Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 6/22 p. 3-4
  • Handa Ka Na ba Para Magbakasyon?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Handa Ka Na ba Para Magbakasyon?
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang mga Bakasyon ay May Kaniyang Dako
  • Paglalakbay, Isang Edukasyon sa Ganang Sarili
  • Wastong Paghahanda
  • Masiyahan sa Bakasyon Nang Walang Pagsisisihan!
    Gumising!—1996
  • Bakit Hindi Subuking Magbakasyon sa Bahay?
    Gumising!—1990
  • Kung Paano Mo Maiiwasan ang mga Suliranin sa Pagbabakasyon
    Gumising!—1998
  • Ang Dapat Mong Ingatan
    Gumising!—1996
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 6/22 p. 3-4

Handa Ka Na ba Para Magbakasyon?

MALAPIT na ang tag-araw sa Hilagang Hemispero. Di-magtatagal at milyun-milyon ang magbabakasyon. Subalit ang mga bakasyon ay hindi lamang kung tag-araw. Ang turismo ay naging buong-taon na negosyo, na nagpapasok ng bilyun-bilyong dolyar sa bawat taon. Bagaman ang karamihan sa mga bakasyunista ay naglalakbay sa kanila mismong bansa, ang paglalakbay sa ibang bansa, noong minsa’y natatakdaan sa mayayaman, ay nagiging pangkaraniwan.

Ang bakasyon na ibinibigay ng mga maypatrabaho ay iba-iba sa bawat bansa. Noong 1979, 2 porsiyento lamang ng mga manggagawang Aleman ang tumanggap ng anim na linggong bakasyon, subalit sa ngayon ang karamihan ay tumatanggap nito. Ang katamtamang bakasyon para sa mga manggagawa sa industriya sa Kanlurang Europa ay mahigit na limang linggo.

Ang mga Bakasyon ay May Kaniyang Dako

Ang bakasyon ay orihinal na nangahulugan ng isang bagay na lubhang kakaiba sa kahulugan nito sa ngayon. Ang The New Encyclopædia Britannica ay nagsasabi: “Ang makabagong gawain ng pagbabakasyon . . . ay kabaligtaran ng kahulugan nito sa sinaunang relihiyosong kalendaryong Romano. Mahigit na 100 araw ng taon ay mga araw ng kapistahan na alay sa iba’t ibang diyos at diyosang Romano. Sa mga araw ng sagradong mga kapistahan, at sa gayo’y mga banal na araw, ang mga tao ay nagpapahinga mula sa kanilang rutinang pang-araw-araw na mga gawain. Ang mga araw na hindi itinuturing na sagrado ay tinatawag na dies vacantes, bakanteng mga araw, kung kailan nagtatrabaho ang mga tao.” Sa halip na mga araw ng trabaho, ang “bakanteng mga araw” ng makabagong panahon ay mga araw ng pahinga.

Nais tawagin ng mga Aleman ang mga bakasyon na “ang pinakamagaling na mga sanlinggo ng taon.” Sa kabilang dako naman, maaaring ituring ng mga workaholic ang “bakanteng mga araw” ngayon na bakante nga, walang makabuluhang gawain. Subalit ito ay magiging isang kalabisang pangmalas. Ang timbang na pangmalas ay tumatanggap sa karunungan ng pana-panahong pagbabakasyon mula sa normal na rutina, paggawa ng isang bagay na naiiba, at nakapagpapahingalay.

Ang positibong mga aspekto ng bakasyon ay napatunayan sa isang surbey noong 1991 ng Europeong mga manedyer ng negosyo, 78 sa bawat 100 ang nagsabi na ang mga bakasyon ay “talagang kailangan upang maiwasang masagad ang mga manedyer.” Ganap na tatlong-ikaapat ang nag-aakala na pinasusulong ng mga bakasyon ang pagtatrabaho, at mahigit na dalawang-ikatlo ang nagsabing pinauunlad ng mga bakasyon ang pagkamalikhain. Higit na makulay, 64 na porsiyento ng kababaihan at 41 porsiyento ng mga kalalakihan ang sumasang-ayon sa pangungusap na: “Maloloko ako kung wala ang regular na bakasyon.”

Paglalakbay, Isang Edukasyon sa Ganang Sarili

Ang Ingles na manggagamot at manunulat noong ikalabimpitong-siglo na si Thomas Fuller ay sumulat: “Siya na madalas maglakbay ay maraming nalalaman.” Ang paglalakbay ay nagpapangyari sa atin na makilala ang mga tao mula sa ibang lugar, matutuhan ang tungkol sa kanilang mga kaugalian at ang kanilang pamumuhay. Ang paglalakbay sa mga bansa na ang mga pamantayan ng pamumuhay ay mas mababa kaysa pamantayan sa ating bansa ay maaaring magturo sa atin na maging mapagpasalamat sa kung ano ang ating tinataglay at maaaring pumukaw sa atin ng damdamin ng empatiya sa mga tao na mas mahirap kaysa sa atin.

