Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 5/22 p. 17-21
  • Mga Lahar—Kasunod na Resulta ng Bundok Pinatubo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Lahar—Kasunod na Resulta ng Bundok Pinatubo
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Matagalang Kasunod na Resulta
  • Malaking Kapahamakan Muli
  • Pinakilos ng Pag-ibig ang Iba na Tumulong
  • Nang Umulan ng Buhangin
    Gumising!—1992
  • Kami’y Nasagip Mula sa Lahar!
    Gumising!—1996
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1997
  • Gising Ka ba Kung Tungkol sa Ating Panahon?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 5/22 p. 17-21

Mga Lahar​—Kasunod na Resulta ng Bundok Pinatubo

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA PILIPINAS

BINAHA ang mga bahay. Bumagsak ang mga negosyo. Tinangay ang mga sasakyan. Natabunan ang mga gusali. Libu-libong tao ang napilitang tumakas. Ang iba ay nakulong, hindi na nakatakas. Ano ang nagpangyari nito? Lindol? Avalanche? Hindi. Ito ang patuloy na tanawing likha ng mga lahar (läʹhär). Ano ba ang mga ito? Ang mga lahar ay mga daloy na binubuo ng tubig at mga latak ng bulkan, kasama ang buhaghag na abo, pumice, at mga labí mula sa kasalukuyan gayundin mula sa dating mga pagsabog.

Malamang na noong nakalipas na dekada ay hindi mo kailanman narinig ang tungkol sa Bundok Pinatubo ng Pilipinas. Subalit pagkatapos ng ubod nang lakas na pagputok noong Hunyo 15, 1991, ang “Pinatubo” ay naging karaniwang salita sa maraming bahagi ng daigdig. Pagkatapos matulog sa loob halos ng 500 taon, iniluwa ng Bundok Pinatubo ang bulkanikong mga laman nito sa isa sa pinakadambuhalang tila kabuting mga ulap sa siglong ito. Abo, buhangin, at mga bato ang ibinuga mula sa bulkan at umulan sa lupa na gayon na lamang ang dami na bihirang makita ng mga tao.a

Ang bulkan ay nagbuga ng pagkarami-raming bagay na mahigit na 20 kilometro sa atmospera ng lupa. Bagaman ang ilan dito ay bumalik sa lupa, karamihan ng alikabok ay nanatili sa himpapawid​—at hindi lamang alikabok kundi napakaraming sulfur dioxide, mga 20 milyong tonelada nito!

Maaaring magunita mo ang ilan sa pangglobong mga epekto: namumukod-tanging magagandang paglubog ng araw sa loob ng isang yugto ng panahon; isang di-pangkaraniwang maliwanag na ganap na eklipse ng araw sa Mexico at sa kalapit na mga lugar noong 1991; nagbagong takbo ng lagay ng panahon, pati ang paglamig sa mga bahagi sa Hilagang Hemispero; at ang higit pang pagkasira sa ozone layer ng lupa. O maaaring nabalitaan mo ang tungkol sa pagdami ng gutom at sakit na nakaapekto sa mga tao na inalis sa kanilang lugar dahil sa pagputok ng bulkan.

Ang Matagalang Kasunod na Resulta

Ang isa sa pinakamalubhang resulta ng pagputok ng Pinatubo, at marahil ang isa na hindi gaanong napansin ng daigdig, ay ang di-pangkaraniwang bagay na kilala bilang lahar. Gaya ng nabanggit sa panimulang parapo ng artikulong ito, ang mga lahar ay nagbunga ng katakut-takot na paghihirap sa sampu-sampung libo katao. Dahil sa mga lahar, ang mga kinalabasan ng pagputok ng Bundok Pinatubo ay hindi pa tapos. Nadarama pa rin ito hanggang sa kasalukuyan. Maaaring hindi ka mismo apektado nito, subalit sa kapaligiran ng Bundok Pinatubo, ang mga negosyo, trabaho, tahanan, buhay, at maging ang buong mga bayan ay patuloy na nalilipol. Ang maysala ay ang mga lahar ng Pinatubo.

Bagaman marami ang parang maputik na mga ilog na may napakaraming latak, kapag ang lahar ay naglalaman ng mahigit na 60 porsiyentong latak, ito’y parang umaagos na kongkreto. Ito ay maaaring maging lubhang mapangwasak. Ganito ang sabi ng A Technical Primer on Pinatubo Lahars: “Ang mga putik na ito ay napakalapot (mahigit sa doble ng lapot ng tubig) anupat ang malalaking bato, mga tangkal na punô ng bato, mga sasakyan, kongkretong mga gusali, at pati na mga tulay ay itinaas at tinangay.”

