Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 9/22 p. 21-23
  • Paano Ako Magsasayá?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paano Ako Magsasayá?
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Paggawa Nang Sama-sama
  • Sosyal na Pagtitipon na Nakapagpapatibay
  • Kasiyahan ng Pamilya
  • Kapag Nag-iisa Ka
  • “Kasiyahan” sa Paglilingkod kay Jehova
  • Bakit Hindi Ako Maaaring Magsaya Paminsan-minsan?
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas
  • Bakit ang Saya-Saya ng Ibang mga Kabataan?
    Gumising!—1996
  • Kaayaayang Libangan na Nagpapaginhawa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
  • Paano Magiging Tunay na Masaya ang Isang Pagtitipon?
    Gumising!—2011
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 9/22 p. 21-23

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Paano Ako Magsasayá?

“Sa palagay ko’y marami talaga kaming nagagawang masasayang bagay. Sa aming kongregasyon ay sinisikap namin na magkasama-sama. Kapaki-pakinabang ang pagsasaya namin. Hindi kasiya-siya para sa karamihan ng mga kabataan sa daigdig ang bagay na iyan.”​—Jennifer.

PAGLILIBANG​—ang lahat ay nangangailangan nito sa pana-panahon. Sinasabi ng The World Book Encyclopedia na ang paglilibang ay gumagawa pa nga ng “mahalagang kontribusyon sa kalusugan sa isip at sa katawan ng isang indibiduwal.” Aba, ang Bibliya mismo ay nagsasabi na may “panahon ng pagtawa,” iyon ay, panahon upang maglibang sa sarili!​—Eclesiastes 3:1, 4.a

Ang salitang “paglilibang” ay halaw mula sa katagang Latin na nangangahulugang “upang mabago, mapanumbalik, marepresko.” (Webster’s New Collegiate Dictionary) Nakalulungkot sabihin, marami sa ginagawang “kasiyahan” ng mga kabataan​—gaya ng magugulong parti o pag-abuso sa droga at alkohol o bawal na pagtatalik​—ay hindi talaga nakarerepresko, kundi kapaha-pahamak. Kaya ang pagkasumpong ng libangan na kapuwa kasiya-siya at kapaki-pakinabang ay totoong isang hamon. Subalit gaya ng sinabi ni Jennifer, na sinipi sa pasimula, ito’y magagawa!

Ang Paggawa Nang Sama-sama

Kinapanayam ng Gumising! kamakailan ang maraming kabataan hinggil sa paksang ito. Karamihan sa mga kabataan ang nagsabi na nasisiyahan silang magkatipun-tipon kasama ng ibang mga kabataan. Ganiyan din ba ang iyong nadarama—​subalit kalimitang nasusumpungan ang iyong sarili na hindi naaanyayahan? Kung gayon bakit hindi mo pasimunuan? Halimbawa, isang dalagitang taga-Timog Aprika na nagngangalang Leigh, ang nagsabi nang ganito: “Kapag gustung-gusto kong mapanood ang isang pelikula, tinatawagan ko sa telepono ang isa sa aking mga kaibigan, at ikinakalat namin ito sa iba pa naming mga kaibigan.” Karaniwang pinanonood nila ang pelikula nang maaga-aga pa. Pagkatapos, sinusundo sila ng kanilang mga magulang, at sama-sama silang kumakain sa isang lokal na restawran.

Ang mga isport ay naghaharap ng isa pang pagkakataon para sa nakapagpapalusog na ehersisyo at mabuting pagsasamahan. (1 Timoteo 4:8) Ganito ang sabi ng kabataang si Roelien: “Una muna’y ipinakikipag-usap ko sa aking pamilya kung saan ko gustong magpunta at pagkatapos ay inaanyayahan namin ang isang maliit na grupo na sumama sa amin.” Kaya naman, natuklasan ng mga kabataang Kristiyano ang kasiya-siyang mapagpipiliang mahuhusay na isport na malalahukan nila kasama ng iba pa: pag-ii-skating, pagbibisikleta, pagjo-jogging, at paglalaro ng tenis, baseball, soccer, at volleyball, na ilan lamang sa mababanggit.

Hindi, hindi mo kailangang gumugol nang malaking salapi o bumili ng mamahaling kagamitan upang magsaya. “Kami ng aking mga magulang at mga kaibigan ay gumugol ng maraming oras na nalulugod sa paglalakad nang mahaba sa kalapit na mga bundok at iláng na mga lugar,” sabi ng isang tin-edyer na Kristiyanong babae. “Ang basta lumabas upang makasagap ng sariwang hangin kasama ng mga kaibigan ay talagang kasiya-siya!”

