Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 10/8 p. 3-5
  • Nasaan ang Bansang Walang Krimen?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Nasaan ang Bansang Walang Krimen?
  • Gumising!—1996
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Krimen Ba ay Isang Tunay na Panganib sa Iyo?
    Gumising!—1986
  • Nagsisikap na Lutasin ang Krimen
    Gumising!—1996
  • Bigong Pakikibaka Laban sa Krimen
    Gumising!—1998
  • Bakit Napakaraming Krimen?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 10/8 p. 3-5

Nasaan ang Bansang Walang Krimen?

Ang kaniyang libing ay isa sa pinakamalaki na nasaksihan sa Moscow sa loob ng mga taon. Libu-libong tao ang pumila sa mga lansangan upang ipahayag ang kanilang paggalang sa kabataang Ruso na ang buhay ay biglang nagwakas noong Marso 1, 1995, dahil sa pataksil na pagbaril. Binaril hanggang mamatay doon mismo sa bungad ng kaniyang pinto, si Vladislav Listyev, na ipinahayag na peryodista ng taon noong 1994, ay isang napakapopular na personalidad sa telebisyon.

WALA pang tatlong linggo pagkaraan niyan, noong Marso 20, ang sistema sa subwey ng Tokyo ay nasa abalang oras nito sa umaga nang ito’y biglang-biglang hagisan ng nakalalasong gas. Ilan ang namatay; marami pang iba ang malubhang napinsala.

Pagkatapos, noong Abril 19, ang Lunsod ng Oklahoma ay naging tampulan ng pansin ng mga nanonood ng telebisyon sa buong daigdig. May pagkasindak na pinanood nila habang hinihila ng mga manggagawang sumasagip ang bugbog na mga katawan mula sa nagibang gusaling pederal na kaguguho lamang dahil sa isang bomba ng terorista. Ang bilang ng mga nasawi ay 168.

Noong dakong huli ng Hunyo ng taóng ito, isa pang katulad na pagsalakay, malapit sa Dhahran, Saudi Arabia, ang pumatay ng 19 na Amerikano at mga 400 ang nasugatan.

Inilalarawan ng apat na pangyayaring ito kung paano lumalaki ang krimen. Ang “normal” na krimen ay patuloy na nadaragdag sa malupit na mga gawa ng terorismo. At ang lahat ng apat na pangyayari​—bawat isa’y sa sariling partikular na paraan​—ay nagpapakita kung gaano kahina ang lahat sa pagsalakay ng krimen. Ikaw man ay nasa bahay, sa trabaho, o sa lansangan, maaari kang maging isa sa mga biktima ng krimen. Oo, ipinakita ng isang surbey sa Britanya na halos tatlong ikaapat ng mga Britano ang nag-iisip na sila ay malamang na maging biktima ng isang krimen ngayon kaysa noong nakalipas na sampung taon. Maaaring kahawig nito ang kalagayan kung saan ka nakatira.

Inaasam-asam ng masunurin-sa-batas na mga mamamayan ang isang pamahalaan na hindi lamang susugpo sa krimen. Gusto nila ang isang pamahalaan na talagang lulutas dito. At bagaman maaaring ipinakikita ng paghahambing ng dami ng krimen na ang ilang pamahalaan ay mas mahusay sa paghadlang sa krimen kaysa ibang pamahalaan, ipinakikita ng panlahat na kalagayan na ang pamahalaan ng tao ay natatalo sa pakikipaglaban nito sa krimen. Gayunman, makatotohanang maniwala na malapit nang lutasin ng pamahalaan ang krimen. Ngunit aling pamahalaan? At kailan?

[Kahon/Mapa sa pahina 4, 5]

