Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 9/8 p. 22-25
  • Pompeii—Kung Saan Tumigil ang Panahon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pompeii—Kung Saan Tumigil ang Panahon
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Pagsabog Noong 79 C.E.
  • Walang Kaligtasan sa Herculaneum
  • Tumigil ang Panahon
  • Pribadong Buhay
  • Panahon na Upang Kumilos
  • Ngayon Higit Kailanman, Manatiling Gising!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
  • Ang Pagpapaliban ay Umakay sa Kamatayan!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1997
  • Paninirahan sa Anino ng Natutulog na Higante
    Gumising!—2007
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 9/8 p. 22-25

Pompeii​—Kung Saan Tumigil ang Panahon

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA ITALYA

MGA kusinang may mga kawaling nasa dapugan, mga tindahang punung-punô ng paninda, mga inuman na walang tubig, mga lansangang buung-buo​—gayung-gayon pa rin ang lahat ng bagay gaya ng dati, sa isang lunsod na walang mga nakatira, walang katau-tao at tiwangwang. Ito ang Pompeii, kung saan waring tumigil ang panahon.

Ang lahat ng bagay ay gayung-gayon pa rin hanggang sa sumapit ang mapaminsalang araw na iyon mahigit na 1,900 taon na ang nakalipas nang ang bundok Vesuvius, ang bulkan na natatanaw sa baybayin ng Naples, ay pumutok. Inilibing nito ang Pompeii, Herculaneum, Stabiae, at ang nakapaligid na mga lalawigan sa abo at lava.

“Kakaunti lamang ang nalalaman ng sinaunang mga naninirahan,” sabi ng aklat na Pompei, “tungkol sa kalikasan ng bulkang Vesuvius at karaniwang ipinalalagay nila na ito’y isang luntiang bundok kung saan may makapal na kagubatan na nasasalit-salitan ng ubasan.” Subalit noong Agosto 24, 79 C.E., pagkatapos ng maraming panahon nang pananahimik, gumising ang bundok na iyan sa pamamagitan ng pagkalakas-lakas na pagsabog.

Ang Pagsabog Noong 79 C.E.

Ang bulkan ay nagbuga ng gas na tila haligi, magma, at mga bato na nagpadilim sa kalangitan at naging sanhi ng napakalakas na pag-ulan ng abo at lapilli (maliliit na piraso ng lava). Sa loob ng dalawang araw ang Pompeii at ang napakalawak na lugar ng lalawigan ay natabunan ng makapal na suson, hanggang sa lalim na dalawa’t kalahating metro. Habang patuloy na nayayanig ang lupa ng napakalalakas na lindol, ang gahiganteng ulap ng nakalalasong gas, na hindi nakikita subalit nakamamatay, ay bumalot sa lunsod, na para bang may nakamamatay na yakap. Habang unti-unting nalilibing ang Pompeii, biglang-bigla namang nawala ang Herculaneum. Ayon sa aklat na Riscoprire Pompei (Pagkatuklas-muli sa Pompeii), ang Herculaneum ay nabaon sa pag-agos ng “putik at mga bato mula sa bulkan sa lalim na umabot hanggang dalawampu’t-dalawang metro [72 piye] malapit sa baybayin.”

Iba’t iba ang pagtugon ng halos 15,000 naninirahan sa Pompeii. Yaong mga lumikas agad-agad ang nakaligtas mismo. Gayunman, ang ilan na ayaw iwan ang kanilang mga tahanan at ang lahat ng kanilang tinataglay, ay naiwan pa, umaasa na maiiwasan ang panganib. Ang iba, na nababahala sa pagliligtas ng kanilang mga gamit na may halaga, ay nag-atubili bago nagpasiyang lumisan, subalit nadaganan naman ng mga bubungan ng kanilang mga bahay, na gumuho dahil sa bigat ng abo.