Kung hahayaan natin ito, maaaring ituwid ng paglalakbay ang mga maling kaisipan at bawasan ang mga maling opinyon. Ito’y nagbibigay ng pagkakataon na matutuhan mismo sa paano man ang kaunting bagong wika, matikman ang mga pagkain na makalulugod sa ating panlasa, o magdagdag sa album ng mga litrato ng ating pamilya, koleksiyon ng mga slide, o video library na may mga halimbawa ng mga kagandahan ng mga paglalang ng Diyos.

Mangyari pa, upang makinabang nang husto, higit pa kaysa paglalakbay ang dapat nating gawin. Ang turistang naglalakbay na kalahatian sa buong daigdig na basta magkukulong lamang sa otel na kasama ng kapuwa mga turista​—marami sa kanila ay mga kababayan niya​—lumangoy sa pribadong palanguyan ng otel o sa dalampasigan, at kumain ng iyon at iyunding pagkain na kinakain niya sa kanila ay kaunti ang matututuhan. Sayang! Ayon sa mga ulat, maliwanag na ang karamihan ng mga naglalakbay ay hindi nagkakaroon ng masidhing interes sa mga bansa na kanilang dinadalaw o sa mga tao roon.

Wastong Paghahanda

Si Samuel Johnson, isang manunulat ng sanaysay at makata noong ika-18 siglo, ay nagsabi na ang isang taong naglalakbay “ay dapat na magdala ng kaalaman, kung mag-uuwi siya ng kaalaman.” Kaya kung may pagkakataon kang maglakbay, maghanda para sa iyong paglalakbay. Magbasa tungkol sa iyong patutunguhan bago ka umalis. Magplano kung ano ang gusto mong makita, at magpasiya kung ano ang gusto mong gawin. Pagkatapos ay maghanda nang naaayon. Halimbawa, kung gusto mong maglakad-lakad sa tabing-dagat o maglakad sa bundok, magdala ka ng tamang sapatos at pananamit.

Huwag mong siksikin ang iyong iskedyul at sa gayo’y ilipat ang kaigtingan ng araw-araw na buhay sa iyong bakasyon. Mag-iwan ng maraming walang isinaplanong panahon para sa paggawa ng di-inaasahang mga bagay. Ang isa sa tunay na mga pakinabang ng pagbabakasyon ay ang pagkakaroon ng panahon na mag-isip at magbulay-bulay nang walang panggigipit ng mahigpit na iskedyul, nakadarama ng paglaya mula sa kaigtingan at mga pagbabawal ng pamumuhay na ayon sa mahigpit na iskedyul.

Ang kapaki-pakinabang na bakasyon ay maaari pa ngang maglakip ng pagtatrabaho nang puspusan. Ang paggawa ng isang bagay na naiiba ay karaniwang siyang susi sa isang mabuting bakasyon. Halimbawa, isang hindi nagtutubong organisasyon sa Estados Unidos na tinatawag na Volunteer Vacations ay nagsasaayos na gugulin ng mga boluntaryo ang mga bakasyon sa pagpapanatili ng pambansang mga parke o kagubatan. Isang boluntaryo ang nagsabi na siya’y nagtrabaho nang puspusan, subalit labis siyang nasiyahan dito anupat ipinasiya niyang ulitin ang karanasang ito sa susunod na taon.

Kadalasang ginagamit ng mga Saksi ni Jehova ang mga bakasyon para sa paglalakbay patungo sa Kristiyanong mga kombensiyon o upang palawakin pa ang kanilang ministeryo sa publiko. Ginagamit ng ilan ang kanilang mga bakasyon upang magtrabaho sa punong-tanggapan o sa mga pasilidad ng sangay ng mga Saksi ni Jehova sa kani-kanilang bansa, at sila’y nasisiyahan sa karanasan. Pagkatapos, marami sa kanila ang sumusulat ng mga liham ng pagpapahalaga para sa pribilehiyong ito.

Oo, ang mga bakasyon ay maaaring maging lubhang kalugud-lugod, ang pinakamagaling na mga linggo ng taon pa nga. Hindi kataka-taka na binibilang ng mga bata ang mga araw hanggang sa ito’y dumating! Gayunman, may mga bagay na kailangan mong pag-ingatan. Ipaliliwanag ito ng susunod na artikulo.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share