ISANG DAIGDIG NA PUNO NG KRIMEN

EUROPA: Isang Italyanong aklat (“Ang Pagkakataon at ang Magnanakaw”) ang nagsabi na sa maikling panahon, ang bilang ng mga krimen laban sa ari-arian sa Italya ay “umabot sa pinakamataas na bilang na dati-rati’y itinuturing na imposible.” Ang Ukraine, isang republika ng dating Unyong Sobyet, ay nag-ulat ng 490 krimen sa bawat 100,000 katao noong 1985 at 922 noong 1992. Ang bilang ay patuloy na tumataas. Hindi kataka-taka na isang pahayagang Ruso (“Mga Argumento at Katotohanan”) ay sumulat: “Tayo’y nangangarap na mabuhay​—na manatiling buháy​—na makaligtas sa nakatatakot na yugtong ito ng panahon . . . takot na sumakay ng tren​—maaari itong madiskaril o gawan ng bandalismo; takot na sumakay ng eroplano​—madalas ang mga pag-hijack o maaaring bumagsak ang eroplano; takot na sumakay sa subwey​—dahil sa mga banggaan o mga pagsabog; takot na maglakad sa mga lansangan​—maaaring mapagitna ka sa dalawang nagbabarilang pangkat o mapagnakawan, mahalay, mabugbog, o mapatay; takot na sumakay sa isang kotse​—ito’y maaaring sunugin, pasabugin, o nakawin; takot na pumasok sa mga pasilyo ng apartment, mga restawran, o mga tindahan​—maaari kang masaktan o mapatay sa alinman dito.” Itinulad ng magasing HVG ng Hungary ang isang maaraw na lunsod sa Hungary sa “hedkuwarters ng Mafia,” na sinasabing sa nakalipas na tatlong taon, ito ang “pinagmumulan ng bawat bagong uri ng krimen . . . Ang sunud-sunod na kawing ng takot ay tumitindi yamang nakikita ng mga tao na hindi handang labanan ng pulisya ang mga Mafia.”

APRIKA: Ang Daily Times ng Nigeria ay nag-ulat na ang “mga pamantasan at mga kolehiyo” sa isang bansa sa Kanlurang Aprika ay dumaranas ng “isang daluyong ng sindak, na gawa ng mga miyembro ng sekretong mga kulto: halos hanggang sa punto na hadlangan ang pagsasakatuparan ng anumang makabuluhang akademikong pagsulong.” Sabi pa nito: “Ang daluyong ay lalong lumalaganap, na may kasama pang pagkawala ng mga buhay at ari-arian.” Tungkol naman sa isa pang bansa sa Aprika, ang The Star ng Timog Aprika ay nag-ulat: “May dalawang anyo ng karahasan: alitan sa pagitan ng mga pamayanan, at ordinaryong kriminal na karahasan. Ang una ay lubhang nabawasan, ang ikalawa ay dumami.”

MGA BANSA SA AMERIKA: Ang The Globe and Mail ng Canada ay nag-ulat ng pagdami ng marahas na krimen sa Canada nito lamang yugto ng 12 magkakasunod na taon, pawang “bahagi ng kausuhan na lumikha ng 50-porsiyentong pagdami ng karahasan sa nakalipas na dekada.” Samantala, ang El Tiempo ng Colombia ay nag-ulat na sa Colombia, 1,714 na pagkidnap ang nangyari noong nakaraang taon, “isang bilang na mahigit sa doble ng lahat ng pagkidnap na naitala sa iba pang bahagi ng daigdig noong panahon ding iyon.” Ayon sa Kagawaran ng Hustisya ng Mexico, nagaganap ang krimen sa sekso sa kabisera nito tuwing ikaapat na oras noong nakaraang taon. Binanggit ng isang babaing tagapagsalita na ang ika-20 siglo ay kinakitaan ng pagbaba sa halaga ng mga indibiduwal. “Tayo’y nabubuhay sa isang salinlahi ng gamitin ito at itapon ito,” hinuha niya.

OCEANIA: Tinataya ng Institute of Criminology sa Australia na ang krimen doon ay nagkakahalaga ng “hindi kukulanging $27 bilyon taun-taon, o halos $1600 para sa bawat lalaki, babae at bata.” Ito’y “halos 7.2 porsiyento ng kabuuang produkto ng bansa.”

SA BUONG DAIGDIG: Binabanggit ng aklat na The United Nations and Crime Prevention “ang patuloy na pagdami ng gawaing kriminal sa buong daigdig noong mga taon ng 1970 at 1980.” Ang sabi nito: “Ang bilang ng naitalang krimen ay tumaas mula sa halos 330 milyon noong 1975 tungo sa halos 400 milyon noong 1980 at tinatayang nakaabot ng kalahating bilyon noong 1990.”

[Picture Credit Line]

Mapa at globo: Mountain High Maps® Karapatang-sipi © 1995 Digital Wisdom, Inc.

[Picture Credit Line sa pahina 3]

Ang lupa sa mga pahina 3, 6, at 9: Larawan ng NASA

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share