Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 12/22 p. 5-6
  • Ang Paghanap ng Isang Mabuting Edukasyon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Paghanap ng Isang Mabuting Edukasyon
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Paghanap ng mga Lunas
  • Iba’t Ibang Resulta
  • Mahalaga ang Isang Mabuting Edukasyon
  • Ano ang Nangyayari sa mga Paaralan Ngayon?
    Gumising!—1995
  • Ang mga Susi sa Isang Mabuting Edukasyon
    Gumising!—1995
  • Mga Paaralang Nasa Kagipitan
    Gumising!—1994
  • Mga Magulang—Anong Kinabukasan ang Gusto Ninyo Para sa Inyong mga Anak?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2005
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 12/22 p. 5-6

Ang Paghanap ng Isang Mabuting Edukasyon

INIHAHANDA ng isang mabuting edukasyon ang mga bata na matagumpay na makayanan ang buhay sa lipunan ngayon. Sinasangkapan sila nito ng akademikong mga kasanayan, pati na ng kakayahang bumasa’t sumulat nang mahusay at magtuos ng bilang. Bukod pa riyan, apektado nito ang kanilang kaugnayan sa iba at pinatitibay nito ang kaayaayang mga pamantayan ng moralidad.

Gayunman, dahil sa ito’y mapanganib na mga panahon, ang gayong edukasyon ay napakahirap ilaan. Isang beteranong gurong taga-Australia ang naghimutok: “Ang mga klase ay binubuo ng mga batang mahilig sa karahasan, na gumagamit ng masasama at mapang-abusong pananalita; mga batang pagod na pagod sa kakulangan ng tulog bunga ng panonood ng TV; mga batang mahina ang katawan dahil sa kulang ng pagkain o nagugutom; at mga batang pinalaki nang walang disiplina.” At sasabihin sa iyo ng mga guro: “Napakahirap turuan ang magugulong bata.”

Inilarawan ni Albert Shanker, pangulo ng American Federation of Teachers, ang problema ng mga guro: “Kailangan nilang isagawa ang edukasyon tungkol sa droga at alak, edukasyon sa sekso, . . . mga ehersisyo para sa pagpapahalaga-sa-sarili ng mga estudyante, pagtuklas sa mga miyembro ng gang, . . . at marami pang ibang bagay. Lahat ng bagay maliban sa talagang pagtuturo. . . . Ang hinihiling talaga sa kanila ay maging mga social worker, mga ina, mga ama, mga terapis, mga pulis, mga nutrisyonis, mga manggagawa sa kalusugang bayan, mga teknisyan sa paggamot.”

Bakit ito hinihiling sa mga guro? Isang buod ng kalagayan sa mga silid-aralan sa isang malaking lungsod sa hilagang-silangan ng Estados Unidos ay nagpapahiwatig kung bakit. Ang The New York Times ay nag-ulat ng mga pahayag ng isang dalubhasa tungkol sa isang karaniwang klase ng 23 estudyante. Sinabi niya na “8 hanggang 15 ay malamang na nabubuhay sa karukhaan; 3 ang isinilang sa mga inang nagdodroga; 15 ang namumuhay na kasama ng nagsosolong mga magulang.”

Maliwanag, ang pamilya ay nasa proseso ng pagkabuwag. Sa Estados Unidos, halos 1 sa bawat 3 pagsilang ay anak sa ligaw, at 1 sa bawat 2 pag-aasawa ay nagwawakas sa diborsiyo. Subalit ang porsiyento ng mga anak sa ligaw sa Denmark, Pransiya, Gran Britanya, at Sweden ay mas mataas pa. Anong mga pagsisikap ang ginagawa upang mapagtagumpayan ang krisis na nilikha ng kalagayang ito sa mga paaralan?

Paghanap ng mga Lunas

Iba’t ibang eksperimental o mapagpipiliang mga paaralan ang itinatag. Ang mga ito’y karaniwang mas maliit​—ginagawang posible ang mas malapit na superbisyon​—at marami ang gumawa ng sarili nilang mga kurikulum sa pagsisikap na higit na matugunan ang mga pangangailangan ng mga bata. Sa New York City, 48 gayong maliliit na paaralan ang nagbukas mula noong 1993, at 50 pa ang binabalak. “Ang karahasan [sa paaralan] ang siyang nagpasimuno sa eksperimento,” sabi ng The New York Times. Noong 1992 mahigit na 500 mapagpipiliang paaralan ang sinimulan sa Russia, na may mahigit na 333,000 estudyante.

