Supilin ang Iyong Buhay Ngayon!
ANG siyentipikong pananaliksik sa paggawi at motibo ng tao ay pinakinabangan natin sa maraming paraan. Marahil tayo’y natulungang batahin ang isang karamdaman sa pamamagitan ng pagkakaroon ng isang mas malalim na pagkaunawa tungkol dito. Kasabay nito, makabubuting maging maingat pagdating sa kagila-gilalas na mga teoriya, lalo na yaong waring sumasalungat sa matatag na mga simulain.
Tungkol sa paksang genetics at paggawi, ang mga tanong na bumabangon ay: Maaari ba nating talikdan ang ating mga pananagutan at huwag managot sa ating mga ikinikilos? Maaari ba nating talikuran o sisihin pa nga ang iba o isang bagay para sa anumang kawalan ng mabuting pagpapasiya o pagkakamali, sa gayo’y nakikisama sa lumalagong bilang ng “hindi-ako” na salinlahing ito? Hindi nga. Karamihan ng mga tao ay kusang tumatanggap sa papuri para sa anumang mga tagumpay sa buhay, kaya bakit hindi rin nila tanggapin ang pananagutan sa kanilang mga pagkakamali?
Kaya, maitatanong natin, Ano ba ang sinasabi ng Salita ng Diyos, ang Banal na Bibliya, tungkol sa kung sino o kung ano ang sumusupil sa ating mga buhay sa ngayon?
Ano ba ang Pangmalas ng Bibliya?
Ang unang bagay na dapat nating kilalanin ay na tayong lahat ay ipinanganak sa kasalanang minana mula sa ating unang mga magulang, sina Adan at Eva. (Awit 51:5) Isa pa, tayo ay nabubuhay sa isang natatanging panahon, na tinatawag na “ang mga huling araw,” kung kailan ang mga tao ay nakararanas ng “panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1) Ipinahihiwatig nito na, sa pangkalahatan, nakakaharap natin ang higit na problema sa pagsasagawa ng kaayaayang pagsupil sa ating mga buhay kaysa nakaharap ng ating mga ninuno.
Gayunman, lahat ng tao ay may malayang kalooban, na makagagawa ng sarili nilang mga pagpili. Sa lawak na iyan maaari nilang supilin ang kanilang mga buhay. Gayon nga ito mula pa noong unang panahon at makikita natin sa mga pananalita ni Josue sa bansang Israel: “Piliin ninyo para sa inyong mga sarili sa araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran.”—Josue 24:15.
Kinikilala ng Bibliya na si Satanas na Diyablo ay inihagis mula sa mga langit at ngayon, higit kailanman, ay gumagamit ng matinding impluwensiya sa ikasasama ng buong lahi ng tao. Sinasabi rin nito sa atin na kahit na noong kaarawan ni apostol Juan, ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot. (1 Juan 5:19; Apocalipsis 12:9, 12) Subalit, kung paanong hindi sinusupil ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ang bawat kilos natin o itinatadhana tayo sa isang wakas na siya lamang ang nakaaalam, hindi natin dapat na tuwirang isisi kay Satanas ang bawat pagkakamali o kabiguan natin. Ang bumabalanseng maka-Kasulatang katotohanan ay na “ang bawat isa ay nasusubok kapag nahihila at naaakit ng sarili niyang pagnanasa. Kung magkagayon ang pagnanasa, kapag ito ay naglihi na, ay nagsisilang ng kasalanan.” (Santiago 1:14, 15) Isinulat ni apostol Pablo ang kinasihang pananalitang ito: “Huwag kayong palíligaw: Ang Diyos ay hindi isa na malilibak. Sapagkat anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin.”—Galacia 6:7.
Kaya tayo ay indibiduwal na pinapananagot ng Diyos na Jehova sa ating mga kilos. Dapat tayong maging maingat na huwag sikaping ipagpaumanhin ang ating mga sarili dahil sa ating henetikong kayarian at minanang mga di-kasakdalan. Pinapanagot ng Diyos ang marahas, homoseksuwal na pamayanan ng sinaunang Sodoma at Gomora dahil sa kanilang tiwaling mga gawa. Maliwanag, hindi niya itinuring ang mga naninirahan bilang kahabag-habag, sawing-palad na mga nilalang na dahil sa ilang ipinalalagay na henetikong depekto ay hindi maiwasan ang pagiging balakyot. Sa katulad na paraan, ang mga taong nabubuhay noong mga kaarawan ni Noe ay nagkaroon ng maraming masasamang impluwensiya sa paligid nila gayunman, kailangan nilang pumili, isang personal na pasiya, kung nais nilang makaligtas sa malapit nang mangyaring Delubyo. Iilan ang gumawa ng tamang pagpili. Ang karamihan ay hindi gumawa ng tamang pagpili.
Pinatutunayan ng Hebreong propeta na si Ezekiel na ang pagsupil sa sarili ay kailangan kung nais nating kamtin ang pagsang-ayon ng Diyos: “Kung tungkol sa iyo, kung iyong bababalaan ang isa na balakyot at siya’y aktuwal na hindi tumalikod mula sa kaniyang kabalakyutan at mula sa kaniyang masamang daan, siya mismo ay mamamatay sa kaniyang pagkakamali; subalit kung tungkol sa iyo, ililigtas mo ang iyong sariling kaluluwa.”—Ezekiel 3:19.
