Pagmamasid sa Daigdig
Pinagtibay ang Kalayaan sa Relihiyon
Noong Marso 8, 1996, ipinahayag ng Korte Suprema ng Hapon na nilabag ng Kobe Municipal Industrial Technical College ang batas sa pagpapaalis kay Kunihito Kobayashi, isa sa mga Saksi ni Jehova, dahil sa kaniyang pagtanggi na sumali sa pagsasanay sa martial arts, ang ulat ng The Daily Yomiuri ng Tokyo. Sa paggawa ng gayon, tinanggihan ng pinakamataas na korte ng Hapon ang pag-apela ng kolehiyo at itinatag ito na pagkakasumundan sa hinaharap na mga kaso. (Pakisuyong tingnan ang Oktubre 8, 1995, labas ng Gumising! para sa higit pang detalye.) Natanto ng korte na ang dahilan ng estudyante sa pagtangging sumali sa pagsasanay sa kendo martial arts “ay taimtim at may malapit na kaugnayan” sa kaniyang pananampalataya. Tinagurian ng korte si Kobayashi na “isang natatanging estudyante” at sinabi na makapagbibigay ang paaralan ng mapagpipiliang programa para sa edukasyong pangkatawan kapalit ng kendo.
Umuunlad ang Ateismo
Nakikini-kinita ni Kardinal Joachim Meisner ng Alemanya ang “napakalakas na hatak ng ateismo.” Maaaring bumagsak ang ekonomiya ng komunismo, subalit waring nagtagumpay naman ito sa ideolohiya, sabi ni Meisner. Ganito ang kaniyang komento: “Ang kausuhang ito ay waring lumalaganap mula sa bagong [dating Komunistang] pederal na mga estado tungo sa dating [kanluraning] pederal na mga estado.” Ayon sa pahayagang Weser Kurier, halos 70 porsiyento ng 16 na milyong naninirahan sa dating Silangang Alemanya ang walang kinauugnayang simbahan. Ganito pa ang pagpapatuloy ng ulat: “Kung walang tibay ng loob ang simbahan na kumilos nang husto sa pagpapahayag ng katotohanang isiniwalat sa kaniya, kung gayon wala na siyang pag-asa.”
Pakisuyo, Ipasa ang mga Insekto!
Maraming tao, bagaman hindi naman lahat, ang maririmarim na kumain ng mga insekto sa pag-asang gumaling ang mga sakit. Gayunman, ayon sa magasing Asiaweek, hindi na bago ang ideya. Sa Singapore ang Imperial Herbal Restaurant ay naghahain ng mga pagkaing may sangkap na gaya ng mga langgam at mga alakdan, kapuwa kilala na hindi lamang masustansiya kundi nakagagaling din naman. Sinasabi ng may-ari ng restawran, si Gng. Tee Eng Wang-Lee, na ang mga langgam ay mabuti para sa rayuma, samantalang ang kamandag ng alakdan ay nakapagpapaginhawa sa nerbiyo at nakaaalis ng sakit ng ulo dahil sa migraine. Kasali sa iba pang insektong gamot ay ang pinatuyong uod ng insekto upang maalis ang kirot; mga uod ng kuliglig upang maalis ang kabag, singaw, at tigdas; at pinatuyong pugad ng putakti upang mapatay ang mga parasito. Ano ang lasa ng mga nilikhang ito? Ang mga langgam ay may maanghang-anghang, tulad sukang lasa, at ang mga alakdan naman ay makunat. Ganito ang sabi ni Gng. Wang-Lee: “Ito’y nakakasanayang lasa.”
Ihinto ang Pagiging Sagad Na!
Dumarami ang lahat ng uri ng kaigtingan, at nagbigay si Ellen McGrath, isang sikologo na sumusulat sa magasing Health sa Estados Unidos, ng ilang pamamaraan upang maingatang huwag humantong sa pagkasagad (burnout) ang kaigtingan sa inyong buhay.
◼ Magpahingalay nang sandali, anumang pagpapahingalay: Maglakad nang sampung minuto o dahan-dahang huminga nang malalim sa loob ng limang minuto. Maglaan ng 15 minuto upang makapagbasa o makapagmuni-muni sa pasimula at pagtatapos ng bawat araw.