Paano ba nagsisimula ang mga lahar? Magugunita mo na ang Bundok Pinatubo ay nagbuga ng napakaraming bagay nang ito’y pumutok. Ang ilan dito ay pumailanglang sa atmospera, subalit ang karamihan nito ay nanatili sa bundok at sa kalapit na lugar bilang (bulkaniko o) pyroclastic (likha ng kilos ng bulkan) na daloy ng mga deposito. Gaano karami? Ayon sa isang ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology, 6.65 bilyong metro kubiko. Ang bulkanologo ng E.U. na si C. G. Newhall ay nagsasabing sapat na labí ang ibinuga upang “latagan ang isang apat-na-linyang daan nang paroo’t parito sa ibayo ng EU nang di-kukulanging 10 beses.” Dito, 3.45 bilyong metro kubiko ang nasa anyong maaaring maagnas​—naghihintay lamang sa ulan at tangayin ito pababa sa mas mababang lugar​—sa ganitong paraan, nalilikha ang mga lahar. Sa Pilipinas, ang mga unos at bagyo ay maaaring mangahulugan ng dagdag na problema. Ang malakas na ulan ay maaaring bumagsak sa loob ng maikling panahon, na nagbubunga ng napakaraming lahar.

Ito mismo ang nangyayari sa loob ng ilang taon. Paulit-ulit, binabad ng tubig ang mga labí ng bulkan, pinakikilos ito. Ginawang iláng ng mga lahar ang matabang lupang sinasaka at ang mga bayan ay naging mga bubong lamang ang nakikita mula sa lupa. Sa ilang kaso, ito ay nangyari sa loob ng magdamag. Libu-libong bahay ang nasira, at ang mga tao ay inalis mula sa kanilang dakong sinilangan, napilitang magsimula ng panibagong buhay sa ibang lugar. Hanggang noong pasimula ng 1995, tinangay ng mga lahar ang 63 porsiyento ng pyroclastic na mga bagay tungo sa mga kapatagan, subalit iyan ay nag-iwan pa ng 37 porsiyento sa bundok, na naghihintay lamang upang lumikha ng napakalaking kapinsalaan sa hinaharap. At ang karamihan ng 63 porsiyentong bumaba na ay nananatiling isang banta. Ang tubig mula sa malalakas na ulan ay umuuka ng mga kanal sa materyal na dati nang nakatambak sa itaas na ilog. Ito minsan pa ay nagpapangyari sa lahar na kumilos, na lalo pang nagsasapanganib sa mga buhay at ari-arian sa ibabang ilog. Noong Hulyo 1995 ang Manila Bulletin ay nag-ulat: “Siyamnapu’t isang barangay (mga nayon) . . . ang nabura sa mapa ng Gitnang Luzon, natabunan ng tone-toneladang labí ng bulkan.”

Malaking Kapahamakan Muli

Noong Sabado ng gabi, Setyembre 30, 1995, hinampas ng napakalakas na bagyong Mameng (internasyonal na kilala bilang Sybil) ang Luzon. Napakalakas na ulan ang bumuhos sa dako ng Bundok Pinatubo. Ito’y nangahulugan ng malaking kapahamakan. Kumilos na naman ang mga lahar. Nilamon nito ang anumang bagay na madaanan nito. Sa isang lugar isang dikeng pumipigil ang gumuho, inilantad ang dating tahimik na mga lugar sa lahar na naging 6 na metro ang lalim. Ang mga bahay na isang palapag ay lubusang inapawan. Ang mga tao’y nagtakbuhan sa mga bubungan upang iligtas ang kanilang buhay. Kung saan lalo nang malapot ang lahar, tinangay nito ang malalaking bato, mga sasakyan, at pati na ang mga bahay.

Ang pagbaha ay isa pang epekto ng mga lahar, yamang binago nito ang mga daan ng ilog at paagusan ng tubig. Libu-libong bahay ang naapawan ng tubig, pati na ang maraming bahay na pag-aari ng mga pamilya ng mga Saksi ni Jehova, gayundin ang maraming Kingdom Hall.

