Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 6/22 p. 8-10
  • Masiyahan sa Bakasyon Nang Walang Pagsisisihan!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Masiyahan sa Bakasyon Nang Walang Pagsisisihan!
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Maging Timbang
  • Pagpapanatili ng Mabuting mga Kaugnayan
  • Ano ang Itinataguyod?
  • Gawing Kapaki-pakinabang na Panahon ang Bakasyon
  • Handa Ka Na ba Para Magbakasyon?
    Gumising!—1996
  • Kung Paano Mo Maiiwasan ang mga Suliranin sa Pagbabakasyon
    Gumising!—1998
  • Bakit Hindi Subuking Magbakasyon sa Bahay?
    Gumising!—1990
  • Ang Dapat Mong Ingatan
    Gumising!—1996
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 6/22 p. 8-10

Masiyahan sa Bakasyon Nang Walang Pagsisisihan!

NANG tanungin kung paano siya nasiyahan sa kaniyang pagdalaw sa isang kilalang bakasyunan, isang Amerikanong naninirahan ngayon sa Europa ang tumugon: “Maganda sana bago nagdatingan ang mga tao.” Ganiyan din ba ang nadama mo? Magkakahilerang mga otel at mga disco, marumi at siksikang tabing-dagat, at ubod ng lakas na mga radyo ay hindi isang kaayaayang idea ng sinuman na bakasyunan.

Nakalulungkot sabihin, ang mga bakasyon ay hindi laging nakatutugon sa ating mga inaasahan. Sa halip na magbigay sa atin ng panibagong lakas, iniiwan tayo nito na nangangapos ang hininga; sa halip na magbigay sa atin ng panibagong lakas, kung minsan tayo’y nakadarama na kailangan pa nating magpahinga. Kaya nga, angkop ang tanong na, Paano tayo masisiyahan sa mga bakasyon nang walang pagsisisihan?

Maging Timbang

Gaya ng mga pampalasa sa ating pagkain, ang ating mga bakasyon ay nagkakaroon ng pinakamabuting mga resulta kung gagamitin nang bahagya. Bagaman ang buhay ng sinasabing madalas maglakbay ay tila kaakit-akit, wala itong pagkakatimbang at hindi nagdudulot ng tunay na kaligayahan.

Lalo na may kaugnayan sa mga bakasyon, mahalaga ang pagkakatimbang sa paggasta ng pera. Magplanong mabuti bago umalis, at sikaping manatili sa iyong badyet. Iwasang madaya ng mga pantanging alok na ginagawa ng mga ahente sa paglalakbay na humihimok sa iyo na “masiyahan ngayon, saka na ang bayad.”

Gayundin, huwag labis-labis na pag-isipan ang posibleng mga panganib anupat nasusugpo ang masayang diwa na gumagawa sa mga bakasyon na kahali-halina. Isa pa, kasali sa tamang pagkakatimbang ang pagkilala sa pinakamalaking panganib na maaaring magpangyari sa atin na gunitain ang ating bakasyon nang may pagsisisihan. Wala itong kaugnayan sa mga aksidente, sakit, o krimen kundi, bagkus, sa personal na mga kaugnayan.

Pagpapanatili ng Mabuting mga Kaugnayan

Maaaring patibayin ng mga bakasyon na kasama ng pamilya o ng mga kaibigan ang mga buklod ng pag-ibig. Sa kabilang dako, ang mga bakasyon ay maaari ring pagmulan ng mga bitak sa isang kaugnayan, na maaaring mahirap nang ayusin sa dakong huli. Ang peryodistang si Lance Morrow ay nagsabi: “Ang tunay na panganib ng bakasyon ay nasa bagay na ang mga di-pagkakasundo ay lalong nakikita na gaya ng mga pangyayari sa isang dula. . . . Ang mga tao sa kanilang normal na buhay ay may mga trabaho, papel na ginagampanan, mga kaibigan at mga rutina upang ikalat at tanggapin ang mga damdamin. Sa madulang kalagayan ng bahay bakasyunan, ang mga usapin ng pamilya na maaaring 20 taon nang natabunan ay maaaring umahong muli na parang mga ulang.”

