Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Dapat ba Akong Magpunta sa mga Konsiyertong Rock?
Isang kilalang banda ang darating sa inyong lugar. Mabilis na nauubos ang mga tiket, kaya kailangan mo na ngayong magpasiya. Pupunta ka ba?
ANG kaayaayang musika sa isang angkop na kapaligiran ay maaaring maging kasiya-siya. Sa bagay, nilikha tayo ng Diyos na Jehova na may kakayahan na masiyahan sa musika, at napakaraming uri ng musika ang kaayaaya sa kaniya.
Sa gitna ng mga kabataan sa ngayon, ang musikang nagugustuhan ay karaniwang ang musikang rock sa anumang napakaraming anyo nito. Marami ang nasisiyahan kapag tinutugtog ito nang live. Gayunman, liban pa sa ibang bagay, ang mga ulat ng magulo at walang-taros na paggawi sa mga konsiyertong rock ang nagbabangon ng mahalagang mga katanungan para sa mga kabataang may takot sa Diyos. Ano nga ba talaga ang nangyayari sa mga konsiyertong rock? Ang pagpunta ba roon ay isang mabuting idea?
Subukin ang Musika
Una muna, isaalang-alang natin ang musika mismo. Ang musika ay nakapagpapahayag—at nakapupukaw—ng napakaraming damdamin. Noong panahon ng Bibliya, kalimitang ginagamit ng bayan ng Diyos ang musika upang ipahayag ang kanilang pag-ibig sa Diyos. (Awit 149:3; 150:4) Ang musika ay ginamit din upang ipahayag ang kagalakan, katuwaan, at kalumbayan. (Genesis 31:27; Hukom 11:34; 1 Samuel 18:6, 7; Mateo 9:23, 24) Subalit, nakalulungkot naman, ang musika ay hindi laging kaayaaya maging noong panahon ng Bibliya. Ang magulo, pumupukaw sa sekso na musika ay may bahaging ginampanan sa paghimok sa ilang mga Israelita na magkasala nang ang bansa ay magkampo sa Bundok Sinai.—Exodo 32:1-6, 17, 18, 25.
Ang totoo, ang karamihan ng musikang rock ay nagtataguyod din naman ng masasamang bagay—seksuwal na imoralidad, droga, paghihimagsik, espiritismo. Hindi naman ito nangangahulugan na dapat mo nang isumpa ang musika, subalit sinasabi ng Bibliya sa mga Kristiyano na “patuloy ninyong tiyakin kung ano ang kaayaaya sa Panginoon.” (Efeso 5:10) Kaya dapat kang maging mapamili at may kaunawaan kung tungkol sa musika.a
Paano ba nakaaapekto sa iyo ang pinipili mong musika? Ikaw ba’y napaliligaya, napahihinahon, o napapayapa nito? O ito ba’y nagpapagalit, nagpapahimagsik, o nagpapalumo sa iyo? Ginugunita ng isang Kristiyanong lalaki sa Denmark ang mga panahon na napakahilig niya sa heavy metal, isang anyo ng musikang rock. Ganito ang sabi niya: “Nakikinig ako rito habang nagtatrabaho. At kapag nagkamali ako, magagalit ako anupat babasagin ko ang bagay na ginagawa ko at ihahagis iyon dahil sa galit!” Isa pang kabataan ang umamin nang ganito: “Napakahilig kong makinig ng rap at heavy metal na nagbubunyi sa sekso at makasanlibutang istilo ng buhay. Ang musikang ito ang laging laman ng aking isip, at ang resulta ay ang paghahangad ng mga bagay na inaawit nila.” Ngayon kung ang basta awitin ay may gayong epekto, isip-isipin ang puwersa kapag inawit ito nang live!
Isaalang-alang din ito: Gaano nga ba dapat kalakas ang musika? Ipagpalagay na, ang mga tao ay may iba’t ibang gusto sa bagay na ito. At hindi naman ipinagbabawal ng Bibliya ang makatuwirang lakas ng musika. Aba, sa pag-aalay ng templo ni Solomon, ang mga nagtrumpeta lamang ay may bilang na 120! (2 Cronica 5:12) Talagang napakalakas niyan! Gayunman, may malaking pagkakaiba sa pagitan ng malakas na sigaw ng papuri sa Diyos at nakababasag-tainga na musikang rock. Sa huling banggit, ang labis na ingay ay kalimitang ginagamit upang himukin ang mga tao na magwala. Subalit hinahatulan ng Bibliya ang “maiingay na pagsasaya,” o “magugulong pagtitipon.” (Galacia 5:21; Byington) At mawawala ang pakundangan sa iyong katawan dahil sa pakikinig ng musika na nasa antas na ubod ng lakas anupat makapipinsala sa iyong pandinig.—Roma 12:1.
