Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 12/22 p. 14-16
  • Unang Pangyayari sa Mali

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Unang Pangyayari sa Mali
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Tunay na Hamon
  • Isang Apurahang Gawain
  • Isang Makabagbag-Damdaming Pag-aalay
  • Higit Pang Masiglang Pagsasamahan
  • Mga Kingdom Hall na Bukás Para sa Lahat
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2002
  • Mga Kaayusan Para sa mga Lugar ng Pagsamba
    Organisado Upang Gawin ang Kalooban ni Jehova
  • Iginagalang Ba Ninyo ang Inyong Kingdom Hall?
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1989
  • Mga Tampok na Pangyayari sa Nakaraang Taon
    2002 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 12/22 p. 14-16

Unang Pangyayari sa Mali

ANG aking asawa ay naglilingkod bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa ng mga Saksi ni Jehova sa Mali, isang bansang may kakaunting populasyon sa kanlurang Aprika. Ang hilagang bahagi nito ay natatakpan ng Disyerto ng Sahara, at ang kalakhang bahagi ng bansa ay binubuo ng maburol na mga damuhan. Ang Mali ay mas malaki kaysa Inglatera, Pransiya, at Espanya na pinagsama-sama. Bagaman ang mga bansang ito ay may mahigit na 140 milyong maninirahan, ang populasyon ng Mali ay mga sampung milyon lamang​—halos 150 sa kanila ay mga Saksi.

Ang aming home base ay sa Ziguinchor, isang maliit na lungsod sa kalapit na Senegal. Noong Nobyembre 1994 kami’y lumipad mula roon patungo sa Dakar, pagkatapos ay sa kabisera ng Mali, ang Bamako, isang malaking lungsod na may mahigit na kalahating milyong maninirahan. Mula sa Bamako ay naglakbay kami sakay ng taksi, bus, o tren sa mas maliliit na lungsod, gaya ng Ségou, San, at sa sinaunang lungsod ng Mopti. Nanatili kami sa bawat isa sa mga lugar na ito ng mga isang linggo upang makibahagi sa ministeryong Kristiyano na kasama ng ilang Saksi roon.

Noong Disyembre ay bumalik kami sa Bamako upang masiyahan sa pandistritong kombensiyon, na ang pinakamataas na bilang ng dumalo ay 273. Gayon na lamang ang aming kagalakan na makita ang 14 na bagong mga nabautismuhan! Pagkatapos ng kombensiyon, kami’y umalis sakay ng bus patungo sa maliit na lungsod ng Sikasso, na doon ang unang Kingdom Hall sa Mali na itinayo ng mga Saksi ni Jehova ay nakatakdang ialay sa susunod na dulo ng sanlinggo.

Isang Tunay na Hamon

Ang kongregasyon sa Sikasso ay binubuo ng 13 Saksi lamang, 5 sa kanila ay mga payunir, o buong-panahong mga ministro. Pagdating namin noong Lunes, sabik na sabik kaming marinig kung ano ang kanilang mga plano para sa pag-aalay. Sinabi nila sa amin na sila’y umaasa sa aking asawa, si Mike, na isaayos ito! Kaya pagkatapos naming ayusin ang aming bagahe, lumakad kami upang tingnan ang Kingdom Hall. Nang makita ito, tuwang-tuwa kami na ang gayong gusali ay naitayo ng ilan lamang mga Saksi. Subalit, marami pa ang dapat gawin. Walang kurtina, hindi pa napipinturahan ang labas, at wala pang karatulang “Kingdom Hall of Jehovah’s Witnesses.”

Natalos namin na sa loob ng ilang araw, hindi kukulangin sa 50 bisita ang darating mula sa Bamako upang dumalo sa pag-aalay. Inanyayahan din ang lokal na mga tagaroon. Ang kongregasyon ay may isa lamang elder, si Pierre Sadio. Nang tanungin namin siya kung paano niya inaasahang matapos ang bulwagan bago dumating ang Sabado, ang araw ng pag-aalay, ang mga kaibigan ay lumapit upang marinig ang kaniyang tugon. “Sa palagay ko’y tutulungan tayo ni Jehova upang matapos ito sa oras,” sagot niya.

Napakarami pang gagawin sa napakaikling panahon! Nag-aatubili akong nagtanong kung maaari ba akong tumulong sa paglalaan ng kurtina. Isang malaking ngiti ng ginhawa ang lumitaw sa mga mukha na nasa paligid ko. Saka iminungkahi ni Mike na gumawa kami ng isang karatula para sa harap ng bulwagan. Di-nagtagal ay sabay-sabay kaming nagsalita. Ang lahat ay tuwang-tuwa. Tunay na magiging isang hamon na isagawa ang pangwakas na mga detalye sa bulwagan sa oras!

