Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w95 2/1 p. 26-29
  • Kaninong Kasalanan Iyon?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kaninong Kasalanan Iyon?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kahirapan sa Pananalapi
  • Pagkabigo sa mga Anak
  • Pagkabigong Sumulong sa Espirituwal
  • Ang Pinakahuling Dahilan
  • Pagharap sa Katotohanan
  • Paano Ko Mapahihinto ang Palaging Paninisi sa Akin?
    Gumising!—1997
  • Pagkakamali, Paghahanap ng Pagkakamali
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Hindi si Jehova ang Dapat Sisihin
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • “Hindi Ko Kasalanan Ito”
    Gumising!—1996
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
w95 2/1 p. 26-29

Kaninong Kasalanan Iyon?

ANG unang lalaki, si Adan, ang nagpauso. Pagkatapos na siya’y magkasala sinabi niya sa Diyos: “Ang babaing ibinigay mo upang aking makasama, siya ang nagbigay sa akin ng bunga ng punungkahoy at aking kinain.” Sa pinakadiwa, sinabi niya: “Hindi ko kasalanan iyon!” Ang unang babae, si Eva, ay gayundin ang ginawa nang sabihin niya: “Ang ahas​—ito ang luminlang sa akin at ako’y kumain.”​—Genesis 3:12, 13.

Sa gayon ay nagkaroon ng pamarisan sa halamanan ng Eden sa pagtanggi ng mga taong managot sa kanilang sariling mga gawa. Nagkaroon ka na ba ng ganitong damdamin? Kapag bumangon ang mga suliranin, agad mo bang isinisisi ito sa iba? O sinusuri mo ba ang kalagayan at tinitingnan kung sino talaga ang may kasalanan? Sa pang-araw-araw na buhay, napakadaling mahulog sa silo na isisi sa iba ang ating mga pagkakamali at magsabing, “Hindi ko kasalanan iyon!” Masdan natin ang karaniwang mga kalagayan at tingnan kung ano ang hilig na gawin ng ilang tao. Mas mahalaga pa nga, isiping mabuti kung ano ang iyong gagawin sa ilalim ng magkaparehong kalagayan.

Kahirapan sa Pananalapi

“Hindi ko kasalanan iyon​—ito’y dahil sa kabuhayan, mandarayang mga negosyante, mataas na bilihin,” ang maaaring sabihin ng ilan kapag nasumpungan nila ang kanilang sarili na nakalubog sa suliranin ng pananalapi. Ngunit talaga nga bang dapat isisi sa mga dahilang ito? Marahil sila’y inakay ng walang-katiyakang mga kalagayan sa nakapag-aalinlangan o mapagsapalarang pagbabaka-sakali sa negosyo. Kung minsan nadaraig ng kasakiman ang pagiging makatarungan, at nasusumpungan ng mga tao ang kanilang sarili na lumalangoy sa agos ng walang-katiyakang negosyo, anupat madaling nasisila ng mga pating. Nalilimutan nila ang kasabihang, “Kung ito’y waring napakabuti naman para maging totoo, malamang na gayon na nga.” Naghahanap sila ng mga payo na ibig nilang marinig, ngunit kapag lumitaw na ang pangit na katotohanan ng paghihirap sa pananalapi, isinisisi nila iyon sa iba. Ito, bagaman nakalulungkot sabihin, kung minsan ay umiiral maging sa Kristiyanong kongregasyon.

Ang iba’y nasilo sa isang kalokohan o mapandayang pakana ng pamumuhunan, gaya ng pagbili ng mga brilyante na sa totoo’y wala naman, pagtustos sa popular na mga programa sa telebisyon na agad namang humina sa publiko, o paggastos sa pagpapaganda ng mga lupang ipinagbibili na bumagsak naman. Ang pagkagahaman sa kayamanan ay maaaring magpakulimlim sa kanilang memorya hinggil sa payo ng Bibliya: “Yaong mga determinadong maging mayaman ay nahuhulog sa tukso at sa silo . . . at napagsasaksak ang kanilang mga sarili ng maraming kirot.”​—1 Timoteo 6:9, 10.