Ang isang halimbawa ay ang may-ari ng “bahay ng pamilyang Faun,” na waring hindi kayang iwan ang kaniyang mga kayamanan. “Dali-dali,” ang sabi ni Robert Étienne, sa kaniyang aklat na La vie quotidienne à Pompéi (Pang-araw-araw na Buhay sa Pompeii), “tinipon ng babaing may-ari ng bahay ang kaniyang pinakamahahalagang hiyas​—gintong mga pulseras na anyong serpiyente, mga singsing, ipit sa buhok, hikaw, isang salaming pilak, isang supot na punô ng gintong barya​—at naghandang lumisan.” Marahil dahil sa takot na takot sa bumabagsak na abo, nanatili siya sa loob ng bahay. “Di-nagtagal,” ang pagpapatuloy ni Etienne, “gumuho ang bubungan, nailibing ang kaawa-awang babae at ang kaniyang kayamanan.” Ang iba naman ay nasakal ng nakalalasong gas na kumalat sa lahat ng dako.

Yaong mga nag-atubili ay kailangang tumakbo upang iligtas ang kanilang mga buhay, sa suson ng abo ng lava na nabuo sa pagkakataong iyon. Sila’y nailibing kung saan sila bumagsak, nasasakal ng nakamamatay na nalalanghap at natabunan dahil sa patuloy na pag-ulan ng pinong abo. Ang kanilang kahabag-habag na labí ay natuklasan pagkalipas ng daan-daang taon, kasama ng kanilang mga ari-arian na nasa tabi pa rin nila. Natabunan ang lunsod at ang mga nakatira rito sa suson ng abo na mahigit na 6 na metro ang lalim.

Subalit, dahil sa nakamamatay na ulan ng abo, maging ang mga nakatira sa lunsod ay lumitaw-muli. Alam mo ba kung paano? Pansinin ang mga molde ng kanilang mga katawan sa larawan sa pahinang ito. Paano nangyari ang mga ito? Sa pamamagitan ng pagbuhos ng eskayola sa mga guwang na naiwan sa abo ng naagnas na laman, naipakita sa atin ng mga arkeologo ang huling hirap na hirap na ikinilos ng kaawa-awang mga biktima​—“ang dalagang nakahiga na ang kaniyang ulo ay nakakubli sa kaniyang braso; isang lalaki, na tinakpan ang kaniyang bibig ng isang panyo upang mahadlangan ang paglanghap ng alikabok at nakalalasong gas; ang mga tauhan ng Forum Baths, na bumagsak na may nakapangingilabot na hitsurang nangingisay at nanginginig dahil sa pagkasakal sa gas; . . . isang ina na nakayapos sa kaniyang maliit na anak na babae sa huling yakap na kahabag-habag at walang-saysay.”​—Archeo.

Walang Kaligtasan sa Herculaneum

Sa Herculaneum, ilang milya lamang mula sa Pompeii, yaong mga hindi nagmadali sa paglisan ay nasukol mismo. Marami ang nagmadali patungo sa baybayin, marahil umaasang makaliligtas sa dagat, subalit ang napakalakas na lindol sa dagat ang humadlang sa mga bangka na makalayo sa dalampasigan. Natuklasan ng kamakailang mga paghuhukay sa sinaunang tabing-dagat sa Herculaneum ang mahigit na 300 kalansay. Habang sila’y naghahanap ng masisilungan sa ilalim ng isang balkon na nakatunghay sa dagat, ang mga taong ito’y natabunan nang buháy ng ubod nang lakas na agos ng putik at mga batong mula sa bulkan. Marami rin mula rito ang nagsikap na iligtas ang kanilang pinakamahahalagang ari-arian: gintong mga palamuti, sisidlang pilak, isang kumpletong set ng mga kagamitan sa pag-opera​—naroon pa ring lahat, walang kabuluhan, malapit sa mga labí ng may-ari ng mga ito.

Tumigil ang Panahon

Tinataglay ng Pompeii ang matinding patotoo ng karupukan ng buhay sa harap ng puwersa ng kalikasan. Hindi gaya ng ibang arkeolohikal na lugar sa daigdig, ang mga kaguhuan ng Pompeii at ng nakapalibot na mga lugar ay nakapagbigay ng isang sulyap na nagpangyaring masuri ng makabagong mga iskolar at mausisa ang pang-araw-araw na buhay noong unang siglo C.E.

