Kalayaan sa Pananalita—Inaabuso ba Ito?
ANG pinto sa ika-21 siglo ay malapit nang magbukas. Walang alinlangang ang bagong dantaon ay magdadala ng bagong mga pag-asa, mithiin, saloobing moral, mga idea ng kahanga-hangang mga teknolohiya, at mga kahilingan para sa higit pang kalayaan. Ang dating mga pangmalas ng mga pamahalaan, relihiyon, at mga tao ay nagbibigay-daan sa bagong mga hangarin at mga kahilingan. Sa maraming dako may mapilit na kahilingan na alisin ang umiiral na mga paghihigpit sa kalayaan sa pananalita at pagpapahayag, anuman ang mga kahihinatnan!
Ang dating hindi sinasang-ayunan at ipinagbabawal ng mga brodkaster at mga sensor sa radyo at telebisyon—ang malaswang pananalita at pornograpikong mga eksena at mga kilos—ay pangkaraniwan na lamang ngayon sa maraming bansa, itinuturing na kanais-nais sa ilalim ng pagkukunwari ng karapatan sa kalayaan sa pananalita!
Yaong mga bihasa sa paggamit ng mga computer, kapuwa ang mga adulto at mga bata, ay makapaghahatid ngayon ng detalyadong mga larawan ng mahalay na mga pagtatalik sa ibang kontinente sa loob lamang ng mga segundo at makipag-usap sa kilalang mga maysala sa sekso at mga seksuwal na nagsasamantala sa mga bata na humihingi ng mga pangalan at mga direksiyon para sa lihim na pagtatagpo. Ang musika na may mga liriko na nagpapahiwatig at humihimok ng pagpapatiwakal at pagpaslang sa mga magulang, pulis, at mga opisyal ng pamahalaan ay araw-araw na naririnig ngayon sa radyo at telebisyon o sa mga rekording na pinatutugtog ng mga bata.
Bihira sa mga ito na humihiling ng walang-takdang kalayaan sa pananalita ang tututol kay Hukom Oliver Wendell Holmes, Jr., ng Korte Suprema, na sa nakalipas na mahigit na kalahating siglo ay sumulat ng isang bantog at mahalagang desisyon tungkol sa kalayaan sa pananalita: “Ang pinakamahigpit na proteksiyon sa malayang pananalita ay hindi magbibigay sa isang tao ng karapatan na mapanlinlang na sumigaw ng sunog sa loob ng sinehan at maging dahilan ng pagkataranta.” Ang resultang kahihinatnan ng gayong pagkilos ay maliwanag. Kaya, anong laking kawalan ng katuwiran nga para sa mga iyon na magkaroon ng kaunti o walang pagpapahalaga sa kasunod na pangungusap ng desisyon ding iyon at may katigasan ng ulong sumuway rito. “Ang usapin sa bawat kaso,” sabi ni Holmes, “ay kung baga ang mga salitang ginamit ay ginagamit sa gayong mga kalagayan at may gayong katangian upang lumikha ng isang maliwanag at umiiral na panganib na ang mga ito ay magdudulot ng kasamaan anupat ang Kongreso ay may karapatang humadlang.”
Pornograpya sa Computer
“Ang sekso ay nasa lahat ng dako sa ngayon,” ulat ng magasing Time, “sa mga aklat, magasin, pelikula, telebisyon, mga video ng musika at sa mga anunsiyo ng pabango sa mga paradahan ng bus. Ito’y inililimbag sa mga tarhetang may kinalaman sa pornograpya na matatawagan sa telepono at inilalagay sa ilalim ng mga wiper sa harap na salamin ng kotse. . . . Karamihan sa mga Amerikano ay nahirati na sa hayagang pagtatanghal ng erotisismo—at ang mga argumento sa kung bakit ito nagtatamasa ng pantanging katayuan sa ilalim ng Unang Susog [kalayaan sa pananalita]—anupat hindi nila napapansin na naroroon ito.” Subalit, may isang bagay tungkol sa kombinasyon ng lantarang sekso at mga computer na nagpangyari ng bagong aspekto at kahulugan sa salitang “pornograpya.” Ito’y naging popular, malaganap, at kalat sa buong daigdig.
