Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 7/8 p. 4-7
  • Mga Pader na Humahadlang sa Komunikasyon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Pader na Humahadlang sa Komunikasyon
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Paano Naiimpluwensiyahan ng Kultura Kung Sino Tayo
  • ‘Ang Aming Paraan ang Pinakamagaling!’
  • Pinalalawak ang Ating Pangmalas
  • Paggiba sa mga Pader Upang Magtayo ng mga Tulay
    Gumising!—1996
  • Lokal na mga Kultura at mga Simulaing Kristiyano—Nagkakasuwato ba ang mga Ito?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Mga Dayuhan—Paano Sila Magtatagumpay?
    Gumising!—1992
  • Naiipit Ako sa Magkaibang Kultura​—Ano ang Gagawin Ko?
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 1
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 7/8 p. 4-7

Mga Pader na Humahadlang sa Komunikasyon

SI Robert ay isang misyonero ng Watch Tower na nakatira sa Sierra Leone, Kanlurang Aprika. Isang araw pagdating niya sa bansa, habang naglalakad siya sa daan, napansin niya na ang mga bata roon ay kumakanta: “Taong puti! Taong puti!” Si Robert, na isang Amerikanong itim, ay tumingin sa paligid at naghanap ng taong puti, subalit wala namang tao roon. Saka niya natanto na ipinatutungkol ng mga bata ang kanilang mga sigaw sa kaniya!

Wala namang masamang hangarin sa kanilang pagkanta. Ipinahahayag lamang ng mga bata ang pagkilala nila na si Robert ay mula sa isang kultura na naiiba sa kanilang kultura. Ang pagtawag kay Robert na taong puti ang pinakamahusay na paraan na naiisip nila upang ipahayag ang pagkakaibang iyon.

Kung Paano Naiimpluwensiyahan ng Kultura Kung Sino Tayo

Ang kultura ay malawakang binibigyan-kahulugan bilang “isang kalipunan ng mga idea, . . . mga kaugalian, paniniwala, at kaalaman na nagpapakilala ng isang paraan ng pamumuhay.” Marami tayong natututuhang pagpapahalagang pangkultura sa pamamagitan ng tuwirang pagtuturo, subalit marami rin tayong natatanggap nang hindi pa nga natin ito namamalayan. Ganito ang sabi ng isang mananaliksik: “Mula sa sandali ng pagsilang ng [isang bata] ang mga kaugalian kung saan siya isinilang ay humuhubog sa kaniyang karanasan at paggawi. Sa panahong nakapagsasalita na siya, siya ay isang paslit na nilalang ng kaniyang kultura, at sa panahon na siya’y malaki na at kaya nang makibahagi sa mga gawain nito, ang mga ugali nito ay kaniyang mga ugali, ang mga paniwala nito ay kaniyang mga paniwala, ang mga imposibilidad nito ay kaniyang mga imposibilidad.”

Sa maraming paraan mas pinadadali ng kultura ang buhay para sa atin. Bilang mga bata madali tayong natututo kung paano palulugdan ang ating mga magulang. Ang pagkaalam ng kung ano ang kanais-nais sa ating lipunan at kung ano ang hindi ay pumapatnubay sa atin sa pagpapasiya kung paano tayo kikilos, kung ano ang isusuot, at kung paano makikitungo sa iba.

Mangyari pa, kung ano tayo bilang mga indibiduwal ay hindi lamang depende sa ating pinagmulang kultura. Sa bawat kultura ay may pagkakaiba-iba ang mga tao. Kung sino tayo ay tinitiyak din ng genetics, ng ating mga karanasan sa buhay, at ng maraming iba pang salik. Gayunman, ang kultura ay isang lente na sa pamamagitan nito ay nakikita natin ang daigdig.

Halimbawa, ang ating kultura ay nagpapasiya hindi lamang sa wika na ating sinasalita kundi kung paano natin sinasalita ito. Sa mga lugar sa Gitnang Silangan, pinahahalagahan ng mga tao ang kakayahang ipahayag ang kanilang sarili nang may kahusayan sa pamamagitan ng maraming salita, ginagamit ang pag-uulit at patalinghagang pananalita. Kabaligtaran nito, ang mga tao sa ilang bansa sa Dulong Silangan ay hindi gaanong masalita. Ganito ipinababanaag ng isang kasabihang Hapones ang pangmalas na ito: “Ikaw ay maglalaho sa pamamagitan ng iyong bibig.”

