Mula sa Aming mga Mambabasa
Industriya ng Tabako Ang serye na “Milyun-milyon ang Kinikitil Para Milyun-milyon ang Kitain” (Mayo 22, 1995) ay nakapagtuturo at may kapantasang naisulat. Ang larawan sa pabalat (“Bungo na May Sigarilyo”) na iginuhit ni Vincent van Gogh ay nakapangingilabot! Marahil ang larawan na ito lamang ay sapat na upang mapahinto ang ilang tao sa paninigarilyo o sa paano man mahadlangan ang ilan na simulan ito.
M. B., Estados Unidos
Yamang ako’y nagtatrabaho sa American Cancer Society, sabik ako na mabasa ang mga artikulong ito. Pinadalhan ko ng isang kopya ang isang babae na nangangasiwa sa lokal na sangay ng walang tabakong koalisyon. Siya’y namangha sa kalidad ng pagsulat at pananaliksik at humiling siya ng 35 kopya para sa kaniyang mga kasamahan.
J. O., Estados Unidos
Kaming mag-asawa ay halos tatlong buwan nang tumigil sa paninigarilyo, subalit hinahanap-hanap ko pa rin ang mga sigarilyo. Pagkatapos ay nabasa ko ang artikulong ito, at natanto ko na ang ilang sangkap sa sigarilyo ay labis na nakalalason anupat bawal itong itapon sa lupang tambakan! Ito ang nagpalakas sa akin na kamuhian ang masama.
L. T., Timog Aprika
Pinahihirapan ng Lupus Maraming salamat sa impormasyon tungkol sa lupus sa artikulong “Ngayon ay si Mia at si Jehova na Lamang.” (Pebrero 22, 1995) Ako’y 18 taóng gulang, at ako’y pinahihirapan ng sakit na ito sa loob halos ng dalawang taon. Nakapagpapatibay-loob na malaman kung paanong ang paghihirap ay binabata ng ibang mga kapatid na lalaki at babae sa iba’t ibang bahagi ng daigdig at makita kung paano ang ating Maylikha ay laging maibiging tumutulong sa atin.
J. A. Y., Italya
Problemang mga Magulang Ipinananalangin ko ang isang artikulong gaya ng “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Kung Magkulang ang Aking Magulang?” (Mayo 22, 1995) Anong lungkot at sakit nang matiwalag ang aking ina mula sa Kristiyanong kongregasyon! Halos huminto na ako sa pagpapayunir, buong-panahong pag-eebanghelyo. Pinalakas ako ng artikulo na ‘patuloy kong isagawa ang aking sariling kaligtasan nang may takot at panginginig’ sa halip na labis na mabahala sa katayuan ni Inay kay Jehova. (Filipos 2:12) Maraming salamat.
J. P., Pilipinas
Ako’y bautisadong Kristiyano, pero nahihirapan akong igalang ang aking ama na umuuwi ng bahay na lasing araw-araw. Samantalang binabasa ang artikulong ito, hindi ko maihinto ang pag-iyak. Ngayon na nabasa ko ito, humupa nang husto ang aking negatibong mga damdamin at kaisipan sa aking ama, at nadarama kong mas panatag ako.
N. M., Hapón
Christian Science Ang artikulo na “Mga Seminar Upang Pagbutihin ang Relasyon ng mga Doktor at ng mga Saksi ni Jehova” (Marso 22, 1995) ay nagtataglay ng komento tungkol sa Christian Science na paraan ng pagharap sa sakit. Para sa kapakanan ng pagtatayo ng mabuting pagkakaunawaan sa pagitan ng ating mga paniniwala, ibig kong tiyakin sa inyong mga mambabasa na sa pagtitiwala sa espirituwal na pagpapagaling, pinahahalagahan at iniingatan ng Christian Scientists ang buhay ng tao gaya ng paniniwala namin na ipinakita ni Kristo Jesus na dapat nating gawin. Ang ulat ng napatunayang mga pagpapagaling na inilathala sa aming mga pahayagan sa loob ng dantaon ay nagpapakita na ang pagsamba sa Diyos, hindi ang pagiging martir, ang aming motibo. Ang pagiging mabuti sa espirituwal, moral, at pisikal ang patuloy na bunga.
M. V. W., Manedyer, Committees on Publication, The First Church of Christ, Siyentipiko, Estados Unidos
Salamat sa mga komentong ito. Ang layunin ng aming pagsipi sa mga sinabi ng isang medikal na doktor ay upang itampok ang katotohanan na ang mga Saksi ni Jehova ay nagpapagamot. Bagaman iginagalang namin kung ano ang ibig paniwalaan ng iba, talagang sinabi ni Jesu-Kristo na “ang mga tao na nasa kalusugan ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga may-sakit.” (Mateo 9:12) At nang talakayin ni Pablo ang “malimit na mga pagkakasakit” ni Timoteo, hindi niya iminungkahi ang espirituwal na pagpapagaling kundi nag-alok ng karaniwang medikal na paggamot. (1 Timoteo 5:23) Sa gayon ang pangmalas ng Bibliya tungkol sa medikal na paggamot ay taliwas sa mga turo ng Christian Science.—ED.