Sosyal na Pagtitipon na Nakapagpapatibay

Gayunman, para sa maraming kabataan, ang kasiyahan ay nangangahulugan ng pagpunta sa mga sosyal na pagtitipon. “Masaya kaming nag-aanyaya sa aming bahay ng mga kaibigan upang kumain at makinig ng musika,” sabi ng kabataang si Aveda. Ang sosyal na pagtitipon ay may dako sa gitna ng mga Kristiyano. Si Jesu-Kristo ay nagpunta sa mga pantanging kainan, kasalan, at iba pang sosyal na mga pagtitipon. (Lucas 5:27-29; Juan 2:1-10) Ang sinaunang mga Kristiyano rin naman ay nagkakasiyahan kapag sila’y nagsasalu-salo sa pagkain at nagpapatibayan.​—Ihambing ang Judas 12.

Kapag pinahihintulutan ka ng iyong mga magulang na mag-anyaya para sa isang pagtitipon, ano ang maaari mong gawin upang maiwasan ang mga problema at upang matiyak ang isang masayang pagsasalu-salo para sa lahat? Ang maingat na pagpaplano ang susi. (Kawikaan 21:5) Upang ipaghalimbawa: Makatuwiran na anyayahan lamang ang iyong mga kaibigan na mapangangasiwaan mo nang mahusay ang dami. Ang maliit na pagtitipon ay malamang na hindi magiging “maingay,” o “magulong parti.”​—Galacia 5:21; Byington.

Ang mga Kristiyano noong unang siglo ay binabalaan na umiwas sa pakikisama sa mga taong “lumalakad nang walang kaayusan.” (2 Tesalonica 3:11-15) At ang tiyak na paraan upang masira ang isang pagtitipon sa ngayon ay anyayahan ang mga kabataan na kilala sa pagiging magulo at hindi masupil. Bagaman ibig mong maging maingat tungkol sa iyong mga inaanyayahan, huwag mong limitahan ang iyong sarili sa iyon at iyon ding mga kaibigan mo. “Magpalawak,” at kilalanin ang iba pa, kasali na ang mga may edad na, sa kongregasyon.​—2 Corinto 6:13.

Maghahanda ka ba ng mga makakain? Kung maghahanda ka, hindi ito kailangang maging labis-labis o magastos upang masiyahan ang iyong mga panauhin. (Lucas 10:38-42) “Kung minsan ay nagpi-pizza kami sa gabi,” sabi ni Sanchia, isang batang babae mula sa Timog Aprika. Kalimitang magboboluntaryo ang mga panauhin na magdala ng mga makakain.

Ano ang maaari ninyong gawin sa pagtitipon​—maliban pa sa basta panonood ng TV, pakikinig sa musika, o pagkukuwentuhan? “Patiuna naming ipinaplano ang gabi,” sabi ni Sanchia. “Naglalaro kami o pinagpipiyano namin ang isa, para makapagkantahan kami nang sama-sama.” Isang Aprikanong kabataan na nagngangalang Masene ang nagsabi: “Kung minsa’y naglalaro kami ng mga kard, draughts [tseker], at chess.”

Si Jennifer, sinipi sa pasimula, ay nagsabi sa Gumising!: “May elder sa aming kongregasyon na nag-anyaya sa amin na maglaro ng mga laro tungkol sa Bibliya. Kailangang may mahusay na kaalaman ka sa Bibliya upang makapaglaro nang mabuti.” Tinanong ng kinatawan ng Gumising! ang iba pang mga kabataan: “Sa palagay ba ninyo’y hindi nababagay ang paglalaro ng mga laro tungkol sa Bibliya?” Talagang sumagot sila nang, “Bagay!”

“Mapanghamon nga ito,” sabi ng isang tin-edyer na babae. “Nakatutuwa ito!” sabi ng isa pa. Kapag ginawang katuwaan ang mga laro tungkol sa Bibliya, at nasusupil ang espiritu ng kompetisyon, ang mga ito’y maaaring maging kasiya-siya at nakapagtuturo!​—Tingnan ang “Ginagawa ang mga Pagsasama-sama na Kasiya-siya gayunma’y Kapaki-pakinabang,” sa Nobyembre 22, 1972, na labas ng Gumising!