Ang walang-taros na paggasta ay maaari ring magbunga ng pagkapahamak sa pananalapi. Iniisip ng ilan na dapat silang maging katulad ng mga taong nasa mga magasing ukol sa pinakahuling moda, magbakasyon na gumugugol ng maraming salapi, kumain sa mamahaling restawran, at bumili ng pinakahuling “laruan” para sa mga adulto​—mga sasakyan para sa paglilibang, lantsa, kamera, mga gamit sa stereo. Mangyari pa, nang maglaon nakakamtan ng ilan ang mga bagay na ito sa pamamagitan ng tusong pakana at pag-iipon ng salapi. Gayunman masusumpungan niyaong mga nagmamadaling makamtan ang mga ito ang kanilang sarili na baon sa utang. Kung magkagayon, kaninong kasalanan iyon? Maliwanag na niwalang-bahala nila ang tamang payo sa Kawikaan 13:18: “Ang isang nagpapabaya sa disiplina ay dumarating sa karalitaan at kawalang-dangal.”

Pagkabigo sa mga Anak

“Kagagawan ng matatanda kung kaya iniwan ng aking mga anak ang katotohanan,” maaaring sabihin ng ilang magulang. “Hindi sila nag-ukol ng sapat na pansin sa aking mga anak.”

Totoo ngang may pananagutan ang matatanda na magpastol at mangalaga sa kawan, ngunit kumusta naman ang mga magulang mismo? Sila ba’y uliran sa pagpapamalas ng mga bunga ng espiritu ng Diyos sa lahat ng kanilang pakikitungo? Ang pampamilyang pag-aaral ba ng Bibliya ay palagiang pinangangasiwaan? Nagpapakita ba ang mga magulang ng sigasig sa paglilingkod kay Jehova at tinutulungan ang mga anak na paghandaan ito? Sila ba’y maingat sa pakikipagsamahan ng kanilang mga anak?

Gayundin, madaling sabihin ng isang magulang kung tungkol sa gawain sa paaralan: “Kasalanan ng mga guro kung kaya hindi naging mahusay ang aking anak sa paaralan. Ayaw nila sa aking anak. Kung sabagay, walang kuwenta naman ang paaralang iyan.” Subalit nakipag-ugnayan nga bang mabuti ang magulang sa paaralan? Interesado ba ang magulang sa kurikulum at pag-aaral ng anak? Nakaiskedyul ba ang kaniyang araling-bahay, at tinutulungan ba siya kung kailangan? Ang ugat ba ng problema ay may kinalaman sa saloobin o katamaran sa bahagi ng anak o ng magulang?

Sa halip na sisihin ng magulang ang pamamaraan sa paaralan, mas higit na makikinabang kung sila’y positibong kikilos upang tiyaking ang kanilang mga anak ay may tamang saloobin at na sinasamantala nila ang mga pagkakataong matuto mula sa paaralan.

Pagkabigong Sumulong sa Espirituwal

Paminsan-minsan ay naririnig natin ang isa na nagsasabi: “Mas malakas sana ako sa espirituwal, pero hindi ko kasalanan na hindi ako naging gayon. Hindi naman kasi ako masyadong pinapansin ng mga elder. Wala akong mga kaibigan. Wala kasi ang espiritu ni Jehova sa kongregasyong ito.” Samantala, ang iba naman sa kongregasyon ay may mga kaibigan, masasaya, at sumusulong na mainam sa espirituwal; at ang kongregasyon ay binibiyayaan ng pagsulong at espirituwal na kasaganaan. Kaya bakit nagkakaproblema ang ilan?

