Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 5/22 p. 22-23
  • Kami’y Nasagip Mula sa Lahar!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kami’y Nasagip Mula sa Lahar!
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Nagsimula Na ang Kakila-kilabot na Karanasan
  • Nasagip​—Sa Wakas!
  • Mga Lahar—Kasunod na Resulta ng Bundok Pinatubo
    Gumising!—1996
  • Nang Umulan ng Buhangin
    Gumising!—1992
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1997
  • Isang Trahedya sa Chile ay Nag-uudyok ng Pag-ibig Kristiyano
    Gumising!—1992
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 5/22 p. 22-23

Kami’y Nasagip Mula sa Lahar!

ANG Oktubre 1, 1995, ay isang araw na naiiba sa lahat ng iba pang araw na kailanma’y naranasan ng pamilya Garcia. Ang mga Garcia ay aktibong mga Saksi ni Jehova, at ang kanilang bahay ay nasa isang subdibisyon sa Cabalantian, Bacolor, sa lalawigan ng Pampanga, Pilipinas. Bagaman ang kanilang bahay ay malapit sa mga lugar na dumaranas ng mga lahar ng Bundok Pinatubo, hindi ito tuwirang apektado. Ang Cabalantian ay protektado ng mga dikeng ipinatayo ng pamahalaan na dinisenyo upang sugpuin ang lahar. Ngunit ang mga bagay ay malapit nang magbago nang mabilis.

Isang matinding bagyo ang nagtambak ng 216 milimetro ng ulan sa Bundok Pinatubo. Noong madaling-araw, tumunog ang telepono sa tirahan ng mga Garcia. May nagkamaling tumawag sa kanilang telepono, at ang tumawag ay nagsabi na isang dike ang nasira at na dapat na humanda ang pamilya sa isang baha.

Nagsimula Na ang Kakila-kilabot na Karanasan

Ganito ang salaysay ni Nonato Garcia, ama ng pamilya at punong tagapangasiwa sa Villa Rosemarie Congregation: “Noong Linggo ng umaga bago mag-alas singko, ang tubig ay nagsimulang tumaas sa paligid ng aming bahay.

“Akala ko magkakaroon lamang kami ng tubig-baha, kaya sinimulan naming dalhin ang aming mga gamit sa itaas. Subalit pagkaraan ng alas diyes ng umaga, nakita ko ang putik ng lahar na kasama ng tubig. Ang agos ay pataas nang pataas at lumalakas hanggang sa ito’y lubhang lumakas anupat natatangay nito ang malalaking bato. Umakyat kami sa bubong.

“Nang maglaon, ang mga kotse at maging ang mga bahay ay tinatangay ng agos. Isang bahay na tinamaan ng isang malaking bato ang bumagsak at natangay. Ang bubong nito ay itinambak ng lahar malapit sa aming bahay. May mga tao sa bubong. Tinawag ko sila at hinimok sila na lumipat sa bubong ng aming bahay. Upang gawin iyon, sinunggaban nila ang isang kable na inihagis sa kanila. Ito’y nakatali sa aking katawan, at hinila ko sila nang isa-isa. Higit pang mga tao ang lumipat mula sa ibang bubong na natatakpan ng lahar. Samantala, nagpatuloy ang ulan.

“Noong hapon ay aali-aligid ang mga helikopter. Subalit walang bumaba upang iligtas kami, kahit na kami ay nagkakakaway. Inisip namin na may mga taong mas malaki ang pangangailangan, at ang mga ito ang kanilang unang inililigtas. Hindi ko inisip na agad kaming makukuha, sapagkat napakaraming nalagay sa kagipitan sa mga bubong ng bahay.

“Napakahalagang bagay ng panalangin sa mga kalagayang gaya nito. Kahit sa malaking panganib, hindi ka na nakadarama ng takot pagkatapos ng panalangin. Hindi kami nanalangin na si Jehova ay gumawa ng isang himala, kundi hiniling namin kung ano man ang kalooban niya, kinikilala na ang sinumang tao ay maaaring maapektuhan ng isang kalamidad. Subalit humingi ako ng lakas, tibay ng loob, at karunungan. Ang lahat ng ito ay nakatulong sa amin na harapin ang kalagayan na kinasasadlakan namin.”

Ang asawa ni Nonato, si Carmen, ay sumang-ayon: “Talagang totoo ang sinasabi ng aking asawa tungkol sa panalangin. Ninerbiyos ako nang husto nang ang buhay ng mga mahal ko sa buhay ay nasa panganib. Nang makita ko ang bubong na napupunô ng putik ng lahar at tinatamaan ng malalaking bato, sinabi ko sa aking asawa: ‘Mukha yatang wala nang pag-asang natitira para sa atin.’ Subalit pinatibay-loob niya ako, na sinasabing: ‘Tayo’y manalangin.’”

