Pagkadonselya—Bakit?
“ANG kulto ng pagkadonselya”—ganiyan tinagurian ni Randall Balmer, kasamang propesor ng relihiyon sa Barnard College/Columbia University, ang waring sumisidhing kausuhan sa gitna ng mga tin-edyer upang ipagpaliban ang pakikipagtalik hanggang sa sila’y magkaedad.
Hindi naman kataka-taka, ang karamihan ng paghimok sa pagpipigil sa pakikipagtalik ay nagmumula sa mga relihiyosong organisasyon. “Subalit ang nag-uudyok na puwersa sa likod ng kulto ng pagkadonselya ay walang kaugnayan sa relihiyon,” ang pagdiriin ni Dr. Balmer. “Ang tunay na motibo sa pananatiling donselya ay pagkatakot—hindi pagkatakot sa parusa ng Diyos, kundi pagkatakot sa nakamamatay na sakit.” Sa gayon, inihambing niya “ang kulto ng Birheng Maria,” na inilalarawan ang pagpipigil bilang isang relihiyosong pamantayan, sa kasalukuyang “kulto ng pagkadonselya,” na inihaharap ang pagpipigil bilang isang usapin sa kalusugan.
“Ito’y isang nakalulungkot na paghahalimbawa tungkol sa kalagayan ng relihiyon sa mga taon ng 1990 anupat pagkatakot sa sakit ang umuugit sa moralidad,” sabi pa ni Dr. Balmer. “Ang relihiyosong mga lider, sa paghahangad na huwag makasakit, ay nagbigay ng walang-epektong alituntunin sa moralidad, o wala na ngang talaga. At kaya naman ipinabahala na lamang sa mga siyentipiko at sa mga opisyal ng kalusugan ng bayan ang pagpapayo sa mga binata at dalaga kung paano gagawi hinggil sa kani-kanilang seksuwal na buhay.”
Gayunman, hindi ganito ang kalagayan sa tunay na mga Kristiyano. Kuning halimbawa si Chad, isang tin-edyer na pinalaki bilang isang Saksi ni Jehova. Si Chad ay nilapitan ng isang dalaga na nagpasimula ng pakikipag-usap. Subalit hindi nagtagal naging maliwanag na ang kaniyang hangarin ay higit pa sa basta pakikipag-usap lamang. “Pagkatapos bigla kong naisip,” sabi ni Chad. “Hindi ko maaaring biguin si Jehova. Taglay sa aking isipan na laging paluguran si Jehova, sinabi ko sa kaniyang kailangan ko nang umalis.”
Tulad ni Chad, marami sa gitna ng mga kabataang Saksi ni Jehova ang napananatili ang mabuting moralidad hindi lamang alang-alang sa mabuting kalusugan kundi pangunahin nang upang paluguran ang kanilang Maylikha, ang Diyos na Jehova. Hindi ang pagkatakot sa sakit ang nag-uudyok sa kanilang moralidad. Sa halip, sinusunod ng gayong mga kabataan ang payo sa Eclesiastes 12:1: “Alalahanin mo ngayon ang iyong Dakilang Maylikha sa kaarawan ng iyong kabataan.”