Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 3/22 p. 25-27
  • Kaloob ng Diyos na Panimbang

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kaloob ng Diyos na Panimbang
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ano ba Ito? Ano ba ang Ginagawa Nito?
  • Mga Diperensiya ng Vestibular System
  • Ang mga Sanhi at Paggamot
  • Ang Iyong Tainga—Ang Kahanga-hangang Tagapagpatalastas
    Gumising!—1990
  • Ang Iyong Pandinig—Isang Kaloob na Dapat Pahalagahan
    Gumising!—1997
  • Ang Iyong Utak—Paano Ito Gumagana?
    Gumising!—1999
  • Pahalagahan ang Iyong Espesyal na mga Kakayahan
    Gumising!—2011
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 3/22 p. 25-27

Kaloob ng Diyos na Panimbang

“NANINIBAGO ka lamang na para bang nasa barko ka pa rin,” sabi ng aking mga kaibigan, “at maaaring tumagal iyan ng ilang araw.” Oktubre 1990 noon, at kabababa ko lamang sa barkong naglalayag pagkatapos ng pitong-araw na paglalakbay sa Caribbean. Gayunman, ang inaakala kong ilang araw lamang na dinaramdam ko ay tumagal ng maraming buwan. Para bang hindi pa ako kailanman bumaba sa barkong iyan. Nagkaroon ng diperensiya ang aking vestibular system, ang masalimuot na sistema ng panimbang sa panloob na tainga (inner ear) na ang pinakasentro ng koneksiyon nito ay sa utak.

Ano ba Ito? Ano ba ang Ginagawa Nito?

Ang sentrong nagtutugma ng iyong panimbang ay masusumpungan sa pinakapuno ng iyong utak na tinatawag na brain stem. Kapag ikaw ay malusog, napananatili mo ang iyong panimbang sapagkat di-mabilang na impulso ang tinatanggap mula sa iyong mga mata, kalamnan, at sa iyong vestibular system.

Ang iyong mga mata ang naglalaan sa brain stem ng patuluyang impormasyon mula sa pandamdam tungkol sa iyong kapaligiran. Ang mga pandamdam sa iyong mga kalamnan, tinatawag na mga proprioceptor, ang nagtatawid ng impormasyon sa iyong utak tungkol sa uri ng ibabaw ng iyong nilalakaran o hinihipo. Subalit ang iyong vestibular system ang kumikilos bilang panloob na sistemang giya na nagsasabi sa iyong utak kung saan ang kinalalagyan ng iyong katawan sa lupa at ang puwersa ng grabidad nito.

Ang vestibular system ay binubuo ng limang bahagi na may kaugnayan sa panimbang: tatlong pabilog na mga kanal (semicircular canal) at dalawang parang bag. Ang pabilog na mga kanal ay pinanganlang superior canal, horizontal (lateral) canal, at inferior (posterior) canal. Ang dalawang parang bag ay tinatawag na utricle at saccule.

Ang pabilog na mga kanal ay nasa posisyong right angle (panulukang anggulo) na magkakaharap, gaya kung paanong nagtatagpo ang kanto ng dingding at sahig sa isang silid. Ang mga kanal ay mga lagusan na binubuo ng paikut-ikot na daan (labyrinth) na nakatago sa matigas na buto ng bungo na tinatawag na temporal bone. Sa loob ng mabutong paikut-ikot na daan na ito ay may isa pang paikut-ikot na daan, na tinatawag na membranous labyrinth. Sa bawat dulo ng malamad na pabilog na tubo, naroon ang tulad ng isang lukbutan, na tinatawag na ampulla. Sa loob ng membranous labyrinth ay may pantanging likido na tinatawag na endolymph. At sa labas ng lamad, may isa pang likido na may kakaibang nilalamang kemikal, tinatawag na perilymph.

