Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 8/22 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Uri ng HIV sa India
  • Tulong sa Tagtuyot sa Zimbabwe
  • Iisang Pinagmulan?
  • Napatay Na ang 100-Taóng Sunog
  • Mataas na Presyon ng Dugo at Pagkawala ng Memorya
  • Ang Agwat ng Komunikasyon
  • Mga Aksidente sa Trapiko​—Bakit?
  • Pinagnanakawang Karagatan
  • Planetang Natuklasan Nang Hindi Sinasadya
  • Isang Sorpresa Para sa mga Magsasaka
  • Hindi Pagsang-ayon sa Relihiyon at Pulitika
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1997
  • Bigas—Gusto Mo ba Itong Lutò o Hindi Lutò?
    Gumising!—1995
  • Mga Pagsulong sa Paglaban sa AIDS
    Gumising!—2004
  • Mapangwasak na Tagtuyot sa Katimugang Aprika
    Gumising!—1994
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 8/22 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Uri ng HIV sa India

Ibinukod ng mga siyentipiko sa National AIDS Research Institute sa Pune, India, sa pakikipagtulungan ng isang pangkat ng mga mananaliksik na pinangunahan ni Dr. Max Essex, ng AIDS Institute ng Harvard, ang pinakakaraniwang uri ng HIV. Ito ang HIV-1C, ipinalalagay na mas malakas na naililipat nang lima hanggang sampung ulit ang kahigitan kaysa HIV-1B, na pangkaraniwan sa Europa at Amerika. Ayon sa Indian Express, sinabi ni Dr. Essex na ang paglaganap ng HIV sa India ay malamang na mas mabilis kaysa sa ibang bahagi ng daigdig. Sinabi ng siyentipikong si Dr. V. Ramalingaswami na sa ilang bakuna na inaasahang makasusugpo sa AIDS, wala ni isa man ang mabisa para sa HIV-1C.

Tulong sa Tagtuyot sa Zimbabwe

Nito lamang nakalipas na mga taon, malimit na nakapagbigay ang mga Saksi ni Jehova ng tulong sa mga lugar na hinampas ng sakuna. Ang kanilang Kristiyanong espiritu ay lalo nang kailangan sa mga bansang nagpapaunlad gaya ng Zimbabwe, kung saan sinalanta nang husto ng tagtuyot ang maraming lugar ng bansa. Ang napakaraming pagkain at damit ay maibiging iniabuloy para sa pagsisikap na ito, at matagumpay na naipamahagi ng tanggapang pansangay ng Watch Tower Society sa Zimbabwe ang mga tulong na ito sa mga Saksi at sa kanilang mga kaibigan sa mga liblib na lugar ng bansa. Karagdagan pa sa pagkain at damit, ang mga Saksing taga-Zimbabwe ay nag-abuloy ng $7,500 (U.S.), at gumugol ang Watch Tower Society ng karagdagan pang $20,500 upang isagawa ang misyon para sa pagtulong. Ang Samahan at ang napinsalang mga Saksi ay nagpahayag ng taos-puso nilang pasasalamat sa mapagkaloob na pag-ibig na ipinakita ng kanilang mga kapatid na Kristiyano.

Iisang Pinagmulan?

Ayon sa International Herald Tribune sa Paris, iginigiit ng isang artikulo sa maimpluwensiyang Jesuitang babasahin na La Civiltà Cattolica na “maaaring ang Diyos ay nakipag-usap sa pamamagitan ng iba’t-ibang mga aklat na gaya ng Koran ng Muslim, ang Vedas at Bhagavad-Gita ng Hindu at ang banal na mga teksto ng Taoismo sa Tsina at ng Shintoismo sa Hapón.” Sinasabi ng artikulo na ang mga ito at ang iba pang relihiyosong mga akda “ay hindi basta kumakatawan sa literatura o pilosopya, sa halip ay sa ‘paghahayag’​—ang pakikipag-usap ng Diyos sa pamamagitan ng tao.” Sapagkat ang mga artikulo ng babasahin ay di-pormal na nasuri ng mga tagasensura ng Batikano, bumangon ang mga katanungan kung ang mga pangmalas na ito ay nagpapakita ng pangmalas mismo ng papa hinggil sa bagay na ito. Sinabi ng Tribune na sa kaniyang aklat na Crossing the Threshold of Hope, sinabi ni John Paul II na naghahanap ang simbahan sa iba pang mga relihiyon ng isang bagay na may katulad na pinagmulan na gaya ng mga turo ng simbahan.

