Hula-hula—Ang Sayaw ng Hawaii
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA HAWAII
BANGGITIN mo ang Hawaii, at kalimitang sumasagi sa isip ang hula-hula. Bagaman ang hula-hula ay pantanging iniuugnay sa Hawaii, ang pinanggalingan nito ay sa Timog Pasipiko.
Noong sinaunang panahon ang mga Hawaiiano ay walang nasusulat na wika, kaya ang mga awit at kansiyon ay ginamit upang isalaysay ang kanilang kasaysayan at mga kaugalian. Ang hula-hula, kasabay ng galaw ng mga balakang, kamay, at mga paa, kasama ang mga ekspresyon ng mukha, ang sumasabay sa mga kansiyon at mga awiting ito.
Walang paraan upang magbigay katibayan sa anumang bagay na may kaugnayan sa hula-hula bago ang 1778, nang si Kapitan Cook at ang kaniyang mga tauhan ay dumating. Ang kilala sa ngayon ay pangunahing nakasalig sa mga gawain, awitin, at mga kansiyon noong dakong huli ng ika-19 na siglo.
Ang unang mga hula-hula ay maaaring sagradong mga ritwal. Subalit hindi ipinalalagay na ang lahat ng hula-hula ay mga gawa ng pagsamba o bahagi ng relihiyosong paglilingkod.
Impluwensiya ng mga Misyonero
Ang hula-hula ay itinanghal para sa mga manggagalugad at marinero na nasa mga barkong bumibisita noong ika-18 at ika-19 na siglo. Posible na ibig ng mga nagbabayad na parokyanong ito na maging lantaran sa sekso ang mga hula-hula.
Nang dumating ang mga misyonero noong 1820, may matindi silang dahilan para ipagbawal ang hula-hula. Pagkatapos makakuha ng pagsang-ayon ng mga pinuno, tinuligsa ng mga misyonero ang hula-hula bilang pagano at malaswa—at gawa ng Diyablo. Maging bago pa nito, noong 1819, ang mga pagbabago sa sinaunang mga gawaing relihiyoso ay dinala ni Reyna Regent Kaahumanu, ang balong asawa ni Haring Kamehameha I. Kabilang dito ang pagwasak sa mga idolo at pag-aalis ng masalimuot na mga ritwal. Ang di-mabilang na mga sayaw at mga kansiyon ay nawala rin magpakailanman.
Si Kaahumanu ay tinanggap sa simbahan noong 1825. Noong 1830 naglabas siya ng isang kautusan na nagbabawal sa pangmadlang pagtatanghal ng hula-hula. Pagkamatay niya noong 1832, ipinagwalang-bahala ng ilang pinuno ang kautusan. Sa loob ng ilang taon, nang ang mga pagbabawal sa moral ay lantarang pawalang-kabuluhan ng kabataang Haring Kamehameha III at ng kaniyang mga kasama, ang hula-hula ay sandaling naging kilala muli. Subalit noong 1835 inamin ng hari na ang kaniyang landas ay mali, at ang kaharian ay isasauli sa kapangyarihan ng mga Calvinista.
Muling Pagbuhay ng Hula-hula
Noong panahon ng pamumuno ni Haring Kalakaua (1874-91), naganap ang muling pagbuhay na lubusang tinanggap muli ang hula-hula sa pangmadlang mga pagtatanghal. Sa kaniyang koronasyon noong 1883, ang mga buwan ng pagsasanay at kasiyahan ay humantong sa pangmadlang pagtatanghal maraming mga kansiyon at mga hula-hula, ang ilan ay pantanging isinulat para sa okasyong iyon. Sa panahong siya’y namatay noong 1891, sumailalim ang hula-hula sa maraming pagbabago sa mga hakbang at galaw ng katawan, at kasaliw ng mga instrumentong gaya ng ukulele, gitara, at biyolin ay sinimulang gamitin.
Sa pagtatapos ng monarkiya noong 1893, huminang muli ang hula-hula. Gayunman, noong kalagitnaan ng ika-20 siglo, ito’y lumaganap. Upang maging kaakit-akit sa higit na iba’t ibang manonood, maraming pagbabago ang ginawa. Yamang marami ang hindi nakauunawa sa wikang Hawaiiano, mga salitang Ingles ang ginamit. Binibigyang diin ng makabagong hula-hula ang sayaw mismo—ang galaw ng mga kamay at mga paa, ang pag-indayog ng mga balakang, at ang ekspresyon ng mukha.
Habang nadaragdagan ang bilang ng mga bisita sa mga isla, naging lalong kilala ang hula-hula. Dinala ng mga naglalakbay mula sa Hilagang Amerika ang mga sayaw na kanilang natutuhan at pinasimulang itampok ang mga ito sa mga pelikula sa Hollywood kasama ng mga mananayaw na hindi naman Hawaiiano. Noong 1935 maging si Minnie Mouse ay sumayaw ng hula-hula para kay Mickey, na tumugtog naman ng kaniyang gitarang bakal.
Ang Hula-hula sa Ngayon
Sa “Pagbabalik ng Hawaiian” noong dekada ng 1970, ang kaalaman ng iilang kantor, mananayaw, at dalubhasang guro ang naging saligan ng pagbuhay muli sa matandang anyo ng hula-hula. Sa ngayon may mga dalubhasa sa hula-hula ang gumagawa ng matatandang sayaw at may mga lumilikha ng bagong mga sayaw. Sa anumang kalagayan, ang kanilang mga pagsisikap ay nagbunga ng marangya at kahanga-hangang mga palabas.
Ang espirituwal na kaugnayan sa maraming Hawaiianong diyos ay naitawid sa paano man sa makabagong panahon. Bawat taon bago magsimula ang Merrie Monarch Festival na ginaganap sa Hilo, Hawaii, ang mga paaralan para sa hula-hula ay gumagawa ng peregrinasyon sa hukay ng apoy ni Pele o sa mga lugar ng kaaagos na lava. Sila’y umuusal ng kansiyon, nagsasayaw, at nag-aalay ng mga bulaklak, mga berry, at gin, humihiling sa kaniya ng pagbasbas sa kanilang mga gagawin sa paligsahan. Mga grupo mula sa buong daigdig ang nagpapaligsahan sa loob ng tatlong gabing kompetisyon na ipinalalagay na Olimpiyada ng hula-hula.
Ang hula-hula ay naging malaking bahagi ng pagbuhay muli sa kultura ng Hawaii. Kasali rito ang malungkot na mga sayaw kasaliw ng mga kansiyon na may paggalang sa mga diyos at diyosa gayundin sa simpleng mga kapahayagan ng pang-araw-araw na buhay sa mga isla na wala namang relihiyosong kaugnayan.
Ang mga Kristiyano ay dapat na maging lubos na mapamili sa pagsayaw o sa panonood ng ilang hula-hula. Kailangan nilang tiyakin na ang mga ito’y hindi nagbibigay parangal sa isang diyos o diyosa. Pag-iingat din ang kailangang gawin kapag nakikinig o umaawit o nagkakansiyon. Marami sa mga ito ang nagtataglay ng mga salitang may natatago o dobleng kahulugan. Kung isasaisip ito, ang isang manonood o isang nakikisali ay masisiyahan sa hula-hula bilang isang kapaki-pakinabang na anyo ng paglilibang.