Ang maumbok na bahaging ito ng tubo na tinatawag na ampulla ay nagtataglay ng pantanging mga selulang tila buhok na nasa anyong nakabungkos na nakatanim sa tila gulaman na laman na tinatawag na cupula. Kapag ikinilos mo ang iyong ulo sa anumang direksiyon, ang likidong endolymphatic ay naiiwan sa pagkilos mismo ng mga kanal; at sa gayon ay binabaluktot ng likido ang cupula at ang mga bungkos na taglay nito. Ang pagkilos ng mga bungkos ng tila buhok ang bumabago sa katangiang elektrikal ng selulang tila buhok, at sa gayon ito ang naghahatid ng mga mensahe sa iyong utak sa pamamagitan ng selulang nerbiyo. Ang mga mensahe ay hindi lamang tumatawid sa indibiduwal na mga selulang tila buhok sa utak patungo sa mga afferent nerve kundi bumabalik din ito sa utak sa bawat selulang tila buhok sa pamamagitan ng mga efferent nerve upang magbigay sa selulang tila buhok ng katumbas na impormasyon kung kinakailangan.

Natututop ng pabilog na mga kanal ang paanggulo o paikot na pagkilos ng iyong ulo sa anumang direksiyon, gaya ng pagyuko o pagtingala, paghilig nito sa isang panig o sa kabila, o pagpihit nito sa kaliwa o kanan.

Sa kabilang panig, natututop ng utricle at ng saccule ang paitaas na kilos; sa gayon ang mga ito ang tinatawag na mga pandamdam sa grabidad. Ang mga ito ay may mga selulang tila buhok din na tinatawag na macula. Halimbawa, ang saccule ay maghahatid ng impormasyon sa utak na magbibigay sa iyo ng pakiramdam ng paitaas na kilos kapag ikaw ay nakasakay sa isang elevator. Ang utricle ang pangunahing pantutop na tumutugon kapag ikaw ay nakasakay sa isang kotse at biglang bumilis. Ito’y naghahatid ng impormasyon sa iyong utak upang magbigay sa iyo ng pakiramdam na napapasubsob o napapaatras. Saka pinagsasama ng iyong utak ang impormasyong ito sa ibang impulso upang gumawa ng mga pagpapasiya, gaya ng kung paano mo ikikilos ang iyong mga mata at ang iyong paa’t kamay upang makatugon sa iyong kilos. Tumutulong ito sa iyo upang mapanatili mo ang iyong direksiyon.

Ito’y kahanga-hangang sistema na nagpaparangal sa Disenyador nito, ang Diyos na Jehova. Maging ang mga mananaliksik na siyentipiko ay hindi mapigilang humanga sa pagkadisenyo nito. Si A. J. Hudspeth, propesor ng biyolohiya at pisyolohiya, ay sumulat ng ganito sa magasing Scientific American: “Gayunman, ang higit pang pananaliksik ay magpapatibay lamang ng paghanga sa pagkasensitibo at pagkamasalimuot ng pinaliit na piraso ng biyolohikal na aparato.”

Mga Diperensiya ng Vestibular System

Sa aking kaso ang problema ng aking panloob na tainga ay nasuri na otospongiosis o otosclerosis. Ito’y isang kalagayan kung saan ang buto na kinaroroonan ng vestibular system ng isa ay lumalambot o nagiging parang espongha. Karaniwan na ang butong ito ay nananatiling napakatigas, mas matigas pa kaysa anumang buto sa buong katawan mo. Habang ito’y nagiging malambot, ipinalalagay, na may isang enzyme na lumalabas na tumatagas sa likido ng panloob na tainga at sinisira ito sa kemikal na paraan o sa paano ma’y nilalason ang likido. Ito’y maaaring maging sanhi ng kakatuwang pakiramdam na para bang lagi kang kumikilos bagaman ikaw ay matatag na nakatayo o nakahiga lamang.