Napatay Na ang 100-Taóng Sunog

Mahigit na 100 taon na ang nakalilipas, isang di pa nahuhukay na deposito ng uling sa Tsina ang nasunog, at patuloy itong nasusunog hanggang kamakailan lamang. Ang sunog ay sumaklaw ng mga anim na kuwadrado kilometro at sumunog ng 300,000 tonelada ng uling taun-taon. Ang mga pagsisikap na maapula ang pagkalaki-laking apoy ay nabigo sa loob ng maraming taon. Gayunman, iniulat na sa wakas ay nagtagumpay ang mga tagapatay ng apoy sa pag-apula ng sunog. Upang mabuhusan ang pagliliyab, gumamit ang mga tagapatay ng apoy ng mga dinamita upang makapagbutas at pagkatapos ay sinabuyan ng buhangin, bato, at tubig ang apoy.

Mataas na Presyon ng Dugo at Pagkawala ng Memorya

“Ipinakikita ng isang bagong pagsusuri na ang mga lalaki na nasa katanghaliang-edad na may mataas na presyon ng dugo ay malamang na makaranas ng paghina ng memorya, ng pagpapasiya, at ng pagtutuon ng isip kapag umabot na sila sa pagtatapos ng edad na 70,” ulat ng Psychology Today. Natuklasan ng mga mananaliksik na sa bawat sampung puntong pagtaas sa presyon ng dugo sa systolic, ang malamang na paghina ng pagtatrabaho ng utak ay tumataas ng 9 na porsiyento. “Batid natin na ang mataas na presyon ng dugo ay may kaugnayan sa atake serebral at sakit sa puso,” sabi ni Lenore Launer, Ph.D., ang direktor ng pagsusuri, na nagsabi pa: “Isa pa itong dahilan upang mapahina ito.”

Ang Agwat ng Komunikasyon

Iniulat ng pahayagang The Courier-Mail ng Brisbane, Australia, na natuklasan ng kamakailang surbey na bihira, kung mayroon man, na magkaroon ng seryosong pakikipag-usap ang mga estudyante sa haiskul sa kanilang mga ama. Ipinakita ng surbey na karamihan sa mga tin-edyer ay gumugugol nang wala pang 15 minuto sa isang araw sa piling ng kanilang mga ama, subalit sila’y gumugugol ng halos isang oras sa isang araw sa pakikipag-usap sa kanilang mga ina. Bihira na ipakipag-usap ng mga magulang sa kanilang mga anak ang tungkol sa moralidad o suriin man kung anong mga programa sa telebisyon o mga video ang kanilang pinanonood. Ang anumang pakikipag-usap sa pagitan ng mga anak na lalaki at mga ama ay malamang na halos tungkol sa mabababaw na bagay lamang, gaya ng kotse at isport. Ang pakikipag-usap naman sa mga ina ay karamihan nang tungkol sa mga kaibigan, paaralan, at mga sosyal na mga plano subalit bihira ang tungkol sa mas seryosong mga bagay. Sa maraming kalagayan ang komunikasyon sa pagitan ng ama-anak-na-babae ay limitado sa basta pagbibiruan o pagtutuksuhan lamang sa isa’t isa.

Mga Aksidente sa Trapiko​—Bakit?

Ipinakikita ng isang pagsusuri na inilathala ng ministri ng transportasyon sa Brazil na halos 90 porsiyento ng mga aksidente sa trapiko ay nagaganap dahil sa pagkakamali o kapabayaan ng nagmamaneho. Ayon sa ulat, kalimitang sobra ang pagtitiwala ng tsuper kapag nagmamaneho kung maganda ang panahon o sa diretsong haywey. Isiniwalat din ng ulat na ang mga aksidente sa sasakyan na sanhi ng masamang kalagayan ng daan at ng mga depekto ng kotse ay nagbubunga ng 25,000 namamatay at 350,000 napipinsala sa bawat taon sa Brazil.