Ang isa pang bagay na dapat isaalang-alang ay sinabi sa Job 12:11. Doon ang Bibliya ay nagtatanong: “Hindi ba sinusubok ng mga salita ang pandinig gaya ng ngalangala na lumalasa ng pagkain?” May kaugnayan dito, dapat mong “subukin” ang mga liriko ng awit! Ganito ang inamin ng isang Kristiyanong kabataan: “Sinimulan kong makinig sa mga liriko ng ilang awitin na gusto ko, at laking gulat ko na ang mga ito’y hindi angkop para pakinggan ng isang Kristiyano. Kailangan talagang iwasan ko ang musikang iyan.” (1 Corinto 14:20; Efeso 5:3, 4) Mag-ingat din dahil sa maraming mang-aawit ang gumagamit ng mga konsiyerto upang ipakilala ang kanilang pinakabagong mga recording—bagay na maaaring malaki ang pagkakaiba sa naunang labas, marahil mas kaayaaya, na musika.
Karagdagan pa, dapat mong tiyakin na ang musika ay walang bahid ng demonismo—bagay na lalong kilala sa mga anyo ng musikang heavy-metal. Ang mga banda ng heavy metal ay kilala sa kasamaan dahil sa pagpapalamuti sa kanilang mga sarili at sa kanilang mga album ng mga sagisag ng demonyo at kagamitang sataniko. (Santiago 3:15) Ang pagpunta sa konsiyerto ng gayong mga grupo ay talagang hindi nakalulugod sa Diyos, na nag-uutos sa atin na ‘salansangin ang Diyablo’!—Santiago 4:7.
Hindi Masupil
Ano ba ang maaaring mangyari sa konsiyerto mismo? Isang tin-edyer na babaing nagngangalang Stacey ang sumama sa kaniyang mga kaibigan upang panoorin ang isang banda na inaakala nilang tumutugtog ng medyo disenteng musika. Subalit sa kalagitnaan ng konsiyerto, tinularan ng nangungunang mang-aawit ng banda ang pakikipag-ugnayan sa espiritu at inanyayahan ang mga nakikinig na sumali sa pakikipag-ugnayan sa daigdig ng espiritu! Isang pakulo lamang? Marahil. Subalit yamang hinahatulan ng Bibliya ang anumang anyo ng espiritismo, napilitan si Stacey at ang kaniyang mga kaibigan na lumisan agad.—Levitico 19:31; Deuteronomio 18:10-13; Apocalipsis 22:15.
Ang ibang mga kabataang Kristiyano ay may gayunding masamang karanasan, bagaman ang lantarang espiritismo ay bihirang-bihira sa mga konsiyertong rock, ang di-masupil na paggawi ay karaniwan. Sa isang konsiyerto ang banda ang tumulong sa pagpapasimuno ng isang kaguluhan na nagbunga ng 60 nasaktan at mahigit sa $200,000 napinsalang mga bagay! At sa isa pang konsiyerto, tatlong kabataan ang namatay. Totoo, ang karamihan ng konsiyertong rock ay hindi naman humahantong sa kaguluhan, kapinsalaan, o mga kamatayan. Subalit may maliwanag na pangangailangan para sa pag-iingat. Ganito ang sabi ng Kawikaan 22:3: “Matalino ang isa na nakakikita ng kapahamakan at ikinukubli ang sarili, ngunit ang walang-karanasan ay dumaraan at dumaranas ng kaparusahan.”
Kaya kung iniisip mong pumunta sa isang konsiyerto, alamin ang bagay-bagay. Ang banda ba ay kilala sa pagpapasimuno sa di-masupil na paggawi? Anong uri ng manonood ang naaakit ng banda? (1 Corinto 15:33) Hanggang saan ang paggamit ng alak at droga? At kumusta mismo ang pagtatanghalan ng konsiyerto? Nakaranas ba ito ng mga problema sa seguridad noon? Ano ang ayos ng mga upuan? Kapag walang nakatakdang upuan, mas malamang na marami ang masaktan.
