Espirituwal na Imyunidad sa Moral na Pagkasira
ANG ating pisikal na organismo ay sinasalakay ng angaw-angaw na mikrobyong nagnanais makapasok sa loob natin at daigin tayo. Mabuti na lamang, may angaw-angaw na tagapagtanggol na naghihintay sa loob natin upang sunggaban ang mga ito at daigin sila. Ang kanilang pagtugon sa mga mananalakay ay kusa; hindi na pinag-iisipan pa. Gayunman, may iba pang uri ng pagsalakay na dapat nating pakaisipan kung nais nating maligtasan ito. Ito rin ay nagbabanta-buhay, at may mga puwersa sa likuran nito na lalo pang hindi nakikita kaysa pagkaliliit na mga organismo na nagdadala-ng-sakit!
Ang mga puwersang ito ay umaatake sa isip at sa puso, ang pag-iisip at ang mga damdamin. Ang nakikitang kapahayagan nito ay nakasisiya sa laman subalit ginugutom naman ang mga pangangailagan at kaligayahan ng espiritu. Sa tuso at sa napakasamang paraan, ang masa ng sangkatauhan ay naitaboy sa lalo pang lumalawak na pagkasira ng moral na sumasalot sa salinlahing ito. Kung paanong may pisikal na sistema ng imyunidad upang salagin ang pagsalakay ng mga mikrobyo at mga virus sa ating katawan, mayroon din bang imyunidad upang iligtas ang ating espirituwalidad mula sa mga maninira nito? Oo, mayroon!
Ano ang makapaglalaan ng espirituwal na mga antibody na may sapat na lakas upang magbigay ng espirituwal na imyunidad sa moral na pagkasira? Maliwanag, hindi ito magagawa ng padalus-dalos na makabagong mga pinakamabiling-aklat sa sikolohiya ni magagawa man ito ng mabibigat na mga aklat ng mga saykayatris.
Binabanggit ng isang syndicated columnist ang mas mataas na pinagmumulan ng tulong: “Imposibleng magkaroon ng isang pamayanan o bansa na may mabuting asal kung walang pananampalataya sa Diyos, sapagkat ang lahat ng bagay ay mabilis na nauuwi sa ‘akin,’ at ang sa ‘akin’ lamang ay walang kabuluhan.” Nang ang Rusong disidenteng si Aleksandr Solzhenitsyn ay hilingin na kilalanin ang problema ng ika-20 siglo, sabi niya: “Nakalimutan na ng tao ang Diyos. . . . Ang buong ikadalawampung siglo ay nahigop ng alimpuyo ng ateismo at pagsira-sa-sarili.”
Ipinahayag ng isa sa mga tagapanguna ng modernong saykayatri, si Dr. C. G. Jung, ang mahalagang sangkap para matagumpay na labanan ang pagkasira ng moral: “Sa ganang sarili ay hindi malalabanan ng indibiduwal na hindi nananalig sa Diyos ang pisikal at moral na mga panghihikayat ng sanlibutan. Dahil dito’y nangangailangan siya ng katibayan ng panloob, nakahihigit na karanasan na siya lamang makapagsasanggalang sa kaniya mula sa di-maiiwasang pagpapasakop sa masa. Ang basta intelektuwal o moral na pang-unawa . . . ay kulang ng pangganyak na puwersa ng relihiyosong paniniwala, yamang ito ay pangangatuwiran lamang.”—The Undiscovered Self, pahina 34.
Tanging ang Bibliya, kapag ito’y ikinakapit sa ating pang-araw-araw na paggawi, ang nagbibigay ng espirituwal na mga antibody na may sapat na lakas upang pangalagaan ang isip at ang puso mula sa mga antigen ng sakit na nakapaligid sa atin at ibinubuga ng tulad-palakang pagkokak ng “karumal-dumal na kinasihang mga pananalita” na aakay sa atin sa pakikipag-away sa Diyos.—Apocalipsis 16:13, 14; 1 Juan 4:1.