Ang kasaganaan ng lugar ay pangunahin nang nakasalalay sa agrikultura, industriya, at komersiyo. Dahil sa puspusang pagpapatrabaho​—mga alipin at malalayang tao na inuupahan nang arawan​—saganang nakapag-ani ang matabang lupa ng lalawigan. Marami sa gawain ng lunsod ay nauugnay sa pagbibili ng kung anu-anong pagkain. Mapapansin pa rin ng sinumang dumadalaw sa Pompeii ang mga gilingan ng mais, ang palengke ng gulay, at ang mga tindahan ng mga nagtitinda ng prutas at alak. Makikita mo ang mga gusali na minsang ginamit para sa komersiyo​—sa paggawa ng mga lana at lino at sa pag-iikid at paghahabi ng tela para sa maramihang bentahan. Palibhasa’y napakaraming iba pang maliliit na negosyo, mula sa pagawaan ng alahas hanggang sa mga hardwer, ang mga gusaling ito, kasama na ang mga bahay, ang siyang bumuo sa lunsod.

Ang makitid, mga lansangang noo’y nagsisikip sa mga tao ay nilatagan ng mga bloke ng bato. Ang mga ito’y pinaligiran ng nakaangat na mga bangketa at pampublikong inuman na pinagana ng napakahusay na sistema ng mga daluyan ng tubig. Ang isang kapansin-pansing bagay ay makikita sa mga panulukan ng pangunahing mga lansangan. Tulad ng sinaunang mga sinundan ng makabagong mga tawiran ng tao, ang naglalakihang nakaangat na bloke ng bato na nakalagay sa gitna ng lansangan ang nagpadali sa pagtawid ng mga tao at nagawa ng mga itong hindi mabasa ang kanilang mga paa kapag umuulan. Ang sinumang nagtutulak ng kariton sa lunsod ay kailangang maging bihasa upang maiwasan ang mga batong ito na nakaangat. Naroon pa rin ang mga ito! Walang ipinagbago.

Pribadong Buhay

Maging ang katahimikang bumabalot sa pribadong buhay ng mga taga-Pompeii ay hindi nakaligtas sa mapakialam na pagmamasid ng modernong mga tao. Isang babae na nababalutan ng mariringal na hiyas ang nakitang namatay sa mga bisig ng isang gladyeytor sa kuwartel nito. Ang mga pinto ng mga bahay at tindahan ay bukas na bukas. Ang mga kusina ay kitang-kita, na para bang ilang minuto pa lamang na naiwan, na may mga kawali sa dapugan, hindi pa lutong tinapay na nasa hurno, at malalaking bangan na nasa mga dingding. May mga silid na napalalamutian ng pagkagagandang eskayola, mga pinta sa dingding, at mosaik, kung saan komportableng nagsalu-salo ang mayayaman, na ginagamit ang pilak na mga tasa at sisidlang kahanga-hanga ang pagkakagawa. Ang tahimik na mga hardin sa loob ng bahay ay napalilibutan ng mga haligi at napalalamutian ng kaayaayang inuman ng tubig na ngayo’y hindi na gumagana. Makikita rin ang marmol at tansong mga istatuwa na pagkahusay-husay ang pagkakagawa, at mga dambana ng mga diyus-diyosan ng sambahayan.

Gayunman, ang istilo ng buhay sa pangkalahatan ay malayung-malayo sa kahinhinan. Marami sa mga taong walang lutuan sa bahay ay palaging nagtutungo sa napakaraming bar. Doon, bagaman hindi kailangang magbayad nang malaki, sila’y makapagtsitsismisan, makapagsusugal, o makabibili ng pagkain at inumin. Ang ilan sa mga ito ay maaaring masasamang lugar, kung saan, pagkatapos na magsilbi ng mga inumin sa mga parokyano, ang mga serbidora, na karaniwang mga aliping babae, ay mga nagbibili rin naman ng aliw. Bukod pa sa napakaraming bar na ganito ang uri, isiniwalat ng mga paghuhukay ang pagkarami-raming iba pang bahay-aliwan, kalimitang nakikitaan ng mga pinta at mga sulat na napakalaswa.