Kaya bago ka magbakasyon, magpasiyang gawin itong isang kasiya-siyang karanasan. Tandaan na iba-iba ang mga interes. Ang mga bata ay maaaring naghahanap ng abentura, ang mga magulang ay malamang na naghahangad ng pagpapahingalay. Maging handang talikdan ang personal na mga kagustuhan sa kung ano ang gagawin at kung saan pupunta. Kung marapat at praktikal, sumang-ayon na hayaan na gawin ng bawat isa kung ano ang lalong kawili-wili sa kaniya. Matutong ipakita ang mga katangian ng espiritu ng Diyos sa araw-araw sa buong taon, at hindi na magiging mahirap na patuloy na gawin ito sa panahon ng iyong bakasyon.​—Galacia 5:22, 23.

Bagaman ang pagpapanatili ng isang mabuting kaugnayan sa pamilya at mga kaibigan ay mahalaga, mas mahalaga pa ang ating kaugnayan sa Diyos. Sa mga bakasyon madalas na may nakikilala tayong mga taong hindi katulad ng ating Kristiyanong pangmalas tungkol sa Diyos at sa kaniyang mga kahilingan. Ang malapit na pakikisama sa kanila​—marahil madalas pa ngang pinupuntahan ang mga kahina-hinalang lugar ng libangan​—ay maaaring humantong sa pagsisisihang mga kahihinatnan. Tandaan na ang Bibliya ay nagbababala: “Huwag kayong paliligaw. Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga kinaugalian.”​—1 Corinto 15:33.

Kapag nagbabakasyon, kung mapansin mo sa iyong sarili ang pagnanais na tumakas mula sa mga pamantayan at gawaing Kristiyano, matalinong harapin ang gayong mga kahinaan at humingi ng tulong sa Diyos na labanan ang pagnanais na iyon!

Ano ang Itinataguyod?

Maaaring akalain ng mga taong hindi hinuhubog ang kanilang buhay ayon sa mga simulaing Kristiyano na kapag nagbabakasyon ay kahit ano puwede. Sa ilang bansa sa Europa, ang turismong nagtataguyod ng sekso ay isang malaking negosyo, at itinataguyod pa nga ito ng ilang ahensiya sa paglalakbay. Ang The European ay sumulat na ‘malaon nang nalalaman ang masasagwang bagay na ginagawa ng mga lalaking Europeo sa ilang bakasyunang lunsod sa Asia.’ Tinutukoy ang isang bansa sa Asia, tinataya ng magasing Aleman na Der Spiegel na hanggang 70 porsiyento ng lahat ng mga lalaking dumadalaw ay mga “turistang naghahangad ng sekso.”

Sinusunod naman ngayon ng mga turistang babae ang pangunguna ng kanilang mga katapat na lalaki. Tinataya ng isang Alemang arkiladong eruplano na pantanging nagbibiyahe sa Caribbean na 30 porsiyento ng mga pasaherong babae nito ay nagtutungo roon kung bakasyon para sa tahasang layunin ng bawal na pakikipagtalik. Sinipi ng The European ang isang peryodistang Aleman na nagsasabing: “Nakikita nila ito bilang isang madali at hindi masalimuot na paraan ng pagkakaroon ng katuwaan​—isang eksotikong laro.”

Subalit, hindi minamalas ng tunay na mga Kristiyano ang bawal na pagtatalik bilang isang kanais-nais na paraan ng pagkakaroon ng katuwaan. Nilalabag nito ang mga simulaing Kristiyano at punô ng mga panganib. Bagaman ang mga panganib ay karaniwang nakikilala, basta iniiwasan ng maraming tao ang mga kahihinatnan sa halip na itakwil ang gawaing ito. Karaniwan ang isang anunsiyo na makikita sa mga pahayagang Aleman na nagpapakita ng isang payong at dalawang bakanteng upuan sa dalampasigan. Ang pamagat ay kababasahan ng ganito: “Magkaroon ng ligtas na paglalakbay, at magbalik nang walang AIDS.”

Ang nakasusuklam na kasamang-produkto ng turismong nagtataguyod ng sekso ay ang seksuwal na pag-abuso ng mga bata. Kapansin-pansin, noong 1993 ang pamahalaang Aleman ay nagpasa ng isang batas na magpaparusa sa mga Aleman kapag nasumpungang maysala dahil sa pakikipagtalik sa mga minor de edad​—kahit na samantalang nagbabakasyon sa banyagang mga bansa. Subalit, hanggang sa ngayon kakaunti lamang ang positibong mga resulta. Ang prostitusyon sa mga bata ay naging​—at nananatiling​—isang masakit at nakababagabag na katotohanan ng lipunan ng tao.