◼ Pangasiwaan ang iyong buhay: Palibutan ang iyong sarili ng mga bagay na makapagpapangiti sa iyo—mga larawan, bulaklak, o munting mga alaala. Patiunang gawin ang iyong iskedyul at isaayos ang di-gaanong maigting na panahon upang gawin ang mahahalagang bagay.
◼ Kumaing mabuti: Huwag magtrabaho hanggang sa gutom na gutom ka na o basta magmiryenda ng sitsirya—gaano ka man kaabala. Ang malimit na pagkain ng puro prutas at gulay ay makatutulong sa iyo na maiwasan ang pagkahapo.
◼ Palaging kumilos: Ang puspusang pag-eehersisyo ay makababawas ng kaigtingan at magpapasidhi sa pagkadama ng pagkakontento at pagkontrol sa buhay. Gawin itong kasiya-siya!
Iwasan ang Pagkalason sa mga Bata
Ang mga bata ay nanganganib na malason sa kanilang sariling mga tahanan sa pamamagitan ng pag-inom ng kasing-unti ng isang tableta ng gamot na hindi para sa kanila, sabi ng magasing FDA Consumer. Ang pag-inom ng mga gamot, mga pambahay na kemikal, at inuming de alkohol ay maaaring maging sanhi ng sakit at maging pagkamatay pa nga ng isang paslit. Kaya, ang mga produktong ito ay dapat na ilagay sa dako na hindi nila maaabot at makikita. Ang labis na dosis ng suplementong iron, kasama na ang mga bitamina ng mga bata, ay dapat na lalong bigyang pansin. “Dahil sa [ang mga bitaminang pambata] ay ipinagbibili na animo’y kendi o mga karakter ng cartoon, ito’y nagtitinging gaya ng kendi at hindi gaya ng gamot,” ang paliwanag ni Dr. George Rodgers ng Kentucky Regional Poisoning Center, E.U.A. Kapag ang bata ay nagkaroon ng di-pangkaraniwang mga sintomas, gaya ng di-normal na galaw ng mata o labis na pag-aantok, o kung masumpungang bukas ang isang bote ng pildoras, agad-agad na tumawag sa doktor o sa center na sumusugpo sa pagkalason, at wastong sundin ang kanilang mga tagubilin, ang payo ng mga eksperto.
Pagbabasa—“Unti-unting Pagkamatay”?
Ayon sa isang surbey na isinagawa sa Italya para sa Association of Small Publishing Houses, noong nakaraang taon 80 porsiyento ng mga Italyano ay “hindi kailanman nagbukas ng aklat, o kung nagbukas man sila, hindi man lamang nila matandaan ang titulo ng aklat o pangalan ng sumulat.” Dati-rati, ang paggawi, pagkilos, at buhay ng mga Italyano ay higit na naiimpluwensiyahan ng mga bagay na nakikita, kasali na ang telebisyon, kaysa mga nababasa, sabi ng pahayagang La Repubblica ng Roma. “Hindi nagbabasa ang mga Italyano, at wala silang kamalay-malay na sila’y nawawalan ng mahalagang bagay,” sabi ng pahayagan. Ipinakita rin ng surbey na iniuugnay ng maraming Italyano ang pagbabasa ng mga aklat sa “kawalang kakayahan na magtatag ng ‘mainit’ na ugnayang pantao” at “kawalan ng damdamin.” Ang mga di-palabasa “ay kumbinsido na ang pagbabasa ay pagsasayang lamang ng panahon,” anupat ito’y ‘isang bagay na para sa matatanda na,’ o ito pa nga’y “sanhi ng ‘unti-unting pagkamatay.’”
