. Dudurugin at wawasakin niyaon ang lahat ng mga kahariang ito [sa kasalukuyang panahon], at iyon sa ganang sarili ay lalagi magpakailanman.”
Sa ilalim ng pagkasi ng makapangyarihang aktibong puwersa ng Diyos, si apostol Pedro ay sumulat din tungkol sa hinaharap na buhay sa lupa sa ilalim ng Kaharian ng Diyos. Aniya: “May mga bagong langit [makalangit na Kaharian ng Diyos] at isang bagong lupa [isang bagong lipunan ng tao sa ilalim ng Kahariang iyon] na ating hinihintay ayon sa pangako [ng Diyos], at sa mga ito ay tatahan ang katuwiran.”—2 Pedro 3:13.
Ano ang magiging katulad ng buhay para sa mga may pribilehiyo na mabuhay sa lupa sa ilalim ng pamamahala ng makalangit na Kaharian ng Diyos? Ang pangako ng Maylikha ay: “ ‘Papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.’ At ang Isa na nakaupo sa trono ay nagsabi: ‘Narito! Ginagawa kong bago ang lahat ng bagay.’ Gayundin, sinabi niya: ‘Isulat mo, sapagkat ang mga salitang ito ay tapat at totoo.’ ”—Apocalipsis 21:4, 5.
Ang uri ng kinabukasan na ipinangangako ng Maylikha ay isang kahanga-hangang kinabukasan. Ito’y lubusang kakaiba sa anumang gawa-gawa lamang na mga balangkas ng pangyayari ng mga manunulat o mga siyentipiko ng kathang-isip ng siyensiya, mga balangkas ng pangyayari na kadalasa’y kakikitaan ng kakatwa, hindi kapani-paniwalang mga kinapal at mga kapaligiran. Ang tunay na mga Kristiyano ay naglalagak ng pananampalataya sa tiyak na mga pangako ng Diyos para sa kinabukasan. Oo, higit pa ang ginagawa nila. Itinataya nila ang kanilang buhay sa mga pangakong ito ng Diyos.
Bakit nila nagagawa iyon taglay ang gayong pagtitiwala? Sapagkat batid nila mula sa Salita ng Diyos na ang “pag-asang [ito] ay hindi umaakay sa pagkabigo,” yamang ‘hindi makapagsisinungaling ang Diyos.’ Sa katunayan, “imposibleng magsinungaling ang Diyos.” (Roma 5:5; Tito 1:2; Hebreo 6:18) Gaya ng sinabi ni Josue, isang lingkod ng Diyos, noong matagal nang panahon: “Walang isa mang salita sa lahat ng mabubuting salita na sinalita sa inyo ni Jehova na inyong Diyos ang nabigo. Ang mga iyon ay nagkatotoong lahat para sa inyo. Walang isa mang salita sa mga iyon ang nabigo.”—Josue 23:14.
Marami sa kathang-isip ng siyensiya ang nagpapabanaag ng mga ideolohiya ng balakyot na matandang sanlibutang ito. Paano naging gayon? Ang kathang-isip ng siyensiya ay nagsimula sa isang yugto ng panahon na tinatawag na kaliwanagan, nang tanggihan ng maraming tao ang tradisyonal na awtoridad at naniwala na maaaring isaayos ng tao ang sarili niyang kinabukasan. May katuwirang sinisi nila ang makasanlibutang relihiyon sa marami sa problema ng lipunan, subalit tinanggihan nila ang katotohanan tungkol sa pag-iral ng Diyos gayundin ang layunin ng Diyos. Bigo sila sa kinalabasan ng mga bagay kung kaya’t naghanap sila ng ibang mga idea.
Subalit, ang mga idea ng tao, gaano man kahusay, ay limitado ang saklaw. Ang ating Maylikha ay nagsasabi: “Kung paanong ang langit ay lalong mataas kaysa lupa, gayon ang aking mga lakad ay lalong mataas kaysa inyong mga lakad, at ang aking mga pag-iisip kaysa inyong mga pag-iisip.”—Isaias 55:9.
Tunay na Siyentipikong Tuklas
Sa bagong sanlibutan ng Diyos, ang likas na pagkauhaw ng tao para sa kaalaman ay masasapatan sa paano man ng tunay na siyentipikong pagsusuri. Hindi na kailangan pang mag-imbento ng mga pangyayari, sapagkat ang katotohanan ay makabibighani at magtuturo sa isip sa isang kaayaaya, makatotohanang paraan.
Sa panahong iyon mauunawaan ng marami kung ano ang nadama ng kilalang siyentipikong si Isaac Newton nang ipaghalimbawa niya ang kaniyang sarili sa “isang batang naglalaro sa tabing-dagat, . . . samantalang ang malaking karagatan ng katotohanan na nasa harap [niya] ay pawang hindi pa natutuklasan.” Walang alinlangan, sa bagong sanlibutan ng Diyos, Kaniyang papatnubayan ang tapat na mga tao sa sunud-sunod na nakapagpapasiglang tuklas.
Oo, ang siyentipikong pananaliksik sa panahong iyon ay lubusang masasalig sa katotohanan, yamang si Jehova ay “ang Diyos ng katotohanan.” Inaanyayahan niya tayong matuto mula sa makalupang kapaligiran ng tao at gayundin sa daigdig ng mga hayop. (Awit 31:5; Job 12:7-9) Ang matapat na siyentipikong pagsisikap na pinapatnubayan ng katotohanan ng Diyos ay tiyak na magiging isang kahali-halinang bahagi ng bagong sistema ng Diyos. Sa panahong iyon ang papuri para sa lahat ng mga imbensiyon, tuklas, at kamangha-manghang mga pag-unlad sa buhay at pamantayan ng pamumuhay ng tao ay ibibigay, hindi sa kaninumang tao, kundi sa Maylikha ng sansinukob, ang Diyos na Jehova.
Sa mabilis na dumarating na bagong sanlibutan, lahat ng masunuring tao ay luluwalhati sa Diyos dahil sa kaniyang maibiging pangangalaga at patnubay. Sila’y maglilingkod sa kaniya taglay ang malaking pagsasaya at sasabihin nila sa kaniya, gaya ng inilalarawan sa Apocalipsis 4:11: “Ikaw ang karapat-dapat, Jehova, na amin ngang Diyos, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng karangalan at ng kapangyarihan, sapagkat nilalang mo ang lahat ng mga bagay, at dahil sa iyong kalooban sila ay umiral at nalalang.”
[Larawan sa pahina 9]
Ang kinabukasan ng tao ay sa lupa