Iilan lamang ang nagnanais na maging matalik na kasama niyaong nagpapakita ng negatibo at mapagreklamong espiritu. Ang matutulis at masasakit na pananalita at walang-tigil na pagrereklamo ay talagang nakasisira ng loob. Dahil ayaw manghina sa espirituwal, nililimitahan ng ilan ang pakikisama sa gayong mga tao. Palibhasa’y inaakalang ito’y panlalamig sa bahagi ng kongregasyon, maaaring magsimula ang pandarayuhan ng isa, una’y sa isang kongregasyon, pagkatapos ay sa isa pa, at sa isa pa. Gaya ng mga mandarayuhang kawan sa mga kapatagan ng Aprika na palaging naghahanap ng mas madamong pastulan, ang “mandarayuhang” mga Kristiyanong ito ay palaging naghahanap ng tamang kongregasyon. Tunay na mas maliligayahan sila kung ang hahanapin nila, sa halip, ay ang mabubuting katangiang taglay ng ibang tao at magsisikap na maipamalas nang lubusan ang mga bunga ng espiritu ng Diyos sa kanilang sariling buhay!​—Galacia 5:22, 23.

Ginagawa ito ng ilan sa pamamagitan ng sadyang pagsisikap na makipag-usap sa iba’t ibang tao bawat pulong sa Kingdom Hall at tapat na purihin siya sa isang mabuting bagay. Maaaring iyon ay tungkol sa kaniyang mababait na anak, pagkapalagian sa mga Kristiyanong pagpupulong, mahusay-ang-pagkahandang mga komento sa Pag-aaral sa Bantayan, pagkamapagpatuloy dahil sa pagbubukas niya ng kaniyang tahanan upang maging lugar para sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat at sa mga pulong para sa paglilingkod sa larangan, at iba pa. Kung gagawin mong tunguhin na makita ang magagandang katangiang natatakpan ng di-kasakdalan, tiyak na may matutuklasan kang mararangal na katangian sa iyong mga kapatid na Kristiyano. Mapapamahal ka sa kanila, at masusumpungan mong hindi ka pala kapos sa tapat na mga kaibigan.

Ang Pinakahuling Dahilan

“Kalooban iyan ng Diyos.” “Diyablo ang sisihin mo.” Malamang na ang pinakahuling dahilan ay ang sisihin ang Diyos o ang Diyablo sa ating sariling mga pagkukulang. Totoo na maaaring naiimpluwensiyahan ng Diyos o ni Satanas ang ilang pangyayari sa ating buhay. Gayunman, ang ilan ay naniniwala na halos lahat, mabuti man o masama, sa kanilang buhay ay resulta ng pakikialam ng Diyos o ni Satanas. Para bang lahat ng nangyayari sa kanila ay hindi bunga ng kanilang sariling mga gawa. “Kung ibig ng Diyos na mapasaakin ang bagong kotseng iyan, titiyakin niya na makukuha ko iyan.”

Ang ganiyang mga tao ay namumuhay nang walang-taros, gumagawa ng pagpapasiya sa pananalapi at iba pa sa pag-aakalang pangangalagaan sila ng Diyos. Kung ang kanilang walang-pakundangang mga kilos ay magbunga ng kasakunaan, sa kabuhayan o sa iba pa, sinisisi nila ang Diyablo. Ang pagpapadalus-dalos na hindi muna ‘binibilang ang gastusin’ at pagkatapos ay sisisihin si Satanas kapag nabigo, o ang pinakamasama pa nga’y, aasahan si Jehova na makialam, ay hindi lamang pagiging pangahas kundi taliwas pa rin sa Kasulatan.​—Lucas 14:28, 29.