Ang iba ay mas kalunus-lunos ang dinanas. Ang isang tao ay lulubog sa isang dumadaloy na lahar o sa putik na naitambak kamakailan ng isang lahar, ginagawa nitong mahirap ang pagtakas. Pagkaraan lamang ng ilang oras o mga araw titigas ang bagay na ito upang malakaran. Paano nakatakas ang mga tao? Ang iba ay nanatili sa mga bubungan o sa mga punungkahoy sa ibabaw ng lahar hanggang maaari nang lumakad. Ang iba pa ay naglambitin o naglakad sa mga kable ng telepono, yamang gayon kataas ang inabot ng lahar. Ang ilan ay gumapang sa medyo tumigas na putik na iniwan ng lahar. Ang ilan ay namatay. Ang pamahalaan ay nagpadala ng mga helikopter sa mga lugar na lubhang nasalanta, kinukuha ang mga tao mula sa mga bubungan.​—Tingnan ang kalakip na artikulong “Kami’y Nasagip Mula sa Lahar!” para sa higit pang mga detalye.

Pinakilos ng Pag-ibig ang Iba na Tumulong

Ang mga Saksi ni Jehova ay naliligayahang malaman na bagaman maraming bahay at ilang Kingdom Hall ang nasira o malubhang napinsala, wala isa man sa kanilang Kristiyanong mga kapatid na lalaki at babae ang namatay. Maliwanag, kung gayon, malaki ang pangangailangan sa gitna niyaong mga sinalanta ng lahar o ng baha. Ang ilang Saksi ay nakaligtas na tanging ang mga damit na suot nila ang mayroon sila, na basang-basa dahil sa putik ng lahar. Paano tumugon ang mga kapuwa Kristiyano sa pangangailangan?

Ang mga elder ng kongregasyon mula sa kalapit na mga lugar ay nagsikap na alamin kung ang kanilang Kristiyanong mga kapatid ay ligtas o nangangailangan ng tulong upang lumikas. Ito’y ginawa nang may malaking kahirapan, yamang ang mga tambak na lahar ay malambot pa sa maraming lugar. Si Guillermo Tungol, isang elder sa Bacolor Congregation, ay nagsabi: “Kami’y nagtungo upang tumulong. Lumakad kami sa mga kable ng telepono upang marating ang mga kapatid.” Si Wilson Uy, isang buong-panahong ministro sa kongregasyon ding iyon, ang nagsabi pa: “Halos hindi kami makarating doon dahil kailangan naming lakaran ang tubig na hanggang dibdib ang lalim na napakabilis ng agos.” Ngunit, taglay ang pag-iingat, sila’y nakarating at natiyak nila ang kalagayan ng mga miyembro ng kongregasyon at tumulong hangga’t maaari.

Noong Lunes ng umaga, Oktubre 2, nabatid ng tanggapan ng Samahang Watch Tower ang pangangailangan. Maaari bang tumulong ang 345 boluntaryong mga manggagawa sa tanggapan? Oo! Ang pagtugon ay karaka-raka. Noong alas diyes ng umaga, ang mga manggagawa lamang na ito ay nakapag-abuloy ng halos isang tonelada ng damit para sa kanilang naghihirap na mga Kristiyanong kapatid. Ito’y ipinadala kasama ang ilang pagkain at pondong salapi sa pamamagitan ng isang trak na naghatid ng mga bagay-bagay nang araw ring iyon.

Sa loob ng mga ilang araw, ipinaalam sa mga kongregasyon sa Metro Manila ang tungkol sa pangangailangan. Mahigit na limang tonelada ng karagdagang pananamit ang agad na ipinadala, pati ng iba pang kinakailangang mga panustos. Isang Saksi mula sa Hapón ang dumadalaw sa Pilipinas noong panahon ng malaking sakuna. Kararating lamang niya mula sa Hong Kong, kung saan siya’y namili ng ilang damit para sa kaniyang sarili. Nang malaman niya ang kalagayan ng kaniyang mga kapuwa Kristiyano malapit sa Bundok Pinatubo, ibinigay niya sa kanila ang lahat ng damit na binili niya at nagbalik sa Hapón nang wala nito. Kay laking ginhawang makita ang tunay na mga Kristiyano na nagpapakita ng pag-ibig sa mga nangangailangan​—hindi lamang sa pagsasabi sa kanila na sanay nasa mabuti silang kalagayan kundi sa pamamagitan ng ‘pagbibigay sa kanila ng mga pangangailangan para sa kanilang katawan.’​—Santiago 2:16.

