Ang Dapat Mong Ingatan
“ANG pinakamaliwanag na layunin ng mga bakasyon ay para maiba naman, makapagpahinga, mabago ang rutina,” sulat ng peryodistang si Lance Morrow. Subalit, napansin niya na ang ilan ay umuuwi mula sa kanilang bakasyon na nasagad nang husto anupat sila’y sumusumpang “hinding-hindi na muling gagawin ito.”
Subalit, sa halip na kalimutan ang idea ng pagbabakasyon, makabubuting suriin nang patiuna ang posibleng mga patibong at gumawa ng mga hakbang upang iwasan ang mga ito.
Ingatan ang Iyong Mahahalagang Bagay
Marami ang nagbalik mula sa bakasyon upang masumpungan lamang na ang kanilang bahay ay nilooban nang sila’y wala. Kaya bago magbakasyon, hilingin sa mga kaibigan o kapitbahay na regular na tingnan ang inyong bahay. Maaari pa nga silang gumugol ng ilang panahon doon upang hindi gaanong halata na wala ka. Hilingin sa kanila na kunin ang iyong mga diyaryo at kunin ang mga sulat sa iyong busón, sapagkat wala nang iba pang nag-aanunsiyo sa iyong pagiging wala roon kaysa isang tambak ng mga diyaryo o isang busón na nakikitang punô ng hindi nakuhang mga sulat.
Kailangan mo ring ingatan ang iyong mahahalagang bagay sa iyong pinagbabakasyunan. Sa ilang bansa ang mga dayuhan ay itinuturing na mayaman, at ang bawat turista ay isang posibleng biktima ng pagnanakaw. Kaya nga, makabubuting mag-iwan ng ekstrang pera at mahahalagang papeles sa kaha-de-yero ng otel o sa iba pang ligtas na dako. Maging maingat sa mga estranghero, nang hindi naman nagiging hindi mabait.
Taun-taon ang Miami, Florida, E.U.A., ay dinadalaw ng milyun-milyong dayuhan at tagaroon na mga bakasyunista. Ang mga kriminal ay lalo nang aktibo sa gayong mga dako ng turista. Ang magasing Time ay nag-ulat na noong 1992, “sa Florida lamang, 36,766 na mga bisita, dayuhan at tagaroon, ang pinaslang, hinalay, pinagnakawan o kaya’y biniktima.”
Kapag nagbabakasyon, mag-ingat lalo na sa mga mandurukot. Dapat na itago ng mga lalaki ang kanilang pitaka sa isang hindi halata at protektadong dako, gaya sa panloob na bulsa ng kanilang dyaket o sa kanilang bulsa sa harap ng pantalon. Kadalasang itinatago ng may karanasang mga naglalakbay ang pera sa mahuhusay na paraan sa kanilang katawan. Halimbawa, dinadala ng ilan ang kanilang pera, pasaporte, at mga visa sa isang maliit, lapad na lukbutan na nakatali sa kanilang leeg at nakasuksok sa ilalim ng kanilang damit. Ang mga babae ay dapat na maging maingat upang huwag mahablot ng mga nakasakay sa bisikleta o motorsiklo ang mga bag na hindi mahigpit sa kanilang pagkakahawak.
Ang mga kriminal ay patuloy na nakasusumpong ng bagong mga paraan upang silain ang mga turista. Sa malalayong-distansiyang express na mga tren, ang natutulog na mga pasahero sa Europeong mga bansa ay napagnanakawan sa gabi. Isang pampatulog ang maaaring pasingawin sa mga silid upang matiyak na ang mga naroroon ay hindi magising samantalang hinahalungkat ang kanilang mga gamit. Noong minsan, ayon sa The European, “ang mga magnanakaw ay inakalang marahang nanaog ng tren na tangay-tangay ang mahigit na $845,000 [sa] pera at ninakaw na mga bagay.”
Iwasan ang mga Aksidente
“Ang tanging lunas ko sa problema ng karaniwang mga aksidente,” sabi ng mapagpatawang si Robert Benchley, “ay manatili sa kama maghapon.” Subalit pagkatapos ay isinusog niya: “Magkagayon man, nariyan lagi ang tsansang ikaw ay mahulog.” Sa katunayan, ang mga aksidente ay nangyayari sa lahat ng dako! Kaya ang takot na dumanas ng isang aksidente samantalang nasa bakasyon ay hindi dapat tumakot sa iyo na magkulong sa bahay. Subalit may pantanging dahilan para mag-ingat kapag nagbabakasyon.