Pinagnanakawang Karagatan

“Sa isang pagmamadali na makasumpong ng bago at malaking mapagkakakitaang mga droga, ang mga ‘bioprospector’ na nagtatrabaho sa mga kompanya ng parmasya ay kumukuha ng pagkarami-raming organismo sa karagatan nang hindi man lamang isinasaalang-alang ang mga kahihinatnan,” sabi ng New Scientist. Ayon kay Mary Garson, isang marine biochemist sa University of Queensland, Australia, 98 porsiyento ng nakolektang mga sampol ang itinapon nang walang masusing pag-aanalisa. Halimbawa, ang 450 kilo ng bulating acorn at 2,400 kilo ng sponge ay napagkukunan ng 1 miligramo lamang bawat isa ng sangkap na laban sa kanser, ang 1,600 kilo ng sea hare ay napagkukunan ng 10 miligramo ng peptide na ginagamit para gamutin ang melanoma, at 847 kilo ng atay ng moray eel ang kailangan upang ibukod ang 0.35 miligramo lamang ng ciguatoxin para sa pagsusuri. “Hindi tayo basta mag-aalis ng pagkarami-raming organismo mula sa karagatan​—gaano man ito kapaki-pakinabang​—maliban lamang kung nakatitiyak tayo na hindi natin ito lubusang nililipol,” sabi ni Garson.

Planetang Natuklasan Nang Hindi Sinasadya

Kamakailan ay natuklasan ang isang maliit na planeta ng isang baguhang astronomo na si George Sallit ng Bradfield, isang nayon sa Inglatera, sa pamamagitan ng teleskopyo sa silungan ng kaniyang hardin. “Talagang hindi sinasadya iyon,” ang pag-amin niya. “Kinunan ko iyon ng larawan at nang tingnan kong mabuti nabatid ko na isang planeta pala iyon na dahan-dahang kumikilos sa frame ng kamera.” Ang Sallit One, gaya ng tawag ngayon sa bagong planeta, ay 30 kilometro lamang ang diyametro at mga 600 milyong kilometro mula sa lupa. Umiikot ito sa pagitan ng Mars at Jupiter. Ang ginamit na teleskopyo ay 30 sentimetro, isang modelo na kontrolado ng computer na nagkakahalaga ng $7,000 subalit nagtataglay ng kagamitang software na nilayon para sa gamit ng teleskopyong Hubble, ulat ng The Times ng London. Maaaring may libu-libong gayong maliliit na planeta, o mga asteroid, sa ating sistemang solar.

Isang Sorpresa Para sa mga Magsasaka

Sa loob ng mga taon ang mga magsasaka sa Asia ay matinding nag-iisprey ng kanilang mga tanim sa pasimula ng taniman upang mapatay ang mga uod ng leaf-folder moth, na sumisira sa mga dahon ng pananim. Gayunman, ipinahihiwatig ng kamakailang pag-eeksperimento na kayang maiwala ng palay ang kalahati sa mga dahon nito nang walang anumang epekto sa dami ng palay na maibubunga nito. Ang ilang magsasaka sa Vietnam ay kumbinsido na huwag mag-isprey sa pasimula ng pagtatanim​—na siyang 30 hanggang 50 porsiyento ng lahat ng pamatay-insekto na ginagamit ng mga magsasaka sa Asia​—at natuklasan nila na ang ani ay hindi naman talaga apektado.

Hindi Pagsang-ayon sa Relihiyon at Pulitika

Ayon sa pahayagang The Australian, “ang isang karaniwang kabataang Australiano” ay walang tunay na interes alinman sa pulitika o relihiyon. Ang konklusyon na ito ay salig sa isang surbey ng mga estudyante na nasa 13 at 16 na taóng gulang, na tinipon ng naglektyur mula sa University of Sydney na si Dr. Jennifer Bowes. Ganito ang pagkakasunud-sunod ng mga priyoridad ng mga kabataan ayon sa kahalagahan: “pagkakaroon ng matatalik na kaibigan, pagkakaroon ng mabuting edukasyon, pagkakaroon ng matatag na hanapbuhay, paglilinang ng aking talino, pagiging malapit sa aking pamilya, pag-iingat sa lupa para sa susunod na mga henerasyon, pag-iingat sa mga hayop, pagkakaroon ng magandang bahay, paglalakbay sa ibang bansa, pagkita ng maraming salapi, paggawa ng paraan upang mahadlangan ang polusyon, pag-aasawa, pagtulong sa mga kapos-palad, pagtulong sa aking bansa, paggawa ng bagay na kapaki-pakinabang sa lipunan, pagkakaroon ng impluwensiya sa ibang tao.” Ang dalawang pinakahuling mahalagang bagay mula sa 18 pinahahalagahang bagay ay “sumunod sa mga simulain ng aking relihiyon” at “maging aktibo sa pulitika.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share