Tinangka ni Satanas na gawing ganito ang kaisipan ni Jesus at huwag managot sa Kaniyang mga kilos. Hinggil sa ikalawang panunukso, ganito ang ulat ng Mateo 4:5-7: “Dinala siya ng Diyablo sa banal na lunsod, at inilagay siya sa tore ng templo at sinabi sa kaniya: ‘Kung ikaw ay anak ng Diyos, magpatihulog ka; sapagkat nasusulat, “Siya ay magbibigay ng utos sa kaniyang mga anghel may kinalaman sa iyo, at bubuhatin ka nila sa kanilang mga kamay, upang kailanman ay hindi mo maihampas ang iyong paa sa bato.” ’ ” Alam ni Jesus na hindi niya maaaring asahan si Jehova na makialam kung gagawin niya ang maliwanag na kawalang paghuhunusdili, pagpapakamatay pa nga, na hakbang. Kaya, sumagot siya: “Nasusulat, ‘Huwag mong ilalagay si Jehova na iyong Diyos sa pagsubok.’ ”

Yaong mahilig na sumisi sa Diyablo o sa Diyos dahil sa kanilang nakapag-aalinlangang mga gawa ay katulad na katulad ng mga tagasunod ng astrolohiya, na ipinapalit sa Diyos o sa Diyablo ang mga bituin. Palibhasa’y lubusang naniniwala na lahat halos ng nangyayari ay hindi nila kayang pigilin, nalimutan nila ang simpleng simulain na sinabi sa Galacia 6:7: “Anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin.”

Pagharap sa Katotohanan

Walang sinuman ang tututol na tayo’y nabubuhay sa di-sakdal na sanlibutan. Ang mga suliraning tinalakay dito ay ayon sa totoong pangyayari. Pagsasamantalahan tayo ng mga tao ukol sa pananalapi. Ang ilang nagpapatrabaho ay magiging di-makatarungan. Maaaring maimpluwensiyahan ng mga kakilala ang ating mga anak sa paggawa ng masama. Kailangang pasulungin ang ilang guro at paaralan. Kung minsan ay kailangang maging mas mapagmahal at maalalahanin ang matatanda. Ngunit dapat nating aminin ang epekto ng di-kasakdalan at na, gaya ng tinutukoy ng Bibliya, “ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” Kaya hindi makatotohanang asahan na ang ating landasin sa buhay ay magiging madali sa lahat ng pagkakataon.​—1 Juan 5:19.

Karagdagan pa, dapat nating aminin ang ating sariling di-kasakdalan at mga limitasyon at maunawaan na sa maraming pagkakataon ang ating mga suliranin ay bunga ng ating sariling pagkakamali. Pinayuhan ni Pablo ang mga Kristiyano sa Roma: “Sinasabi ko sa bawat isa sa inyo na huwag mag-isip nang higit sa kaniyang sarili kaysa nararapat isipin.” (Roma 12:3) Ang payong iyan ay kumakapit sa atin sa ngayon taglay ang gayunding puwersa. Kapag may nangyaring masama sa ating buhay, hindi natin agad tutularan ang ating mga ninunong sina Adan at Eva at sasabihing: “Hindi ko kasalanan iyon!” Sa halip, tatanungin natin ang ating sarili, ‘Ano kaya ang dapat ko sanang ginawa upang maiwasan ang malungkot na nangyaring ito? Naging matalino kaya ang aking pagpapasiya sa bagay na ito at humingi ng payo mula sa isang matalinong pinagmumulan? Ipinagpalagay ko ba na walang kasalanan ang kabilang panig na nasasangkot, anupat binibigyang-dangal sila?’

Kung susundin natin ang mga simulaing Kristiyano at gagawa ng matatalinong pasiya, magkakaroon tayo ng mas maraming kaibigan at mas kakaunting suliranin. Marami sa ating di-kinakailangang suliranin sa ating pang-araw-araw na buhay ang malulutas. Makasusumpong tayo ng kagalakan sa ating pakikitungo sa iba at hindi yayamutin ng tanong na ito: “Kaninong kasalanan iyon?”

[Mga larawan sa pahina 28]

Malaki ang magagawa ng mga magulang upang matulungan ang kanilang mga anak na sumulong sa espirituwal

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share