Ang mga kalagayan sa trapiko ay maaaring maging mapandaya kung panahon ng bakasyon. Ang mga Aleman ay nasanay na sa 80-kilometrong-haba ng buhul-buhol na trapiko sa gayong mga panahon. Ang magasing Time ng Agosto 14, 1989, ay nagsabi: “Noong nakaraang linggo sa Europa, milyun-milyong pamilya ang nagsimula sa kanilang tradisyunal na bakasyon ng Agosto—at isang nakatatakot at nakapapagod na panahon ang naranasan ng lahat. . . . Halos lahat ng pangunahing haywey sa labas ng Paris ay barado at hindi kumikilos. . . . Sa pagitan ng Hulyo 28 at Agos. 1, 102 katao ang namatay sa mga banggaan sa haywey.” Kaya nga, matalinong gumawa ng maiikling paghinto upang mapahingalay ang pagod nang mga nerbiyo dahil sa hinto-lakad na trapiko.
Ang The European ay nag-ulat ng isang payo na “iantala [ng mga motorista] ang kanilang paglalakbay hanggang sa Linggo—o magbiyahe sa gabi.” Subalit inamin nito na karamihan ng mga bakasyunista “ay iginigiit pa rin ang pag-alis sa iisang panahon.” Ang resulta? Buhul-buhol ang trapiko sa Europa. Bagaman matalinong magbiyahe kapag ang mga daan ay hindi gaanong siksikan, huwag mong kaligtaan ang bagay na ang pagbibiyahe sa gabi ay maaaring maging mapanganib. Ang isang tao ay hindi gaanong nakakakita sa gabi, kaya nariyan ang higit na tsansa ng mga aksidente. Maaaring mas mabuting magbiyahe sa madaling-araw.
Huwag waling-bahala ang iba pang posibleng pinagmumulan ng aksidente pagdating sa iyong patutunguhang bakasyon. Kung ang iyong mga kalamnan ay napahinga sa kalakhang bahagi ng taon, ito’y maghihimagsik kapag pinilit na maglingkod nang walang tamang pagkondisyon. Kaya takdaan ang mga gawain sa isports sa unang ilang mga araw, kung kailan ang iyong katawan ay maaaring malamang na mapinsala.
Manatiling Malusog
Ayon sa aklat na 2,000 Everyday Health Tips for Better Health and Happiness, “ang pinakakaraniwang problema na nakakaharap ng mga naglalakbay sa mga pagbibiyahe sa ibang bansa ay nakasentro sa pagkain, tubig at ilang nakahahawang sakit.” Ang mga ahente sa paglalakbay ay maaaring magbigay ng payo kung paano iiwasan ang gayong mga problema, at makabubuting sundin ang kanilang mga mungkahi.
Sa maraming lugar mahalagang iwasan ang pag-inom ng tubig sa gripo. At tandaan, ang mga ice cube ay malamang na galing din sa tubig na iyon. Makabubuti ring iwasan ang pagkain ng madahong mga gulay, mayonesa, mga pagkaing may krema, hilaw o bahagya ang pagkakaluto na karne, lamang-dagat, at sariwang prutas, malibang ikaw mismo ang magbabalat nito. Sa mga Tropiko, dapat pakuluan ang sariwang gatas bago inumin ito.
Ang pangunahing pinagmumulan ng panganib sa bahagyang nadaramtang mga bakasyunista ay ang araw, at nitong nakalipas na mga taon ang panganib ay lubhang dumami dahil sa pag-unti ng ozone sa atmospera. Ang bilang ng bagong mga kaso ng nakamamatay na melanoma, ang pinakanakamamatay na anyo ng kanser sa balat, ay dumoble sa Estados Unidos sa pagitan ng 1980 at 1993. May nakitang mga T-shirt sa Australia na may mga nakasulat na sawikaing “SLIP! SLOP! SLAP!” (Magsuot ng kamiseta, magpahid ng sunscreen, at magsuot ng sumbrero.) Subalit huwag kang kasisiguro. Ang mga sunscreen ay tinatablan din.