Isang Apurahang Gawain

Kaming mga kapatid na babae ay sumugod sa palengke upang pumili ng tela. Pagkatapos ay humanap kami ng isang mananahi upang tahiin ang mga kurtina. “May apat na araw ka pa upang tapusin ang mga ito,” sabi namin sa kaniya. Upang maglaan ng isang palamuti, si Mike ay nagboluntaryong gumawa ng isang magandang macramé na pagbibitinan ng halaman sa harapan ng bulwagan. Kaya umalis uli kami, sa pagkakataong ito’y upang humanap ng lubid na kakailanganin sa pagsasabitan ng halaman gayundin ng isang pasô.

Gumawa rin ng mga kaayusan para sa isa na maglalaan ng karatula sa Kingdom Hall. Sa loob at labas ng bulwagan, may apurahang gawain. Isang pangkat ng mga kapitbahay ang nagtipon upang manood. Napakaraming dapat gawin! Paano namin mapakakain ang 50 bisita? Saan sila matutulog? Mabilis naming inihanda ito sa loob ng isang linggo, subalit para bang hindi maayos ang takbo.

Nagising kami nang maaga noong Biyernes, ang araw bago ang pag-aalay. Ang kapaligiran ay punô ng pananabik sapagkat ang mga bisita mula sa Bamako ay darating. Noong bandang tanghali ay dumating ang karatula ng Kingdom Hall. Nang alisin ni Mike ang takip nito, ang mga kapatid ay napabuntunghininga sa paghanga. Kahit na ang nag-uusyosong mga mirón ay nagmamasid na may paghanga. Matiyaga kaming naghintay habang ito’y ikinakabit sa dingding sa harap. Maliwanag na ngayon na ito ay hindi lamang isang karaniwang gusali. Ito ang “Kingdom Hall of Jehovah’s Witnesses.”

Di-kalayuan, sa bahay ng isang payunir, ang mga kapatid na babae ay abalang nagluluto. Isang malaki, itim na kawa ang inaapawan ng kumukulong pagkain. Katatapos lamang naming alisin ang mga balde ng pintura at mga walis mula sa tabi ng bulwagan nang bumulalas ang mga sigaw na: “Narito na sila! Narito na sila!” Ang mga kaibigan ay nagtakbuhan mula sa bulwagan, ang iba ay mula sa bahay. Ang mga kapitbahay ay nagulat sa lahat ng ito. Ang mga kapatid ay napasayaw sa tuwa. Anong init na pagtanggap ang sumalubong sa kanila pagkababa nila ng bus! Ipinagkakapuri kong maging isa sa mga Saksi ni Jehova!

Tumingin ako sa paligid sa mga bisita​—mga kaibigan mula sa lokal na mga tribo gayundin mula sa Burkina Faso at Togo. Dumating din ang mga Amerikano, mga taga-Canada, Pranses, at mga Aleman. Nang gabing iyon ay nagkaroon kami ng isang malaking kapistahan. Nagsiga kami nang malaki upang ilawan ang bakuran. Para bang gusto kong kurutin ang sarili ko upang matiyak na ako ay talagang may pribilehiyo sa pagiging bahagi ng pangyayaring iyon. Habang lumalalim ang gabi, kami’y atubiling mag-alisan patungo sa aming kani-kaniyang tuluyan.

Kasindami ng 20 ang nakatuloy sa isang tirahan. Masasabi kong ito’y mahirap para sa ilan. Nakita ko ang isang lokal na sister na tumutulong sa isang bisitang Pranses patungo sa kasilyas sa labas. Ang bisita ay isang kamag-anak ng isa sa mga misyonero, subalit siya mismo ay hindi Saksi. Pagbalik nila, aniya: “Kayo ay mahihirap, ngunit talagang napakamaibigin at napakabait ninyo.” Para bang gusto kong sabihin: “Hindi, hindi sila mahirap. Lahat ng bayan ni Jehova ay mayaman!” Tunay, saan ka nga makakakita ng gayong iba’t ibang grupo ng mga tao na namumuhay sa kapayapaan at pagkakaisa?

Isang Makabagbag-Damdaming Pag-aalay

Maikli ang gabi, at ang araw ng pag-aalay ay mabilis na dumarating. Pagkatapos ng isang pulong para sa paglilingkod sa larangan sa Kingdom Hall, ang mga Saksi ay lumabas at nag-anyaya sa mga tao sa bayan para sa pag-aalay. Naiwan ako upang ayusin ang mga bulaklak at mga halaman. Ang lokal na mga kapatid na babae ay abala sa pagluluto para sa gabi.