Espirituwal na mga Antibody Upang Pangalagaan ang Espirituwalidad
◼ Ang Salita ng Diyos ay may lakas upang baguhin ang buhay:
“Kahit ang mga mapakiapid, ni ang mga mananamba sa diyus-diyusan, ni ang mga mangangalunya, ni ang mga lalaking ukol sa di-natural na layunin, ni ang mga lalaking sumisiping ng paghiga sa mga kapuwa lalaki, ni ang mga magnanakaw, ni ang masasakim, ni ang mga lasenggo, ni ang mga mapagmura, ni ang mga mangingikil ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos. At ganiyan ang iba sa inyo dati. Ngunit kayo’y nahugasan nang malinis, ngunit kayo’y binanal na, ngunit kayo’y inaring-matuwid na sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo at taglay ang espiritu ng ating Diyos.”—1 Corinto 6:9-11.
“Sapagkat sapat na ang nakaraang panahon nang gawin ninyo ang kalooban ng mga bansa nang kayo’y lumakad sa kahalayan, sa masasamang pita, sa pagmamalabis sa alak, sa mga kalayawan, sa mga paligsahan ng pag-inom, at sa labag-kautusan na mga idolatriya. Dahil sa hindi na kayo ngayon nakikitakbong kasama nila sa ganitong takbuhin sa pusali ng pagpapakasamâ, sila’y labis na nagtataka at patuloy na nagsasalita ng masama tungkol sa inyo.”—1 Pedro 4:3, 4.
“Hubarin ang matandang pagkatao pati ang mga gawain nito, at magbihis kayo ng bagong pagkatao, na sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman ay nagbabago ayon sa larawan ng Isa na lumalang nito.”—Colosas 3:9, 10.
◼ Kung ikakapit, ang mga Kasulatan ay magsasanggalang laban sa materialismo:
“Kayo’y manatiling gising at mag-ingat kayo laban sa lahat ng uri ng kasakiman, sapagkat kahit na may kasaganaan ang isang tao ang kaniyang buhay ay hindi nanggagaling sa mga bagay na pag-aari niya.”—Lucas 12:15.
“Silang mga disididong yumaman ay nahuhulog sa tukso at sa silo . . . Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uring kasamaan.”—1 Timoteo 6:9, 10.
“Hubad na lumabas siya sa bahay-bata ng kaniyang ina, hubad na yayaon siya; at hindi magdadala ng ano mang pinagpagalan niya.”—Eclesiastes 5:15.
◼ Pangalagaan ang lupa, huwag itong dumhan, sa pisikal o espirituwal na paraan:
“At kinuha ng Diyos na Jehova ang lalaki at inilagay sa halamanan ng Eden upang kaniyang alagaan at ingatan iyon.”—Genesis 2:15.
“Ginawa ito [ng Diyos] upang tahanan.”—Isaias 45:18.
“Ang lupa ay kaniyang ibinigay sa mga anak ng mga tao.”—Awit 115:16.
“Ang lupa naman ay nadumhan sa ilalim ng mga nananahan doon . . . at silang tumatahan doon ay nasumpungang salarin.”—Isaias 24:5, 6.
“Ipapahamak [ng Diyos] ang mga nagpapahamak sa lupa.”—Apocalipsis 11:18.
◼ Iwasan ang pagkamaka-ako, ang pagsamba sa sarili:
“Patayin nga ninyo ang mga sangkap ng inyong katawan na nasa ibabaw ng lupa kung tungkol sa pakikiapid, karumihan, pagkagahaman sa sekso, masamang nasa, at kaimbutan, na ito’y idolatriya.”—Colosas 3:5.
◼ Iwasan ang masasamang kasama:
“Huwag kayong padaya. Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.”—1 Corinto 15:33.
“Siyang lumalakad na kasama ng mga taong pantas ay magiging pantas, ngunit siyang nakikitungo sa mga mangmang ay mapapariwara.”—Kawikaan 13:20.
◼ Mag-ingat laban kay Satanas at sa kaniyang sanlibutan:
“Binulag ng diyos ng sistemang ito ng mga bagay ang mga isip ng mga di-sumasampalataya.”—2 Corinto 4:4.