Ang pagbibiyahe sakay ng eruplano na tumatawid ng ilang sona ng oras ay maaaring pagmulan ng jet lag. Bagaman hindi ito isang sakit sa ganang sarili, ang jet lag ay maaaring makaligalig sa mabuting pangangatawan ng tao, lalo na kung ang isa ay hindi malusog. Ang isang pag-aaral na isinagawa sa mga nagbibiyahe sakay ng eruplano sa pagitan ng London at San Francisco, isang walong-oras na pagkakaiba sa oras, ay nagsisiwalat na ang “pisyolohikong pakikibagay . . . ay nangangailangan ng hindi kukulanging pito hanggang sampung araw.” Ang aklat na The Body Machine ay nag-uulat din na ang ilang naglalakbay na mabilis na tumatawid ng ilang sona ng oras ay may “hilig na maging di-masalita, atubili at malamang na magkamali. Ang pagtutuon ng isip at memorya ay humihina rin.”a
Isa pa, ang paglalakbay sakay ng jet ay nagpapangyari rin na mabilis kumalat ang sakit mula sa isang kontinente tungo sa isang kontinente sa loob lamang ng ilang oras. Ang pahayagang Aleman na Nassauische Neue Presse ay nagsabi: “Ang mga doktor ay lalo nang nag-aalala tungkol sa ‘kakaibang’ mga sakit na gaya ng malarya o hepatitis na naiuuwi ng mga bakasyunista mula sa Aprika, Asia, o Timog Amerika. Taun-taon halos 2,000 Aleman ang umuuwi na may malarya.” Pagkatapos ng bubonic plague na naging sanhi ng mga kamatayan sa India noong 1994, ang mahihigpit na hakbang na panlaban dito ay isinagawa upang huwag itong kumalat sa ibang bansa.
Ang mga tao na may talamak na mga suliranin sa kalusugan, gayundin ang mga babaing nagdadalang-tao, ay dapat na magsagawa ng ekstrang pag-iingat kapag naglalakbay. Bagaman sa karamihan ng mga kaso walang mapuwersang dahilan para sa mga iyon na huwag maglakbay, dapat nilang hingin ang payo ng kanilang doktor nang patiuna. Makabubuti para sa lahat ng nagbibiyahe na magdala ng pangalan, direksiyon, at numero ng telepono ng isang kaibigan o kamag-anak na maaaring maabot sakaling may biglaang pangangailangan.
Dapat isaisip ng isang taong nangangailangan ng regular na mga iniksiyon ng insulin upang panatilihing matatag ang kaniyang antas ng asukal sa dugo na ang pagtawid ng ilang sona ng oras ay sisira sa kaniyang maingat na iskedyul ng mga pagkain at mga iniksiyon. Kakailanganin niyang magplano nang naaayon. O dapat tiyakin ng isang naglalakbay na may pacemaker sa puso na taglay niya ang numero ng telepono ng kaniyang espesyalista sa puso.
Bukod pa riyan, nanaisin ng sinumang dumedepende sa isang paggagamot na ilagay ito sa kaniyang dala-dalahan sapagkat ang bagaheng nawala o nagkamali ang direksiyon ay maaaring maging kapaha-pahamak. Ang hindi pagpapalit ng damit sa loob ng ilang araw ay maaaring maging hindi kanais-nais; ang hindi pag-inom ng kinakailangang gamot sa loob ng ilang oras ay maaaring magsapanganib sa buhay.
Ang mga panganib ng paglalakbay kung bakasyon ay hindi dapat maliitin. Subalit, bihirang may mabuting dahilan upang hayaang takutin ka na manatili sa bahay. Maging maingat lamang. Tandaan: Ang tamang paghahanda ay tumutulong upang labanan ang posibleng mga panganib. Sundin ang matalinong payo: “Ang maingat na tao ay nakikita ang panganib at nanganganlong; ngunit ang mangmang na tao’y pumaparoon at nagdurusa.”—Kawikaan 22:3, The New English Bible.
[Talababa]
a Para sa mga tip sa kung ano ang gagawin tungkol sa jet lag, tingnan ang Awake!, Hunyo 8, 1986, mga pahina 19-21.
[Larawan sa pahina 7]
Kapag nagbabakasyon, maging maingat sa kung ano ang kinakain mo