Inuugitan ng ating kultura kung paano natin minamalas ang panahon. Sa Switzerland kung ikaw ay huli ng sampung minuto sa isang tipanan, ikaw ay inaasahang humingi ng paumanhin. Sa ibang bansa naman maaari kang mahuli ng isa o dalawang oras at hindi gaanong inaasahang humingi ng paumanhin.

Tinuturuan din tayo ng ating kultura ng mga pamantayan. Isip-isipin kung ano ang madarama mo kung may magsabi sa iyo na: “Tumataba ka yata. Talagang tumataba ka!” Kung ikaw ay lumaki sa isang kulturang Aprikano kung saan ang malaki ay pinahahalagahan, malamang na ikaw ay matuwa sa pagbating iyon. Subalit kung ikaw ay lumaki sa isang Kanluraning kultura kung saan ang pagiging balingkinitan ay lubhang pinahahalagahan, ang prangkang komento ay malamang na makabalisa sa iyo.

‘Ang Aming Paraan ang Pinakamagaling!’

Ang madalas na humahadlang sa komunikasyon sa pagitan niyaong may magkaibang kultura ay na wari bang ipinalalagay ng mga tao saanman na ang kanila mismong kultura ay nakahihigit. Karamihan sa atin ay nag-aakala na ang ating mga paniwala, pagpapahalaga, tradisyon, istilo ng pananamit, at mga idea tungkol sa kagandahan ang tama, wasto, at mas mabuti kaysa anumang mapagpipilian. May hilig din tayong hatulan ang ibang kultura ayon sa mga pagpapahalaga ng atin mismong pangkat. Ang gayong pag-iisip ay tinatawag na ethnocentrism. Ganito ang sabi ng The New Encyclopædia Britannica: “Ang ethnocentrism . . . ay masasabing halos nasa lahat ng lugar. Itinuturing ng mga miyembro ng halos lahat ng kultura ng daigdig ang kanilang sariling paraan ng pamumuhay na nakahihigit kahit na sa mga kapuwa na may malapít na kaugnayan.”

Dalawang daang taon ang nakalipas, isang Ingles na squire ang tahasang nagsabi ng ganito: “[Sa] nakikita ko, ang mga dayuhan ay mga mangmang.” Ang editor ng aklat ng mga sinipi kung saan lumitaw ang mga salitang ito ay sumulat: “[Ito] ay malamang na isang damdamin na totoo sa lahat na kailanma’y nasabi.”

Sagana ang mga halimbawa ng hindi pagpaparaya sa mga kabilang sa ibang kultura. Bagaman orihinal na isinulat ng isang nobelistang Aleman noong mga taon ng 1930, ang sumusunod na sinipi ay kadalasang ipinalalagay na mula sa lider ng Nazi na si Hermann Göring: “Kapag naririnig ko ang salitang kultura, inaabot ko ang aking rebolber.”

Ang matinding mga palagay tungkol sa kahigitan ng lahi ay maaaring humantong sa pagtatangi, na maaaring humantong sa pagkapoot at alitan. Si Richard Goldstone ang piskal para sa International Criminal Tribunal na nag-iimbestiga ng mga krimen sa digmaan sa Rwanda at dating Yugoslavia. Tungkol sa kalupitang ginawa sa dalawang labanang ito, ganito ang sabi niya: “Ang bagay na ito ay maaaring mangyari saanman. Narito ang dalawang magkahiwalay na mga bansa na may magkaibang mga kultura at kasaysayan, subalit magkatulad na mga kalupitan [ang] ginawa ng kapuwa laban sa kapuwa. Ang uring ito ng napakalupit na digmaan ng lahi o relihiyon ay pagtatangi lamang na pinasidhi anupat humantong sa karahasan. Ang grupong nabiktima ay hindi dapat ituring na mga tao o mga inalihan ng demonyo. Minsang magawa ito, ang karaniwang tao ay napalalaya mula sa moral na mga pagbabawal na likas na humahadlang sa kanila [sa] paggawa ng gayong kakila-kilabot na mga bagay.”