“Nalalaman natin na tayo’y sa Diyos, ngunit ang buong sanlibutan ay nakalugmok sa kapangyarihan ng balakyot.”—1 Juan 5:19.
“Kung ang sinuman ay umiibig sa sanlibutan, wala sa kaniya ang pag-ibig ng Ama; sapagkat lahat ng nasa sanlibutan—ang pita ng laman at ang pita ng mga mata at ang mapasikat na pagpaparangalan ng kabuhayan—ay hindi mula sa Ama, kundi mula sa sanlibutan. Isa pa, ang sanlibutan ay lumilipas at ang pita niyaon, datapuwat ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.”—1 Juan 2:15-17.
◼ Sandatahan ang inyong sarili laban sa di-nakikitang puwersa ng demonyo:
“Magbihis kayo ng buong kagayakang baluti buhat sa Diyos upang makatayo kayong matatag laban sa mga pakana ng Diyablo; sapagkat ang ating pakikipagbaka ay hindi laban sa dugo at laman, kundi laban sa . . . mga hukbo ng balakyot na mga espiritu sa mga dakong kalangitan.”—Efeso 6:11, 12.
“Salansangin ang Diyablo, at tatakas siya sa inyo. Magsilapit kayo sa Diyos, at siya’y lalapit sa inyo.”—Santiago 4:7, 8.
◼ Sundin ang ligtas na mga panuntunan at ang sakdal na huwaran:
“Ang iyong salita ay ilawan sa aking paa, at tanglaw sa aking daan.”—Awit 119:105.
“Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at mapapakinabangan sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay, sa pagdisiplina ayon sa katuwiran, upang ang tao ng Diyos ay maging ganap ang kakayahan, lubusang nasasangkapan para sa bawat mabuting gawa.”—2 Timoteo 3:16, 17.
“Si Kristo man ay nagbata alang-alang sa inyo, na kayo’y iniwanan ng halimbawa upang kayo’y sumunod nang maingat sa kaniyang mga hakbang.”—1 Pedro 2:21.
◼ Ang pag-iisip na nagbabago sa isip:
“Huwag kayong lumakad na kaayon ng sistemang ito ng mga bagay, kundi mag-iba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong isip, upang mapatunayan ninyo sa inyong sarili ang mabuti at kalugud-lugod at sakdal na kalooban ng Diyos.”—Roma 12:2.
“Ano mang bagay ang totoo, ano mang bagay ang karapat-dapat pag-isipan, ano mang bagay ang matuwid, ano mang bagay ang malinis, ano mang bagay ang kaibig-ibig, ano mang bagay ang may mabuting ulat, kung may ano mang kagalingan at kung may ano mang kapurihan, patuloy na pag-isipan ninyo ang mga bagay na ito.”—Filipos 4:8.
◼ Ang pagsasanay sa bata na sasawata sa delingkuwensiya:
“At mula sa pagkasanggol ay iyong nalalaman ang mga banal na kasulatan, na makapagpapadunong sa iyo sa ikaliligtas sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo Jesus.”—2 Timoteo 3:15.
“Sanayin mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran; at pagka tumanda man siya ay hindi niya hihiwalayan.”—Kawikaan 22:6.
“Siyang nag-uurong ng kaniyang pamalo ay napopoot sa kaniyang anak, ngunit siyang umiibig ay naglalapat sa kaniya ng disiplina.”—Kawikaan 13:24.
“Sapagkat alin ngang anak ang hindi dinidisiplina ng isang ama? Totoo, walang disiplina ang waring sa kasalukuyan ay nakapagpapaligaya, kundi nakapagpapalungkot; subalit pagkatapos, sa mga nasanay na ay namumunga iyon ng bungang mapayapa, samakatuwid nga, ang katuwiran.”—Hebreo 12:7, 11.
“Ang mga salitang ito na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito ay sasa-iyong puso; at iyong ituturo nang buong sikap sa iyong mga anak at iyong sasalitain tungkol sa kanila pagka ikaw ay nakaupo sa iyong bahay at pagka ikaw ay lumakad sa daan at pagka ikaw ay nahihiga at pagka ikaw ay bumabangon.”—Deuteronomio 6:6, 7.