Ayon sa isang pagsusuri, ang mga sumususkribe sa pang-adultong computer bulletin-board systems, (mga sistema ng computer kung saan ang mga mensahe ay iniimbak at maaaring kunin ng mga tao sa pamamagitan ng computer at telepono) na handang magbayad ng buwanang bayad na mula $10 hanggang $30, ay nasumpungan sa “mahigit na 2,000 lunsod sa lahat ng 50 estado at sa 40 bansa, teritoryo at mga lalawigan sa buong daigdig—pati na sa ilang bansa na gaya ng Tsina, kung saan ang pagtataglay ng pornograpya ay maaaring parusahan ng kamatayan.”
Inilarawan ng magasing Time ang isang uri ng pornograpya sa computer bilang “isang sisidlan ng ‘lisyang’ mga bagay na kinabibilangan ng mga larawan ng mga nakagapos upang magkamit ng seksuwal na kasiyahan, kasiyahan sa pisikal at mental na pananakit, pag-ihi, pagdumi, at pagtatalik sa isang kamalig na punô ng hayop.” Ang paglitaw ng mga bagay na tulad nito sa isang pampublikong network ng computer, na makukuha ng mga lalaki, babae, at ng mga bata sa buong daigdig, ay nagbabangon ng seryosong mga tanong tungkol sa pag-abuso ng kalayaan sa pananalita.
“Minsang mabuksan ng mga bata sa computer,” sabi ng isang pahayagang Britano, “ang pornograpyang naglalarawan ng detalyadong pagtatalik ay hindi natatakdaan sa mga bilihan ng mga babasahin na mahirap makuha ng mga bata, ito ay maaaring makuha ng sinumang bata, at iyan ay nangangahulugan sa loob mismo ng kanilang silid-tulugan.” Hinuhulaang 47 porsiyento ng lahat ng tahanang Britano na may mga computer ay mauugnay sa mga network ng computer sa pagtatapos ng 1996. “Maraming Britanong magulang ang hindi pamilyar sa makabagong teknolohiyang daigdig na pinamumuhayan ng kanilang mga anak. Sa nakalipas na 18 buwan ang ‘pagbasa ng pangglobong impormasyon sa Net’ ay naging isa sa pinakapopular na libangan ng mga tin-edyer,” sabi ng pahayagan.
Si Kathleen Mahoney, isang propesora ng batas sa University of Calgary, Canada, at isang dalubhasa sa legal na mga usapin may kinalaman sa pornograpya, ay nagsabi: “Dapat mabatid ng publiko na isang lubusang di-masupil na paraan ng paghahatid ng impormasyon ang umiiral kung saan ang mga bata ay maaaring maabuso at mapagsamantalahan.” Isang opisyal ng pulisya sa Canada ang nagsabi: “Maliwanag ang mga palatandaan na abot-tanaw na ang mabilis na pagdami ng mga kaso ng pornograpya sa mga bata na nauugnay sa computer.” Iginigiit ng maraming grupo na nagpapayo sa pamilya na ang pornograpya sa computer na nakikita ng mga bata at ang impluwensiya nito sa kanila ay “nagpapakita ng isang maliwanag at umiiral na panganib.”
Iba-Ibang Opinyon
Galit na galit ang mga nagtataguyod ng mga kalayaang sibil sa anumang pagsisikap ng Kongreso na higpitan ang gayong mga bagay na gaya ng pornograpya sa computer, kasuwato ng pasiya ni Hukom Holmes at ng Korte Suprema ng E.U. “Isa itong hayagang pagsalakay sa Unang Susog,” sabi ng isang propesor sa batas sa Harvard. Tinuya ito maging ng beteranong mga piskal, sabi ng magasing Time. “Hindi ito papasa sa masusing pagsusuri kahit sa korte na dumirinig ng maliit na paglabag sa batas,” sabi ng isa. “Ito’y pagsensura ng pamahalaan,” sabi ng isang opisyal ng Electronic Privacy Information Center. “Ang Unang Susog ay dapat ding ikapit sa Internet,” sabi niya na sinipi ng Time. “Maliwanag na ito’y isang paglabag sa kalayaan sa pananalita,” pahayag ng isang kongresista sa E.U., “at ito’y isang paglabag sa karapatan ng mga adulto na makipagtalastasan sa isa’t isa.”