Sa wakas, sa ganap na alas kuwatro, dumating ang oras ng pag-aalay. Isang kabuuang bilang ng 92 ang naroroon, subalit ang bulwagan ay hindi siksikan. Tuwang-tuwa ako anupat di ako mapakali sa upuan. Si Pierre Sadio ang nagbigay ng kasaysayan ng gawain sa Sikasso. Nang siya ay maatasan doon, siya lamang at ang kaniyang asawa at ang kanilang dalawang anak ang naroroon. Napakahirap ng buhay, subalit nang maglao’y pinagpala ni Jehova ang kanilang paglilingkod. Ang unang tao na naging Saksi sa Sikasso ay isa nang espesyal payunir ngayon. Pagkatapos ay ipinaliwanag ni Pierre kung paanong nagawa ng ilang Saksi ang pagtatayo. Sila’y umupa ng isang kantero, at tuwing Linggo ang buong kongregasyon ay nagtrabaho maghapon sa proyekto.

Ngayon ay kinapanayam ni Mike ang mga kaibigan na nagtrabaho sa bulwagan. Isa-isa, tinanong niya sila kung naisip ba nila na darating ang araw na ito at kung ano ang nadarama nila kapag tinitingnan nila ang Kingdom Hall na punô ng tao. Karamihan ay hindi makapagsalita anupat halos hindi nila matapos ang kanilang mga komento. Sa gitna ng mga Saksing naroroon, ang lahat ay may luha sa kanilang mga mata.

Pagkatapos ang pahayag sa pag-aalay ay ibinigay ni Ted Petras mula sa tanggapang sangay ng mga Saksi ni Jehova sa Senegal. Ang panalangin sa pag-aalay ay sinambit, at ang mga kapatid ay pumalakpak nang napakatagal. Pagkatapos ay inanyayahan ni Mike ang lahat ng tumulong sa pagtatayo ng bulwagan na pumaroon sa harap. Naroon sila’t nakatayo, may ngiti sa kanilang mga mukha, tumutulo ang mga luha ng kagalakan sa kanilang mga pisngi. Habang inaawit namin ang pansarang awit, wala akong pagsidlan sa kaligayahan. Ang pagiging isang misyonero ay nagpapangyari sa akin na makibahagi sa kahanga-hangang mga karanasang ito. Hindi sana namin naranasan ito kung nanatili lamang kami sa bahay sa Estados Unidos.

Higit Pang Masiglang Pagsasamahan

Pagkatapos ng pag-aalay, may inilaang mga pagkain. Ang mga kapatid na babae ay magkakasunod na may sunong na malalaking pinggan ng mga pakwan sa kanilang ulo. Kasunod nila ang dalawang kapatid na lalaki, na may sombrero ng kusinero para sa okasyon at may dalang mga bandehado ng cake. Ang mga cake ay masayang napapalamutian ng mga hiwa ng kahel at mga hiwa ng lemon. Ang buong kapaligiran ay masayang-masaya.

Ang mga bisita’y umalis pagkatapos nilang kumain. Pagkatapos ang mga Saksi ay nagtungo sa kalapit na bahay para sa hapunan. Kaming lahat ay naupo sa labas sa ilalim ng liwanag ng bilog na buwan, isang nagngangalit na apoy ang nagbibigay-liwanag sa bakuran. Tuwang-tuwa at pagod ako sa gawain sa maghapon anupat hindi ko naubos ang aking pagkain. Ibinigay ko ang paa ng manok na kalahati lamang ang nakain ko sa isang batang babae. Binabantayan ng lokal na mga payunir ang aming mga pinggan, at kung may matira, inuubos nila ito. Hindi uso rito ang tira-tira. Kami nga lang ay pinalayaw nang labis sa Estados Unidos.

Habang patapos na ang gabi, ipinagunita ng isang kapatid sa mga nanggaling sa Bamako na sila ay susunduin ng bus sa ika–9:15 n.u. Kinabukasan ang mga kapatid ay nakaupo na sa bakuran, naghihintay sa pagdating ng bus. Pagkatapos ay umawit kami ng isang huling awit, “Salamat, Jehova.” Tumulo na ang mga luha, at nang matatapos na kami, natatanaw na ang bus. Lahat ng mga kapatid ay nagyapusan sa isa’t isa.

Tumayo kami roon at kumaway habang ang bus ay dahan-dahang umalis. Lahat ng nasa bus ay kumaway hanggang sa ito’y maglaho sa paningin. Pagkatapos, yaong mga naiwan ay nagtinginan sa isa’t isa. Tunay na ito’y isang kahanga-hangang pag-aalay at isang kahanga-hangang linggo.​—Isinulat.

[Larawan sa pahina 15]

Ang unang Kingdom Hall na itinayo ng mga Saksi ni Jehova sa Mali

[Larawan sa pahina 16]

Ang masayang grupong ito ay naglakbay sakay ng bus

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share