Pinalalawak ang Ating Pangmalas

Karaniwan nang ang mga taong ating pinipiling maging ating mga kaibigan ay yaong kagaya natin, mga taong may mga saloobin at mga pagpapahalaga na katulad sa atin. Ating pinagkakatiwalaan at inuunawa sila. Hindi tayo asiwa kapag kasama sila. Kung mamalasin natin ang ugali ng isang tao na kakatuwa o di-normal, malamang na sumang-ayon sa atin ang ating mga kaibigan sapagkat ang ating mga pinapanigan ay siya ring pinapanigan ng ating mga kaibigan.

Ano, kung gayon, ang matatamo natin sa pakikipag-usap sa iba na naiiba sa atin dahil sa pinagmulang kultura? Sa isang bagay, ang mabuting komunikasyon ay tutulong sa atin na maunawaan ang mga dahilan kung bakit ang iba ay nag-iisip at kumikilos ng gayon. Si Kunle, isang taga-Kanlurang Aprika, ay nagsasabi: “Maraming bata sa Aprika ang mahigpit na pinagbawalang magsalita sa panahon ng pagkain. Gayunman, sa ilang bansa sa Europa, ang pag-uusap sa panahon ng pagkain ay hinihimok. Ano ang nangyayari kapag ang Europeo ay nakikikain na kasama ng Aprikano? Nagtataka ang Europeo kung bakit parang tahimik na nagmumukmok ang Aprikano sa kaniyang pagkain. Samantala, nagtataka naman ang Aprikano kung bakit ang Europeo ay nagdadadaldal na parang ibon!” Maliwanag, sa gayong mga kalagayan, ang pag-unawa sa pinagmulang kultura ng bawat isa ay malaki ang magagawa upang alisin ang pagtatanging panlipunan.

Habang nakikilala natin ang mga tao ng ibang kultura, hindi lamang natin napasusulong ang ating pagkaunawa sa iba kundi higit din nating nauunawaan ang ating mga sarili. Isang antropologo ang sumulat: “Ang huling bagay na matutuklasan ng isang tumatahan sa kalaliman ng dagat ay ang tubig. Malalaman lamang niya ang pag-iral nito kung isang aksidente ang magdadala sa kaniya sa ibabaw ng tubig at ipakikilala sa kaniya ang hangin. . . . Ang kakayahang makita ang mismong kultura ng isa sa kabuuan . . . ay humihiling ng isang antas ng pagiging makatotohanan na bihirang matamo.” Gayunman, sa paghahantad ng ating mga sarili sa ibang kultura, tayo’y tulad ng naninirahan sa dagat na ipinakilala sa hangin; nagkaroon tayo ng kabatiran tungkol sa kultural na “mga tubig” na pinamumuhayan natin. Ganito may kagandahang ipinahahayag ng manunulat na si Thomas Abercrombie ang bagay na ito: “Ang isa na hindi kailanman naakit ng isang banyagang kultura ay hindi kailanman mapahahalagahan ang mga pagbabawal ng kaniya mismong kultura.”

Sa maikli, ang pagpapahalaga sa mga kultura ng iba ay maaaring magpayaman sa ating buhay sa pamamagitan ng pagpapalawak ng ating pangmalas, anupat higit nating nauunawaan kapuwa ang ating mga sarili at ang iba. Bagaman ang kultural na pamana at ang pag-iisip na nakahihigit ang iyong lahi ay maaaring maging mga pader na humahadlang sa pakikipagtalastasan, hindi naman ito kailangang maging gayon. Maaaring gibain ang mga pader na iyon.

[Blurb sa pahina 6]

“Itinuturing ng mga miyembro ng halos lahat ng kultura ng daigdig ang kanilang sariling paraan ng pamumuhay na nakahihigit kahit na sa mga kapuwa na may malapít na kaugnayan.”​—The New Encyclopædia Britannica

[Larawan sa pahina 7]

Maaari nating matutuhang tamasahin ang mabubuting bagay ng ibang kultura

[Picture Credit Line sa pahina 6]

Globo: Mountain High Maps® Copyright © 1995 Digital Wisdom, Inc.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share