Sa kabilang panig naman, ang The Toronto Star ay nag-ulat: “Pinag-aral ng libu-libo ang kanilang mga anak sa mga pantanging paaralang pribado.” Sa lalawigan lamang ng Ontario sa Canada, halos 75,000 bata ang nag-aaral sa mga paaralang pribado. Ang mga ito ay masusumpungan din ngayon sa buong Russia, at ang magasing China Today ay nagsasabi na ang mga ito ay nagsulputan sa Tsina na “parang mga usbong ng kawayan pagkatapos ng ulan sa tagsibol.” Ang The Handbook of Private Schools ay naglalaan ng libreng talaan ng halos 1,700 ng gayong mga paaralan sa Estados Unidos, kung saan ang taunang matrikula ay maaaring magkahalaga ng $20,000 o higit pa.

Pinili pa nga ng ibang mga magulang na turuan ang kanilang mga anak sa bahay. Sa Estados Unidos lamang, tinatayang ang pag-aaral sa bahay ay dumami mula sa halos 15,000 noong 1970 tungo sa kasindami ng isang milyon sa 1995.

Iba’t Ibang Resulta

Hindi batid ng lahat ng sistema ng paaralan sa buong daigdig ang maihahambing na mga resulta. Noong Hulyo 1993, ganito ang sabi ni Shanker sa isang grupo ng mga guro sa E.U.: “Ang ibang bansa ay nagpapatakbo ng mga paaralan at ang mga ito’y nagkakaroon ng mga resulta na sa kabuuan ay mas mahusay kaysa atin.” Upang ilarawan, binanggit niya ang tungkol sa nakilala niyang mag-asawa mula sa Russia na lumipat sa Estados Unidos. Aniya: “Sinabi nila na bagaman ang kanilang anak ay pinag-aral nila sa isang napakahusay na paaralang pribado, ang kanilang anak na nasa ikawalong-grado ay natututo nang kung ano ang natutuhan na niya sa ikatlong grado doon sa kanila.”

Ang dating Unyong Sobyet ay gumawa ng isang sistema ng paaralan na nagturo sa halos lahat ng mamamayan nito na bumasa’t sumulat. Sa kabilang dako naman, ayon sa tantiya ng Kagawaran ng Edukasyon ng E.U., 27 milyong Amerikano ang hindi makabasa ng isang karatula sa kalye o ng numero ng bus. At ang Canberra Times ng Australia ay nag-ulat na “hanggang 25 porsiyento ng mga batang nasa paaralang primarya ay napupunta sa haiskul nang hindi marunong bumasa’t sumulat.”

Ang krisis sa mga paaralan ngayon ay umiiral sa halos lahat ng dako. Ang aklat noong 1994 na Education and Society in the New Russia ay nagsasabi na “72.6 na porsiyento ng mga guro sa Sobyet na kinapanayam ay sumang-ayon na ang sistema ng paaralan ay nasa matinding krisis.” Ayon kay Tanya, isang beteranong guro sa Moscow, ang pangunahing salik sa krisis ay na “ang mga magulang at mga estudyante mismo ay hindi na nagpapahalaga sa edukasyon.” Binanggit niya, halimbawa, na “ang isang guro ay kumikita ng kalahati ng kita ng isang karaniwang tsuper ng bus​—o mas mababa pa.”

Mahalaga ang Isang Mabuting Edukasyon

Habang ang lipunan ng tao ay nagiging higit at higit na masalimuot, lalong nagiging mahalaga ang isang mabuting edukasyon. Sa maraming dako ang dami ng pinag-aralan na kinakailangan upang ang isang kabataang adulto ay magkaroon ng trabaho na tutustos sa kaniya at sa isang pamilya sa hinaharap ay lalong dumami. Samakatuwid, yaong nagpakadalubhasa sa pangunahing mga kasanayang akademiko ay magkakaroon ng mas mabuting mga pagkakataon sa trabaho. Ang mga maypatrabaho ay lalo ng nababahala sa pinakamahalagang pagsasaalang-alang​—kung magagawa kayang mahusay ng aplikante sa trabaho ang gawain.

Ganito ang napansin ng isang manedyer ng isang tanggapan tungkol sa maraming nagtapos sa haiskul: “Hindi sila naturuan na magtrabaho.” Sabi pa niya: “Sa pakikitungo sa mga kabataan ang problema na laging sinasabi sa akin ng mga maypatrabaho ay na ang mga ito’y hindi makabasa o makasulat nang mahusay. Hindi nila masagutan ang isang aplikasyon para sa trabaho.”

Tiyak na nanaisin ng mga magulang ang isang mabuting edukasyon para sa kanilang mga anak, at ang mga kabataan ay makabubuting magnais ng isang mabuting edukasyon para sa kanilang sarili. Subalit mahalaga na gamitin nila ang mga susing kinakailangan. Anu-ano ang susing ito, at paano ba magagamit ang mga ito?

[Blurb sa pahina 6]

Sa Russia, “ang isang guro ay kumikita ng kalahati ng kita ng isang karaniwang tsuper ng bus”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share