Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 8/22 p. 3
  • Ang Bunga ng Kalamidad

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Bunga ng Kalamidad
  • Gumising!—1996
  • Kaparehong Materyal
  • Dumarami ang Nagsisilikas
    Gumising!—1996
  • Tulungan ang mga Dayuhan na ‘Maglingkod kay Jehova Nang May Pagsasaya’
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2017
  • Isang Daigdig Kung Saan May Dako ang Lahat
    Gumising!—2002
  • Ang mga Taong Naghahanap ng Katiwasayan
    Gumising!—2002
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 8/22 p. 3

Ang Bunga ng Kalamidad

ANO ang katulad ng isa na lumilikas? Gunigunihin na ikaw ay namumuhay nang payapa, subalit walang anu-ano ang buong daigdig mo ay nagbago. Sa magdamag, ang mga kapitbahay ay nagiging mga kaaway. Nagdaratingan ang mga sundalo na mandarambong at susunog sa iyong bahay. Mayroon ka lamang sampung minuto upang mag-impake at iligtas ang iyong buhay. Isang maliit na bag lamang ang madadala mo, yamang kailangang dalhin mo ito nang maraming milya. Ano ang ilalagay mo rito?

Ikaw ay lumilisan sa gitna ng putok ng baril at kanyon. Sumasama ka sa iba pa na nagsisilikas din. Lumilipas ang mga araw; lumalakad kang gutom, uhaw, at pagod na pagod. Upang makaligtas, kailangan mong pilitin ang iyong katawan kahit na ikaw ay sagad na. Ikaw ay natutulog sa lupa. Naghahanap ka ng makakain sa bukid.

Papalapit ka na sa isang ligtas na bansa, subalit ayaw kang papasukin ng mga bantay sa hangganan. Hinahalughog nila ang iyong bag at sinasamsam ang lahat ng bagay na mahalaga. Nakita mo ang isa pang checkpoint at tumawid ka ng hangganan. Ikaw ay inilagay sa isang maruming kampo para sa mga nagsilikas, na nababakuran ng alambreng may tinik. Bagaman napaliligiran ka ng iba na katulad mo ang kalagayan, nadarama mong ikaw ay nag-iisa at naguguluhan.

Hinahanap-hanap mo ang pakikisama ng iyong pamilya at mga kaibigan. Nasusumpungan mo ang iyong sarili na lubhang umaasa sa tulong ng iba. Walang trabaho at walang magawa. Pinaglalabanan mo ang mga damdamin ng kawalan ng pag-asa, kabiguan, at galit. Nababahala ka sa iyong kinabukasan, palibhasa’y nalalaman mong ang iyong pananatili sa kampo ay malamang na panandalian lamang. Kung sa bagay, ang kampo ay hindi isang tahanan​—tulad ito ng isang silid-hintayan o isang bodega ng mga taong walang may gusto. Nag-iisip ka kung ikaw ba ay sapilitang pababalikin sa pinanggalingan mo.

Ito ang karanasan ng milyun-milyon sa ngayon. Ayon sa United Nations High Commissioner for Refugees (UNHCR), 27 milyon katao sa buong daigdig ang tumakas dahil sa digmaan o pag-uusig. Karagdagan pang 23 milyon katao ang nawalan ng tahanan sa kanilang sariling mga bansa. Sa pangkalahatan, 1 sa bawat 115 katao sa lupa ang napilitang tumakas. Karamihan ay mga babae at mga bata. Palibhasa’y bunga ng digmaan at kalamidad, ang mga nagsilikas ay nasa kapangyarihan ng isang daigdig na umaayaw sa kanila, isang daigdig na tumatanggi sa kanila, hindi dahil sa kung sino sila, kundi dahil sa kung ano sila.

Ang pagkanaroroon nila ay isang pahiwatig ng matinding kaguluhan sa buong daigdig. Ganito ang sabi ng UNHCR: “Ang mga nagsisilikas ang sukdulang sintomas ng pagkalansag ng lipunan. Sila ang huli, kitang-kita, na kawing sa magkakaugnay na mga sanhi at resulta na tumitiyak sa lawak ng pagkalansag ng lipunan at pulitika ng bansa. Kung titingnan sa pangkalahatan, sila ang barometro ng kasalukuyang kalagayan ng sibilisasyon ng tao.”

Sinasabi ng mga dalubhasa na hindi mapapantayan ang antas ng problema at tumitindi pa, at walang nakikitang pahiwatig na ito’y magwawakas. Ano ang umakay sa gayong kalagayan? Mayroon bang anumang lunas? Susuriin ng sumusunod na mga artikulo ang mga tanong na ito.

[Picture Credit Lines sa pahina 3]

Batang lalaki sa kaliwa: LARAWAN NG UN 159243/J. Isaac

Larawan ng U.S. Navy

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share