Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 8/8 p. 16-17
  • Isang Durungawan sa Bahay-Bata

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isang Durungawan sa Bahay-Bata
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Mga Itinakwil” sa Loob ng Bahay-Bata?
  • Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Aborsiyon?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
  • Aborsiyon—Ano ang Kabayaran?
    Gumising!—1987
  • Ang Kalunus-lunos na Kamatayan Dahil sa Aborsiyon
    Gumising!—1993
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 8/8 p. 16-17

Isang Durungawan sa Bahay-Bata

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA AUSTRALIA

ANG modernong mga pagsubok sa kabuntisan (prenatal test) ay gumagawang posible sa ngayon upang masuri ng mga doktor nang may katumpakan ang maraming pinsala, sa katawan o sa isipan, na maaaring taglay ng isang ipinagbubuntis na bata. Ang ultrasound at amniocentesis ay kabilang sa mas kilalang kasangkapang ginagamit.

Ang ultrasound ay isang pamamaraang hindi nagsasangkot ng operasyon o iniksiyon na gumagamit ng di-naririnig na high-frequency sound waves upang bumuo sa isang computer ng larawan ng sanggol sa loob ng bahay-bata. Ang amniocentesis naman ay nagsasangkot ng paggamit ng heringgilya sa pagkuha ng sampol ng tubig sa panubigan, ang tubig kung saan lumulutang ang sanggol sa loob ng bahay-bata, at pagsubok dito para sa kemikal na mga palatandaan ng depekto sa ipinagbubuntis, gaya ng Down’s syndrome.

Ipinakikilala sa lipunan na parang paghahagis ng isang malaking bato sa isang lawa, ang uring ito ng medikal na teknolohiya, kaugnay ng pamamaraang tinatawag na selective abortion, ay pinagmumulan ng tila ba mga daluyong ng kaguluhan sa tubig ng medikal na etika.a Nakalulungkot nga, ang sistema ng pamantayan ng daigdig na ito ay hindi isang matatag na plataporma upang doon lutasin ang mga usaping moral at etika at tila ba gaya ng isang naliligaw na balsa na inaanod ng hampas ng daluyong.

Ang selective abortion, na isinusulong ng teknolohiya, ay isinasagawa na kahit na hindi pa binabago ang batas sa ilang bansa. Sa 13 surbey na isinagawa sa Estados Unidos nito lamang yugto ng 15 taon, ang di-nagbabagong 75 hanggang 78 porsiyento ng mga tumugon ay naniniwalang dapat na may legal na karapatang ipalaglag ng isang babaing nagdadalang-tao ang isang sanggol na nagbibigay ng malinaw na mga pahiwatig ng pagkakaroon ng malubhang depekto. Sa ilang bansa ang “hinuhulaang kapansanan” ay sapat na sa ganang sarili upang ipahintulot ang aborsiyon.

Sa Australia kamakailan, matagumpay na idinemanda ng isang ina ang kaniyang doktor para sa mga pinsala dahil maaga sa kaniyang pagdadalang-tao, hindi nasuri ng doktor ang sakit na rubella (isang uri ng tigdas na kung tawagin ay German measles). Kapag nagkaroon ka nito maaga sa pagdadalang-tao, ang sakit na ito ay maaaring humantong sa malubhang kapinsalaan sa ipinagbubuntis. Sinabi ng ina na dahil hindi ito ipinaalam sa kaniya ng doktor kaya hindi siya nagkaroon ng pagkakataon na ipalaglag ang kaniyang sanggol.

Sa pagkokomento tungkol sa legal at etikal na resulta ng kasong ito, ganito ang sabi ng legal na mananaliksik na si Jennifer Fitzgerald, sa isang artikulo sa Queensland Law Society Journal ng Abril 1995: “Hindi lamang niya [ang babaing nagdadalang-tao] kailangang magpasiya kung, ‘Gusto ko bang magkaanak?’, dapat din siyang magpasiya kung, ‘Anong klaseng anak ang gusto ko?’ ” Subalit anong kapansanan, tanong ni Fitzgerald, ang nagbibigay ng sapat na saligan para sa legal na aborsiyon? “Isang bungî o biyak ang nguso, isang biyak na ngalangala, isang duling, Down’s syndrome, spina bifida?” Sa ilang bahagi ng daigdig, ito naman ay ang kasarian ng bata, lalo na kung ito ay babae!

“Mga Itinakwil” sa Loob ng Bahay-Bata?