Kasiyahan ng Pamilya

Noong panahon ng Bibliya pangkaraniwan na sa mga pamilya na magkatuwaan sa ilang anyo ng paglilibang nang magkakasama. (Lucas 15:25) Gayunman, ang mga kabataang awtor ng The Kids’ Book About Parents ay nagsabi na “ang mga magulang at mga bata sa ngayon ay labis na abala anupat wala nang sinuman ang may panahon para magplano ng mga gagawin . . . Inaakala namin na mahalaga para sa mga magulang at mga bata na tiyaking gumugol ng panahon na magkakasama bawat linggo sa paggawa ng mga bagay na basta nakasisiya.”

“Biyernes ang araw namin sa pamilya,” sabi ng isang kabataang Aprikano na nagngangalang Paki. “Karaniwang naglalaro kami nang sama-sama.” At huwag nating kalimutan ang iyong mga kapatid. Ganito ang sabi ng kabataang si Bronwyn: “Natutuwa akong gumuhit at gumawa ng iba pang artistikong bagay na kasama ng aking nakababatang kapatid na babae.” Maaari ka bang manguna at magmungkahi ng nakasisiyang gawain na gagawing kasama ng iyong pamilya?

Kapag Nag-iisa Ka

Kumusta naman kapag nag-iisa ka? Hindi ibig sabihin niyan na kailangan kang mabagot at malungkot. Napakaraming kapaki-pakinabang, nakasisiyang paraan upang gamitin ang gayong mga panahon. Halimbawa, ang mga libangan. Sapol noong panahon ng Bibliya nasumpungan ng mga lalaki’t babae ang pag-aaral ng musika na nakapagpapasulong. (Genesis 4:21; 1 Samuel 16:16, 18) “Ako’y nagpipiyano,” sabi ni Rachel. “Ito’y isang bagay na maaari mong gawin kapag nababagot ka.” Kung hindi ka naman mahilig sa musika, maaaring masiyahan ka sa pag-aaral ng pananahi, paghahalaman, pangongolekta ng selyo, o pagkatuto ng isang banyagang wika. Bilang karagdagang mabuting bagay, maaari mong mapasulong ang ilang kasanayan na magiging kapaki-pakinabang sa darating na mga taon.

Sinasabi sa atin ng Bibliya na ang mga lalaking may pananampalataya, gaya ni Isaac, ay nagkaroon ng mga panahon ng pag-iisa upang makapagbulay-bulay. (Genesis 24:63) Isang Austrianong kabataang lalaki na nagngangalang Hans ay nagsabi: “Paminsan-minsan, basta nagpupunta ako sa isang tahimik na lugar sa hardin at nauupo upang pagmasdan ang paglubog ng araw. Ito’y nagdudulot sa akin ng higit na kaluguran at nakatutulong sa akin na maging mas malapit sa aking Diyos, si Jehova.”

“Kasiyahan” sa Paglilingkod kay Jehova

Inihula ng Bibliya na si Kristo ay makasusumpong ng “kasiyahan” sa paglilingkod sa Diyos na Jehova. (Isaias 11:3) At bagaman ang sagradong paglilingkod sa Diyos ay hindi naman talaga paglilibang, ito’y maaaring nakarerepresko at nakalulugod.​—Mateo 11:28-30.

Ginugunita ni Hans, na kasisipi pa lamang, ang isa pang kasiya-siyang karanasan. Aniya: “Gusto naming magkakaibigan na alalahanin ang mga dulo ng sanlinggong iyon na ginugol namin sa paggawa sa lugar na pinagtatayuan ng Assembly Hall [para sa pagsamba]. Natutuhan naming gumawa nang sama-sama, at mas nakilala naming mabuti ang isa’t isa. Kapag ginugunita ito, may kasiyahan kaming nadarama na kami’y nakagawa ng isang bagay na kapaki-pakinabang na nakatutuwa rin naman.”

Ang pagpapatotoo ng mga kabataang Kristiyanong ito ay totoong nagbibigay-liwanag lamang sa isang bagay: Hindi mo kailangang mapag-iwanan kung may kinalaman sa pagsasaya. Sundin ang mga simulain ng Bibliya. Maging mapanlikha! Magpasimuno ka sa kapaki-pakinabang na paraan! Masusumpungan mo na masisiyahan ka sa mga paraan na makapagpapatibay sa iyo at hindi makapagpapahina sa iyo.

[Talababa]

a Tingnan ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit ang Saya-Saya ng Ibang mga Kabataan?” sa aming labas ng Hulyo 22, 1996.

[Blurb sa pahina 22]

“Ang basta lumabas upang makasagap ng sariwang hangin kasama ng mga kaibigan ay talagang kasiya-siya!”

[Larawan sa pahina 23]

Hindi mo kailangang gumugol ng malaking salapi upang magkasiyahan kasama ng mga kaibigan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share