“Mga anak, maging masunurin kayo sa inyong mga magulang na nasa Panginoon, sapagkat ito’y matuwid. At kayo, mga ama, huwag ninyong ibuyo sa galit ang inyong mga anak, kundi patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang-patnubay ni Jehova.”—Efeso 6:1, 4.
◼ Iwasan ang mga diborsiyo na humahantong sa mga pamilya ng nagsosolong-magulang, delingkuwensiya, droga, imoralidad sa sekso:
“ ‘Sa asawa ng iyong kabataan ay huwag sanang magtataksil ang sinuman. Sapagkat aking kinapopootan ang paghihiwalay,’ sabi ni Jehova ang Diyos ng Isreal.”—Malakias 2:15, 16.
“Sinasabi ko sa inyo na sinumang dumiborsiyo sa kaniyang asawang babae, maliban nang dahil sa pakikiapid, at mag-asawa sa iba ay nagkakasala ng pangangalunya.”—Mateo 19:9.
◼ Ang pag-ibig na aalis sa lahat ng karahasan, krimen, pagtatangi ng lahi, droga, paglalasing, pagkapoot, pagmamalabis sa iba:
“Iibigin mo si Jehova mong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong isip mo at nang buong lakas mo.” At, “Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.”—Marcos 12:30, 31.
“Lahat ng bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin sa inyo ng mga tao, gayon din ang gawin ninyo sa kanila; ito, sa katunayan, ang kahulugan ng Kautusan at ng mga Propeta.”—Mateo 7:12.
“Ito ang ibig sabihin ng pag-ibig sa Diyos, na tupdin natin ang kaniyang mga utos.”—1 Juan 5:3.
Ang Matandang Sanlibutang Ito ay Papalabas Na, Ang Bagong Sanlibutang Ito ay Papasók Na
Maraming modernong sikologo at mga saykayatris ang hindi naniniwala sa pagiging praktikal ng mga pagbabawal na ito ng Kasulatan tungkol sa paggawi. Tinatanggap ng iba ang imoralidad sa sekso at homoseksuwalidad bilang kakaiba lamang istilo-ng-buhay. Ang kaibhan sa pagitan ng tama at mali ay nagiging napakalabo samantalang tinatanggap nila ang “bagong moralidad.” Ito ay isang makabagong-panahong halimbawa ng Isaias 5:20: “Sa aba nila na nagsisitawag ng mabuti ay masama, at ng masama ay mabuti, na inaaring dilim ang liwanag at liwanag ang dilim, na inaaring mapait ang matamis at matamis ang mapait!” Gaya ng sinasabi ng Bibliya sa mga yaon: “Kayong lahat ay mga manggagamot na walang kabuluhan.” (Job 13:4) Pinapayagan nila ang espirituwal na mga antigen ng sakit; wala silang inireresetang espirituwal na mga antibody upang labanan ang mga ito.
Pinatutunayan ng mga kalagayan na ang matandang sanlibutang ito ay nasa “mga huling araw” na nito, upang palitan ng isang bagong sanlibutan ng katuwiran. “Ang mga langit at ang lupa ngayon ay iningatan para sa apoy at inilalaan para sa araw ng paghuhukom at paglipol sa mga taong masasama. Ngunit mga bagong langit at isang bagong lupa ang hinihintay natin ayon sa kaniyang pangako, at sa mga ito’y tatahan ang katuwiran.”—2 Timoteo 3:1-5; 2 Pedro 3:7, 13.
Makikita ng bagong sanlibutan ang wakas ng dalamhati, sakit, at kamatayan at bubuksan ang daan sa buhay na walang-hanggan sa isang paraisong lupa: “Walang mamamayan ang magsasabi: ‘Ako’y may sakit.’” (Isaias 33:24) “Papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng hirap pa man.” (Apocalipsis 21:3, 4) At ang reseta sa pagkakamit ng sanlibutang iyon ay ibinigay sa Juan 17:3: “Ito’y nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong sinugo, si Jesu-Kristo.”