“Hindi Ko Kasalanan Ito”
GAANO kadalas mong naririnig na may nagsasabi, ‘Ikinalulungkot ko. Kasalanan ko ito. Ako ang lubusang may pananagutan!’? Bihira nang marinig ang gayong simpleng katapatan. Sa katunayan, sa maraming kaso, kahit na kung inamin ang isang pagkakamali, ginagawa ang lahat ng pagsisikap upang ipasa ang sisi sa iba o pagaanin ang mga kalagayan na doo’y sinasabi ng nagkamali na wala siyang magawa.
Sinisisi pa nga ng iba ang kanilang mga gene! Subalit makatuwiran ba ito? Kinukuwestiyon ng aklat na Exploding the Gene Myth ang mga layunin at bisa ng ilang aspekto ng pananaliksik sa gene. Ganito ang mapanuring hinuha ng Australianong peryodistang si Bill Deane, sa kaniyang rebista sa aklat: “Ang mga deterministang panlipunan kamakailan ay tila naniniwala na nasumpungan nila ang halos di-nagkakamaling katibayan upang alalayan ang kanilang pilosopiya na walang sinuman ang dapat managot sa kanilang mga kilos: ‘Wala siyang magawa kundi laslasin ang lalamunan nito, Kagalang-galang na Hukom—ito’y nasa kaniyang mga gene.’”
Hindi Talaga Isang Bagong Hilig
Palibhasa ang salinlahing ito ay mabilis na nagiging ang tinatawag ng isang manunulat na ang “hindi-ako” na salinlahi, ang hilig na ito ay waring lumalaganap. Gayunman, isinisiwalat ng nakaulat na kasaysayan na ang pagpasa ng sisi sa iba, pati na ang dahilan na “Talagang hindi ako ang dapat sisihin,” ay umiral na mula noong pasimula ng tao. Ang reaksiyon nina Adan at Eva pagkaraan ng kanilang unang pagkakasala, ang pagkain ng bungangkahoy na ipinagbawal ng Diyos, ay isang kilalang halimbawa ng pagpasa ng sisi. Iniuulat ng salaysay sa Genesis ang pag-uusap na naganap, na ang Diyos ang unang nagsasalita: “‘Mula sa punungkahoy na doon ay ipinag-utos ko sa iyo na huwag kumain ikaw ba ay kumain?’ At ang lalaki ay nagsabi: ‘Ang babae na ibinigay mo upang maging kasama ko, siya ang nagbigay sa akin ng bunga mula sa punungkahoy kung kaya ako ay kumain.’ Sa gayon ay sinabi ng Diyos na Jehova sa babae: ‘Ano itong ginawa mo?’ Dito ang babae ay tumugon: ‘Ang serpiyente—nilinlang ako niyaon kung kaya ako ay kumain.’”—Genesis 3:11-13.
Mula noon, ang mga tao ay nag-imbento ng iba’t ibang anyo ng paniniwala at naghanap ng sari-sari’t pambihirang mga dahilan na magpapawalang-sala sa kanila mula sa anumang tunay na pananagutan para sa kanilang mga kilos. Kapansin-pansin na kabilang dito ang sinaunang paniniwala sa kapalaran. Isang babaing Budista na taimtim na naniniwala sa Karma ang nagsabi: “Akala ko’y walang kabuluhang magdusa dahil sa isang bagay na taglay ko nang ako’y isilang ngunit wala akong kaalam-alam. Kailangang tanggapin ko ito bilang aking kapalaran.” Palibhasa’y naturuan tungkol sa doktrina ng predestinasyon gaya ng itinuro ni John Calvin, karaniwan din sa Sangkakristiyanuhan ang paniniwala sa kapalaran. Kadalasang sinasabi ng mga klerigo sa nagdadalamhating mga kamag-anak na kalooban ng Diyos ang isang aksidente. Gayundin, isinisisi ng ilang may mabuting intensiyong mga Kristiyano kay Satanas ang lahat ng pagkakamali sa kanilang buhay.
Ngayon, nasasaksihan na natin ang paggawi nang walang pananagutan na tinatanggap ng batas at ng lipunan. Tayo’y nabubuhay sa isang panahon ng dumaraming karapatan at umuunting mga pananagutan ng mga indibiduwal.
Ang pananaliksik sa paggawi ng tao ay nakagawa ng ipinalalagay na siyentipikong katibayan anupat inaakala ng ilan na maaari nilang pagbigyan ang paggawi na mula sa imoralidad hanggang sa pagpaslang. Ito ang isinasalamin ng pananabik ng lipunan na ipasa ang sisi sa anumang bagay o sa sinuman maliban sa indibiduwal mismo.
Kailangan natin ng mga sagot sa mga tanong na gaya nito: Ano bang talaga ang natuklasan ng siyensiya? Ang paggawi ba ng tao ay tinitiyak lamang ng ating mga gene? O sinusupil ba kapuwa ng panloob at panlabas na mga puwersa ang ating paggawi? Ano bang talaga ang ipinakikita ng katibayan?