Panahon na Upang Kumilos

Mapag-iisip ang isang tao ng biglang-biglang pagkawasak ng Pompeii. Totoo naman, ang libu-libong nasawi roon ay hindi kumilos nang may angkop na pagmamadali sa mga babala ng dumarating na kasakunaan​—ang paulit-ulit na paglindol, ang pagsabog ng bulkan, at ang matinding pag-ulan ng maliliit na bato ng lava. Sila’y nag-atubili, marahil dahil sa ayaw nilang iwanan ang kanilang maalwang pamumuhay at ang kanilang mga ari-arian. Marahil sila’y umaasang lalampas din ang panganib o na may panahon pa para lumisan kung lumala ang mga kalagayan. Nakalulungkot nga, sila’y nagkamali.

Ipinagbibigay-alam sa atin ng Kasulatan sa ngayon na ang buong mundo ay nasa gayunding kalagayan. Ang buktot na lipunan na ating kinabubuhayan ay malayung-malayo na sa Diyos. Ito’y malapit nang malipol nang biglang-bigla. (2 Pedro 3:10-12; Efeso 4:17-19) Ang lahat ng patotoo ay nagpapahiwatig na malapit na ang panahong iyan. (Mateo 24:3-42; Marcos 13:3-37; Lucas 21:7-36) At ang kalunus-lunos na mga labí ng Pompeii ay nananatiling tahimik na patotoo ng hangal na pag-aatubili.

[Kahon sa pahina 24]

Mga Krus ng Kristiyano?

Ang pagkatuklas ng iba’t ibang krus sa Pompeii, kasali na ang paletada sa dingding ng isang panaderya, ay binigyan-kahulugan ng iba bilang isang katibayan ng pagkanaroroon ng mga Kristiyano sa lunsod bago ang pagkawasak noong 79 C.E. Totoo ba ang ipinalalagay na ito?

Maliwanag na hindi. Upang masumpungan ang “lahat ng bagay sa pagsamba tungkol sa krus,” sabi ni Antonio Varone, sa kaniyang aklat na Presenze giudaiche e cristiane a Pompei (Ang Pagkanaroroon ng mga Judio at Kristiyano sa Pompeii), “kailangan nating maghintay hanggang sa ikaapat na siglo, nang gawin ng pagkakumberte ng emperador at mga pagano na maging permanenteng bahagi ng kanilang espirituwalidad ang gayong pagsamba.” “Maging noong ikalawa at ikatlong siglo at magpahanggang noong panahon ni Constantino,” ang sabi pa ni Varone, “bihirang-bihira na makasumpong ng gayong sagisag na nagpapakita ng kaugnayan sa Kristiyanismo.”

Kung ang mga ito’y hindi maka-Kristiyano, ano ang pinagmulan ng mga sagisag na ito? Maliban pa sa mga pag-aalinlangan tungkol sa pagkakakilanlan ng sagisag na ito na ipinalalagay na isang krus at sa pagkatuklas sa panaderya ring iyon ng isang pinta ng dibinidad sa anyong serpiyente, may “mga natuklasang napakalaswang mga bagay na mahirap din namang iugnay sa ipinalalagay na espirituwalidad ng Kristiyano na nakatira sa panaderyang iyon,” ani Varone. Ganito pa ang sabi niya: “Batid din naman na mula sa pagpapasimula ng sibilisasyon, bago pa man maging sagisag ng pagtubos, ang sagisag na hugis krus ay maliwanag na ginamit sa mahiko at ritwal.” Noong sinaunang panahon, ang paliwanag ng iskolar na ito, ipinalalagay na ang krus ay makapagpapalayas o makapupuksa sa mga demonyo at ito’y ginamit, higit sa anupaman, bilang isang anting-anting.

[Larawan sa pahina 23]

Ang Arko ni Caligula na nasa likuran ang Bundok Vesuvius

[Mga larawan sa pahina 23]

Itaas: Mga molde ng mga nakatira sa Pompeii

Kaliwa: Larawan ng Arko ni Nero at bahagi ng templo ni Jupiter

[Picture Credit Lines sa pahina 22]

Patayong disenyo sa gilid: Glazier

Mga larawan sa mga pahina 2 (ibaba), 22, at 23: Soprintendenza Archeologica di Pompei

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share