Yamang ang genome ng tao ay nahahayag sa mga siyentipiko at ang modernong mga kagamitan sa pagsusuri sa kabuntisan na pinakadurungawan sa bahay-bata ay nagiging, sa diwa, isang mikroskopyo sa bahay-bata, ano na ang mangyayari sa ipinagbubuntis? Pipiliin kaya para alisin yaong may kaunting mga depekto? Tunay, ang kausuhan sa nakalipas na mga dekada ay tungo sa higit pang mga aborsiyon, hindi para sa mas kaunting aborsiyon. Nakakaharap ang lubhang lumalaking daluyong na ito ng aborsiyon at ang biglang paglitaw ng mga demanda na resulta nito​—gaya ng kasong nabanggit kanina​—ang mga doktor ay nababahala. Mauunawaan naman, ito ay maaari pa ngang magtulak sa kanila sa paraan ng paggamot na lalong magsasanggalang sa kanila, gaya ng paghiling ng mga pagsubok hindi para sa kapakanan ng ina at ng sanggol kundi upang pangalagaan ang kanilang sarili laban sa demanda. Si Fitzgerald ay sumulat na bilang kinalabasan, “ang bilang ng mga pagsubok sa kabuntisan ay malamang na dumami at, dahil dito, ang pagdami rin naman ng mga selective abortion.” Ito, sabi pa niya, ay magpapasok ng “isang kahawig ng sistemang caste na doon ang ‘mga itinakwil’ ay nagiging ‘mga maitatapon.’”

At ano naman kung ang isang ina ay nagsilang ng isang anak na may kapansanan gayong binigyan siya ng lahat ng pagkakataon​—at marahil ay hinimok pa nga​—na ipalaglag ito? “Marahil darating ang panahon,” sabi ni Fitzgerald, “kapag sasabihin sa mga magulang na sila’y hindi makaaasa ng tulong upang matugunan ang mga pangangailangan ng kanilang mga anak na may kapansanan sapagkat pinili nilang magkaanak samantalang maaari naman sana nilang ipinalaglag ito.”

Hindi rin dapat kaligtaan ang mensaheng inihahatid ng selective abortion sa mga taong may kapansanan sa ating mga pamayanan. Kung ipinalalaglag ng lipunan ang mga ipinagbubuntis dahil sa mga depekto, ipinadarama ba nito sa mga taong may kapansanan na sila’y para bang pabigat sa iba? Gagawin ba nitong mas mahirap para sa kanila na batahin ang negatibong katauhan na taglay na nila tungkol sa kanilang mga sarili?

Ang bagay na itinatapon ng modernong lipunan ang ipinagbubuntis na mga bata kung paanong itinatapon ng mga manggagawa ang may depektong mga piyesa sa isang gawaan ng produkto ay umaangkop sa personalidad na inilalarawan ng Bibliya tungkol sa mga taong nabubuhay sa “mga huling araw” ng balakyot na sanlibutang ito. Inihula nito sa malawakang antas, ang mga tao ay mawawalan ng “likas na pagmamahal.” (2 Timoteo 3:1-5) Ang salitang Griego na aʹstor·goi, isinaling “walang likas na pagmamahal,” ay tumutukoy sa likas na bigkis ng mga miyembro ng pamilya sa isa’t isa, gaya ng pag-ibig ng isang ina para sa kaniyang mga anak.

“Sinisiklut-siklot ng mga alon at dinadalang paroo’t parito ng bawat hangin ng turo,” kitang-kita ang pagkakaiba ng walang-timón na mga tao ng sanlibutang ito sa mga sumusunod sa tiyak na Salita ng Diyos. (Efeso 4:14) Tulad ng isang angkla para sa kaluluwa, pinananatili tayo ng Bibliya na matibay at matatag sa moral sa maunos na karagatan. (Ihambing ang Hebreo 6:19.) Kaya, bagaman kinikilala ng mga Kristiyano na maaaring kusang ilabas ng isang babae ang isang malubhang napinsalang bilig o ipinagbubuntis na sanggol, ang pag-iisip mismo ng pagsilip sa bahay-bata upang tingnan kung ang isang sanggol ay malusog upang ingatan ito ay lubusang nakasusuklam sa kanila.b​—Ihambing ang Exodo 21:22, 23.

Ang pasiya ng isang Kristiyano na manatiling tapat ay napatitibay ng pangako ng Diyos tungkol sa isang panahon kapag “walang maninirahan ang magsasabing: ‘Ako’y may sakit.’” (Isaias 33:24; 35:5, 6) Oo, sa kabila ng kasalukuyang mga kahirapan para sa mga may kapansanan at ang mga sakripisyong ginagawa niyaong mga nangangalaga sa kanila, “mabuti ang kalalabasan nito para sa mga natatakot sa tunay na Diyos.”​—Eclesiastes 8:12.

[Mga talababa]

a Ang selective abortion ay ang paglalaglag ng isang sanggol dahil sa ito’y hindi nagtataglay ng mga katangiang gusto ng magulang (o mga magulang).

b Ito, mangyari pa, ay hindi nangangahulugan na hindi tama para sa mga Kristiyano na pasailalim ng mga pagsubok upang matiyak ang kalusugan ng isang ipinagbubuntis na sanggol. Maaaring may ilang maka-Kasulatang kanais-nais na medikal na mga kadahilanan kung bakit irerekomenda ng isang manggagamot ang gayong bagay. Gayunman, ang ilang pagsubok ay maaaring magsangkot ng mga panganib sa sanggol, kaya makabubuting ipakipag-usap sa doktor ang tungkol dito. Kasunod ng gayong mga pagsubok, kung ang sanggol ay masumpungang may malulubhang depekto, ang Kristiyanong mga magulang sa ilang bansa ay maaaring gipitin na ipalaglag ang sanggol. Makabubuti na manindigan sa mga simulain ng Bibliya.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share