Si Nonato ay nagpapatuloy: “Noong bandang alas kuwatro ng hapon, ang daloy ng lahar ay napakalakas pa rin. Ang bahay ay tinatamaan ng malalaking bato. Tinabunan ng mga labí ng lahar ang halos kalahati ng bubong. Naisip ko na malapit nang gumabi at na magiging napakahirap maglakbay. Kaya habang maliwanag pa, kami’y nagpasiya na magsimulang kumilos.

“Sinubukan kong maghagis ng isang silya sa putik ng lahar upang alamin kung ito ay lulubog, at tumuntong pa nga ako rito, subalit hindi ito lumubog. Kaya kumuha ako ng mahabang piraso ng kahoy upang tusukin ang putik. Ginamit ko ito upang malaman ang mga lugar na matigas upang malakaran. Sa ganitong paraan kami, kasama ang marami sa aming mga kapitbahay, ay naglakad sa putik. May 26 kaming lahat.

“Kami’y nagtungo sa mas mataas na bubong sa kalayuan. Ginagamit ang kahoy, patuloy naming sinusundot ang putik upang malaman kung saan kami maaaring tumapak. Sa mga dako kung saan ito’y napakalambot pa, gumapang kami.”

May luha sa kaniyang mga mata, ganito ang paliwanag ni Carmen: “Sa ilang dako naroon kami mismo sa gilid ng agos ng lahar at kailangan naming lumakad nang patagilid sa napakakipot na lupa. Noong minsan, nadapa ako at sinabi ko sa aking asawa: ‘Hindi na ako makapagpatuloy. Mamamatay ako.’ Ngunit sinabi niya: ‘Hindi, magagawa mo ito. Tumayo ka.’ Sa tulong ni Jehova, kami’y nagpatuloy.”

Si Nora Mengullo, isang kamag-anak ng pamilya, ay nagsabi pa: “Sa mga lugar kung saan napakalambot upang gumapang, itinulak namin ang aming mga sarili nang patihaya sa pamamagitan ng aming mga paa. Kung minsan, kami’y masyadong nalulubog, subalit nagtutulungan kaming hilahin ang isa’t isa, lalo na ang mga bata.”

Nasagip​—Sa Wakas!

Si Nonato ay nagpapatuloy: “Habang matiyaga kaming gumagapang sa kahabaan ng gilid ng lahar, isang helikopter ang lumipad sa ibabaw namin at nakita ang aming mapanganib na kalagayan​—hindi sa bubong, kundi sa gitna ng mga labí ng lahar. Ang isa sa aming mga kasama ay itinaas nang husto ang kaniyang walong-buwang-gulang na anak, umaasang makikita ng mga tagasagip ang aming kalagayan. Sila’y bumaba upang kunin kami. Pinauna namin ang mga bata at ang kababaihan, yamang hindi kami magkasiyang lahat.

“Sa wakas, kami man ay kinuha at dinala sa isang evacuation center. Ang mga tao roon ay hindi makapagbigay sa amin ng anumang damit na maisusuot, kahit na ang aming mga damit ay punô ng putik mula sa lahar. Sinabi ko sa kanila na ang pamilya ko ay hindi na sasama sa iba sa lugar na pinagdadalhan ng mga nagsilikas, yamang gusto naming magtungo sa isang Kingdom Hall. Pagdating namin doon, kami’y agad na dinamtan, pinakain, at binigyan ng iba pang tulong. Higit pang mga kapatid mula sa kongregasyon ang dumating, at tumulong din sila sa amin.”

Ganito pa ang susog ni Carmen: “Kahit na hindi kami maaaring umasa ng tulong mula sa ibang pinagmumulan, nadama namin ang pagpapala ng ating kapatirang Kristiyano.”

Bagaman ang kanilang bahay ay natabunan ng lahar, nakasisiyang malaman na naligtasan nila at ng kanilang tatlong anak, sina Lovely, Charmy, at Charly, ang kakila-kilabot na karanasan kasama ng lahat ng iba pang Saksi sa lugar na iyon.

[Mga larawan sa pahina 23]

Ang ikalawang palapag ng bahagyang nahukay na bahay ng mga Garcia

Ang sambahayan ni Nonato Garcia sa harap ng kanilang natabunang bahay

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share