Isang propesor sa New York Law School ang nangangatuwiran na may pakinabang sa iba’t ibang paraan tungkol sa sekso, na hindi na sakop ng mga karapatang sibil at malayang pananalita. “Ang pagtatalik na nakikita sa Internet ay maaari pa ngang maging mabuti para sa mga kabataan,” ulat ng Time tungkol sa kaniyang palagay. “Ang [cyberspace o daigdig ng computer] ay isang ligtas na dako na doon magagalugad ang ipinagbabawal at ang bawal . . . Nag-aalok ito ng posibilidad para sa totoo, hindi nahihiyang mga pag-uusap tungkol sa tamang-tama gayundin sa guniguning mga larawan ng pagtatalik,” sabi niya.
Napukaw rin ang galit ng maraming kabataan, lalo na ang mga estudyante sa unibersidad, sa anumang mga paghihigpit tungkol sa pornograpya sa mga network ng computer. Ang ilan ay nagmartsa bilang pagtutol sa itinuturing nilang isang pagbabawas sa kanilang mga karapatan sa kalayaan sa pananalita. Bagaman hindi gaya sa isang estudyante, isang opinyon na sinipi sa The New York Times ay walang alinlangang sumasang-ayon sa mga damdamin ng marami na tumututol sa anumang mungkahi na magbabawal sa pornograpya sa mga computer: “May hinala akong ito’y pagtatawanan ng mga gumagamit ng Internet sa bansang ito at hindi papansinin, at kung para sa iba pang gumagamit ng Internet sa daigdig, gagawin nitong isang katatawanan ang Estados Unidos.”
Sa pag-uulat ng isang pangungusap mula sa isang opisyal ng isang pangkat para sa mga kalayaang sibil, ganito ang komento ng U.S.News & World Report: “Ang cyberspace [mga network ng computer] ay maaaring magbigay ng higit na kapangyarihan sa kalayaan sa pananalita kaysa ibinibigay ng Unang Susog. Tunay, malamang na ito’y ‘literal na naging imposible na para sa isang pamahalaan na patikumin ang bibig ng mga tao.’ ”
Sa Canada ang mga labanan ay nagngangalit sa kung ano ang maaaring lumabag sa mga paglalaan sa kalayaan sa pagpapahayag na nasa Karta ng mga Karapatan at mga Kalayaan. Pinag-aaresto ang mga dalubsining na ang mga pinta ay pumukaw sa galit ng mga kritiko at ng pulisya, na inuri ang mga ito na “malaswa.” Ang mga dalubsining at mga tagapagtaguyod ng malayang-pananalita ay nagkaisa upang tutulan at batikusin ang mga pag-aresto bilang isang panghihimasok sa kanilang kalayaan sa pananalita. Nito lamang nakalipas na mga dalawang taon, ang pornograpikong mga videotape ay laging sinasamsam ng pulisya sa ilalim ng batas laban sa kalaswaan sa Canada, at ang mga kaso ay nilitis at nahatulan ang mga negosyante na nagbenta nito.
Subalit, ang lahat ng iyan ay nagbago noong 1992 nang ipasiya ng Korte Suprema ng Canada sa isang mahalagang kaso na ang gayong mga produkto ay iniingatan mula sa pag-uusig dahil sa garantiya ng kalayaan sa pagpapahayag na nasa Karta ng mga Karapatan at mga Kalayaan. Ang pasiya ng hukuman “ay nagdala ng kapansin-pansing pagbabago sa lipunan ng Canada,” sulat ng magasing Maclean’s. “Sa maraming lunsod karaniwan na ngayon na makakita sa mga tindahan sa kanto ng pornograpikong mga magasin at mga video na detalyadong naglalarawan ng mga pagtatalik,” sabi ng magasin. Kahit na yaong mga ipinagbabawal ng hukuman ay nakukuha pa rin ng mga mamimili.
“Alam ko na kung pumasok ka roon ay makasusumpong ka ng mga bagay na labag sa batas,” sabi ng isang opisyal ng pulisya. “Iyan marahil ang bagay na maaari naming kasuhan. Ngunit . . . wala kaming panahon.” Wala rin silang garantiya na ang mga paratang ay maaaring ituring na kapani-paniwala. Sa panahong ito na maluwag sa moral, ang pansin ay ipinatutungkol sa walang-takdang personal na kalayaan, at ang mga hukuman ay kadalasang naiimpluwensiyahan ng opinyon ng publiko. Subalit anumang pangangatuwiran, ang debate ay patuloy na pupukaw ng matindi at iba’t ibang damdamin sa magkabilang panig—pabor at laban dito.