Para sa akin ginawa nitong para bang umaalon ang sementong tinutuntungan ko na kung minsan ay kasintaas ng isang talampakan. Kapag nakahiga naman, para bang ako’y nakahiga sa pinakasahig ng bangka sa gitna ng tatlong-talampakang taas na mga alon ng karagatan. Ang pakiramdam na ito’y hindi naaalis na gaya ng basta pagkaliyo lamang, kundi nadama ko at nanatili sa akin sa loob ng 24 na oras sa loob ng mga buwan nang walang humpay. Ang tanging ginhawa lamang ay kapag wala akong malay na natutulog.

Ang mga Sanhi at Paggamot

Ang sanhi ng otospongiosis/otosclerosis ay hindi pa rin alam, bagaman maaaring nasasangkot ang ilang kaugnayan sa pagmamana. Ang kalagayan ay naging napakahirap na suriin para sa siyensiya ng medisina, sapagkat ito ay waring namumukud-tangi sa mga tao. Bihirang-bihira, kung mayroon man, na ito’y lumitaw sa mga hayop. Ang otospongiosis ay maaaring maging sanhi ng tinnitus (hugong sa tainga), pakiramdam na parang punúng-punô ang ulo, pakiramdam na magaan ang ulo, pakiramdam na naninimbang, o iba’t ibang anyo ng pagkaliyo. Ang gayunding kalagayan ay maaaring maging sanhi ng pagkapirme ng stapes sa panggitnang tainga (middle ear) at pagkabingi dahil sa naharangang paghahatid ng tunog. Kung ang otospongiosis ay makaabot sa cochlea, maaari rin itong maging sanhi ng pagkabingi mula sa nerbiyo ng pandamdam dahil sa pagkasira ng nerbiyo.

May mga paggamot sa kalagayang ito. Ang ilan ay pagsasagawa ng operasyon (tingnan ang Gumising! ng Hulyo 8, 1988, pahina 19); tinatangka ng ilan na hadlangan ang paghina ng buto sa pamamagitan ng mga pantulong na kalsiyum at fluoride. Kung minsa’y iminumungkahi ang mga pagkain na walang asukal dahil sa ang panloob na tainga ay may malaking pangangailangan para sa blood sugar. Sa katunayan, ang panloob na tainga ay nangangailangan ng tatlong ulit na dami ng asukal upang mapalakas ito kung paanong ang katumbas na dami ay kailangan din ng utak. Nakakayanang mabuti ng isang malusog na tainga ang normal na mga pagbabago ng blood sugar; subalit minsang mapinsala ang tainga, ang mga pagbabagong ito ang magpapangyari sa iyo na mahilo. Ang caffeine at alkohol ay waring makasasama sa iyo minsang ang panloob na tainga ay magkadiperensiya. Bagaman ang paglalakbay sa barko, binanggit sa pasimula ng artikulong ito, ay hindi talaga ang pinagmulan ng problema, ang pagbabago sa temperatura, halumigmig, at kaugalian sa pagkain ang malamang na nagpasimula ng pagkawala ng panimbang.

Higit pa sa pandinig ang ginagawa ng iyong panloob na tainga para sa iyo. Sa kahanga-hanga at kamangha-manghang paraan, tumutulong ito sa iyo upang mapanatili mo ang iyong panimbang. Ang pagkadisenyo nito ay dapat na magpangyari sa atin na humanga sa gawa ng ating Maylikha, at dapat nitong gawing taimtim ang ating pagpapahalaga sa kaniyang pagiging Maylikha.​—Inilahad.

[Mga dayagram/Larawan sa pahina 26]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Ang Iyong Kahanga-hangang Vestibular System

Labas ng Tainga

SUPERIOR CANAL

OVAL WINDOW

COCHLEA

ROUND WINDOW

INFERIOR CANAL

HORIZONTAL CANAL

Loob ng Tainga

TEMPORAL BONE

MEMBRANOUS LABYRINTH

AMPULLA

SACCULE

Tumututop ng pataas na kilos

COCHLEA

Bahagi ng Pandinig

MACULA

UTRICLE

CRISTA

Tumututop ng pahalang na kilos

Sumusukat ng pumipihit na kilos

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share