Ang Pinakamainam na Tulong na Makukuha
Mangyari pa, lahat tayo ay nangangailangan ng tulong upang isagawa ang pagsupil sa sarili sa ating araw-araw na buhay, at para sa marami sa atin, ito ay isang malaking hamon. Subalit hindi tayo dapat na masiraan ng loob. Bagaman ang ating minanang makasalanang mga hilig ay hindi kanais-nais sa Diyos, kung nais nating baguhin ang ating paggawi, naglalaan siya sa atin ng pinakamainam na tulong na makukuha—ang kaniyang banal na espiritu at ang kaniyang kinasihang katotohanan. Sa kabila ng anumang henetikong hilig na maaaring taglay natin at anumang panlabas na mga impluwensiya na maaaring makaapekto sa atin, maaari nating ‘hubarin ang lumang personalidad kasama ng mga gawain nito, at damtan ang ating mga sarili ng bagong personalidad, na sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman ay ginagawang bago alinsunod sa larawan ng Isa na lumalang nito.’—Colosas 3:9, 10.
Maraming Kristiyano sa kongregasyon sa Corinto ang gumawa ng madulang mga pagbabago sa kanilang paggawi. Ang kinasihang ulat ay nagsasabi sa atin: “Hindi ang mga mapakiapid, ni ang mga mananamba sa idolo, ni ang mga mangangalunya, ni ang mga lalaking iniingatan ukol sa di-likas na mga layunin, ni ang mga lalaking sumisiping sa mga lalaki, ni ang mga magnanakaw, ni ang mga taong sakim, ni ang mga lasenggo, ni ang mga manlalait, ni ang mga mangingikil ang magmamana ng kaharian ng Diyos. At gayunma’y ganiyan ang ilan sa inyo dati. Ngunit nahugasan na kayong malinis, ngunit pinabanal na kayo, ngunit naipahayag na kayong matuwid sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo at sa espiritu ng ating Diyos.”—1 Corinto 6:9-11.
Kaya kung tayo ay nakikipagpunyagi sa ating mga di-kasakdalan, huwag tayong sumuko sa mga ito. Maraming modernong-panahong mga Kristiyano ang nagpatunay na sa tulong ni Jehova, nagawa nilang ‘magbagong-anyo sa pamamagitan ng pagbabago ng kanilang pag-iisip at patunayan sa kanilang mga sarili ang mabuti at kaayaaya at sakdal na kalooban ng Diyos.’ Pinakain nila ang kanilang mga isip ng anumang bagay na totoo, matuwid, malinis, kaibig-ibig, may kagalingan, kapuri-puri; at kanilang “patuloy na isinaalang-alang ang mga bagay na ito.” Sila’y kumain ng matigas na espirituwal na pagkain at sa pamamagitan ng kanilang paggamit dito ay nasanay ang kanilang mga kakayahan sa pang-unawa na makilala kapuwa ang tama at ang mali.—Roma 12:2; Filipos 4:8; Hebreo 5:14.
Nakagagalak malaman ang tungkol sa kanilang mga pagpupunyagi, ang kanilang pansamantalang mga kabiguan, at ang kanilang tagumpay sa katapusan sa tulong ng banal na espiritu ng Diyos. Tinitiyak sa atin ng Diyos na ang pagbabago ng ating paggawi ay kadalasang nagsasangkot sa puso at sa pagnanasa nito: “Kapag ang karunungan ay pumasok sa iyong puso at ang kaalaman mismo ay nagiging kaayaaya sa iyo mismong kaluluwa, ang kakayahang mag-isip mismo ang magbabantay sa iyo, ang unawa mismo ay mag-iingat sa iyo, upang iligtas ka mula sa masamang daan.”—Kawikaan 2:10-12.
Kaya nga, kung nais mong gawing tunguhin mo ang buhay na walang-hanggan—buhay na walang mga suliranin ng balakyot na sanlibutan at malaya mula sa nakapanghihinang mga di-kasakdalan—‘magsikap’ na supilin ang iyong buhay ngayon at paakay sa makalangit na karunungan. (Lucas 13:24) Samantalahin mo ang tulong ng banal na espiritu ni Jehova upang makagawa ka ng bunga ng pagpipigil-sa-sarili. Gawin mo itong hangarin ng iyong puso na iayon ang iyong buhay sa mga batas ng Diyos, at sundin ang payo na: “Higit sa anumang bagay na dapat bantayan, ingatan mo ang iyong puso, sapagkat mula rito ang mga bukal ng buhay.” (Kawikaan 4:23) Ang panghahawakan sa “tunay na buhay” sa bagong sanlibutan ng Diyos—na doo’y itutuwid ng Diyos na Jehova ang lahat ng henetikong mga kakulangan salig sa pananampalataya sa haing pantubos ni Jesu-Kristo—ay sulit sa lahat ng pagsisikap na ginagawa mo upang supilin ang iyong buhay sa sanlibutang ito!—1 Timoteo 6:19; Juan 3:16.
[Larawan sa pahina 9]
Ang pag-aaral ng Bibliya ay makapagbibigay sa atin ng lakas upang mapagtagumpayan ang mga kahinaang malalim ang pagkakatanim
[Larawan sa pahina 9]
Ang pag-aaral ng Bibliya ay makatutulong sa atin na manghawakang tapat sa moral na mga pamantayan ng Diyos