Kapuri-puri rin, ang bagay na hindi hinayaan ng mga Saksi ni Jehova na patamlayin ng mga pangyayaring iyon ang kanilang sigasig sa espirituwal na mga bagay. Nagpatuloy ang mga pulong Kristiyano​—sa isang kaso kahit na kung saan ang lalim ng tubig ay hanggang bukung-bukong sa loob mismo ng Kingdom Hall. Natatanto ang kahalagahan ng paghahatid ng mga mensahe ng Bibliya sa iba, ang mga Kristiyanong ito ay patuloy na nangangaral sa bahay-bahay. Ang ilan ay kailangang lumakad nang painut-inot sa tubig upang marating ang lugar kung saan sila mangangaral​—kung saan hindi gaanong baha. Dala nila ang kanilang mga damit at nagpapalit sa mas tuyong dako. Kaya kahit na ang mga Kristiyanong ito mismo ay nagdurusa, hindi nila hinayaan ito na patigilin sila sa pagpapakita ng malasakit sa iba.

Oo, ang kasunod na resulta ng Pinatubo ay higit pa kaysa matatanto ng marami. Ito’y isang kuwento na magpapatuloy pa ng ilang taon. Nagkaroon ng mga pagsisikap na kontrolin ang mga lahar, subalit kung minsan iyan ay di-abot ng kakayahan ng tao. Anong laking kagalakan nga na makita na kapag bumangon ang gayong mga kalagayan, ginagamit ito ng mga Kristiyano bilang isang pagkakataon upang ipakita ang kanilang pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa!

[Talababa]]

a Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang orihinal na ulat ng Gumising! tungkol sa pagputok, “Nang Umulan ng Buhangin,” sa labas ng Pebrero 8, 1992, mga pahina 15-17.

[Kahon/Larawan sa pahina 21]

Kung Paano Naapektuhan ng Bundok Pinatubo ang Daigdig

MINSANG ang isang pagputok ng bulkan na sinlaki ng Bundok Pinatubo ay unti-unting humupa o huminto, iyan na ang wakas nito. Tama? Hindi! Pansinin ang ilan sa nagtatagal na pangglobong mga epekto:

◼ Maaaring napansin mo ang nabubukod-tanging magagandang paglubog ng araw sa isang yugto ng panahon pagkatapos ng pagputok.

◼ Ang mga siyentipiko sa Mexico ay nagulat sa di-pangkaraniwang maliwanag na ganap na eklipse ng araw noong Hulyo 11, 1991. Ang dahilan? Ang pagputok ng Bundok Pinatubo. Ikinalat ng mga alikabok ang liwanag ng labas na bahagi ng araw na higit kaysa karaniwan.

◼ Apektado rin ang panahon. Halos tatlong buwan pagkatapos ng pagputok, iniulat na ang Tokyo, Hapón, ay tumatanggap ng wala pang 10 porsiyento ng tuwirang liwanag ng araw kaysa karaniwan. Hinadlangan ng abo mula sa bulkan ang isang bahagi ng liwanag ng araw. Ipinahiwatig ng Science News ang pagbaba ng halos 1 antas Celsius sa katamtamang temperatura sa mga bahagi ng Hilagang Hemispero.

◼ Ang isa pang epekto ay ang lumaking pinsala sa ozone layer ng lupa. Ang sulfuric acid na nasa atmospera bunga ng pagputok pati na ang gawang-tao na mga klorina, ay nagbunga ng pagliit ng ozone. Ang ozone layer ay karaniwang naglalaan ng atmosperikong pananggalang upang ipagsanggalang ang mga tao sa pagkakaroon ng kanser. Karaka-raka pagkatapos ng pagputok, ang mga antas ng ozone sa Antarctica ay bumaba sa halos sero; sa ekwador, ang antas ay bumaba ng 20 porsiyento.

◼ Ang gutom at sakit ay isa pa sa mga negatibong epekto. Ang mga taong inalis sa kanilang lugar dahil sa bulkan ay napilitang mamuhay na pansamantala sa mga sentro para sa mga nagsilikas, kung saan mabilis na kumalat ang sakit. Lalo nang malubhang naapektuhan ang mga Aeta, isang tribo ng mga taong napilitang umalis sa kanilang lupain dahil sa pagputok at itinaboy tungo sa isang kapaligirang hindi sila sanay.

[Larawan]

Mga nagsialis mula sa mga lugar na binaha o sinalanta ng lahar

[Larawan sa pahina 18]

Bahay na tinangay ng lahar

[Larawan sa pahina 18]

Dalawang-palapag na mga gusali na natabunan hanggang sa bubong

[Larawan sa pahina 18]

Karamihan ng magandang lupaing sinasaka ay naging iláng dahil sa mga lahar

[Mga larawan sa pahina 19]

Itaas: Gusali ng bangko sa Bacolor, Pampanga, ang kalahati ay natabunan ng lahar, Marso 1995

Ibaba: Ang bangko ring iyon na lubusang natabunan ng lahar, Setyembre 1995

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share