Ang paggamit ng droga at alak ay laganap sa mga konsiyertong rock. “Hindi musika ang habol ng mga tao,” sabi ng isang nagbagong Kristiyanong lalaki na pumupunta noong siya’y nasa kabataan pa sa mga konsiyerto ng karaniwang banda ng rock. “Nagpupunta sila para maglasing.” Nagpasiya siya na iyon na ang huling konsiyertong pupuntahan niya. May ganito ring ulat ang isang tin-edyer na Kristiyanong kabataang babae: “Natatandaan ko pang nagpunta ako sa isang konsiyerto kung saan tumugtog ang isang bandang ‘maraming pakulo.’ Talagang nakakikilabot! Humihitit ng droga ang mga tao. Napakalaswa ng mga salita, at marami roon ang mukhang mga sumasamba kay Satanas dahil sa paraan ng pananamit nila.” Kahit na kung ang mga droga at alak ay mahigpit na ipinagbabawal, karaniwan nang marami sa nanonood ay dumarating na langó na. Ang pagpunta ba sa gayong okasyon ay kasuwato ng utos ng Bibliya na “itakwil ang pagkadi-maka-Diyos at makasanlibutang mga nasa at mamuhay na taglay ang katinuan ng pag-iisip”?—Tito 2:12.
Ang Impluwensiya ng Kapaligiran
Subalit, baka inaakala mo na hindi mo na kailangang mag-alala tungkol sa ikinikilos ng mga taong nasa paligid mo hangga’t hindi ka mismo nakikisali sa kaguluhan. Gayunman, ang kapaligiran mo ay nakaaapekto sa iyo. Sa Efeso 2:2, sinasabi ng Bibliya ang tungkol sa “awtoridad ng hangin, ang espiritu na kumikilos ngayon sa mga anak ng pagsuway.” Pansinin na ang sanlibutang ito ay may “espiritu,” o nangingibabaw na mental na saloobin. Ito’y nasa lahat ng dako, kasinlaganap ng hangin mismo. Subalit pansinin din na ang espiritung ito, o saloobin, ay may “awtoridad”—ang kapangyarihan na baguhin ang iyong isipan, damdamin, at paggawi—kung ihahantad mo ang iyong sarili mismo rito! Hindi mo basta masasagap ang makapangyarihang hangin na ito at hindi ka maapektuhan.
Sa karamihan ng kaso ang mga konsiyertong rock ay lubusang nakahantad sa espiritu ng sanlibutan. Ang isa ay madaling mahila sa magulong kapaligiran na karaniwang laganap—o sa pagsigaw at pagkaway na halos katumbas na ng sumasambang paghanga sa mga mang-aawit. Ang gayong labis na paghanga ay nagpapawalang-halaga sa pagsamba na marapat na nauukol sa Diyos. Ito’y katumbas ng idolatriya, isang bagay na maliwanag na hinahatulan ng Kasulatan. (1 Corinto 10:14; 1 Juan 5:21) Ibig mo bang makipagsapalaran sa pagkasangkot sa bagay na ito?
Totoo na mas nakalalamang ang mga panganib sa karamihan ng mga konsiyertong rock kaysa pakinabang na matatamo ng isa sa pagpunta roon. Mangyari pa, ang iyong mga magulang ang huling magpapasiya kung ikaw ay pahihintulutang magpunta sa isang konsiyerto o hindi. Subalit kung ikaw ay may kalayaan na magpasiya sa iyong sarili, may katalinuhang pumili. Maraming paraan upang masiyahan ang isa sa kaayaayang paraan at hindi na kailangang manganib pa sa pagpunta sa mga konsiyertong rock.
[Talababa]
a Tingnan ang mga artikulo ng “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .” tungkol sa musika na lumitaw sa mga labas ng Pebrero 8, Pebrero 22, at Marso 22, 1993, ng Gumising!
[Larawan sa pahina 18]
Ang alak, droga, at magulong paggawi ay karaniwan sa mga konsiyertong rock