Mga Tawag Upang Humingi ng Tulong
Ang libreng tawag sa telepono sa buong bansa para sa mga balisang mga kabataan sa Canada ay nakatatanggap ng 4,000 tawag sa isang araw, ipinagtatapat ang “lalong malubhang kawalan ng pag-asa higit kailanman,” ulat ng pahayagang The Globe and Mail. Si Christine Simmons-Physick, direktor ng programa para sa pagpapayo, ay nagsabi: “Ang pagbabago ng [ekonomiya] na nagaganap sa daigdig ay lumilikha ng kawalang-kasiguruhan sa mga nasa hustong gulang at ito’y nakaaabot sa mga bata.” Halos kalahati sa mga tawag ay tungkol sa mga relasyon, at 78 porsiyento ay mula sa mga batang babae, na mas madaling humingi ng tulong kaysa mga batang lalaki. Tumatawag ang mga kabataan dahil sa nagbibigay ito sa kanila ng pagkakataon upang maisaalang-alang na mabuti ng isang adulto ang kanilang mga problema, sabi ni Simmons-Physick. Malimit na “ituring [ng mga magulang at ibang mga adulto] ang mga problema ng mga bata na mga bagay na lumilipas—kanilang sinasabi na malalampasan nila ito habang sila’y lumalaki,” aniya, na nagsasabi pa: “Kung ikaw ay nagpapamalas ng ganiyang saloobin, makatitiyak ka na hindi sila muling lalapit sa iyo upang humingi ng tulong.”
Naglalayag na mga Paruparo
Tuwing Marso ang animo’y ulap ng mga paruparong monarch ay naglalayag ng 800 kilometro sa kalawakan ng karagatan, nandarayuhan mula sa Mexico patungo sa isang maliit na lugar sa baybayin ng Louisiana, E.U.A. Pagkatapos ang mga monarch ay nagpapatuloy pahilaga, ang ilan ay hanggang sa kasinlayo ng Canada. Pagsapit ng Oktubre ang kanilang kaapu-apuhan ay nagbabalik sa Mexico sa gayunding ruta. Subalit bagaman nagtataglay ng pagkaliit-liit na utak, na kasinlaki lamang ng ulo ng aspili, paano nalalaman ng mga ito kung saan lilipad? Iyan ay nananatiling isang hiwaga. Iniuulat ng Enterprise-Record ng Chico, California, na ipinalalagay ng mananaliksik sa paruparo na si Dr. Gary Noel Ross na ang mga insekto ay nauugitan ng magnetismo. Ang nakalilitong katanungan ay, Paano naipapasa ang plano sa paglipad para sa paglalakbay pabalik sa Mexico sa limang henerasyon? “Ang lahat ng kasalimuutan nito ay hindi maunawaan,” sabi ni Dr. Ross.
Babala sa Bagong mga Damit
Ang mga babala tungkol sa panganib ng mga kemikal na ginagamit sa paggawa ng mga damit ay inihayag sa Pransiya, Inglatera, at Thailand, ang ulat ng magasing Asiaweek. Ang formaldehyde, isang matapang na preserbatibo na ginagamit sa mga pangkulay, ay masusumpungan sa maraming tela, at diumano ito’y nagdudulot ng mga problema sa balat, mata, at palahingahan. Ang mga nagtatrabaho sa mga pagawaan ng tela ay maaaring manganib malibang may tamang bentilasyon at tuyo ang kanilang mga pabrika, ayon sa ulat, at dapat na labhan ng mga mamimili ang anumang bagong damit bago ito isuot, upang maiwasan ang posibleng malulubhang reaksiyon.
Krimen at mga Tin-edyer sa Russia
Sa St. Petersburg, Russia, “ang krimeng ginagawa ng mga kabataan ay nagiging lalong brutal at sinasadya,” ang ulat ng The St. Petersburg Press. Halimbawa, sa isang paaralan sa lunsod noong 1995, isang 13-taóng-gulang na batang lalaki ang iginapos at binugbog hanggang sa mamatay pagkatapos lamang niyang matapos ang mga eksamen sa dulo ng taon. Ang pagkabahala sa bahagi ng mga magulang at mga guro sa marahas na krimen sa paaralan ang pinagmulan ng pantanging lektyur para sa mga batang mag-aaral tungkol sa “Pangunahing mga Bagay Para sa Kaligtasan,” kasali na ang “Pangunahing mga Bagay sa Medisina” para sa mga batang babae. Sa isang seminar na may lektyur na para naman sa mga guro, isiniwalat na 25 porsiyento ng mga dalagita na nasa haiskul sa lunsod ang nag-iisip na ang prostitusyon ay isang mahalagang bahagi ng buhay sa Russia. Isa pa, ang dami ng aborsiyon sa gitna ng mga batang babae na nasa edad na 17 at mas bata pa ay ipinalalagay na nadoble sa loob ng nakalipas na limang taon, ayon sa Populi, ang magasin ng United Nations Population Fund.