Gawing Kapaki-pakinabang na Panahon ang Bakasyon

Ang pagbabasa, pag-aaral ng Bibliya, at pakikibahagi sa ministeryong Kristiyano ay kaayaaya, kapaki-pakinabang na mga gawain para sa tunay na mga Kristiyano. Subalit ang marami ay nagpupunyaging makasumpong ng sapat na panahon upang gawin ang mga bagay na ito sa lawak na magagawa nila. May bubuti pa bang panahon para tapusin ang isang bagay kaysa kapag ang isang tao ay nagbabakasyon, malayo sa mahigpit na mga pagbabawal na ipinatutupad ng orasan?

Oo, ang isang abala, kasiya-siyang bakasyon ay maaaring hindi magpahintulot sa iyo na itaguyod ang mga kapakanang Kristiyano sa lawak na normal na ginagawa mo. Ngunit bakit hindi mo sikaping magtabi ng ilang panahon para sa kapaki-pakinabang na espirituwal na gawain? Mag-iiwan pa rin ito ng panahon para sa pagpapahingalay. Tunay, sinamantala pa nga ng ilan ang karagdagang panahong makukuha kung panahon ng mga bakasyon na palawakin ang kanilang ministeryo. Gaya ng sabi ni Jesus, “maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.”​—Mateo 5:3.

Hindi magtatagal ikaw man ay maaaring magbakasyon. Kung gayon, tiyakin mong masisiyahan ka rito! Huwag maging labis na asiwa tungkol sa posibleng mga panganib, ngunit magsagawa ng angkop na mga pag-iingat. Tandaan ang mga mungkahi na gaya niyaong masusumpungan sa kahon sa pahinang ito. Pagkatapos, bumalik na napanariwa, nakapahinga, at sabik na gawin ang pinakamahalagang mga gawain sa buhay. Di-magtatagal, tapos na ang bakasyon, subalit ang ilan sa mahahalagang alaala nito ay mananatili magpakailanman. Anong pagkahala-halaga nga​—mga bakasyon na tinamasa nang walang pagsisisihan!

[Kahon sa pahina 10]

Ilang Tip Para sa Bakasyon

Sugpuin ang Krimen

1. Magsaayos ng isa na magbabantay ng mga bagay sa bahay.

2. Lumayo sa mga lugar na karaniwang itinuturing na mapanganib.

3. Maging alisto sa mga mandurukot, itago ang pera sa isang ligtas na dako sa iyong katawan, at iwan ang sobrang pera sa isang ligtas na lugar sa tinutuluyan mo.

4. Mag-ingat sa mga estranghero na nag-aalok ng di-kinakailangang tulong.

Iwasan ang mga Aksidente

1. Kung nagmamaneho, maging alisto, at magpahinga nang madalas.

2. Kapag tumutuloy sa mga otel o sumasakay ng eruplano, maingat na bigyang-pansin ang mga paglalaan para sa biglaang pangangailangan.

3. Pagdating, bigyan ng panahon ang katawan na makabagay bago magsagawa ng mabibigat na gawain.

4. Magkaroon ng angkop na pananamit, sapatos, at kagamitan para sa iyong mga gawain.

Manatiling Malusog

1. Hilingin ang payo ng iyong doktor tungkol sa maaaring kinakailangang mga bakuna o paggagamot.

2. Magdala ng bag para sa medisina na may kinakailangang gamot.

3. Magpahinga nang sapat, at mag-ingat sa kung ano ang iyong kinakain at iniinom.

4. Dalhin sa lahat ng panahon ang kinakailangang mga papeles tungkol sa iyong medikal na mga pangangailangan o mga kahilingan.

Panatilihing Maligaya ang mga Kaugnayan

1. Magpakita ng pag-ibig at konsiderasyon sa mga kasama mo.

2. Panatilihing mataas ang mga pamantayan para sa personal na mga pakikisama.

3. Huwag hayaan ang ibang bakasyunista na akayin ka sa mga pagkilos na itinuturing mong kahina-hinala.

4. Magtabi ng ilang panahon upang punan ang espirituwal na mga pangangailangan.

[Mga larawan sa pahina 9]

Pumili ng kapaki-pakinabang na mga gawain kapag nagbabakasyon

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share