Noong unang panahon, nasumpungan ng Hapón ang sarili nito na nasa ilalim ng mahigpit na mga pagbabawal may kinalaman sa kalayaan sa pananalita at sa pamamahayag. Isang lindol, halimbawa, na sumusukat ng 7.9 sa Richter scale at pumatay ng mahigit na isang libo ay hindi maiuulat nang prangkahan. Ang mga kaso tungkol sa katiwalian at mga magsing-irog na nagpatayan sa isa’t isa sa mga kasunduan ng pagpapakamatay ay hindi maaaring iulat. Ang mga patnugot ng pahayagan ay sumuko sa mga banta ng pamahalaan habang tumitindi ang mga pagsupil kahit na sa itinuturing na maliliit na bagay. Gayunman, kasunod ng Digmaang Pandaigdig II, inalis ang mga pagbabawal at ang Hapón ay nagtamasa ng higit na kalayaan sa pananalita at sa pamamahayag.
Tunay, ang pendulo ay umugoy sa kabilang dulo samantalang ang mga magasin at ang ilang komiks ng mga bata ay punô ng erotiko at malaswang mga guhit. Ang The Daily Yomiuri, isang pangunahing pahayagan sa Tokyo, ay minsang nagsabi: “Marahil ang isa sa pinakanakasisindak na tanawin para sa isang dayuhang bagong dating sa Hapón ay ang mga negosyanteng nagbabasa sa mga subway sa Tokyo ng mga komiks na detalyadong naglalarawan tungkol sa sekso. Ngayon ang kausuhan ay wari bang nakaaapekto sa mga kababaihan, yamang ang mga komiks para sa kababaihan na ‘detalyadong naglalarawan ng pagtatalik’ ay lumilitaw sa mga istante ng mga tindahan ng aklat at mga supermarket.”
Noong 1995 tinawag ng kilalang pahayagang Asahi Shimbun ang Hapón na isang “Paraiso ng Pornograpya.” Bagaman itinaguyod ng mga patnugot at mga tagapaglathala ang kusang solusyon sa mga pagtutol mula sa mga magulang sa halip na ang mga batas ng pamahalaan, nagprotesta naman ang mga kabataang mambabasa. Ang isa ay nagtatanong, ‘Kaninong tinig ang mananaig sa wakas?’
Ang kalayaan sa pananalita ay isang paksa na lubhang pinagtatalunan sa kasalukuyan sa Pransiya. “Walang alinlangan,” sulat ng Pranses na awtor na si Jean Morange sa kaniyang aklat tungkol sa kalayaan sa pananalita, “ang kasaysayan ng kalayaan sa pananalita ay hindi pa natatapos, at ito’y patuloy na lilikha ng mga pagkakabaha-bahagi. . . . Hindi lumilipas ang isang taon na walang ipinalalabas na pelikula o isang serye sa telebisyon o isang kampanya sa pag-aanunsiyo na nagiging sanhi ng matinding reaksiyon, ginigising-muli ang dati at walang-katapusang debate tungkol sa pagsensura.”
Isang artikulong lumitaw sa pahayagan sa Paris na Le Figaro ang nag-ulat na isang grupo na tumutugtog ng musikang rap na tinatawag na Ministère amer (Mapait na Ministeryo) ang humihimok sa mga tagahanga nito na patayin ang mga pulis. Isa sa mga liriko nito ay nagsasabi: “Hindi magkakaroon ng kapayapaan malibang mamayapa ang [pulis].” “Sa aming rekord,” sabi ng tagapagsalita ng grupo, “sinasabi namin sa kanila na sunugin nila ang istasyon ng pulisya at ihandog ang [mga pulis]. Ano pa nga ba ang mas normal na dapat gawin?” Walang pagkilos ang ginawa laban sa grupo ng rap.
Ang mga grupo ng rap sa Amerika ay humihimok din sa pagpatay sa mga pulis at nagpapahayag ng karapatan na gawin ang gayong kapahayagan sa ilalim ng proteksiyon ng kalayaan sa pananalita. Sa Pransiya, Italya, Inglatera at sa iba pang bansa sa Europa at sa buong daigdig, maririnig ang hiyaw mula sa lahat ng pangkat ng mga tao na hindi dapat takdaan ang kalayaang magsalita nang hayagan, kahit na kung ang pahayag ay “may gayong katangian na lumikha ng isang maliwanag at umiiral na panganib.” Kailan magwawakas ang kontrobersiya, at kaninong panig ang magwawagi?
[Larawan sa pahina 7]
Pornograpya sa computer, “isang sisidlan ng ‘lisyang’ mga bagay”